“Pakikipag-usap sa mga Miyembro tungkol sa Kasarian,” Counseling Resources (2023)
“Pag-uusap tungkol sa Kasarian,” Counseling Resources
Pakikipag-usap sa mga Miyembro tungkol sa Kasarian
Kung minsa’y may mga tanong ang mga miyembro na may kaugnayan sa kanilang nadarama tungkol sa kasarian. Maaaring mayroon silang mga kapamilya o kaibigan na may gayong mga tanong. O maaaring pinag-iisipan nila ang mga narinig nila sa mundo tungkol sa kasarian.
Kung lumapit sa iyo ang mga miyembro na humihingi ng payo tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa kasarian, mapanalanging hangarin ang patnubay ng Espiritu. Tulungan silang pag-isipan ang kanilang mga tanong mula sa pananaw ng mga walang-hanggang katotohanan ng plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Sa pakikinig nang may pagmamahal at habag, tulungan silang umasa sa Tagapagligtas para magkaroon sila ng pang-unawa at espirituwal na lakas.
Habang hinahangad mong unawain at tulungan ang mga indibiduwal na ito, isaisip ang pangangailangang suportahan ang pamilya at gamitin ang resources na available. Tingnan sa “Transgender: Supporting Others [Transgender: Pagsuporta sa Iba]” sa Tulong sa Buhay sa Gospel Library.
Mga Walang-Hanggang Katotohanan
Tayo ay minamahal na mga anak na lalaki at anak na babae ng mga magulang na nasa langit—ito ang ating pinakamahalagang pagkakakilanlan.
Nabuhay tayo sa piling ng Diyos bago tayo isinilang. Bilang Kanyang mga anak, tayo ay may potensyal na maging katulad Niya.
Ang ating pagkakakilanlan bilang anak ng Diyos ang ating pinakamataas na prayoridad.
Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022), Gospel Library; lalo na ang bahaging pinamagatang “Una: Alamin ang katotohanan kung sino kayo.”
Ang ating mga katawan bilang lalaki at babae ay nilikha ayon sa larawan ng Diyos.
Ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga anak na babae at ng mga anak na lalaki ng Ama sa Langit ay mahalaga sa Kanyang walang-hanggang plano. Ang mga pagkakaibang iyon ay nagtutulot sa atin na lumikha ng buhay, gayundin ng masasaya at walang-hanggang mga pamilya. Dahil dito, iniutos Niya na ituring natin ang ating katawan at kakayahang lumikha ng buhay bilang mga sagradong kaloob sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ng kalinisang-puri.
Tingnan din sa Genesis 1:27; 1 Corinto 11:11.
Bawat isa sa atin ay may katawan at espiritu, at ang ating katawan ay kahawig ng ating espiritu
“Ang kasarian ay isang mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago [siya isinilang], sa kanyang buhay sa mundo, at sa walang-hanggan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”).
Ang kahulugan ng salitang kasarian sa pagpapahayag tungkol sa pamilya ay ang “biological na kasarian nang isinilang.”
Nadarama ng ilang tao na hindi nagtutugma ang pagkakakilanlan ng kanilang kasarian (kung ano ang nadarama nila sa kanilang kalooban) at ang kanilang biological na kasarian. Ang gayong mga pakiramdam ay hindi makasalanan, bagama’t maaaring nakakabalisa sa mga nakakaranas nito.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks na ang kalituhan tungkol sa pagkakakilanlan ng kasarian ay “maaaring magtaglay ng iba’t ibang anyo sa iba’t ibang pagkakataon sa buhay ng isang tao.” Ang mga nagtatanong ay dapat “isipin ang magiging epekto nito at hangaring umasa at kumilos ayon sa mga walang-hanggang alituntunin” (“Manindigan para sa Katotohanan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 21, 2023], newsroom.ChurchofJesusChrist.org). Hindi nila dapat hayaan si Satanas na lituhin ang mga tao tungkol sa kasarian para ilayo sila sa Tagapagligtas o pahinain ang kanilang pananampalataya sa plano ng Ama sa Langit para sa kanilang walang-hanggang kaligayahan.
Ang kapayapaan ng isipan, espirituwal na lakas, at walang-hanggang pananaw ay matatagpuan kay Jesucristo, sa Kanyang ebanghelyo, at sa Kanyang Simbahan, kahit hindi lubos na masagot ang ilang katanungan sa buhay na ito.
“Kung nahihirapan kayo, ang isang kapamilya, o isang kaibigan sa mga isyung ito ng kalituhan sa identidad, hinihimok ko kayong iangkop kapwa ang batas ng ebanghelyo at ang pagmamahal at awa ng ating Tagapagligtas at Manunubos, na tutulung at gagabay sa inyo kung matiyaga kayong tatahak sa Kanyang mga landas. Itinuturo sa atin ni Jesucristo … ang landas na kailangan nating tahakin para matamo ang mga pinakapiling pagpapala ng ating Ama sa Langit. … Mahal at gagabayan Niya tayo habang hinahangad nating sumunod sa kung saan Niya tayo inaakay” (Dallin H. Oaks, “Manindigan para sa Katotohanan”).
Tingnan din sa Eter 3:16; Doktrina at mga Tipan 77:2–18; 88:15.
Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak, at bawat isa ay nararapat sa pagmamahal at paggalang.
Ang mga taong may tanong tungkol sa kanilang nararamdaman na may kaugnayan sa kasarian ay kadalasang nag-iisip tungkol sa kanilang relasyon sa Panginoon o sa kanilang lugar sa Kanyang Simbahan. Kahit “hindi [natin] nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay,” maaari tayong magtiwala sa Diyos at “[malaman na] mahal niya ang kanyang mga anak” (1 Nephi 11:17).
Lahat ay malugod na tinatanggap sa simbahan. Anuman ang damdamin natin tungkol sa kasarian, kailangan natin ng mabubuting kaibigan na mga huwaran ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Itinuro na sa atin ang mga sumusunod tungkol sa pagmamahal sa lahat ng mga anak ng Diyos:
“Sinumang hindi nagtatrato sa mga taong dumaranas ng mga hamon sa kanilang kasarian nang may pagmamahal at dangal ay hindi nakaayon sa mga turo ng una at pangalawang kautusan. Kaya, patungkol sa batas ng Diyos, kailangan nating tandaan na paulit-ulit nang inihayag ng Diyos na lumikha Siya ng lalaki at babae. At patungkol sa ating tungkuling mahalin ang ating kapwa, kailangan nating tandaan na inutusan tayo ng Diyos na mahalin kahit ang mga hindi sumusunod sa lahat ng mga kautusan. …
“… Ang unang payo ko ay tandaan na anuman ang sarili nating mga pagkakaiba-iba sa pagkakaiba-iba ng mga nilikha ng ating Ama sa Langit, mahal Niya tayong lahat, at ang Kanyang perpektong plano ng kaligayahan ay may puwang para sa lahat. Naipapakita natin ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit kapag sinusunod natin ang Kanyang mga kautusan at pinaglilingkuran ang Kanyang mga anak” (Dallin H. Oaks, “Manindigan para sa Katotohanan”).