Mga Calling sa Ward o Branch
Kalusugan sa Pag-iisip


“Kalusugan sa Pag-iisip” Counseling resources (2020).

“Kalusugan sa Pag-iisip,” Counseling Resources.

Kalusugan sa Pag-iisip

11:26

Ang kalusugan sa pag-iisip ay nakakaapekto sa ating mga iniisip, damdamin, pag-uugali, at relasyon. Ang mga taong nagkaroon ng mga hamon o problema sa kalusugan sa pag-iisip ay nawawalan ng kakayahan na makaagapay sa mga gawain at pangangailangan sa pang-araw-araw na buhay. Ang mga ganitong kondisyon ay kadalasang nakapapagod at nakalilito sa emosyon ng indibiduwal, gayundin sa mga mahal sa buhay at mga lider na nagsisikap na mag-minister sa taong mayroon ng ganitong sakit.

Ang mga hindi mental health professional ay hindi inaasahan o hinihikayat na suriin o gamutin ang mga indibiduwal na may problema sa pag-iisip. Kapag tila hindi tumutugon ang mga indibiduwal sa mga karaniwang pagsisikap ng mga lider na makatulong, walang dapat magdamdam sa hindi nila pagtugon. Sa halip, dapat pag-isipang mabuti ng mga lider na hikayatin ang indibiduwal na kumuha ng mental health assessment mula sa isang kwalipikadong gumawa nito (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw [2020], 31.2.6). Ang Family Services (kung mayroon nito) ay nagbibigay ng konsultasyon at nagmumungkahi sa mga lider tungkol sa mental health assessment resources sa komunidad. Dapat sumangguni ang mga lider sa “Mental Illness” sa bahaging Disabilities Resources ng ChurchofJesusChrist.org para sa karagdagang impormasyon tungkol sa karamdaman sa pag-iisip.

Hangaring Makaunawa

Sa pagtalakay ng problema sa kalusugan sa pag-iisip, tiyaking magpakita ng pagmamahal at pagdamay na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Kung humihingi ng tulong ang tao, pasalamatan siya sa paghingi ng tulong. Dahil magkakaiba ang bawat sitwasyon at kalagayan ng bawat tao, mapanalanging isaalang-alang ang pagtatanong ng ganito sa tao at makinig sa Espiritu upang tulungan kang mas maunawaan ang kanyang mga alalahanin at malaman ang kanyang mga pangangailangan.

  • Nasuri ka ba na may karamdaman ka sa pag-iisip? Kung oo, gaano katagal ka nang may ganitong kondisyon? Paano nito naaapektuhan ang iyong trabaho at relasyon sa pamilya?

  • Ano ang pinakamalalaking alalahanin o pangamba mo sa ngayon?

  • Ano (kung mayroon man) ang natatanggap mong tulong o panggagamot mula sa isang mental health care provider? Sinusunod mo ba ang mga tagubilin ng iyong health provider at komportable ka ba sa panggagamot sa iyo?

  • Pakiramdam mo ba ay bumubuti, walang pagbabago, o lumalala ang lagay ng iyong pag-iisip?

  • Paano mo kinakaya ang iyong kondisyon?

  • Paano tinatrato ng mga kapamilya mo ang iyong kalagayan? May iminungkahi ba silang anumang bagay na hindi mo pa nagagawa sa kasalukuyan na sa palagay mo ay maaaring makatulong?

  • Ano ang mga pinagkukunan mo ng suporta ngayon?

  • Nakatanggap ka na ba ng kaalaman mula sa Ama sa Langit tungkol sa iyong kondisyon? Kung oo, ano ang mga kaalamang iyon?

Sa pahintulot ng indibiduwal, at sa paggalang sa damdamin ng indibiduwal, isiping kontakin ang mga miyembro ng pamilya para sa karagdagang kaalaman tungkol sa isyu.

Tulungan ang Indibiduwal

Sa pagtulong mo sa indibiduwal na maunawaan kung paano naaapektuhan ng kanyang mga hamon ang kanyang buhay, isiping gamitin ang ilan sa mga sumusunod na mungkahi:

Tiyakin sa tao na minamahal siya ng Ama sa Langit at nauunawaan ng Tagapagligtas ang kanyang mga pagsubok.

  • Tulungan ang tao na maunawaan na ang karamdaman sa pag-iisip ay hindi parusa mula sa Diyos.

  • Tulungan ang tao na maunawaan na ang karamdaman sa pag-iisip ay hindi mapapagaling ng pagpupursigi lamang. Ang karamdaman sa pag-iisip ay hindi nangangahulugang kulang ang pananampalataya, pagkatao, o pagiging karapat-dapat ng isang tao.

Isali ang tao sa mga aktibidad ng Simbahan at sa angkop na mga pagkakataong maglingkod.

  • Kausapin ang tao, mga kapamilya, at iba pang nakakikilala nang mabuti sa tao para malaman ang mga kakayahan at limitasyon ng tao.

Maaari kang sumangguni sa Family Services (kung mayroon nito) o sa mga lokal na mental health service provider para matukoy ang mga opsyon sa pagkuha ng suporta at sa pagpapagamot. Dapat mong malaman na may ilang kondisyon na nananatili habambuhay kahit pa ginagamot nang napakahusay.

  • Ang mga umiinom ng gamot ay hindi dapat baguhin o tumigil sa paggagamot nang hindi muna kinukonsulta ang kanilang health care provider.

Ang pagpapakamatay ay madalas na isa sa mga panganib sa mga taong dumaranas ng karamdaman sa pag-iisip. Maging pamilyar sa mga palatandaang nagbababala ng pagpapakamatay at bigyan ang mga ito ng seryosong atensyon kung napansin ang mga ito.

  • Kung ang miyembro ay tila “nagpapaalam,” nagsasalita tungkol sa pagpapakamatay, o nagpapakita ng labis na kawalang-pag-asa, agad na humingi ng tulong para sa kanya. Sumangguni sa bishop, sa health care provider, sa pamilya ng tao, o sa emergency room sa ospital. May help line din na magagamit para sa mga lider. Maaaring tumawag sa isang lokal na emergency services provider para makakuha ng agarang tulong. Mangyaring basahin ang artikulo tungkol sa suicide sa Gospel Topics section ng ChurchofJesusChrist.org para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagpapakamatay at pagpigil sa pagpapakamatay.

  • Anyayahan ang indibiduwal na dumalo sa mga community-sponsored support group kung saan mayroon ng mga ito.

Suportahan ang Pamilya

Ang mga problema ng tao sa kalusugan sa pag-iisip ay maaari ding makaapekto sa buhay ng kanyang mga kapamilya. Alamin ang epekto sa pamilya ng tao, at isipin kung ano ang pinakamainam na paraan para matugunan ang kanyang mga pangangailangan. Magpakita ng pagmamahal at pagdamay habang nakikipagtulungan ka sa mga miyembro ng pamilya.

Hikayatin ang pamilya, mga kamag-anak, at iba na pag-usapan ang tungkol sa mga pangangailangan ng miyembro at ang maaaring makuhang resources na makakatulong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 22.3–22.11).

  • Hikayatin ang mga kapamilya na paghandaan ang panahon kung kailan maaaring kailanganin ng indibiduwal ang tulong sa mga karaniwang pangangailangan sa buhay.

  • Kung kinakailangan, talakayin kung paano maaaring makatulong ang mga miyembro ng pamilya sa mga bayarin, transportasyon, at kinakailangang resources sa pag-aalaga ng kalusugan (halimbawa, professional counseling, gamot, at pagpapaospital).

Payuhan ang mga miyembro ng pamilya na huwag magkaroon ng napakalaki o napakaliit na ekspektasyon. Ang paggaling ay kadalasang nakasalalay sa diagnosis at sa natatanggap na lunas. Sa ilang sitwasyon, pinakamaganda na umasa sila na magkakaroon ng ilang mabubuting pagbabago sa halip na lubos na paggaling.

Mag-isip ng mga mapagkukunan ng suporta para sa mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ng mga taong may karamdaman sa pag-iisip.

  • Kadalasan ay matutukoy ng mga health care provider ang mga support group para sa partikular na problema ng tao.

Gamitin ang Resources ng Ward at Stake

Kung angkop, maaaring hilingin sa mga lider ng ward o iba pang mga mapagkakatiwalaang indibiduwal na patuloy na magbigay ng suporta. Hingin ang pahintulot ng indibiduwal bago talakayin ang sitwasyon sa iba.

Tumukoy ng isang taong mapagkakatiwalaan para maging mentor ng miyembro at ng kanyang pamilya at hikayatin silang palagiang magkita.

  • Ang mentor ay dapat isang indibiduwal na mapapanatag ang tao na makasama at maaaring maging isang ministering sister o ministering brother.

  • Maging maingat na huwag mailagay ang mga mentor sa mga sitwasyon na maaaring manganib sila.

Kung angkop, hikayatin ang pamilya na gamitin ang mga lider ng Simbahan sa pagmi-minister sa kanilang mahal sa buhay.

  • Hikayatin ang mga taong tumutulong sa miyembro na gawin ang mga bagay kasama ng tao sa halip na para sa tao (halimbawa: pagdadala sa kanya sa isang aktibidad o pagsama sa kanya sa paggawa ng isang assignment sa welfare).

Kung kailangan ng miyembro ng tulong mula sa isang tagapag-alaga dahil sa karamdaman sa pag-iisip ng miyembro, sumangguni sa resource na Suporta para sa mga Tagapag-alaga.

Tulungan ang tao na mabigyan ng propesyonal na tulong kung kailangan.

  • Gamitin ang lokal na resources na nagbibigay ng mga serbisyong naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo.

  • Kontakin ang lokal na Family Services o mga area office para sa karagdagang resources o payo.