“Kailan Dapat Humingi ng Propesyonal na Tulong” Counseling Resources (2020).
“Kailan Dapat Humingi ng Propesyonal na Tulong” Counseling Resources.
Kailan Dapat Humingi ng Propesyonal na Tulong
Ang mga lider ng Simbahan ay hindi inaasahan ni hinihikayat na maging dalubhasa sa kalusugan sa pag-iisip. Gayunman, ang mga miyembro na dumaranas ng ganitong kondisyon ay madalas na dumudulog sa kanilang mga lider upang matulungan silang malaman ang gagawin.
Bagama’t halos lahat ng tao ay makararanas ng ilang aspeto ng karamdaman sa pag-iisip sa iba’t ibang panahon sa buhay, ang mga hamon ay maaaring makapanlupaypay. Ang mga miyembro na may banayad na uri ng karamdaman ay kadalasang tumutugon sa mga mungkahi na inilahad sa Pag-adjust sa Buhay-Missionary (polyeto, 2013). Bagama’t ang resource na ito ay inihanda para sa mga missionary, nakakatulong itong matukoy ang mga paraan na makatutugon sa mga hamon ang sinumang tao. Bukod pa rito, ang mahabaging suportang mula sa iyo, sa mga kapamilya, at sa iba pa ay maaaring makatulong sa indibiduwal na may karamdaman sa pag-iisip.
Gayunman, kung hindi tumutugon ang tao sa mga pamamaraang ito, maaaring kailanganin ang isang mental health professional para magbigay ng tamang pagsusuri.
Nasa ibaba ang ilang karamdaman sa pag-iisip na maaaring mangailangan ng pagsusuri ng isang mental health professional at na maaaring makita ng mga miyembro at mga lider ng Simbahan sa kanilang mga ward o branch:
-
Pag-iisip o pagtatangkang magpakamatay
-
Matagal na depresyon
-
Kawalang-kakayahan na magawa ang mahahalagang pang-araw-araw na mga gawain
-
Labis na kalungkutan, kawalan ng pag-asa, pagkamuhi sa sarili
-
Paghiwa, pagputol, pananakit ng sarili
-
Sobrang takot sa pagdagdag ng timbang; matindi o sobrang pagbaba o pagtaas ng timbang
-
Hindi mapigil o paulit-ulit na pag-uugali o pagsasalita
-
Walang-katapusan o paulit-ulit na iniisip o kapusukan
-
Paulit-ulit na pagtatapat ng maliliit na isyu
-
Mga hindi makontrol na takot, pagkasindak o pagkabalisa
-
Pag-iisa
-
Matinding pag-iiba ng damdamin o personalidad
-
Paranoya (matinding pagkatakot), pagkahibang, nakaririnig ng mga tinig
-
Mapanganib na seksuwal na pag-uugali
-
Nagwawala (galit, marahas, palaban)
Sa mga ito at sa iba pang mga sitwasyon, isaalang-alang ang professional counseling bilang posibleng opsyon (tingnan sa “Professional Counseling,” Pangkalahatang Hanbuk, 31.2.6). Ang mga lider ng Simbahan ay maaaring sumangguni sa Family Services (kung mayroon nito) o sa area office upang malaman kung paano tutulungan ang indibiduwal at makahanap ng resources.