“Trabaho,” Counseling Resources (2020).
“Trabaho,” Counseling Resources.
Trabaho
Ang mabuting trabaho ay isang paraan na maaaring sapat na matustusan ng mga tao ang kanilang sarili at kanilang pamilya at gamitin din ang kanilang mga kasanayan at magkaroon ng kasiyahan. Bagama’t maaaring walang trabaho ang ilang naghahanap ng trabaho, marami pang iba ang kasalukuyang nagtatrabaho ngunit maaaring naghahanap ng mas magagandang oportunidad, tulad ng pagbabago sa kanilang sitwasyon sa trabaho o mas mataas na suweldo.
Anuman ang dahilan kung bakit naghahanap ng trabaho ang mga tao, maaaring mahirap maghanap ng trabaho, at sinumang naghahanap ng trabaho ay maaaring may iba-ibang pangangailangan. Ang mga pangangailangang iyon ay maaaring pinansyal, emosyonal, pisikal, o espirituwal. Sa iyong pagtulong sa mga taong naghahanap ng trabaho, hangarin munang unawain ang mga pangangailangang iyon, at pagkatapos ay ituro sila sa resources na makakatulong sa kanila na patuloy na magtagumpay. Ipahayag ang iyong pagmamahal sa mga tinutulungan mo, at tulungan silang makadama ng pag-asa habang naghahanap sila ng trabaho o habang naghahanap sila ng mga karagdagang oportunidad na makapag-aral o magkaroon ng sariling hanap-buhay.
Hangaring Makaunawa
Kapag naghahanap ng trabaho ang isang tao, tiyaking ipadama muna sa kanya na nauunawaan mo siya. Pinakamainam itong nagagawa sa pag-uusap ninyo nang sarilinan para mapanatag at maging mas handang magbahagi ang tao. Mapanalanging isiping itanong ang mga bagay na katulad ng mga sumusunod sa mabuti at sensitibong paraan upang mas maunawaan mo ang sitwasyon at mahiwatigan ang mga pangangailangan:
-
Alam ko na maaaring mahirap maghanap ng trabaho. Kumusta ka na? Paano ako makakatulong?
-
Ano ang kasalukuyan mong sitwasyon sa trabaho?
-
Anong klaseng mga oportunidad ang hinahanap mo?
-
Saang mga posisyon o trabaho ka interesado?
Tulungan ang Indibiduwal
Kapag naunawaan mo ang mga pangangailangan ng tao ukol sa trabaho, isiping gamitin ang ilan sa mga sumusunod na mungkahi. Habang kinakausap mo siya, tiyaking magpakita ng pagmamahal at pagkahabag na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Para sa patnubay kung paano higit na matutulungan ang mga indibiduwal na naghahanap ng trabaho, rebyuhin lamang ang artikulong “Paano Tulungan ang Isang Taong Naghahanap ng Trabaho” bukod pa sa nilalaman sa ibaba.
Magtanong bago ka magbahagi ng impormasyon tungkol sa paghahanap ng trabaho ng tao.
-
Mapanalanging mag-isip ng iba pang mga indibiduwal na maaaring makatulong nang malaki sa taong naghahanap ng trabaho, kabilang na ang mga miyembro ng ward at stake.
-
Isiping itanong sa tao, “Maaari ko bang ibahagi ang impormasyong ito sa iba na maaaring may magagandang contact at mga maaaplayang trabaho para sa iyo?”
Ibahagi lamang ang impormasyong tugma sa mga interes ng tao.
-
Karamihan sa mga tao ay sadyang naghahanap ng tamang trabaho, hindi lang ng kahit anong trabaho, kaya tiyaking magbahagi lamang ng mga maaaplayang trabaho at contact na nauugnay sa mga minimithing trabaho ng tao. Kahit maaaring maganda ang mga intensyon mo, ang pagbibigay ng kahit anong uri ng maaaplayang trabaho ay maaaring magpadama sa tao na hindi siya nauunawaan.
-
Isiping mag-ingat ng listahan ng mga contact sa loob ng ward na maaaring magbigay ng makakatulong na mga koneksyon sa mga naghahanap ng trabaho sa iba-ibang industriya at posisyon.
Kumonekta sa mga eksperto. Ang isang taong naghahanap ng trabaho ay karaniwang hindi umaasang ipakita mo sa kanila kung paano maghanap ng trabaho o maging coach nila sa trabaho. Kadalasan, maaari kang maging malaking tulong sa pagkonekta sa tao sa resources mula sa mga eksperto sa paghahanap ng trabaho.
-
Ang resources ng komunidad, mga online video, mga web search, mga aklat, at kasalukuyang mga artikulo ay magagandang resources ng impormasyon sa paghahanap ng trabaho.
-
Kung gusto ng tao ng isang job coach, tulungan siyang makakonekta sa isang eksperto sa mga pamamaraan sa paghahanap ng trabaho. Ang paghahanap sa internet para sa libreng pag-coach sa paghahanap ng trabaho ay madalas makatulong sa iyo na makahanap ng mga ekspertong handang tumulong.
-
Sa ilang lugar, maaari kang makakonekta sa tulong at resources mula sa Employment Services ng Simbahan.
-
Kung ang taong ito ay nakakaranas ng mental o emosyonal na problema dahil sa hirap na makahanap ng trabaho, isiping ikonekta siya sa isang therapist o iba pang mental health resources.
Suportahan ang Pamilya
Ang mga problema sa trabaho ay maaaring makaapekto sa mga miyembro ng pamilya at maging sa indibiduwal. Ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring mangailangan ng emosyonal, espirituwal, at pinansyal na suporta. Tandaan na maging sensitibo sa iba’t ibang sitwasyon sa bawat pamilya. Alamin ang potensyal na mga pangangailangan sa kalusugan sa pag-iisip na nauugnay sa mga problema sa trabaho, at ikonekta ang mga nangangailangan sa professional resources.
Kausapin ang pamilya tungkol sa kanilang sitwasyong pinansyal, at pag-usapan ang kanilang resources. Tandaan na maraming miyembro ang mag-aalangan at malamang na hindi humingi ng tulong pinansyal, kahit kailangan nila ito. Maging sensitibo rito, at isiping mag-alok ng tulong sa halip na hintaying hilingan ka. Isiping sumangguni sa resource na Pananalapi para sa tulong.
Gamitin ang Resources ng Ward at Stake
Maaaring sumuporta at tumulong ang mga miyembro ng Simbahan sa mga taong maaaring naghahanap ng trabaho. Tandaan na humingi ng pahintulot bago ibahagi ang impormasyon tungkol sa paghahanap ng trabaho ng tao. Patingnan sa mga miyembro ang artikulong “Paano Tulungan ang Isang Taong Naghahanap ng Trabaho” para maipaalam sa kanila kung paano mag-minister sa isang taong naghahanap ng trabaho.
Sa mga indibiduwal na may mga hadlang sa pagtatrabaho (tulad ng kakulangan ng pagsasanay, mga problema sa pakikihalubilo o damdamin, o nahihirapang magsalita o hindi alam ang wika), maaaring kailanganin mo ang karagdagang resources:
-
Kapag mayroon, ang Development Counseling Services ay makakatulong. Ang mga serbisyong ito ay makukuha rin sa isang Deseret Industries store.
-
Maghanap ng makakatulong na resources sa “Disabilities Resources” sa ChurchofJesusChrist.org.
Tukuyin at hikayatin ang paggamit ng lokal na mga career service organization at resources. Maaaring kabilang sa resources na ito ang:
-
Mga ahensya ng gobyerno at pribadong ahensya.
-
Mga career service center ng institusyong pang-edukasyon.
-
mga NGO (nongovernmental organization).
-
Mga apprenticeship, internship, o on-the-job training program.