“Mga Taong Magkakaanak nang Hindi Kasal,” Counseling Resources (2020).
“Mga Taong Magkakaanak nang Hindi Kasal,” Counseling Resources.
Mga Taong Magkakaanak nang Hindi Kasal
Ang mga taong magkakaanak nang hindi kasal ay maaaring dumanas ng mga kakaibang hamon. Maaari kang magkaroon ng kamalayan sa sitwasyong ito sa anumang yugto ng pagbubuntis, at ang mga taong magkakaanak nang hindi kasal ay maaaring may iba’t ibang alalahanin at antas ng pag-unawa sa mga hamon na kinakaharap nila. Nahaharap sila sa tungkuling desisyunan ang kinabukasan ng kanilang anak at maging ang sarili nilang kinabukasan. Ang ilan ay magpapakasal, ang iba ay ipapaampon ang kanilang anak, at ang ilan ay magdedesisyong palakihin nang mag-isa ang kanilang anak. Tumulong nang may pagmamahal para panatagin, hikayatin, at pagmalasakitan ang taong magkakaanak nang hindi kasal. Ipahayag ang iyong hangaring tumulong, at pasalamatan ang indibiduwal sa kanyang pagpayag na makialam ka.
Ang Family Services ay naglalaan ng libreng konsultasyon para sa mga taong magkakaanak nang hindi kasal at maaari ding magbigay ng impormasyon tungkol sa pagpapakasal, pagpapaampon, o pagpapalaki ng anak nang mag-isa. Hikayatin ang taong magkakaanak nang hindi kasal na kausapin ang kanyang bishop, na maaari siyang ikonekta sa Family Services. Kung walang Family Services, maaaring may access ang bishop sa karagdagang counseling resources.
Hangaring Makaunawa
Kapag kinausap mo ang mga taong magkakaanak nang hindi kasal, tiyaking magpakita ng pagmamahal at pagdamay na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Dahil iba ang bawat sitwasyon at iba-iba ang sitwasyon ng bawat tao, mapanalanging isiping magtanong ng tulad nito sa isang mabuti at sensitibong paraan para matulungan kang mas maunawaan ang mga alalahanin at pangangailangan ng taong magkakaanak nang hindi kasal.
-
Ano ang pinakamalalaking alalahanin o pangamba mo sa ngayon?
-
Ano ang mga plano mo para sa iyong kinabukasan?
-
Ano ang mga plano mo para sa kinabukasan ng iyong anak?
-
Ano ang kasalukuyan mong relasyon sa ama o ina ng bata?
-
Ano ang kaugnayan mo sa mga lolo’t lola at sa iba pang kamag-anak ng iyong anak?
Kung nabatid mo na ang sitwasyong ito ay resulta ng pang-aabuso o panggagahasa, kontakin ang mga awtoridad. Mayroon ding isang help line na matatawagan ang iyong bishop kapag naharap sa isyung ito.
Tulungan ang Indibiduwal
Habang tinutulungan mo ang taong magkakaanak nang hindi kasal habang nagdedesisyon siya tungkol sa kinabukasan, isiping gamitin ang ilan sa mga sumusunod na ideya.
Tulungan ang taong magkakaanak nang hindi kasal na makasumpong ng pag-asa at paggaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala.
-
Ipaunawa sa kanya na ang pagtubos at lakas ay nagmumula sa Tagapagligtas na si Jesucristo.
-
Tulungan ang taong magkakaanak nang hindi kasal na makita ang kanyang identidad bilang anak ng mga Magulang sa Langit, at mapansin ang kanyang mga sariling kalakasan, talento, at kakayahan.
-
Tulungan ang taong magkakaanak nang hindi kasal na madama ang pagmamahal ng Diyos sa kanya at malaman na ang Diyos ay isang katuwang na maaari niyang hingan ng payo para sa paglalakbay sa buhay ng batang ito.
Hikayatin ang taong magkakaanak nang hindi kasal na kausapin ang bishop.
Kung angkop, anyayahan ang taong magkakaanak na rebyuhin ang kanyang patriarchal blessing para sa patnubay at kapanatagan.
Tulungan siyang tumukoy at mag-isip ng mga opsyon tulad ng pagpapalaki sa anak nang mag-isa, pagpapaampon, o pagpapakasal, kung naaangkop.
-
Dapat iwasan ng mga lider ng Simbahan at mga kaibigan na hikayatin o pilitin ang taong magkakaanak na piliing kupkupin o ipaampon ang bata.
-
Hikayatin ang taong magkakaanak nang hindi kasal na isulat ang mga positibo at negatibong bagay na nauugnay sa bawat opsyon, at mapanalanging suriin at timbangin ang mga ibubunga ng bawat opsiyon, lalo na para sa bata.
-
Payuhan ang taong magkakaanak nang hindi kasal na humingi ng payo mula sa mga taong makakatulong sa kanya na pag-isipang mabuti ang mga opsiyon na ito.
-
Hikayatin ang taong magkakaanak nang hindi kasal na humingi ng basbas ng priesthood.
-
Ipaunawa sa miyembro na makatatanggap siya ng personal na inspirasyon, mga impresyon, at patnubay mula sa Diyos.
Suportahan ang Pamilya
Ang karanasan ng taong magkakaanak nang hindi kasal ay nakakaapekto rin sa buhay ng kanyang mga kapamilya. Alamin ang epekto sa pamilya, at hikayatin ang pamilya na talakayin ang mga isyung iyon.
Hikayatin ang lahat ng lider sa ward council na aktibong maglingkod sa mga taong magkakaanak at sa kanilang pamilya.
Hikayatin ang pamilya na mag-usap-usap tungkol sa desisyon at sa huli ay igalang ang desisyon ng taong magkakaanak nang hindi kasal.
Maaaring hindi umayon ang ilang kapamilya sa desisyong gagawin ng taong magkakaanak nang hindi kasal. Hikayatin ang pamilya na talakayin ang epekto ng desisyon sa mga kapamilya at tulungan silang tugunan ang mga isyung iyon, kung kailangan.
Gamitin ang Resources ng Ward at Stake
Isiping hilingin sa mga lider ng ward o iba pang mga mapagkakatiwalaang indibiduwal na magbigay ng patuloy na suporta, patnubay, at tulong. Hingin ang pahintulot ng indibiduwal bago talakayin ang sitwasyon sa iba.
Tumukoy ng isang mapagkakatiwalaang tao para maging mentor para sa taong magkakaanak nang hindi kasal, at hikayatin silang dalawa na magkita nang regular.
-
Ang mentor ay dapat isang indibiduwal na mapapanatag ang tao na makasama at maaaring maging isang ministering sister o ministering brother.
Alamin ang lokal na resources na nagbibigay ng mga serbisyong naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo.
-
Ang resources ay maaaring kabilangan ng mga professional counselor, mga program o center, at iba pang mga ahensya.
Kung iniisip ng mga taong magkakaanak nang hindi kasal na palakihin ang anak, hikayatin silang magbasa o makilahok sa mga klase ng Pagpapatatag ng Pamilya, Mga Ugnayang Pangmag-asawa at Pangmag-anak o basahin ang mga kaugnay na materyal kung walang gayong mga klase.