“Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian (Same-Sex Attraction),” Counseling Resources (2020).
“Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian (Same-Sex Attraction),” Counseling Resources.
Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian (Same-Sex Attraction)
Maaaring makadama ng pagkaakit ang ilang miyembro sa kaparehong kasarian o tukuyin ang sarili na bakla, tomboy, o bisexual. Habang hinahangad mo ang patnubay ng Espiritu Santo at nag-uukol ka ng oras para turuan ang iyong sarili tungkol sa mga pangangailangan ng mga anak ng Diyos na dumaranas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian o kinikilala ang sarili bilang homoseksuwal, magkakaroon ka ng pag-ibig sa kapwa at madaragdagan ang kakayahan mong mag-minister.
Ang pagkaakit sa kaparehong kasarian o pagpiling gumamit ng katawagang seksuwal (tulad ng bakla, tomboy, o bisexual) ay hindi kasalanan at hindi labag sa patakaran ng Simbahan. Ang mga salitang tulad ng bakla at tomboy ay iba’t iba ang kahulugan para sa iba’t ibang tao. Ang pagtukoy sa sarili bilang homoseksuwal ay maaaring mangahulugan na naaakit ang isang miyembro sa kaparehong kasarian ngunit pinipiling huwag tumugon sa mga damdaming ito. Ang katawagang ito ay maaari ding maglarawan kung paano nila ipinapahayag ang kanilang sarili sa emosyonal, pisikal, romantikal, seksuwal, o pulitikal. Huwag ipalagay na nilalabag ng isang indibiduwal ang batas ng kalinisang-puri dahil gumagamit sila ng isang katawagang seksuwal.
Sinabi ni Elder M. Russell Ballard, “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala na ‘ang pagkaakit sa kapwa lalaki o kapwa babae ay mahirap na realidad para sa karamihan. Ang mismong pagkaakit ay hindi kasalanan, ngunit ang pagkilos ayon dito ay kasalanan. Bagama’t hindi ginusto ng mga tao na magkaroon ng gayong pagkaakit, sila naman ang nagpapasiya kung paano tutugon dito. Taglay ang pagmamahal at pang-unawa, tinutulungan ng Simbahan ang lahat ng anak ng Diyos, kabilang na [ang mga naaakit sa kapareho nila ang kasarian]” (“Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos” [debosyonal ng Church Educational System para sa mga young adult, Mayo 4, 2014], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org.)
Ang mga taong dumaranas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian na nangangakong susundin ang mga utos ng Diyos ay maaaring tumanggap ng mga calling sa Simbahan, humawak ng mga temple recommend, at tumanggap ng mga ordenansa sa templo.
Ang pinakamahalagang bagay na magagawa mo matapos isiwalat ng isang indibiduwal ang pagkaakit niya sa kaparehong kasarian ay makinig at ipadama sa kanya na tanggap siya.
Maraming alituntunin tungkol sa pagkaakit sa kaparehong kasarian ang maaari ding umangkop sa mga nakararanas ng gender dysphoria o tinutukoy ang sarili na transgender. Gayunman, magkaibang-magkaiba ang pagkaakit sa kaparehong kasarian at ang gender dysphoria. Ang mga nakararanas ng gender dysphoria ay maaaring maakit o hindi maakit sa kaparehong kasarian, at karamihan sa mga naaakit sa kaparehong kasarian ay ayaw baguhin ang kanilang kasarian.
Para sa mga turo ng Simbahan tungkol sa pagkaakit sa kaparehong kasarian, mga madalas itanong, at iba pang impormasyon na makakatulong sa mga lider, guro, magulang, at indibiduwal, tingnan ang bahaging Tulong sa Buhay at Mga Paksa ng Ebanghelyo sa ChurchofJesusChrist.org.
Hangaring Makaunawa
Ang mga naaakit sa kaparehong kasarian ay maaaring makadama ng hiya o di-pagkamarapat, kahit hindi sila tumugon kailanman sa mga damdaming ito. Maaaring natatakot silang itatakwil mo sila dahil sa mga damdaming ito, at maaaring hindi nila alam kung paano itugma ang kanilang karanasan sa mga alituntunin ng ebanghelyo.
Kapag pinayuhan mo ang mga indibiduwal na naaakit sa kaparehong kasarian, pasalamatan ang kanilang pananampalataya at tapang na talakayin sa iyo ang mga damdaming ito. Muling tiyakin sa kanila na mahal sila ng Diyos. Aminin na maaaring hindi mo lubos na nauunawaan kung ano ang pinagdaraanan nila. Ipaalam sa kanila na mahal mo sila at nais mo silang unawain. Ipahayag ang kahandaan mong maglaan ng emosyonal at espirituwal na suporta.
Mapanalanging isipin ang sumusunod na mga tanong para mas maunawaan mo ang sitwasyon. Hangaring maglaan ng kalinga at mag-ingat para maiwasang lumabis ang pagsisiyasat:
-
Maaari mo bang ikuwento sa akin ang iba pa tungkol sa iyong karanasan?
-
Paano naapektuhan ng mga damdaming ito ang iyong buhay? Paano nito naapektuhan ang buhay ng iyong mga kaibigan at pamilya?
-
Paano kita matutulungan?
-
Gusto mo bang magkita tayo nang regular para talakayin ito?
-
Ang mga katawagan ay may iba’t ibang kahulugan para sa iba’t ibang tao. Ano ang kahulugan ng salitang bakla (o tomboy, bisexual, same-sex attraction o pagkaakit sa kaparehong kasarian, at iba pa) para sa iyo?
Tulungan ang Indibiduwal
Kapag nagpayo ka sa mga indibiduwal na naaakit sa kaparehong kasarian, hindi mo kailangang ganap na maunawaan ang isyu. Ang hangarin mong umunawa at tumulong ay magpapagindapat sa iyo na tumanggap ng patnubay mula sa Espiritu habang nagmamahal at nakikinig ka.
Tulungan ang mga indibiduwal na malaman na ang mga pagkaakit sa kaparehong kasarian ay maaaring isang aspeto ng kanilang karanasan sa mundo, ngunit hindi binabago ng mga damdaming iyon ang kanilang walang-hanggan at banal na identidad bilang mga anak ng Diyos.
-
Tulungan ang mga indibiduwal na makilala ang kanilang sariling mga kalakasan, talento, at kakayahan. Hikayatin sila na hangaring malaman ang layunin ng Diyos at mahiwatigan, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ang partikular at personal na direksyon sa kanilang landas.
-
Kung nagkaroon ng seksuwal na relasyon ang indibiduwal sa kaparehong kasarian, ituro ang pagsisisi at kapatawaran sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na si Jesucristo.
-
Magbigay ng regular na payo at suporta upang hindi madama ng indibiduwal na nag-iisa siya sa paglalakbay na ito.
-
Iwasang mangako na mababawasan o mawawala ang pagkaakit sa kaparehong kasarian bilang kapalit ng katapatan.
-
Hindi dapat irekomenda ang pag-aasawa bilang paraan para mawala o mabawasan ang pagkaakit sa kaparehong kasarian.
Anyayahan ang indibiduwal na magtuon sa pagkakaroon o pagpapanatili ng malulusog na huwaran ng pamumuhay.
-
Kilalanin ang mga espirituwal na kalakasan na maaaring mabuo, o nabuo na, sa pagtugon nang may pananampalataya sa mga damdamin ng pagkaakit sa kaparehong kasarian.
-
Tulungan ang indibiduwal na maghanap ng mga pagkakataong gumawa ng makabuluhang mga kontribusyon sa kanyang pamilya at ward sa pamamagitan ng mga calling at iba pang pagkakataong maglingkod.
Hikayatin ang indibiduwal na magkaroon ng malusog at di-seksuwal na relasyon sa mga mapagkakatiwalaang indibiduwal na kapareho nila ng kasarian. Tulungan ang indibiduwal na:
-
Makahanap ng isang mapagkakatiwalaang mentor o kaibigan na makakausap nang regular para talakayin ang mga mithiin at pag-unlad.
-
Isiwalat sa mga mapagkakatiwalaang indibiduwal ang pagkaakit sa kaparehong kasarian. Ang maingat na pagsisiwalat ng mga damdaming ito ay hindi lamang nakakatulong kundi maaari ding magprotekta sa ilang indibiduwal laban sa depresyon o pananakit sa sarili.
-
Hangaring palakasin ang mga relasyon sa mapagkakatiwalaang mga kapamilya, kaibigan, kapitbahay, at katrabaho.
Ang ilang indibiduwal na naaakit sa kaparehong kasarian ay maaaring tumugon na sa mga damdaming ito at lumabag na sa batas ng kalinisang-puri:
-
Kung ang indibiduwal ay may problema sa pornograpiya, masturbation, o iba pang seksuwal na pag-uugali na hindi naaayon sa batas ng kalinisang-puri, suportahan ang kanyang mga pagsisikap na mapaglabanan ang mga hamong ito. Sumangguni sa bahaging “Addressing Pornography” sa ChurchofJesusChrist.org para sa tulong sa mga isyu sa pornograpiya.
-
Tukuyin ang pinaka-karaniwang mga sitwasyon na humahantong sa makasalanang pag-uugali.
-
Unawain ang mga damdamin sa likod ng mga sitwasyong ito (tulad ng kalungkutan o pagtatakwil).
-
Tulungan ang indibiduwal na magkaroon ng mga alternatibong tugon.
Ang ilang taong naaakit sa kaparehong kasarian ay maaaring humingi ng patnubay mula sa isang professional counselor. Ang therapy ay maaaring magpatatag sa malulusog na huwaran sa pamumuhay. Isipin ang mga sumusunod:
-
Maaaring mahirap para sa mga tao kung minsan na tingnan ang kanilang sarili nang may bukas na isipan. Ang paghahanap ng kabatiran mula sa isang professional counselor na naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay makakatulong sa maraming aspeto ng buhay, kabilang na ang mga huwaran ng depresyon at pagkabalisa, compulsive behavior, mga epekto ng pang-aabuso, at iba pang mga emosyonal na problema. Tulad ng nabanggit ni Elder Jeffrey R. Holland, ang propesyonal na tulong kung minsan ay kasinghalaga ng espirituwal na tulong (tingnan sa “Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 41).
-
Ang paghingi ng kabatiran mula sa isang professional counselor ay tanda ng kalakasan at kababaang-loob. Kung pinipili ng isang tao na humingi ng gayong tulong, dapat igalang ng iba ang karapatan niyang magpasiya kung ano ang hangad na mga kahihinatnan. Inirerekomenda ng Simbahan ang mga pamamaraang gumagalang sa “pagpapasiya ng kliyente sa kanyang sarili.”
-
Sa madaling salita, ang indibiduwal ay may karapatang ipasiya ang hangad na mga kahihinatnan, at dapat igalang ng mga therapist at counselor ang kanyang mga naisin. Para sa isang taong naaakit sa kaparehong kasarian o tinutukoy na homoseksuwal, ang counseling ay maaaring makatulong sa tao na gamitin ang kanyang seksuwalidad sa mas malusog at mas masayang mga paraan. Gayunman, hindi lahat ay nangangailangan ng counseling at therapy.
-
Kahit ang mga pagbabago sa seksuwalidad ay maaari at talagang nangyayari sa ilang tao, hindi tamang ituon ang professional treatment o panggagamot ng propesyonal sa palagay na ang isang pagbabago sa seksuwal na oryentasyon ay mangyayari o kailangang mangyari.
Kung mayroon, kontakin ang LDS Family Services para humingi ng impormasyon o kumonsulta.
Suportahan ang Pamilya
Ang pagkaakit sa kaparehong kasarian ay nakakaapekto sa mga miyembro ng pamilya at maging sa mga indibiduwal. Alamin ang epekto sa pamilya ng indibiduwal at hangaring tugunan ang mga isyung iyon.
-
Suportahan ang mga miyembro ng pamilya, kabilang na ang asawa, sa kanilang pagharap sa mga posibleng emosyong tulad ng pagkagulat, sakit, galit, pagtataksil, at pagkakonsiyensya.
-
Tulungan ang mga magulang, asawa, o iba pang miyembro ng pamilya na huwag sisihin ang kanilang sarili o ang iba para mas makatuon sila sa pangangalaga sa mga relasyon ng pamilya.
-
Hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na mahalin ang miyembro ng pamilya at tanggapin ang indibiduwal.
-
Hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na humingi ng propesyonal na suporta at payo kung kailangan.
-
Hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na humingi ng impormasyon mula sa resources ng Simbahan, tulad ng Mga Paksa ng Ebanghelyo o ng bahaging Tulong sa Buhay sa ChurchofJesusChrist.org.
Gamitin ang Resources ng Ward at Stake
Isiping hilingin sa mga lider ng ward o iba pang mga mapagkakatiwalaang indibiduwal na magbigay ng patuloy na suporta, patnubay, at tulong. Hingin ang pahintulot ng indibiduwal bago talakayin ang sitwasyon sa iba.
Alamin kung paano pinakamainam na makakapag-minister sa mga taong naaakit sa kaparehong kasarian.
-
Lumikha ng isang kapaligiran at kultura para madama ng lahat ng indibiduwal na sila ay tanggap at minamahal.
-
Isiping talakayin ang isyu sa ward council o sa isang lesson sa ikalimang Linggo. Gamitin ang mga materyal mula sa bahaging Tulong sa Buhay sa ChurchofJesusChrist.org at “Same-Sex Attraction [Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian]” sa Mga Paksa ng Ebanghelyo para maghanda ng mga lesson o talakayan.
-
Labanan ang mga stereotype at maling impormasyon tungkol sa pagkaakit sa kaparehong kasarian. Kung hindi nauunawaan ng mga tao sa inyong ward o branch ang isyung ito batay sa ebanghelyo, patingnan sa kanila ang bahaging Tulong sa Buhaysa ChurchofJesusChrist.org at “Same-Sex Attraction [Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian]” sa Mga Paksa sa Ebanghelyo.
-
Tulungan ang mga miyembro na maunawaan na ang makasama ang mga taong naaakit sa kaparehong kasarian ay hindi nangangahulugan na maaakit din sila sa kaparehong kasarian at na ang pagkaakit sa kaparehong kasarian ay hindi nagpapalala sa panganib ng pedophilia.
Tumukoy ng mga lokal na tagapayo o online resources na naglalaan ng mga serbisyong naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo.
Isiping kontakin ang Family Services, kung mayroon, para matukoy ang resources.