“Ano ang kailangan kong maunawaan tungkol sa saklaw ng paggamit ng pornograpiya?” Counseling Resources (2020).
“Ano ang Kailangan Kong Maunawaan?” Counseling Resources.
Counseling Resources
Ano ang kailangan kong maunawaan tungkol sa saklaw ng paggamit ng pornograpiya?
Ang paggamit ng pornograpiya ay maraming kadahilanan, at ang proseso ng pagsisisi ay magkakaiba sa bawat miyembro. Pakinggan ang pagsasabi ng mga miyembro ng kanilang kalagayan, pati na ang kanilang pag-uugali (nadiskubre ba sila o gusto na ba talaga nilang magbago?), gaano na ang saklaw ng paggamit nila, at ano ang nais nila para patuloy na magbago.
Magsimula sa pagpapakita ng pagmamahal at pasasalamat sa mga indibiduwal na nagkalakas-loob na ipaalam ang kanilang kalagayan para humingi ng tulong. Sikaping ipaunawa sa kanila na may pag-asa pa. Maaari nilang harapin ang sitwasyong ito at patuloy na magbago bilang mga disipulo ni Jesucristo. Tiyakin sa kanila ang kanilang banal na identidad bilang mga anak ng Diyos. Ang pinatibay na pagkaunawa sa kung sino talaga sila ay nagbibigay ng kakayahan sa kanila na makawala sa kahihiyan at gamitin ang sitwasyong ito para sa kanilang sariling pag-unlad at pagbabago.
Ang mga bishop ay may sagradong tungkulin na tulungan ang mga miyembro sa proseso ng pagsisisi. Bilang hukom sa Israel, kumikilos sila na may inspirasyong ipaunawa sa mga miyembro na responsibilidad at pribilehiyo nitong maghangad ng personal na paghahayag at matanggap ang mga sagot na kailangan para makayanan ng mga ito ang mga hamon sa buhay.
Dapat pagtuunan ng pansin ng mga lider ang pagpapalakas ng pagkadisipulo at pananampalataya ng mga miyembro sa pamamagitan ng pagtuturo na “Bilang lider sa Simbahan ni Jesucristo, sinusuportahan mo ang mga indibiduwal at pamilya sa pagsasakatuparan ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw [2020], 2.0). (Tingnan sa “Anong mga doktrina ang tumutulong sa mga tao para mapaglabanan ang mga problema sa pornograpiya?”)
Pagsusuri sa Tindi ng Pagkalulong
Bagama’t ang pagsisisi sa paggamit ng pornograpiya ay hindi nangangailangan ng pormal na pagdisiplina ng Simbahan, tandaan na “mariing tinututulan ng Simbahan ang pornograpiya sa anumang anyo nito. Ang paggamit ng pornograpiya sa anumang uri nito ay sumisira ng mga buhay, mga pamilya, at lipunan. Itinataboy rin nito ang Espiritu ng Panginoon.” (Pangkalahatang Hanbuk, 38.6.13). Ang layunin mo ay tulungan ang mga indibiduwal na maranasan kalaunan ang “malaking pagbabago ng puso” (tingnan sa Alma 5:12–14) at lubos na tanggapin ang papel na ginagampanan ni Jesucristo sa kanilang buhay, lalo na ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Lalalim ang kanilang pagkadisipulo kapag nakilala nila ang Kanyang kapangyarihan sa kanilang buhay sa pamamagitan ng proseso ng pagbabago na nangangailangan ng Kanyang patnubay at kakayahang palakasin sila.
Kapag hinikayat ninyo ang mga indibiduwal na huwag ituring na isang tanda lamang ng kahinaan ng moralidad ang paggamit nila ng pornograpiya, malalaman nila kung ano, kung mayroon man, ang karagdagang resources na kailangan nila. Halimbawa, ang paggamit ng pornograpiya ay kinapapalooban ng ilang kadahilanan (tulad ng biyolohikal, sikolohikal, pakikisalamuha, at espirituwal). Ang resources na kinakailangan ay depende sa kalubhaan ng pag-uugali ng bawat indibiduwal at kung paano niya hinaharap ang problema.
Isipin ang mga sumusunod na ideya habang hinahangad mong tulungan ang mga miyembro at kanilang asawa na maunawaan ang tindi ng pagkalulong nila sa pornograpiya at ang epekto nito sa kanilang buhay.
Personal na Pananagutan
Sikaping tulungan ang mga miyembro na maging personal na responsable sa mga desisyon, pagpili, at pagbabagong mangyayari sa hinaharap. Huwag kalimutan ang katotohanan na ang mga pagpapasiya ukol sa hinaharap ay responsibilidad ng taong may problema at ng kanyang asawa. Ang tungkulin mo ay tulungan at suportahan sila habang naghahangad sila ng paghahayag.
Lawak ng Pornograpiya
Habang nagtanong ka ng mga inspiradong tanong, matutulungan mo ang mga sangkot (mga indibiduwal; ang mga magulang, para sa mga kabataan; at mga asawa) na mahiwatigan kung ang mga gumagamit ng pornograpiya ay paminsan-minsang gumagamit, matinding gumagamit, o walang kontrol sa paggamit. Ang pag-unawa dito ay makakatulong sa iyo sa pagtulong sa kanila sa proseso ng pagsisisi gayundin sa pag-alam kung paano magmi-minister sa asawa o mga magulang. Magtanong din tungkol sa uri ng ginagamit na pornograpiya—ang pornograpiya ay maaaring magkakaiba-iba sa intensidad nito at maaari ding iugnay sa ibang mga pag-uugali.
Maging maingat na bansagang mga adik ang mga indibiduwal; karamihan sa mga indibiduwal na gumagamit ng mga pornograpikong materyal ay hindi dapat ituring na mga adik, lalo na ang mga tinedyer. Ang pagbabansag sa sarili na mga adik sa pornograpiya ay magpapabawas ng pagsisikap nilang magbago. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa paksang ito, tingnan sa Dallin H. Oaks, “Paghulagpos mula sa Bitag ng Pornograpiya,” Liahona, Okt. 2015, 32–38.
Ang Paggamit ng Pornograpiya ay Kadalasang Hindi lamang Kahinaan ng Moralidad
Ang pakikibahagi ng isang indibiduwal sa pornograpiya ay kadalasang masalimuot, at mahalagang tanggapin na ang panonood ng pornograpiya ay karaniwang hindi lamang simbuyo ng damdamin. Kadalasan, ang paggamit ng pornograpiya ay nakaugnay sa mga hamong biyolohikal, sikolohikal, pakikisalamuha, at espirituwal na natatangi sa bawat indibiduwal.
Ang mga hamon sa alinman o kombinasyon ng apat na aspetong ito ay maaaring magpahina sa mga indibiduwal at magpahirap sa kanila na ihinto ang paggamit ng pornograpiya. Kapag hinangad nilang maunawaan ang pagiging kumplikado ng kanilang mga problema sa pornograpiya, maaari nilang simulang tukuyin ang iba pang mga impluwensyang nakakaapekto sa kanila. Bagama’t mahalaga ang espirituwal na lakas, kadalasan ay nakatutulong sa mga indibiduwal na matugunan din ang biyolohikal, sikolohikal, at pakikisalamuha, na aspeto ng kanilang buhay. Hikayatin ang mga indibiduwal na saliksikin ang mga aspetong ito at ang posibleng maging impluwensya nito. Maaaring makatulong ito sa kanila na mas mapigilan pa ang paggamit ng pornograpiya.
Apat na Bagay na Dapat Isaalang-alang
May apat na palatandaan ang maaaring makatulong sa mga miyembro na masuri kung gaano na sila kalulong sa pornograpiya: dalas, tagal, intensidad, at pagsuong sa panganib. Ang pag-unawa sa mga palatandaang ito ay maaaring makatulong sa iyo, sa mga indibiduwal, at sa malalapit sa kanila na matukoy ang pagiging kumplikado ng kanilang hamon.
Dalas
Ang dalas ay tumutukoy sa kung gaano kadalas gumagamit ng pornograpiya ang isang indibiduwal. Ang manaka-nakang panonood ng pornograpiya ay nagpapahiwatig na hindi malala ang problema, bagama’t malinaw pa ring hindi tama ang pag-uugaling ito. Kapag mas madalas nanonood ng pornograpiya ang isang tao, mas malala ang problema.
Tagal
Ang tagal ay tumutukoy sa kung gaano katagal nang nanonood ng pornograpiya ang isang tao. Kung ang indibiduwal ay hindi nagawang tigilan ang panonood ng pornograpiya nang maraming taon, mas malamang na mahihirapan siyang paglabanan ang pagkalulong kumpara sa paggamit ng pornograpiya sa maikling panahon lamang.
Intensidad
Ang intensidad ay tumutukoy sa uri ng ginagamit na pornograpiya. Bagama’t hindi angkop ang lahat ng malalaswang larawan at nilalaman, ang ilang uri ng pornograpiya ay higit na karimarimarim. Kapag nalaman mo ang tungkol sa problema ng isang miyembro, mahalagang pansinin ang uri ng pornograpiya na pinapanood niya.
Halimbawa, ang mga pelikula na nagpapakita ng mga gawaing seksuwal ay mas matindi at mas lantaran kaysa sa mga larawan ng mga indibiduwal na halos hubad na o walang suot na damit. Ang ilang pornograpiya ay marahas o may mga kasamang bata. Kung may nalaman ka na anumang panonood, pagbili, o pagpapakalat ng pornograpiyang gumagamit ng mga bata, kontakin ang mga awtoridad. Isang help line ang magagamit ng bishop sa pagtugon sa problemang ito.
Pagsuong sa Panganib
Ang hilig o gawing sumuong sa panganib na nauugnay sa paggamit ng pornograpiya ay isa pang palatandaan kung gaano katindi ang hamon. Kapag handang sumuong sa panganib ang indibiduwal para makakita ng pornograpiya, mas mahihirapan siyang itigil ang paggamit nito. Maaaring kabilang sa pagsuong sa panganib ang pagliban sa paaralan, trabaho, o iba pang mga ipinangakong gawin; paglabag sa batas, paglilihim, o panloloko; o ibang mga kahalintulad na gawain. Ang pagsuong sa panganib ng mga nakatatanda ay maaaring humantong sa pagkawala ng trabaho, diborsyo, kaguluhan sa pamilya, o paggawa ng krimen.