“Suporta para sa mga Tagapag-alaga,” Counseling Resources (2018).
“Suporta para sa mga Tagapag-alaga,” Counseling Resources.
Suporta para sa mga Tagapag-alaga
Ang tagapag-alaga ay isang taong regular na nag-aalaga sa isa pang taong hindi kayang matugunan ang ilan o lahat ng kanyang sariling mga pangangailangan. Kadalasan, ang taong inaalagaan ay isang kapamilya na may kapansanan sa katawan o pag-iisip, pabalik-balik na karamdaman, o mga epekto ng katandaan. Ang haba ng oras na kailangan para sa pag-aalaga sa mga ganoong indibiduwal ay maaaring mula sa ilang oras sa bawat linggo hanggang sa 24-oras na pag-aalaga.
Madalas ay kailangan ng mga tagapag-alaga na balansehin ang responsibilidad sa trabaho, simbahan, at iba pang mga responsibilidad sa pamilya habang nagsisikap na alagaan ang isang mahal sa buhay. Bagama’t kadalasan ay napakasaya at nakapagbibigay-kasiyahang karanasan ang pag-aalaga, ang mga hinihingi ng patuloy na pangangalaga ay maaari ding maging sanhi ng pag-aalala, panlalata, problema sa pera, pagkabalisa, at pagod.
Ang mga tagapag-alaga ay maaaring may mga pangangailangan na hindi nakikita ng iba, at maaaring atubili rin silang humingi ng tulong. Maaaring mas mataas ang panganib na magkaroon ang mga tagapag-alaga ng depresyon, pagkabalisa, pagkalulong sa droga, o mga problema sa kalusugan ng katawan na may kaugnayan sa stress o labis na pagkapagod. Maaaring makaranas din sila ng dalamhati, poot, o galit dahil sa pagkawala ng kanilang pag-asa at mga inaasahan. Ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, kalayaan na gawin ang mga bagay na gusto nila, at mga layunin para sa hinaharap ay maaaring lubos na naiiba sa kung ano ang inaasahan nila noon.
Hangaring Makaunawa
Sa pakikipag-usap mo sa mga tagapag-alaga, tiyaking magpakita ng pagmamahal at pagdamay na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Dahil ang bawat sitwasyon at kalagayan ng bawat tao ay magkakaiba, mapanalanging pag-isipang itanong tulad ng mga ito nang may kabaitan at pagmamahal upang matulungan kang mas maunawaan ang sitwasyon ng tagapag-alaga at malaman ang kanyang mga pangangailangan.
-
Ano ang kasalukuyang sitwasyon mo, at ano ang iyong mga responsibilidad?
-
Ano ang pinakamahirap na mga aspeto ng pinagdaraanan mo?
-
Paano nakaapekto ang pagiging tagapag-alaga mo sa iyong pamilya (kalusugan, problema sa pera, mga tungkulin, mga responsibilidad, at iba pa)?
-
Ano ang mga hamon na nararanasan mo sa iyong relasyon sa inaalagaan mo?
-
Malamang bang bubuti ang iyong sitwasyon, magpapatuloy pa rin nang ganito, o magiging malala sa paglipas ng panahon?
-
Anong uri ng tulong sa tagapag-alaga ang kasalukuyan mong natatanggap (mula sa ibang mga kapamilya, mga ministering brother at ministering sister, resources sa komunidad, o mga healthcare provider)?
-
Anong mga gawain at responsibilidad ang hindi mo nakukumpleto at ng ibang mga kapamilya mo, dahil sa kawalan ng oras o kakayahan?
-
Ano ang ginagawa mo para alagaan ang iyong sarili (nutrisyon, tulog, ehersisyo, regular na pangangalaga sa kalusugan)?
-
Ano pa ang gusto mong ibahagi sa akin tungkol sa iyong sitwasyon?
Tulungan ang Indibiduwal
Habang tinutulungan mo ang miyembro sa kanyang sitwasyon, isiping gamitin ang ilan sa mga sumusunod na mungkahi.
Tulungan ang tagapag-alaga na maunawaan ang nagbibigay-kakayahan at nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas na si Jesucristo (tingnan sa Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 88:6; Mosias 24:13–15).
Alamin kung paano tutulungan ang tagapag-alaga na manatiling konektado sa ibang mga miyembro ng ward at sa mga pagsamba.
-
Kung nadarama ng tagapag-alaga at ng inaalagaan na pabigat sila sa ward, tulungan silang maunawaan na mahalaga sila at masaya ang maraming miyembro ng ward na paglingkuran sila.
-
Tiyaking nabibigyan sila ng sakramento sa tahanan nila, kung kinakailangan.
-
Alamin kung kailangan ng tagapag-alaga ng tulong sa pagdalo sa Simbahan, sa templo, o sa iba pang mga aktibidad.
-
Ibahagi sa tagapag-alaga kung paano nakakatulong ang kanyang halimbawa at karanasan sa iba pang mga miyembro ng ward.
-
Isiping bigyan ang tagapag-alaga ng angkop na oportunidad na maglingkod nang hindi dinaragdagan ang kanyang mga pasanin.
Bisitahin ang tagapag-alaga at ang inaalagaan at ipadama ang iyong pagmamahal at malasakit sa lahat ng taong bahagi nito.
-
Magplano ng mga pagbisita sa tahanan upang mas maunawaan ang sitwasyon.
-
Hikayatin at tulungan ang tagapag-alaga na maunawaan na hindi siya nag-iisa.
-
Tumulong sa paghahandang magbigay ng mga basbas ng priesthood kapag hiniling o nabigyang-inspirasyong gawin iyon.
-
Talakayin kung ano ang mga plano ng tagapag-alaga para maka-adjust sa pag-aalaga o ano ang gagawin kung magiging malala ang sitwasyon, at kung paano makakatulong ang ward.
Tukuyin ang resources na malalapitan ng tagapag-alaga kung kailangan ng tulong.
-
Maglista ng mga talento, kasanayan, at resources ng mga kapamilya at mga kaibigan na makapagbibigay ng kinakailangang tulong at gumawa ng planong gamitin ang resources na iyon.
-
Tulungan ang tagapag-alaga na matukoy ang mga oportunidad na magkaroon ng oras para sa sarili. Isaalang-alang ang mga pangangailangang espirituwal at personal gayundin ang mga oportunidad na makapaglibang.
Tukuyin ang karagdagang kinakailangang resources, tulad ng:
-
Pinansiyal na tulong
-
Insurance
-
Tulong at suporta mula sa iba pang mga kapamilya
-
Suporta para manatiling malusog ang katawan at isipan
-
Trabaho
-
Transportasyon
-
Accessibility at assistive technology o kagamitan
Suportahan ang Pamilya
Kung may iba pang mga miyembro ng pamilya sa tahanan, maaaring kailanganin nilang tumulong sa tagapag-alaga. Alamin ang epekto nito sa nag-aalaga at sa inaalagaan, gayundin sa asawa, mga anak, o iba pang mga kapamilya at tugunan ang mga problemang ito.
Tulungan ang mga bata na maunawaan ang pagbabago sa mga tungkulin at pangangailangan sa tahanan.
-
Maaaring mapansin ng mga bata at mga tinedyer na mas marami silang responsibilidad kung nag-aalaga o inaalagaan ang isang magulang o kapatid (halimbawa, mga responsibilidad sa tahanan, bakuran, o pangangalaga ng sasakyan).
-
Ang mga magulang na nag-aalaga o inaalagaan ay maaaring hindi nakapagbibigay ng oras sa kanilang mga anak ayon sa gusto nila.
Isali ang mga bata sa mga aktibidad na kasama ng iba pang mga pamilya sa ward.
-
Anyayahan ang mga pamilya sa ward na bisitahin ang tahanan, at hikayatin silang makibahagi sa mga aktibidad ng pamilya, tulad ng home evening.
Maaaring maramdaman ng taong inaalagaan na nagiging pabigat siya sa kanyang mga tagapag-alaga at maaaring mahirapan ding mabatid ang kanyang silbi sa buhay kung lubhang limitado ang kanyang mga kakayahan. Mag-isip ng mga paraan para matulungan ang indibiduwal na makahanap ng layunin at kasiyahan.
-
Depende sa sitwasyon, tulungan siya na tukuyin at lumahok sa mga makabuluhang aktibidad (gaya ng paglilingkod, libangan, pagsasama-sama ng pamilya, personal na mga proyekto at mga libangan, at iba pa).
-
Isaalang-alang ang mga oportunidad na makapaglingkod sa Simbahan habang nasa tahanan, tulad ng sa pamamagitan ng FamilySearch Indexing o iba pang mga oportunidad online.
Gamitin ang Resources ng Ward at Stake
Ang mga lider ng ward o ang iba pang mapagkakatiwalaang indibiduwal ay maaaring makapagbigay ng tuluy-tuloy na suporta, patnubay, at tulong. Humingi ng pahintulot sa tagapag-alaga bago talakayin ang sitwasyon sa iba.
Maaaring talakayin ng mga lider ang sitwasyon sa ward council para matukoy kung paano masusuportahan ng ward ang tagapag-alaga at ang taong inaalagaan.
-
Maaaring anyayahan ng bishop ang Relief Society presidency na makipagtulungan sa tagapag-alaga para lalong ma-assess o mataya ang sitwasyon at malaman kung paano tugunan ang mga pangangailangan.
-
Dapat isaalang-alang ng elders quorum president at Relief Society president ang pagtatalaga ng matatapat na ministering brother o ministering sister sa pamilya.
-
Tulungan ang tagapag-alaga na tumukoy ng isang taong mapagkakatiwalaan na palaging susuporta sa kanya. Ito ay maaaring ministering brother o ministering sister, o isa pang miyembro ng ward.
Humanap ng mga paraan upang makatulong ang mga miyembro ng ward.
-
Tukuyin ang mga miyembro na makabibisita sa bahay para maibsan ang kalungkutan dito.
-
Isama ang mga kabataan o iba pa sa mga service project para matulungan ang pamilya.
-
Tukuyin ang mga paraan kung saan regular na makapagbibigay ang mga miyembro ng ward ng pagkakataong makapagpahinga ang tagapag-alaga sa pamamagitan ng pagtulong sa pag-aalaga habang ang tagapag-alaga ay dumadalo sa support group, inaasikaso ang mga espirituwal o personal na pangangailangan, o tumatanggap ng iba pang tulong para makapagpahinga.
Tukuyin ang mga lokal na organisasyon at resources at hikayatin ang tagapag-alaga na gamitin ang mga ito. Maaaring kabilang dito ang:
-
Mga professional counselor
-
Mga support group na panglokal at pambansa para sa mga tagapag-alaga (personal o online)
-
Mga organisasyon ng gobyerno at pribadong organisasyon
-
Mga nongovernmental organization (NGOs)