“Paano ko masusuportahan ang iba habang bumubuo sila ng mga plano?” Counseling Resources (2020).
“Paano ko masusuportahan ang iba habang bumubuo sila ng mga plano?” Counseling Resources.
Counseling Resources
Paano ko masusuportahan ang iba habang bumubuo sila ng mga plano?
Bilang lider ng Simbahan, mayroon kang natatanging pagkakataong magbigay ng suporta sa mga indibiduwal na may problema sa pornograpiya at sa kanilang asawa, magulang, at iba pang mga taong sangkot. Ang iyong suporta ay makakatulong na maibsan ang kahihiyang madalas na nauugnay sa paggamit ng pornograpiya (tingnan sa Wendy Ulrich, “Hindi Kasalanan ang Maging Mahina,” Liahona, Abr. 2015, 20–25).
Maraming indibiduwal ang nagtatagumpay sa pagbuo at pagsunod sa isang personal na planong madaig ang pornograpiya. Maaaring kailanganin kapwa ng indibiduwal na nanonood ng pornograpiya at ng kanyang asawa o kapamilya ang personal na planong ito upang gumaling. Responsibilidad ng bawat indibiduwal na maghangad ng personal na paghahayag, makahanap ng mga sagot, at bumuo ng kanyang plano at sundin ito. Bilang lider, maaari mong hikayatin at suportahan ang mga indibiduwal habang bumubuo sila ng mga plano, ngunit ang responsibilidad na gumawa ng mga plano at suriin ang pagiging epektibo ng mga ito ay nasa mga indibiduwal.
Sa pamamagitan ng inspiradong pakikipag-usap sa mga indibiduwal at sa kanilang asawa o pamilya, maaari mo silang hikayating bumuo ng mga plano para malampasan ang mahirap na hamong ito. Habang bumubuo ang mga indibiduwal ng mga planong magbago, maaari mo silang suportahan sa mga sumusunod na paraan:
-
Ituon ang Pansin kay Cristo.
-
Isali ang iba.
-
Gumamit ng angkop na resources.
Ituon ang Pansin kay Cristo
Bagama’t maraming paraan para matulungan ang mga indibiduwal na makausad, ang iyong tungkulin bilang lider ay tulungan ang iba na lumapit kay Cristo, magkaroon ng espirituwal na paggaling, at makipagkasundo sa Diyos at sa mga nasaktan nila dahil sa kanilang pag-uugali.
Habang hinihikayat mo ang mga indibiduwal na bumuo ng mga plano, sikaping tulungan silang palakasin ang kanilang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Tulungan ang iba na makilala ang mga pagpapalang nagmumula sa pagiging masunurin sa Ama sa Langit. Hikayatin silang gamitin mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at tuparin ang kanilang mga tipan. Anyayahan silang hangarin ang patnubay ng Espiritu habang ipinatutupad at pinapabuti nila ang kanilang mga plano.
Sikaping tulungan ang mga indibiduwal na bumaling sa Tagapagligtas. Siya ang tunay na pinagmumulan ng lakas at nagtataglay ng tunay na karunungan. Kilala at mahal Niya ang bawat tao. Habang bumabaling ang mga indibiduwal sa Panginoon, gagabayan sila kung paano tumugon sa problemang ito, at magmi-minister Siya sa kanila. Maghangad ng inspirasyon kung paano susuportahan ang mga indibiduwal at asawa at kung paano sila tutulungang mapatibay ang ugnayan nila sa Tagapagligtas.
Isali ang Iba
Ang pagkahilig sa pornograpiya ay tumitindi sa paglilihim nito at madalas magdulot ng kahihiyan. Ang paghihikayat sa mga indibiduwal na makipag-usap sa iba ay maaaring magpalakas sa kanila. Mahalagang bumuo ang mga indibiduwal maging ang kanilang mga asawa ng isang grupo na sumusuporta sa kanila na hihikayat sa kanila at sa kanilang paglago.
Ang kinakailangang lawak at katangian ng suporta ay depende sa mga bagay na natatangi sa indibiduwal. Ang isang indibiduwal na ilang ulit lamang nakapanood ng pornograpiya ay maaaring mangailangan ng mas kaunting panahon at tulong ng iba upang maalis ang problema. Maaaring totoo rin ito sa kanyang asawa. Gayunman, ang isang indibiduwal na nakapanood ng pornograpiya sa loob ng mahabang panahon nang hindi alam ng asawa o nagsimula nang manood ng mas malalaswang pornograpiya ay malamang na mangailangan ng mas maraming panahon at tulong. Maaari ding mangailangan ang kanyang asawa ng mas maraming panahon at tulong.
Pamilya
Maaaring magbigay ng pagmamahal, suporta, at patnubay ang mga kapamilya. Hikayatin ang mga indibiduwal na humugot ng lakas sa kanilang asawa, mga magulang, o kamag-anak sa pagharap sa problema sa pornograpiya. Gayunman, dapat isipin ng mga indibiduwal ang sakit na maaaring nadarama ng mga kapamilya. Hikayatin ang mga indibiduwal na humingi ng suporta sa mga kapamilyang handang sumuporta sa kanila. Ang paggamit ng pornograpiya ay karaniwang tumitindi sa paglilihim nito; samakatuwid, ang maingat na pagsisiwalat ay maaaring makatulong sa pagpapagaling. Kung may asawa, ikakasal, o nasa isang seryosong relasyon, kailangan ang pagsisiwalat.
Gumamit ng Angkop na Resources
Kadalasan ay maraming bagay na naghihikayat sa isang indibiduwal na gumamit ng pornograpiya. Bagama’t mahalaga, maaaring hindi lamang mga espirituwal na lunas ang tanging tulong na kailangan ng mga indibiduwal. Maaaring kailangan din nilang tugunan ang iba pang mga bagay sa kanilang buhay, tulad ng mga impluwensyang biyolohikal, sikolohikal, at ng mga kasama o kasalamuha nila. Hikayatin nang angkop ang mga indibiduwal na isipin ang mga uri ng tulong na maaari nilang kailanganin para tugunan ang iba pang mga impluwensyang ito sa kanilang buhay. Maaaring kabilang dito ang paghingi ng tulong mula sa resources na tulad ng mga mapagkakatiwalaang website at mga medical at mental health professional.
Mga Propesyonal
Maaaring kailanganin ang mga medical at mental health professional, lalo na kapag kakaunti ang naging tagumpay ng mga indibiduwal sa kabila ng malaking pagsisikap sa kanilang mga pagtatangkang iwaksi ang pornograpiya sa kanilang buhay. Maaari ding kailanganin ng mga mag-asawa ang ganitong uri ng tulong sa pagharap nila sa pagkasira ng kanilang tiwala. Sinuman ang kanilang piliing isali sa mga plano nilang mapaglabanan ang pornograpiya ay dapat maging komportable sa mga pamantayan ng ebanghelyo.
Teknolohiya
Maaaring makatulong sa mga indibiduwal ang maraming iba’t ibang online tool para labanan ang tuksong tumingin sa o manood ng pornograpiya. Ang ilan sa mga ito ay nagbibigay ng nakakatulong na impormasyon, tulad ng bahaging “Addressing Pornography” ng ChurchofJesusChrist.org, Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling, mga media channel ng Simbahan, fightthenewdrug.org, at marami pang iba. Ang ilang digital resources ay naglalaan ng mga tulong para makaiwas sa pornograpiya tulad ng mga filter na nagmo-monitor o nagbo-block sa access, at ang iba pang resources, tulad ng fortify.com, ay naglalaan ng isang sistema para makaiwas sa pornograpiya.
Mga Elemento ng Isang Epektibong Plano
Habang lumilikha ng mga plano ang mga indibiduwal, hikayatin silang isiping:
-
Isulat ang kanilang mga plano, na malinaw na nagsasabi ng partikular na mga aktibidad at mithiin, at pagkatapos ay ibahagi, suriin, at baguhin ang mga plano kung kinakailangan.
-
Tukuyin kung paano manatiling tapat, kahit makaranas sila ng mga problema.
-
Lumikha ng isang plano tungkol sa pananagutan, kung saan mairereport nila ang kanilang pag-unlad sa isang mapagkakatiwalaang kapamilya, kaibigan, o lider ng Simbahan. Hindi kailangang gawin ang mga report tungkol sa pananagutan na kasama ang bishop.
-
Anyayahan ang isang asawa, magulang, iba pang kapamilya, o ibang tao na suriin at i-follow up ang mga plano. Maaaring makatulong na regular na magreport sa ibang tao kung gaano kaepektibo ang mga plano. (Tingnan sa “Ano ang kailangan kong pagtuunan ng pansin para mapaglabanan ko ang pagkahilig ko sa pornograpiya?”)