Mga Calling sa Ward o Branch
Adiksyon


“Adiksyon,” Counseling Resources (2020).

“Adiksyon” Counseling Resources.

Adiksyon

3:35

Ang adiksyon ay ang patuloy na pagdepende sa mapaminsalang bisyo o sangkap. Ang anumang uri ng adiksyon ay nangangahulugan ng pagsuko at pagdepende sa isang sangkap o bisyo. Ang mga adiksyon ay maaaring humantong sa hindi pagtupad ng mga importanteng obligasyon sa trabaho, paaralan, o tahanan. Maaaring humantong ang mga ito sa panloloko at pangangatwiran sa mga maling pagpili. Marami sa mga taong may problema sa adiksyon ay nakadarama ng matinding kalungkutan at kawalan ng pag-asa.

Hangaring Makaunawa

Ang pagtalakay sa adiksyon ay maaaring mahirap, at maaaring ikatakot o ikahiya ng mga tao. Sa pakikipag-usap mo sa mga indibiduwal, pasalamatan sila sa kanilang tapang na humingi ng tulong. Hangaring magpakita ng pagmamahal at pagdamay na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas.

Pag-isipang itanong nang may panalangin ang katulad ng mga sumusunod o pag-usapan ang tungkol sa sitwasyon upang matulungan kang mas maunawaan ang adiksyon ng tao at malaman ang kanyang mga pangangailangan.

  • Ikuwento mo sa akin ang nangyayari.

  • Paano nagsimula ang problemang ito?

  • Ano ang pinakamalaking hamon para mapaglabanan ang adiksyong ito?

  • Anong mga pagsisikap ang nagawa mo na para malampasan ang hamong ito? Ano sa mga ito ang nakatulong na sa iyo?

  • Paano ka matutulungan ng Panginoon na mapaglabanan ang iyong adiksyon?

  • Sino pa ang nakakaalam nito at anong uri ng suporta ang ibinibigay nila sa iyo?

Tulungan ang Indibiduwal

Sa pagtulong mo sa tao na malampasan ang hamong ito, isiping gamitin ang ilan sa mga sumusunod na mungkahi. Tiyaking laging magpakita ng pagmamahal at malasakit habang nagtutulungan kayo.

Tulungan ang tao na gumawa ng plano upang makaiwas o makatugon sa mga sitwasyon kung saan siya ay madaling matukso. Regular na rebyuhin ang plano kasama niya.

Ituro sa tao ang doktrina ng karapatang pumili at tulungan siyang maunawaan na hindi binabago ng mga adiksyon ang ating walang-hanggang pagkatao.

  • Ituro na ang anumang adiksyon ay maaaring malampasan sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Tulungan ang tao na maunawaan kung paano matutulungan ng Tagapagligtas ang isang tao na malampasan ang mga hamon.

  • Tulungan ang tao na makita ang kanyang identidad bilang anak ng Diyos at malaman ang kanyang sariling mga kalakasan, talento, at kakayahan.

Tulungan ang tao na matukoy ang mga pinaka-karaniwang sitwasyon na nagpapatindi sa tukso (tulad ng mga sitwasyong nakapupukaw ng mga kaisipan at pananabik na may kaugnayan sa adiksyon).

  • Alamin ang mga nadarama sa mga ganoong sitwasyon (halimbawa, mga pakiramdam ng pagkainip, kalungkutan, galit, stress, o pagod).

  • Pag-isipan kung saan, kailan, at paano nagaganap ang bawat posibleng sitwasyon.

Sabihin sa miyembro na dumalo sa isang lokal na support group na Addiction Recovery Program (ARP) o iba pang 12-step addiction recovery meeting.

Hikayatin ang tao na maging bukas at tapat sa asawa, mga magulang, o iba pang mga kapamiya tungkol sa adiksyon.

Tulungan ang tao sa paghingi ng tulong sa isang taong pinagkakatiwalaan niya.

Suportahan ang Pamilya

Hindi lang ang indibiduwal ang apektado ng adiksyon kundi maging ang mga kapamilya. Sa pakikipag-usap mo sa mga apektadong miyembro ng pamilya, tiyaking magpakita ng pagmamahal at pagdamay na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Alamin ang epekto sa asawa o pamilya ng indibiduwal at tugunan ang mga problemang iyon.

Simulan ito sa pagtulong sa miyembro na madama na siya ay minamahal at pinakikinggan. Maaari mong sabihing, “Mahirap ang sitwasyong ito na nararanasan mo. Ano ang nararamdaman mo?”

Alamin ang anumang posibleng takot, pag-aalala, paninisi sa sarili, o kawalan ng tiwala.

Anyayahan ang asawa o mga miyembro ng pamilya na pag-aralan ang mga alituntunin sa Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling.

Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na dumalo sa support group na Addiction Recovery Program spouse and family o sa isang katulad na support group.

Ipaunawa sa mga miyembro ng pamilya kung paano sila matutulungan ng Tagapagligtas na personal na magpagaling, malampasan man o hindi ng kanilang mahal sa buhay ang adiksyon (tingnan sa Alma 7:11; Mateo 11:28–30).

Gamitin ang Resources ng Ward at Stake

Isiping hilingin sa mga lider ng ward o iba pang mga mapagkakatiwalaang indibiduwal na magbigay ng patuloy na suporta, patnubay, at tulong. Hingin ang pahintulot ng indibiduwal bago talakayin ang sitwasyon sa iba.

Ang bishop ay maaaring makipagtulungan sa indibiduwal na tumukoy ng isang mapagkakatiwalaang tao para maging mentor nito, at hikayatin silang dalawa na magtakda ng mga mithiin at gumawa ng plano na magtulungan.

  • Ang mentor ay dapat isang indibiduwal na panatag ang tao na makasama at mainam kung nakaranas din siya ng ganoong problema at nalampasan ito.

  • Kung menor-de-edad ang indibiduwal, dapat isali ng bishop ang mga magulang sa pagtukoy ng mentor.

Bisitahin ang Addiction Recovery Program website (addictionrecovery.ChurchofJesusChrist.org) para makahanap ng miting na madadaluhan ng tao sa kanyang lugar. Kung walang ganito sa lugar, maaaring kontakin ang stake president para hilingin na magsimula ng ganitong mga miting.

Alamin ang lokal na resources na nagbibigay ng mga serbisyong naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo.

  • Maaaring kabilang sa resources na ito ang mga professional counselor, mga programa sa paggamot, at mga ahensya ng gobyerno.

  • Maaaring kailangan din ng tao ng karagdagang tulong-medikal. Isiping humingi ng propesyonal na assessment upang matukoy ang angkop na antas ng pangangalaga.