Mga Calling sa Ward o Branch
Paggamit ng Pornograpiya


“Paggamit ng Pornograpiya,” Counseling Resources (2020).

“Paggamit ng Pornograpiya,” Counseling Resources.

Paggamit ng Pornograpiya

Ang pornograpiya ay anumang materyal na nagpapakita o naglalarawan ng katawan ng tao o ng seksuwal na gawain sa paraang pumupukaw sa damdaming seksuwal. Palaging itinuturo ng Simbahan na ang paggamit ng pornograpiya ay makasalanang pag-uugali.

Karamihan sa mga indibiduwal na gumagamit ng pornograpiya ay dumaranas ng iba’t ibang tindi ng paghihirap sa relasyon—sa Diyos, sa sarili, at sa iba. Maaari din silang makonsiyensya o makaramdam ng kahihiyan. Gaano man katindi ang paggamit ng pornograpiya, ang pagpapahayag ng pagmamahal at pasasalamat sa mga indibiduwal sa kanilang lakas-ng-loob na ipaalam ang kanilang kalagayan ay mahalagang hakbang para matulungan silang maragdagan ang kanilang pagpapahalaga sa sarili at kakayahang madaig ang problema.

Sa pagmi-minister mo sa mga indibiduwal na pinaglalabanan ang paggamit ng pornograpiya, hangaring gabayan sila patungo kay Cristo. Hikayatin ang mga indibiduwal na unawain ang mga bagay na umiimpluwensya sa kanila na gumamit ng pornograpiya at bumuo ng mga plano na baguhin ang kanilang pag-uugali.

Hangaring Makaunawa

Ang paggamit ng pornograpiya ay maaaring makaadik, pero payuhan ang mga miyembro na magtuon sa kanilang banal na identidad bilang mga anak ng Diyos sa halip na bigyan ng label ang kanilang sarili ayon sa kanilang mga pag-uugali. Mapanalanging isiping magtanong ng tulad ng mga ito para mas maunawaan ang paggamit ng miyembro ng pornograpiya at mahiwatigan ang kanyang mga pangangailangan.

  • Ano ang naging epekto ng paggamit ng pornograpiya sa buhay mo?

  • Gaano ka kadalas gumamit ng pornograpiya?

  • Ano na ang nakatulong sa ngayon para madaig ang hamong ito?

  • Paano mo nagamit ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa pagdaig sa hamong ito?

Kung may nalaman kang anumang panonood, pagbili, o pagpapakalat ng pornograpiyang gumagamit ng mga bata, kontakin ang mga awtoridad ng pamahalaan. Mayroon ding help line na matatawagan ang inyong bishop kapag nahaharap sa isyung ito

Tulungan ang Indibiduwal

Ang paggamit ng pornograpiya ay kadalasang higit pa sa isang kahinaang moral at maraming bagay ang nakakaimpluwensiya rito. Ang pagtulong sa indibiduwal na mas maunawaan ang mga bagay na iumimpluwensya sa paggamit ng pornograpiya ay maaaring magpalakas sa kakayahan niyang daigin ito.

Patatagin ang pang-unawa ng indibiduwal sa doktrinang maaaring makatulong sa kanya na daigin ang paggamit ng pornograpiya:

  • Ipaunawa sa kanya ang papel na ginagampanan ng Tagapagligtas at ang Kanyang kakayahang tulungan tayo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.

  • Tulungan ang indibiduwal na makita ang kanyang identidad bilang anak ng Diyos, at mapansin ang sarili niyang mga kalakasan, talento, at kakayahan.

  • Tulungan ang indibiduwal na maunawaan ang kalayaan at responsibilidad niyang sikaping lutasin ang problemang ito.

  • Tulungan ang indibiduwal na maunawaan na ang isa sa mga nakapipinsalang epekto ng paggamit ng pornograpiya ay na ang mga gumagamit nito ay kadalasang nagsisimula sa pagturing sa ibang tao bilang mga bagay na magbibigay-kasiyahan sa kanilang mga pagnanasa sa halip na bilang mga anak ng Diyos.

  • Talakayin ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkakonsiyensya (“May nagawa akong masama”) at ng makaramdam ng kahihiyan (“Masamang tao ako”), at tulungan ang indibiduwal na maunawaan ang kahalagahan ng wastong pagkakonsiyensya, habang umiiwas sa kahihiyan.

  • Hikayatin ang miyembro na maghanap ng impormasyon tungkol sa malusog na seksuwalidad, wastong seksuwal na pagpapahayag, at ang papel na ginagampanan ng interes sa seksuwal na aktibidad sa loob ng mga hangganang naitakda ng Diyos.

Hikayatin ang indibiduwal na bumuo ng plano na itigil na ang kanyang paggamit ng pornograpiya.

  • Anyayahan ang indibiduwal na hangaring makatanggap ng sariling inspirasyon sa pagkakaroon ng isang planong magiging epektibo.

  • Hikayatin ang indibiduwal na magplano ng mga paraan para malimitahan ang access sa pornograpiya, tulad ng pag-install ng mga internet filter at pagtutulot sa iba na ma-access ang kanyang mga mobile device, computer, at password para masubaybayan ang kanyang viewing history.

Hikayatin ang indibiduwal na tukuyin ang mga pinaka-karaniwang sitwasyong nakadaragdag sa tukso na gumamit ng pornograpiya at kung paano iiwasan ang mga iyon.

  • Alamin kung “saan,” “kailan,” at “paano” nangyayari ang bawat sitwasyon (isiping limitahan ang access at paggamit ng media, tulad ng mga magasin, aklat, telebisyon, pelikula, musika, internet, at iba pa).

  • Alamin ang mga nadarama sa likod ng ganoong mga sitwasyon (gaya ng pagkainip, pagkalungkot, galit, problema, o pagod).

Anyayahan ang indibiduwal na talakayin ang isyu sa kanyang asawa o magulang.

  • Hikayatin ang indibiduwal na bumuo ng isang plano na maibalik ang tiwala ng mga taong nakadama na sinira niya ang tiwala nila dahil sa paggamit niya ng pornograpiya.

Anyayahan ang indibiduwal na makipagkita nang regular sa isang mapagkakatiwalaang tao para talakayin ang kanyang progreso.

Isiping ikonekta ang indibiduwal sa mga support group o programa na sumusuporta sa parehong mga pinahahalagahan na nakapaloob sa pagdaig sa pornograpiya.

  • Anyayahan ang miyembro na dumalo sa isang lokal na recovery support group (bahaging “Addiction Recovery” ng ChurchofJesusChrist.org) kung mayroon nito.

  • Kung walang lokal na support program, isipin kung ano ang iba pang mga opsiyon na available, tulad ng mga support group o programa sa komunidad o online.

Suportahan ang Pamilya

Ang paggamit ng pornograpiya ay may epekto sa asawa at sa iba pang mga miyembro ng pamilya. Sa paghahangad mong suportahan ang asawa o iba pang mga miyembro ng pamilya ng taong gumagamit ng pornograpiya, pakinggan ang kanilang mga takot at pangamba. Tiyaking magpakita ng pagmamahal at pagdamay na tulad ng gagawin ng Tagapagligtas. Bukod pa riyan, tiyaking maglaan ng sapat na suporta sa asawa na maaaring nahihirapan. Tingnan ang Suporta para sa Asawa ng mga Gumagamit ng Pornograpiya para sa iba pang impormasyon.

Hikayatin ang asawa o miyembro ng pamilya na alamin ang epekto ng sitwasyong ito sa kanya at humingi ng tulong sa paglutas ng mga isyung iyon kung kinakailangan.

Tulungan ang miyembro ng pamilya na maunawaan kung paano makakatulong ang Tagapagligtas, tumigil man o hindi ang kanyang mahal sa buhay sa panonood ng pornograpiya (tingnan sa Alma 7:11 at Mateo 11:28–30).

Anyayahan ang miyembro ng pamilya na dumalo sa isang support group para sa asawa at pamilya ng Simbahan o sa isang katulad na support group kung mayroon. Tingnan sa bahaging “Paggaling mula sa Adiksyon” ng ChurchofJesusChrist.org para sa mga oras ng support group.

Hikayatin ang miyembro ng pamilya na rebyuhin ang resources para sa mga asawa at miyembro ng pamilya sa bahaging “Paglutas sa Pornograpiya” ng ChurchofJesusChrist.org.

Gamitin ang Resources ng Ward at Stake

Isiping hilingin sa mga lider ng ward o iba pang mga mapagkakatiwalaang indibiduwal na patuloy na magbigay ng suporta. Hingin ang pahintulot ng indibiduwal bago talakayin ang sitwasyon sa iba.

Tumukoy ng isang taong mapagkakatiwalaan na magiging support person para sa miyembro, at hikayatin silang magkita nang regular.

  • Ang pinakamainam, dapat ay maging komportable ang indibiduwal na makasama ang taong ito at naging matagumpay na sa pagdaig sa pornograpiya o may magandang pagkaunawa sa mga isyung ito.

  • Ang taong ito ay maaaring isang ministering brother o sister.

Sa ilang sitwasyon, maaaring magpatuloy ang paggamit ng pornograpiya ng isang indibiduwal sa kabila ng kanyang malaking pagsisikap at tulong ng iba na madaig ang paggamit ng pornograpiya.

  • Isiping pakonsultahin ang miyembro sa isang mental health professional na naglalaan ng mga serbisyo na naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo.

  • Ang Family Services (kung saan available) ay maaaring makatulong o magbigay ng mga referral sa lokal na resources, na maaaring kabilangan ng mga treatment program o center, mga programa o support group sa komunidad, at mga ahensya ng pamahalaan.