“Dalamhati at Kawalan,” Counseling Resources (2020)
“Dalamhati at Kawalan,” Counseling Resources
Dalamhati at Kawalan
Ang dalamhati ay maaaring maging matinding damdamin. Halos lahat ng tao ay nararanasan ito minsan sa buhay nila. Ang kamatayan ay bahagi ng plano ng kaligayahan ng Diyos, at bagama’t nauunawaan iyon, maraming tao ang nahihirapang kayanin ang mga nadarama nila sa pagkawala ng isang taong mahal nila. Bukod pa rito, hindi lamang kamatayan ang pinagmumulan ng dalamhati; ang iba pang mga uri ng kawalan ay nagdudulot din ng dalamhati tulad ng kawalan ng trabaho, relasyon, kalusugan, at iba pa. Ang dalamhati ay karaniwang nadarama dulot ng kawalan at ng emosyonal na pagbabago tungo sa kagalakan, hindi ng kahinaan o kakulangan ng pananampalataya sa Diyos o sa Kanyang pagmamahal.
Ang mga nagdadalamhati ay kailangang magkaroon ng panahong magdalamhati, at kailangan nila ng mga matulunging kaibigan at kapamilya na kasama nila sa karanasang iyon. Ang dami ng oras na kailangan para likas na mapawi ang dalamhati ay magkakaiba sa bawat tao, depende sa ilang mga kadahilanan. Bigla ba ang pagkawala o matagal at napakasakit ng inasahan? Sa kamatayan, gaano kalapit ang damdamin ng nagdadalamhati sa pumanaw? Gaano umaasa ang isang tao sa kung sino o ano ang nawala? Ang mga ito at ang iba pang elemento ay nagdaragdag sa ating pang-unawa kung paano tutulungan ang isang taong nagdadalamhati.
Maaaring kailanganing iwasan ng ilang tao ang mga bagay na nagpapaalala sa kanila ng kanilang kawalan, samantalang ang iba ay mapapanatag sa mga alaala. Maaaring kailanganin ng ilan ng panahon bago sila dumalo sa mga miting o aktibidad ng Simbahan, samantalang ang iba ay maaaring mas sabik na makihalubilo kaagad. Lahat ay naiiba, at ang kani-kanyang landas ay magkakaiba.
Sa pagmi-minister o paglilingkod mo sa isang taong nagdadalamhati, mahalagang magpakita muna ng pagmamahal. Ang mga pahayag na tulad nito ay maaaring makatulong sa iyo na makapaghatid ng pakikiramay:
-
“Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko, pero gusto kong malaman mo na nagmamalasakit ako sa iyo.”
-
“Hindi mo kailangang magsalita kung ayaw mo, pero narito ako para makinig kung may sasabihin ka.”
-
“OK lang na paiba-iba ang nararamdaman mo bawat sandali o bawat araw. Wala namang isang tamang paraan sa dapat maramdaman. Hayaan mo lang ang sarili mo na damhin ang anumang nadarama mo.”
-
“Nalulungkot talaga ako na kailangan mong pagdaanan ito.”
Unawain ang Sitwasyon
Sa pagmi-minister o paglilingkod mo sa isang tao na nagdadalamhati, maaari mong itanong ang mga katulad ng nasa ibaba upang matulungan ka na maunawaan ang mga alalahanin, pangangailangan, at kalagayan ng tao.
-
Kumusta ang pakiramdam mo?
-
Kapag maganda ang araw mo, ano ang tila dahilan ng gayong positibong kaibhan?
-
Saan ka pumupunta para matulungan ka sa emosyon mo?
-
Anong mga partikular na bagay ang sinabi o ginawa ng mga tao na nakatulong sa iyo? Ano ang hindi nakatulong?
Bukod dito, maaaring makatulong na alam mo ang mga yugto ng dalamhati. Karamihan sa mga tao ay dumaranas ng limang yugto ng damdamin kapag sila ay nagdadalamhati: pagtanggi, galit, pakikipagkasunduan, depresyon, at pag-adjust. Ang mga ito ay maaaring mangyari sa anumang pagkakasunod-sunod, at ang ilan ay maaaring malaktawan o maaaring maulit nang higit sa isang beses. Bawat yugto sa proseso ng pagdadalamhati ay maaaring mangailangan ng magkakaibang paraan ng mga nagmi-minister o naglilingkod. Narito ang isang simpleng paglalarawan ng bawat yugto:
-
Pagtanggi: Ang pagtatanggi ay karaniwang unang yugto ng dalamhati. Ang mga indibiduwal na nakararanas ng pagtatanggi ay maaaring hindi matanggap ang nangyari, maging manhid, o mabigla. Kapag nararanasan ng isang tao ang yugtong ito, karaniwang pinakamainam na magsalita nang may pagdamay o maglaan ng oras na samahan siya at tahimik lang na maupong magkasama.
-
Galit: Sa yugtong ito, ang mga indibiduwal ay maaaring tuwirang magalit sa Diyos, sa kanilang sarili, o sa ibang tao sa kanilang paligid. Isiping hikayatin ang tao na isulat sa journal ang mga galit na iyon. Maaari niyang ipasiyang sirain ang journal matapos niyang malampasan ang yugtong ito, ngunit sa ngayon pansamantala itong maglalaan ng mainam na mapagbubuhusan niya ng galit.
-
Pakikipagkasunduan: Ang isang tao sa simula ng yugtong ito ay maaaring makipagkasunduan sa Diyos at itatanong ang “paano kung” (tulad ng “Paano kung ipangako ko na pakitunguhan nang mas mabuti ang tao?” o “Paano kung pupunta ako sa templo linggu-linggo?”). Kadalasan ang pakiramdam ng mga indibiduwal ay wala silang kakayahang protektahan ang taong pumanaw o hindi nila napigilan ang nangyaring kasawian. Kapag may isang tao na nakararanas ng yugtong ito dahil namatayan, maaaring makatulong na itanong kung ano ang pinaniniwalaan niyang gugustuhin ng pumanaw na ipagpatuloy niya sa buhay.
-
Depresyon: Sa yugtong ito, ang mga tao ay maaaring makaramdam ng kahungkagan, kawalan ng kakayahan, kawalang-pag-asa, at marahil ay kawalan ng interes na makibahagi sa pang-araw-araw na buhay. Maaaring magsimula na silang lumayo sa iba. Kung may isang tao na matagal nang nananatili sa yugtong ito (nang apat hanggang anim na linggo), maaaring kailanganing isangguni siya sa isang support group para sa mga nagdadalamhati o sa mental health professional.
-
Pag-aadjust: Sa yugtong ito, ang mga indibiduwal ay unti-unting nag-aadiust sa kanilang bagong normal na kalagayan. Tumitibay na ang kanilang damdamin, at natututuhan na nilang kayanin ang dalamhati. Maaaring makatulong na tiyakin sa kanila na OK lang na mag-adjust at na, kung sila ay namatayan, gugustuhin ng mga pumanaw na mahal nila sa buhay na lumigaya sila.
Tulungan ang Indibiduwal
Sa paghahangad mong tulungan ang tao, pag-isipan ang sumusunod na impormasyon:
-
Tulungan ang tao na malamang OK lang na magdalamhati. Maaaring isipin ng ilan na ang pagdadalamhati ay pagpapakita ng paghina ng pananampalataya, ngunit mahalagang tulutan ng mga indibiduwal ang kanilang sarili na magdalamhati. Ang pagtalakay kung paanong maging si Jesus ay nagdalamhati ay makakatulong sa mga miyembro na maunawaan na hindi ito nagpapahiwatig ng kakulangan ng pananampalataya (tingnan sa Juan 11:32–36).
-
Ipaunawa sa tao na lahat ay nagdadalamhati sa kani-kanyang paraan. Walang iisang paraan para makayanan ang kawalan, at bawat tao ay magkakaiba ang pagtugon. Hindi dapat makonsensya ang isang tao kung nakakaramdam o hindi siya nakakaramdam ng gayon.
-
Makipag-usap nang may pagdamay (at patuloy na gawin ito kahit matagal nang nangyari ang pagkawala ng mahal sa buhay).
-
Magdasal na magabayan sa dapat sabihin. Ang pagpapanatag ng loob ng isang tao ay nakakatakot kung minsan, ngunit kadalasang mas mabuti na ang tumulong at may sabihin kaysa wala. Mahalaga para sa mga taong nagdadalamhati na malamang nagmamalasakit ka at gusto mo silang suportahan.
-
Tandaan na maging sensitibo. Ang pagsasabi ng ilang bagay maganda man ang intensyon ay maaaring ipalagay na hindi pagdamay ng mga taong nagdadalamhati. Ang mga sumusunod na halimbawa ay baka mas makasakit pa sa halip na makatulong:
-
“Bahagi ito ng plano ng Diyos.”
-
“Kahit paano …” (“Kahit paano ay hindi na sila nagdusa,” “Mabuti na rin iyon dahil pwede ka nang makipagdeyt sa iba,” “Kahit paano makakakita ka na ng trabahong talagang gusto mo,” at iba pa).
-
“Naranasan ko rin iyan.”
-
“Dagdagan mo pa ang paglilingkod.”
-
“Bubuti rin ang mga bagay-bagay sa paglipas ng panahon.”
-
“Ang dapat mong gawin …” o “Ang gagawin mo …”
-
“Nasa mas mainam na lugar na siya.”
-
-
Sa halip, maaari mong:
-
Sabihing, “Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko maliban sa gusto kong ipaalam sa iyo na maraming nagmamahal sa iyo, kasama na ako roon.”
-
Sabihing, “Ipinagdarasal kita.”
-
Hayaang malaman ng taong nagdadalamhati sa pamamagitan ng mga salita at kilos mo na siya ay iniisip mo. Ang pagtulong ay maaaring kasing simple ng pagpapadala ng text.
-
Mag-ukol ng oras sa taong nagdadalamhati.
-
-
-
Makinig. Ang pagbibigay ng payo o pakikipag-usap sa tao ay ilan lang sa mga paraan ng pagtulong. Kung makikinig ka at hahayaang ipahayag ng tao ang kanyang damdamin, ang ipinapakita mo ay kadalasang katanggap-tanggap at kapaki-pakinabang. Ang simpleng pag-upo sa tabi ng indibiduwal ay isang paraan ng pagpapadama ng suporta nang hindi mo kailangang magsalita. Maaaring mahirap ang pakikinig lamang dahil sa pakiramdam mo ay hindi sapat ang ginagawa mo para mapawi ang sakit, ngunit ang pakikinig mismo ay nakakatulong na.
-
Huwag ipakita ang iyong reaksiyon. Sa pagdanas ng mga indibiduwal ng mga yugto ng pagdadalamhati, maaaring may masabi o magawa sila na hindi inaasahan. Magpasensya, at unawain na ang gayong pag-uugali ay kadalasang nagpapakita kung nasaang yugto na ng pagdadalamhati ang isang tao.
-
Manatiling nakasuporta matapos ang nangyaring kawalan. Hikayatin ang mga lider ng Simbahan, mga ministering brother o ministering sister, mga miyembro ng ward, at mga kaibigan na patuloy na magbigay ng emosyonal na suporta kahit matagal nang lumipas ang pangyayari. Ang pagdadalamhati ay isang proseso na tatagal nang ilang buwan at maging ng mga taon.
-
Maging alerto sa mga komento at kilos na nagpapahiwatig ng pagpapakamatay. Kung ang taong nagdadalamhati ay nagsasalita ng tungkol sa pagpapakamatay, huwag itong balewalain. Tingnan ang pahina tungkol sa Pagpapakamatay sa Counseling Resources. Kung ikaw ay nag-aalala tungkol sa kaligtasan ng isang tao, kaagad kontakin ang isang lokal na emergency medical service o ang inyong Family Services office (kung saan mayroon). Maaari ding kontakin ng mga lider ng Simbahan ang help line ng Simbahan upang matulungan sa problemang ito. Bisitahin ang suicide.ChurchofJesusChrist.org o ang bahagi tungkol sa Pagpapakamatay sa Gospel Library app para makahanap ng mga libreng help line sa iba’t ibang panig ng mundo at resources na tumutulong sa mga taong nahihirapan sa krisis na may kinalaman sa pagpapakamatay.
Kapag nagpakamatay ang isang mahal sa buhay, maaaring kabilang sa pakikiramay sa nagdadalamhati ang pagtulong sa pamilya sa serbisyo ng burol at libing. Ang pagpaplano at pagdalo sa libing ay maaaring mahirap para sa mga taong nagdadalamhati. Mahalagang maging sensitibo sa kanilang mga pangangailangan kapag nagbibigay kayo ng suporta at kapanatagan. Maghanap ng impormasyon tungkol sa pangangasiwa ng mga libing at iba pang kaugnay na serbisyo sa bahagi 29.6 ng Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (ChurchofJesusChrist.org). Ang sumusunod ay ilan pang karagdagang tagubilin na dapat tandaan:
-
Ang mga funeral service ay nilayong parangalan ang buhay ng pumanaw at tulungan ang mga nagdadalamhati na makahanap ng kapanatagan at kapayapaan. Ang libing ay kadalasang mahalagang bahagi ng pagsisikap na magpatuloy sa kabila ng pagdadalamhati. Dahil dito, mahalagang maging sensitibo sa mga pangangailangan at naisin ng mga tao o kapamilya na nagdadalamhati. Ang pagtalakay sa plano ng kaligtasan at sa kapangyarihan ni Jesucristo na magbigay ng kapanatagan ay makakatulong. Mahalaga ring mag-ukol ng sapat na panahon sa pagpaparangal sa taong pumanaw at sa pag-alaala sa kanyang mga pakikipag-ugnayan at mabubuting katangian.
-
Ang mga indibiduwal na nagdadalamhati ay maaaring magpasiyang hindi magsalita o makibahagi sa serbisyo. Ito ay personal na pasiyang gagawin nila.
-
Sa anumang mga mensaheng ibibigay mo sa burol, tandaang makipag-ugnayan nang may pagdamay. Hikayatin ang iba na nagsasalita (mga lider ng Simbahan, ministering brother o ministering sister, kapitbahay, at iba pa) na maging sensitibo sa kanilang mensahe.
Ang pananalapi ay maaaring isang bagay na ipag-aalala sa oras at pagkatapos ng libing. Kung ang indibiduwal o pamilya ay nawalan ng tagapagtaguyod, maaaring ipag-alala nila ang tungkol sa pera para makapagpatuloy sa buhay. Humingi ng espirituwal na patnubay habang pinag-iisipan mo kung paano maaaring matugunan ng tulong o mga programa ng Simbahan ang ilan sa mga alalahaning ito.
Suportahan ang Pamilya
Depende sa sitwasyon, ang mga miyembro ng pamilya at iba pang malalapit na kaibigan ay maaaring nahihirapan din sa pagdadalamhati, lalo na kung ang dalamhati ay may kaugnayan sa pagkawala ng isang mahal sa buhay. Isaalang-alang ang impormasyon sa “Tulungan ang Indibiduwal” para sa bawat kapamilya at malalapit na kaibigan.
Kahit na ang dalamhati ay nakakaapekto lamang sa isang miyembro ng pamilya, maaari mong kumustahin ang pamilya at alamin ang kalagayan ng iba. Maaaring kailangan nila ng suporta sa pagtulong sa kanilang nahihirapang kapamilya.
Gamitin ang Resources ng Ward at Stake
Kung angkop, maaaring hilingin sa mga lider ng ward o iba pang mga mapagkakatiwalaang indibiduwal na patuloy na magbigay ng suporta. Hingin ang pahintulot ng indibiduwal bago talakayin ang sitwasyon sa iba.
-
Hikayatin ang mga kamag-anak ng tao at mga ministering brother o ministering sister na maging mapagmalasakit. Ang pagdadalamhati ay maaaring tumagal, at malamang na kailanganin ng tao ng karagdagang suporta nang ilang panahon pa. Dapat na magpatuloy pa rin ang suportang iyon pagkatapos ng libing.
-
May ilang tao na maaaring makinabang sa pagdalo sa isang support group. Ang mga support group ay makakatulong lalo na sa mga indibiduwal na ipinapalagay na walang nakauunawa sa kanilang sitwasyon o kung ano ang nadarama nila. Maaaring ma-access ang ilang support group sa pamamagitan ng social media. Ang mga doktor ng pamilya, morge, at hospice ay maaari ding makatulong sa iyo na matukoy ang mga support group sa inyong lugar. Ang Family Services ay hindi nagbibigay ng mga support group para sa mga nagdadalamhati, ngunit maaari kang sumangguni sa inyong lokal na Family Services office (kapag mayroon nito) para makakuha ng mga reperensya o rekomendasyon.
-
Tulungan ang tao na mabigyan ng tulong mula sa mga propesyonal. Ang dalamhati ay maaaring maging masalimuot na damdamin, at ang taong nagdadalamhati ay maaaring mangailangan ng tulong mula sa isang propesyonal. Tingnan ang pahina ng Counseling Resources tungkol sa kalusugan ng pag-iisip.