“Pagpapakamatay,” Counseling Resources (2020).
“Pagpapakamatay,” Counseling Resources.
Pagpapakamatay
Bisitahin ang bahaging “Pagpapakamatay” sa ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app para makahanap ng libreng help line mula sa buong mundo at resources sa pagtulong sa mga indibiduwal na nag-iisip na magpakamatay.
Ang pagpapakamatay ay pandaigdigang problema sa kalusugan ng publiko na kadalasan ay mapipigilan. Karamihan sa mga taong nagtatangkang magpakamatay ay ayaw mamatay; nais lamang nilang makasumpong ng ginhawa mula sa pisikal, mental, emosyonal, o espirituwal na pasakit na pinagdaraanan nila. Gayunman, maaaring umabot sila sa punto ng pag-iisip na magpakamatay kapag nawawalan sila ng pag-asa at hindi makatagpo ng solusyon sa kanilang pasakit, kapag naniniwala sila na pabigat sila sa iba, kapag nagwawalang-bahala sila o nagiging manhid sa kamatayan at sakit, o kapag wala silang matukoy na mga dahilan para mabuhay.
Ang mga panganib ng pagpapakamatay ay mababawasan kapag nagtulungan ang mga kapamilya, kaibigan, miyembro ng ward, at mental health professional sa pagtulong sa mga nahihirapan. Dapat malaman ng lahat ang mga dahilan at babala ng pagpapakamatay at pagkatapos ay tumulong sa paghahanap ng tulong para sa isang taong nag-iisip na magpakamatay. Ang pakikipag-usap sa isang tao tungkol sa pagpapakamatay ay hindi nakadaragdag sa posibilidad na tuluyan siyang magpapakamatay.
Dapat seryosohin ng lahat ang bawat sitwasyon kung saan sinasabi o ipinahihiwatig ng isang indibiduwal na nag-iisip siyang magpakamatay o sinasabi o ipinahihiwatig ng isang mahal sa buhay na ang isang indibiduwal ay malamang na magpakamatay. Lahat ay dapat tumulong nang may pagmamahal na aliwin, hikayatin, at pangalagaan ang mga taong nahihirapan sa isyung ito at ang kanilang mga kapamilya.
Ang nakakalungkot, sa kabila ng ating pinakamatitinding pagsisikap, hindi palaging napipigilan ang pagpapakamatay. Kapag nangyari nga ito, nag-iiwan ito ng malalim na dalamhati, emosyonal na pagkabalisa, at mga tanong na hindi masagot para sa mga kapamilya at mahal sa buhay. Sa mga sitwasyong ito, dapat hangarin ng mga lider at miyembro ng ward na palakasin at suportahan ang pamilya at mga mahal sa buhay.
Sinabi ni Elder Dale G. Renlund, “[Ang] lumang paniniwala na kasalanan ang pagpapakamatay at ang sinumang nagpapakamatay ay napipiit sa impiyerno magpakailanman … ay walang katotohanan” (Dale G. Renlund, “Pag-unawa sa Pagpapakamatay” [video]).
Ibinigay ni Elder M. Russell Ballard ang mga nakapapanatag na salitang ito:
“Mangyari pa, hindi natin alam ang buong dahilan sa bawat pagpapakamatay. Tanging ang Panginoon ang nakakaalam ng mga detalye, at Siya ang hahatol sa lahat ng ginawa natin dito sa lupa.
Kapag hinatulan na Niya tayo, pakiramdam ko ay isasaalang-alang Niya ang lahat ng bagay: ang ating mga namanang katangian at kemikal na komposisyon, ang kalagayan ng ating pag-iisip, ang ating katalinuhan, ang mga turong natanggap natin, ang mga tradisyon ng ating mga ninuno, ang ating kalusugan, at iba pa” (“Suicide: Some Things We Know, and Some We Do Not,” Ensign, Okt. 1987, 8).
Hangaring Makaunawa
Sa pakikipag-usap mo sa mga indibiduwal, tiyaking magpakita ng pagmamahal at pagdamay na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Ang mga karanasan at sitwasyon sa buhay ay magkakaiba para sa lahat. Kung sa pakiramdam mo ay malamang na magtangkang magpakamatay ang isang miyembro, mapanalanging isiping magtanong ng ganito para mas maunawaan mo ang kanyang mga alalahanin at pangangailangan:
-
Maipapaunawa mo ba sa akin kung ano ang nadarama at nararanasan mo ngayon?
-
Nasuri na ba na may karamdaman ka sa pag-iisip? May sinusunod ka bang anumang iniresetang panggagamot para sa karamdamang ito?
-
Inaasam mo ba na bubuti ang sitwasyon ng iyong buhay?
-
Ano ang mga dahilan mo para mabuhay?
-
Anong resources ang nakatulong sa iyo na makaraos noon?
-
Sinubukan mo bang saktan ang sarili mo noon? Kailan lang?
-
Iniisip mo ba ang pagpapakamatay ngayon?
-
May plano ka bang magtangkang magpakamatay? Naisip mo na ba kung kailan, saan, o paano?
-
Alam ba ng iyong pamilya, mga kaibigan, o iba pa ang iyong mga iniisip?
-
Gaano kabukas ang iyong isipan sa paghingi ng tulong ngayon?
Tulungan ang Indibiduwal
Habang sinisikap mong tulungan ang indibiduwal, isipin ang sumusunod na mga mungkahi.
Tulungan ang miyembro na makasumpong ng pag-asa at paggaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo.
-
Ipaunawa sa tao ang nagbibigay-kakayahan at nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo.
-
Tulungan ang tao na maunawaan na siya ay anak ng Diyos at may malaking kahalagahan.
-
Ipaalam sa tao na mahal siya ng Diyos, anuman ang mangyari.
-
Tulungan ang miyembro na maunawaan na ang pagpapagaling ay maaaring hindi palaging mangahulugan ng lunas mula sa isang karamdaman sa pag-iisip sa buhay na ito. Tingnan ang resource sa kalusugan sa pag-iisip para sa iba pang impormasyon.
-
Isiping palagiang kausapin ang tao at ang kanyang pamilya bukod pa sa palagiang pagdalaw ng mga lider ng Simbahan.
-
Mangyaring iugnay ang indibiduwal sa iba pang resources ng Simbahan tulad ng mga bahaging “Pagpapakamatay” at “Kalusugan sa Pag-iisip” sa ChurchofJesusChrist.org, kung saan siya makakahanap ng mga sagot sa partikular na mga tanong.
-
Tiyakin na alam ng indibiduwal ang hotline resources tungkol sa pagpapakamatay at may access siya sa tulong kapag naiisip niyang magpakamatay.
Kumonsulta sa propesyonal na resources.
-
Kung nag-aalala ka tungkol sa kaligtasan ng isang tao o naniniwala ka na maaaring magtangkang magpakamatay ang isang tao, makipag-ugnayan kaagad sa isang lokal na emergency medical service o sa inyong Family Services office (kung mayroon nito). Maaari ding kontakin ng mga lider ng Simbahan ang help line ng Simbahan upang matulungan sa problemang ito.
-
Makakatulong ang resources na ito sa pagtukoy mo sa mga lokal na propesyonal o sa mga organisasyon na makakatulong sa indibiduwal.
Tulungan ang indibiduwal na tumanggap ng angkop na panggagamot para sa kanyang karamdaman sa pag-iisip.
-
Hikayatin ang indibiduwal na gamitin ang resources na inirerekomenda ng Family Services o emergency medical services. Maaari mo siyang tulungang magpaiskedyul sa paghingi ng payo o magpunta sa emergency room ng pinakamalapit na ospital.
-
Sa pahintulot ng indibiduwal, ipaalam sa angkop na mga miyembro ng pamilya ang sitwasyon. Hilingin sa kanila na humingi ng patnubay mula sa mga mental health professional kung paano magplano para sa kaligtasan ng indibiduwal. Maaaring kabilang dito ang paghihigpit sa access ng indibiduwal sa mga posibleng makasakit sa kanya.
-
Kung angkop, regular na kontakin ang mga mental health professional o ang mga miyembro ng pamilya sa panahon ng panggagamot.
-
Kung ayaw magpatulong ng indibiduwal at may plano siyang saktan ang sarili na may hangaring isagawa ito, agad kontakin ang lokal na emergency resources (tulad ng mga awtoridad) at mga miyembro ng pamilya na samahan ang indibiduwal sa emergency services.
Suportahan ang Pamilya
Ang isang indibiduwal na malamang na magtangkang magpakamatay ay may epekto sa buhay ng kanyang mga kapamilya. Karaniwan ay nahihirapan ang mga magulang, asawa, at iba pang miyembro ng pamilya na malaman kung paano tutulungan ang isang mahal sa buhay na nag-iisip na magpakamatay. Kadalasan ay nahihirapan sila at maaaring hindi makita ang mga babala. Habang sinisikap mong tulungan ang mga miyembro ng pamilya, isipin ang mga sumusunod na mungkahi.
Panatilihing kumpidensyal ang sitwasyon maliban na lamang kung mayroon nang banta, isang menor-de-edad ang nasa gayong sitwasyon, o pinayagan ka ng indibiduwal o ng pamilya na kausapin ang iba.
Alamin ang epekto ng sitwasyon ng miyembro sa kanyang pamilya at tulungan ang mga miyembro ng pamilya na matukoy ang resources na kailangan nila para sa sarili nilang suporta at patnubay.
-
Hikayatin ang pamilya na mag-usap-usap tungkol sa mga pangangailangan ng indibiduwal at kung paano gamitin ang makukuhang resources para matulungan siya at ang kanilang sarili.
-
Kung nais ng pamilya, kausapin sila (o magrekomenda ng iba pang mga lider ng Simbahan para kausapin sila kung naaangkop) upang makabuo ng malawakang plano para matugunan ang kanilang mga pangangailangan, kabilang na ang pagpaplano para sa kaligtasan at suportahan ang kanilang mahal sa buhay sa pagtanggap ng kinakailangang propesyonal at espirituwal na pangangalaga.
Isiping humingi ng personal na propesyonal na tulong o payo para sa mga miyembro ng pamilya.
-
Hikayatin ang asawa, mga magulang, at iba pang mga kapamilya na makilahok din sa pagbibigay ng payo sa indibiduwal kung ipasiya ng mga mental health professional na ang pakikilahok na ito ay nararapat at angkop.
Gamitin ang Resources ng Ward at Stake
Isipin ang mga sumusunod na mungkahi habang sinisikap mong gamitin ang resources ng ward at stake para tulungan ang indibiduwal at pamilya. Tandaan na panatilihing kumpidensyal ang sitwasyon maliban kung pinayagan ka ng indibiduwal o ng pamilya na kausapin ang iba.
Hilingin sa mga lider ng Simbahan o sa iba pang mga mapagkakatiwalaang indibiduwal na maglaan ng patuloy na suporta, patnubay, at tulong sa indibiduwal.
Mapanalanging tukuyin ang isang mapagkakatiwalaang tao na regular na makakasubaybay sa tao, at aanyayahan ang taong iyon na gawin iyon.
-
Ang napiling tao ay dapat isang taong komportableng makasama ng indibiduwal.
-
Dapat maging sensitibo at matatag ang damdamin ng tao at maaaring isang ministering sister o ministering brother.
Isiping magplano ng training para sa mga miyembro ng ward o stake council tungkol sa pagpigil sa pagpapakamatay.
-
Gamitin ang mga materyal mula sa Counseling Resources o mula sa bahaging “Pagpapakamatay” sa suicide.ChurchofJesusChrist.org.
-
Isiping anyayahang tumulong ang isang propesyonal mula sa isang community resource program na malapit sa inyo. Makakatulong ang Family Services (kung saan mayroon) o lokal na emergency medical services na matukoy ang gayong resources.