Mga Calling sa Ward o Branch
Suporta para sa Asawa ng mga Gumagamit ng Pornograpiya


“Suporta para sa Asawa ng mga Gumagamit ng Pornograpiya,” Counseling Resources (2020).

“Suporta para sa Asawa ng mga Gumagamit ng Pornograpiya,” Counseling Resources.

Suporta para sa Asawa ng mga Gumagamit ng Pornograpiya

3:53

Ang paggamit ng pornograpiya ay kadalasang nakakaapekto nang malaki sa asawa ng gumagamit. Ang asawa ay maaaring magalit, walang magawa, at madamang nilinlang siya ng taong gumagamit ng pornograpiya. Bukod riyan, karaniwan ding nakadarama ng takot, pagkabigla, matinding sakit, pighati, at kalungkutan, gayundin ng galit o depresyon. Ang mga asawa ay kadalasang nakakaramdam ng matinding kahihiyan at pagdududa sa kanilang kahalagahan. Ang ilang asawa ay dumaranas pa ng mga pisikal na sintomas tulad ng pagkakasakit, hindi maipaliwanag na pananakit ng puso o dibdib, pananakit ng ulo, o hirap sa pagtulog.

Maaari ding maramdaman nilang itinatwa na sila ng Diyos at iniisip kung bakit Niya hinayaang mangyari ito. Hindi lahat ng mga asawa ay tutugon sa parehong paraan. Ang iba pang mga problema sa pagsasama ng mag-asawa o ang dalas at tagal ng paggamit ng pornograpiya ay maaaring makaimpluwensiya sa kanilang mga reaksyon at sa sidhi ng kanilang pagtugon.

Ang mga asawa ay maaaring atubiling sabihin kaninuman ang kanilang emosyonal at espirituwal na paghihirap at kung minsan ay pinipiling magtiis sa halip na humingi ng tulong o suporta. Sa paghahangad nila ng tulong, ang mga asawa ay madalas na nangangailangan ng isang tao na makikinig na mabuti at magbibigay ng suporta at pagkahabag. Kadalasang inaakala ng mga asawa na sila ang dapat sisihin sa problema, kaya maaaring kailangang ipaunawa sa kanila na hindi sila mananagot sa pag-uugali ng gumagamit.

Hangaring Makaunawa

Ang pagtulong na maipadama sa asawa ng indibiduwal na gumagamit ng pornograpiya na siya ay pinakikinggan at nauunawaan ay maaaring kasinghalaga ng anumang payo na maibibigay mo. Ang pakikinig nang may pagdamay ay magbibigay ng nakaaantig na mensahe sa asawa na siya ay minamahal, pinahahalagahan, at pinagmamalasakitan. Hangaring magpakita ng pagmamahal at pagdamay na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Mapanalanging isiping magtanong ng tulad ng mga ito upang matulungan kang mas maunawaan ang sitwasyon ng asawa at mabatid ang kanyang mga pangangailangan. Maging handa na mag-ukol ng oras na pakinggan lamang ang asawa na maglabas ng takot, pag-aalinlangan, at mga alalahanin.

Maaaring mas komportable ang asawa na banggitin ang sitwasyon kung may kasama siyang kaibigan, magulang, o mapagkakatiwalaang lider ng Simbahan. Tiyaking alam ng asawa na maaari siyang magsama ng taong susuporta sa kanya. Isiping itanong ang mga sumusunod nang may pang-unawa at pagmamahal:

  • Ano ang kasalukuyang sitwasyon at ano ang pinagdaraanan mo?

  • Ano ang pinaka-nakakagalit na aspeto ng paggamit ng pornograpiya ng iyong asawa?

  • Ano ang lubhang inaalala mo tungkol sa pagsasama ninyong mag-asawa ngayon?

  • Paano naapektuhan ng pornograpiya ang iyong sarili at ang inyong pamilya (mga problema sa pamilya, kalusugan, at iba pa)?

  • Saan ka kumukuha ng makakasuporta sa iyo ngayon?

  • Gaano kabukas at tapat na nasasabi sa iyo ng iyong asawa ang kanyang problema sa pornograpiya?

  • Gaano ka kahanda o magiging handa na talakayin ang problemang ito kasama ang iyong asawa?

  • Ano pa ang dapat kong malaman tungkol sa sitwasyon?

  • Paano ka natulungan ng Panginoon na matiis ang pagsubok na ito?

Kung may nalaman ka tungkol sa anumang pang-aabuso, karahasan sa tahanan, panonood, pagbili, o pagkakalat ng child pornography, kontakin ang mga awtoridad. Ang mga bishop ay may karagdagang help line na maaari nilang tawagan sa mga sitwasyong ito.

Tulungan ang Indibiduwal

Sa pagtulong mo sa asawa, isaalang-alang na gamitin ang ilan sa mga sumusunod na mungkahi.

Bigyang-diin ang kakayahan ng Tagapagligtas na magbigay ng personal na pagpapagaling sa asawa ng taong may problema sa pornograpiya (tingnan sa Alma 7:11 at Mateo 11:28–30).

  • Anyayahan ang asawa na pag-aralan kung paano naglingkod si Cristo sa mga taong dumaranas ng paghihirap at kung paano Niya sila matutulungang gumaling.

  • Tulungan ang asawa na makaunawa at manampalataya sa mga ordenansa ng priesthood, lalo na sa mga ordenansa sa templo.

  • Hikayatin ang asawa na humingi ng prieshood blessing.

Magbigay ng suporta para matulungan siyang makayanan ang masasakit na damdamin.

  • Ipadama ang iyong pagmamahal at malasakit para sa kanya, gayundin sa kanyang asawa at mga anak.

  • Tulungan ang asawa na maunawaan na hindi nagbabago ang pagtingin sa Kanya ng Diyos sa kabila ng mga desisyong ginawa ng taong gumagamit ng pornograpiya.

  • Linawin sa kanya na hindi siya mananagot sa paggamit ng pornograpiya o maling pag-uugali ng kanyang asawa at hindi inaasahang titiisin niya ang mapang-abusong pag-uugali nito. Kung may nalaman ka tungkol sa anumang pang-aabuso, kontakin kaagad ang mga awtoridad.

  • Ipaalala sa asawa ang kanyang kahalagahan at pinahahalagahan.

  • Hikayatin ang asawa na kausapin ang bishop, kung hindi pa niya ito nagagawa.

Anyayahan ang asawa na basahing muli ang resources para sa mag-asawa at pamilya sa “AddressingPornography” sa ChurchofJesusChrist.org.

Tulungan ang asawa na maunawaan na maaari siyang tumanggap ng sariling inspirasyon para malaman kung paano magtatakda ng malilinaw na hangganan sa relasyon at sa tahanan.

  • Anyayahan siyang pag-aralan ang “Alituntunin 8: Maging Matibay at Matatag” sa Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling (matatagpuan sa “Addiction Recovery” section ng ChurchofJesusChrist.org) upang matulungan siyang maunawaan kung paano magtakda ng mga hangganan na maaaring makatulong na ibalik ang kaayusan sa buhay at tahanan.

  • Tulungan ang asawa na maunawaan na may karapatan siyang mabigyan ng lubos na katapatan, mapanatiling walang pornograpiya sa tahanan, at iba pang mga pag-uugali na nagdudulot ng kapayapaan at pagkakaisa.

  • Tulungan siyang maunawaan na maaari siyang magpasiya at talakayin sa kanyang asawa kung gaano niya lubos na gustong malaman ang tungkol sa paggamit nito ng pornograpiya (tulad ng anong klase o uri ng pornograpiya, gaano na katagal, at gaano na katindi ang problema). Ang buong pagbubunyag ay maaaring makatulong sa proseso ng paggaling.

Tulungan ang asawa na makahanap ng mapagkakatiwalaang kaibigan o kapamilya na makapagbibigay ng makabuluhan at tuluy-tuloy na suporta habang naghahanap siya ng kapayapaan at katatagan sa kanyang buhay.

  • Kung nararapat, hikayatin ang asawa na magsalita sa mga taong hindi hahamakin ang gumagamit ng pornograpiya o uudyukan ang asawa na gumawa ng pabigla-biglang paghatol o madaliang mga desisyon.

  • Kung mayroon, ang mga support meeting para sa asawa at pamilya ay kadalasang mainam na lugar para madamang suportado, pinakikinggan, at pinahahalagahan at lugar na makahahanap ng lakas kay Cristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

Ipaunawa sa kanya na ang pagpapatawad sa kanyang asawa ay isang proseso at na maaari siyang tumanggap ng sarili niyang inspirasyon sa pag-alam kung paano at kailan sisimulan ang prosesong ito.

  • Hikayatin ang asawa na isaalang-alang ang sarili niyang emosyonal at espirituwal na proseso ng paggaling, na maaaring tumagal at hindi nakadepende sa paggaling ng gumagamit ng pornograpiya. Huwag tangkaing pabilisan o diktahan ang proseso. Hayaang pagsikapan niya munang kayanin ang kanyang mga nararamdaman at mga hamon na nauugnay sa sitwasyon bago talakayin ang pagpapatawad.

  • Paalalahanan ang asawa na ang pagpapatawad ay hindi palaging nangangahulugan ng pagbibigay ng tiwala. Maaaring dumating ang pagtitiwala kalaunan, o hindi kailanman, depende sa mga gagawing pagpili at ipapakitang pag-uugali. Ang pagtitiwala ay muling mabubuo kapag sinikap ng gumagamit ng pornograpiya na magpagaling at nakita ng kanyang asawa ang sigasig at matibay na hangarin niyang magbago.

Dapat iwasan ng mga lider ng Simbahan na ipahiwatig na ang nakaraang seryosong relasyon ng mag-asawa ay may koneksyon sa pagkalulong ng sinuman sa mag-asawa sa pornograpiya. Gayunman, ang paggamit ng pornograpiya ay maaaring makasama sa mga seryosong relasyon. Dapat iwasan ng mga lider ng Simbahan ang pagbibigay ng payo sa mga bagay na napakapribado, at kapag kailangan ang tulong, sumangguni sa Family Services o iba pang mga eksperto sa pagtulong sa sosyal at emosyonal na aspeto at sabihan ang mag-asawa na sumangguni sa nararapat na mga propesyonal.

Suportahan ang Pamilya

Alamin ang epekto sa pagsasama ng mag-asawa at pamilya at lutasin ang anumang problema.

Kung kailangan ng karagdagang tulong ng mga mag-asawa, hikayatin sila na humingi ng tulong para sa kani-kanyang pangangailangan at tulong para sa kanilang mag-asawa.

Kung may mga anak sa pamilya na nakakaalam sa problema, ipaunawa sa kanilang mga magulang ang responsibilidad na mag-minister sa kanila at tulungan din ang mga anak kung kinakailangan.

Hangaring suportahan ang gumagamit ng pornograpiya sa proseso ng kanyang espirituwal na paggaling. Ang resources sa adiksyon at paggamit ng pornograpiya, ang “Addressing Pornography” na bahagi ng ChurchofJesusChrist.org, at ang website na Addiction Recovery Program ay maaaring makatulong habang ipinapaunawa mo sa taong may problema sa pornograpiya ang kanyang responsibilidad na itama ang pag-uugali.

Hikayatin ang indibiduwal na gumagamit ng pornograpiya na panagutan ang kanyang mga ginawa at suportahan ang kanyang asawa. Tingnan ang resource tungkol sa paggamit ng pornograpiya para sa karagdagang impormasyon

Gamitin ang Resources ng Ward at Stake

Matapos makuha ang pahintulot ng gumagamit ng pornograpiya at ng kanyang asawa na talakayin ang sitwasyon sa iba, isiping hilingin sa mga lider ng ward o sa iba pang mga mapagkakatiwalaang tao na magbigay ng patuloy na suporta, patnubay, at tulong.

Tumukoy ng taong mapagkakatiwalaan na maaaring sumuporta sa gumagamit ng pornograpiya at sa kanyang asawa. Makakatulong na ang taong sumusuporta ay matagumpay na nakayanan ang gayunding hamon, ngunit sinumang taong may matatag na espirituwalidad at marunong mahabag ay makapagbibigay ng mapagmalasakit na suporta.

Anyayahan ang asawa na dumalo sa isang lokal na support group para sa asawa at mga miyembro ng pamilya.

  • Bisitahin ang Addiction Recovery website sa (“Addiction Recovery” section ng ChurchofJesusChrist.org) upang makahanap ng lokal na spouse support group meeting para sa asawa, na idaraos nang personal o sa pamamagitan ng phone-in meeting.

  • Kung walang ganitong mga miting, maaari mong kontakin ang bishop para hilingin na simulan ang ganitong miting o gumamit ng mga supprt group sa komunidad.

Maaari mong i-refer ang asawa ng taong gumagamit ng pornograpiya sa isang propesyonal na makakatulong o makakapagpayo. Alamin ang mga lokal na resource na nagbibigay ng mga serbisyong naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo.