Mga Calling sa Ward o Branch
Anong doktrina ang makakatulong sa mga indibiduwal na mapaglabanan ang mga problema sa pornograpiya?


“Anong doktrina ang makakatulong sa mga indibiduwal na mapaglabanan ang mga problema sa pornograpiya?” Counseling Resources (2020).

“Anong doktrina ang makakatulong sa mga indibiduwal na mapaglabanan ang mga problema sa pornograpiya?” Counseling Resources.

Counseling Resources

Anong doktrina ang makakatulong sa mga indibiduwal na mapaglabanan ang mga problema sa pornograpiya?

4:2

Ang isa sa mga responsibilidad mo bilang miyembro ng Simbahan ay ituro at patotohanan ang dalisay na doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagtuturo ng doktrina ni Cristo, na lahat ay kailangang manampalataya kay Jesucristo, pagsisihan ang kanilang mga kasalanan, mabinyagan, tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo, at magtiis hanggang wakas. Tingnan ang mga mensaheng ito na makukuha rin sa bahaging “Addressing Pornography” sa ChurchofJesusChrist.org:

The Power of Teaching Doctrine

Ang Doktrina ni Cristo

Focus on the Doctrine of Christ

Follow the Doctrine and Gospel of Christ

Responsibilidad ng mga indibiduwal na lutasin ang sarili nilang mga hamon sa pornograpiya. Dapat silang maging responsable sa sarili nilang buhay at sa mga pagbabagong kailangan nilang gawin. Kapag nakikibahagi ka sa mga inspiradong talakayan sa mga indibiduwal, gabayan silang maghangad ng personal na paghahayag tungkol sa mga solusyon. Hikayatin sila na hangaring espirituwal na umasa sa sarili sa pamamagitan ng pagsisikap na maunawaan at maipamuhay ang doktrina ni Cristo. Mahalaga ang pag-aaral at panalangin sa prosesong ito.

Responsibilidad din ng mga indibiduwal na unawain at tugunan ang sakit na naidulot sa iba ng paggamit nila ng pornograpiya. Habang tinutulungan mo sila, hikayatin silang tanggapin ang responsibilidad na ito at gawin ang kanilang makakaya para makahingi ng tawad.

Maaaring mahirap madaig ang pornograpiya. Dapat sikapin ng mga indibiduwal na matukoy at matugunan ang mga natatanging bagay na nag-iimpluwensya sa kanila na gumamit ng pornograpiya. Mahalagang pansinin na ang mga espirituwal na solusyon, bagama’t mahalaga at nakakatulong sa paglaban sa pornograpiya, ay kadalasang bahagi lamang ng buong solusyon. Dapat isaalang-alang ng mga indibiduwal na saliksikin ang mga isyung biyolohikal, sikolohikal, at pakikisalamuha, na kadalasang may kinalaman sa paggamit ng pornograpiya.

Ituro ang Doktrina

Habang tinuturuan mo ang mga may problema sa pornograpiya, magtulungan para matukoy kung aling doktrina ang makakatulong sa kanila na matugunan ang mga impluwensyang nakakaapekto sa kanilang pag-uugali. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang tunay na doktrina, kapag naunawaan, ay nagpapabago ng asal at pag-uugali. Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis magpabuti ng ugali kaysa pag-aaral ng pag-uugali. Ang pagtutuon sa hindi karapat-dapat na ugali ay maaaring humantong sa hindi karapat-dapat na ugali. Iyan ang dahilan kaya binibigyang-diin natin nang husto ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo” (“Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 17).

Ang pangunahing doktrinang itinuturo sa seminary at institute ay isang nakakatulong na gabay sa pagtukoy kung aling doktrina ang pagtutuunan ng pansin (tingnan sa “Mga Pangunahing Doktrina”). Ituro ang doktrina sa pamamagitan ng paggamit ng resources ng ebanghelyo tulad ng mga banal na kasulatan at mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya.

Mag-minister nang may pag-ibig sa kapwa habang nagtuturo ka, at magtuon ng pansin sa pagtulong sa mga indibiduwal na makilala ang Espiritu Santo sa kanilang buhay. Hikayatin silang tuklasin kung paano lumago sa kabila ng kanilang mga hamon sa pornograpiya. Isiping magtanong ng mga inspiradong tanong tungkol sa kanilang pag-unlad; sa kanilang lumalagong pagkaunawa sa kanilang sarili sa aspetong biyolohikal, sikolohikal, pakikisalamuha, at espirituwal; at sa pagkakaroon nila ng mga katangiang tulad ng kay Cristo. Gabayan ang mga indibiduwal na maunawaan kung paano sila mababago ng kapangyarihan ni Cristo at mahuhubog kung ano ang kanilang kahihinatnan.

Ituon ang iyong mga pagtuturo sa pagtulong sa mga indibiduwal na maunawaan ang pagsisisi at ang kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Makakatulong din na hikayatin silang maghanap ng impormasyon tungkol sa malusog na seksuwalidad, sa angkop na seksuwal na pagpapahayag, at sa papel ng damdaming seksuwal sa loob ng mga hangganang itinakda ng Diyos.

Mga Halimbawa sa Pagtuturo ng Doktrina

Ang mga sumusunod na halimbawa ay nagtatampok sa mga hamon na karaniwang kinakaharap ng mga indibiduwal na may problema sa pornograpiya at nagbibigay ng doktrinang maaaring makatulong sa mga hamong ito. Manalangin na kasama ang bawat indibiduwal para tulungan siyang matukoy ang partikular na doktrinang kailangang-kailangan ngayon mismo.

Kalungkutan at Pag-iisa

Ang mga taong may problema sa pornograpiya ay kadalasang nakadarama ng kalungkutan at pag-iisa. Maaaring wala silang koneksyon sa iba. Ang pag-unawa sa doktrina ng Panguluhang Diyos ay makakatulong sa mga indibiduwal na makadama ng pagmamahal mula sa at koneksyon sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Espiritu Santo. Hangaring ituro ang likas na kabanalan at mga tungkulin ng bawat miyembro ng Panguluhang Diyos.

Kahihiyan at Pagtatago

Ang kahihiyan ay kadalasang naghihikayat sa mga indibiduwal na itago ang kanilang pag-uugali. Ang kahihiyan ay nagpapadama sa mga indibiduwal na sila ay masamang tao at hindi karapat-dapat na mapatawad. Sa kabilang banda, ang pagkakonsiyensya ay naghihikayat sa mga indibiduwal na aminin ang mga pagkakamali at hangaring magsisi at magbago. Ang pag-unawa sa plano ng kaligtasan ay tumutulong sa atin na gamitin ang kapangyarihan ng karapatang pumili at pananagutan. Inaalis ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala ang kahihiyan at tinutulungan tayong magsisi, lumago, at magbago.

Pagkalito tungkol sa Papel ng Seksuwalidad

Ang mga di-angkop o maling paniniwala tungkol sa papel ng seksuwal na pagpapahayag ay maaaring magmula sa paggamit ng pornograpiya. Nililinaw ng plano ng kaligtasan ang mahalagang papel ng seksuwal na pagpapahayag at ang layunin nito sa paglikha ng mga pamilya at ng pagmamahalan sa pagitan ng mga mag-asawa. Ituro na ang plano ng kaligtasan at iba pang doktrina ay tumutulong na bigyan ng halaga ang isang kaluluwa sa halip na mapanganib na mga pagbabaluktot at pagturing sa katawan bilang isang laruan lamang na matatagpuan sa loob ng pornograpiya.

Habang nakikinig ka sa pagtalakay ng mga indibiduwal sa mga hamon na kanilang kinakaharap, magagabayan kang matukoy ang doktrinang pinakamainam na tutugon sa kanilang mga pangangailangan. Ang mga halimbawang ito ay ilan lamang sa mga paraan ng pagtuturo ng doktrina.

Hikayatin ang mga Indibiduwal na Ipamuhay ang Doktrina ng Ebanghelyo

Tulungan ang mga indibiduwal na sikaping maunawaan ang doktrinang may kaugnayan sa kanilang natatanging mga pangangailangan. Mabibigyan ng pahiwatig ng Espiritu Santo ang mga indibiduwal para matukoy ang partikular na mga paraan para maipamuhay ang katotohanan. Hikayatin sila na mangakong mamuhay ayon sa mga pahiwatig na natatanggap nila, sa mga utos ng Panginoon, at sa mga turo ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ito ay isang habambuhay na proseso para sa lahat ng naghahangad na maging mga disipulo ni Jesucristo.

Ang sumusunod na mga konsepto ay karagdagang doktrinang maaaring makatulong sa mga indibiduwal na may problema sa pornograpiya.

Pananagutan

Bawat isa sa atin ay anak ng Diyos. Dahil sa banal na identidad na iyon, mayroon tayong mga kaloob, tulad ng karapatang pumili, at mga responsibilidad, tulad ng pananagutan.

Ang pananagutan sa sarili, sa iba, at sa Panginoon ay mahalaga sa pag-unlad. Ituro sa mga indibiduwal ang mga panganib ng pornograpiya at kung paano nito nilalabag ang mga pamantayan ng Diyos. Tulungan silang maunawaan na hindi sila makakasulong nang hindi umaamin na mayroon silang nakapipinsala at di-angkop na mga pag-uugali.

Para sa mga bishop at branch president: Kabilang dito ang pagtatapat. Kung minsan maaaring kailanganin ng ilang pag-uusap bago lubos na isiwalat ng mga gumagamit ng pornograpiya ang ginawa nilang hindi angkop. Kapag kinausap mo sila, tulungan silang maunawaan ang kaugnayan sa pagitan ng katarungan at awa at kung paano nauugnay ang mga katotohanang ito sa pagtatapat at pananagutan. Talasan ang pakiramdam, magmahal, at maging masigla para makapagbigay ng inspirasyon at panghihikayat. Mag-ingat para maiwasang kahihiyan o pamimilit. Hindi dapat magdaos ng membership council para disiplinahin o takutin ang mga miyembrong may problema sa pornograpiya (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw [2020], 32.8.2).

Regular na Pananalangin at Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Ang regular na pananalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay mahalaga sa malaking pagbabago ng puso. Turuan ang mga indibiduwal na maging partikular sa kanilang mga panalangin, na humihingi ng tawad at nagpapahayag ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaari ding tumanggap ng lakas ang mga indibiduwal sa araw-araw na pag-aaral ng Aklat ni Mormon (tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?Liahona, Nob. 2017, 60–63). Anyayahan silang regular na maghanap ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at sa mga artikulo sa magasin ng Simbahan tungkol sa pornograpiya at mga espirituwal na mithiin.

Pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Kailangang maniwala ang mga indibiduwal na kaya nilang magbago. Hangaring maging positibo at makatotohanan sa kanila habang nirerebyu mo ang mga alituntunin ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ituro sa kanila na ang pinakamaliit na hangaring simulan ang proseso ng pagbabago ay maaaring humantong sa pag-unlad (tingnan sa Alma 32:27–28). Kapag pinangalagaan ng mga indibiduwal ang kanilang pananampalataya at ipinamuhay ang natututuhan nila, lalago ang kanilang pananampalatayang magkaroon ng malaking pagbabago.

Isang Proseso, Hindi Isang Kaganapan

Ang pagsisisi ay isang masayang prosesong matagal gawin (tingnan sa Dale G. Renlund, “Pagsisisi: Isang Pagpiling Puno ng Kagalakan,” Liahona, Nob. 2016, 121–24; Stephen W. Owen, “Ang Pagsisisi ay Palaging Positibo,” Liahona, Nob. 2017, 48–50). Tulad ng matagal magkaroon ng masamang gawi, gayon din ang pagkakaroon ng mga tamang pag-uugaling tulad ng kay Cristo. Nakakatulong ang regular na pagdarasal, pag-aaral ng banal na kasulatan, at pagsampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa prosesong ito.

Hindi kailangan, at ni hindi makatotohanan, na maging perpekto ang isang indibiduwal sa hinaharap o na agad siyang makaranas ng malaking pagbabago ng puso. Sa halip, kailangan siyang sumulong nang may tunay na layuning humingi ng tawad, maalis ang makasalanang gawi, at unti-unting sumulong. Dagdag pa riyan, kailangan ding aminin at panagutan ng isang taong nanonood ng pornograpiya ang sakit na idinudulot ng pag-uugaling iyon at ang pagkasira ng tiwalang nililikha niyon sa kanyang mga relasyon. Maaaring kabilang dito ang paghingi ng tawad at dapat itong samahan ng katapatan sa asawa, kung may-asawa ang indibiduwal.

Magpatotoo nang madalas tungkol sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa kakayahan Niyang tulungan ang mga tao na magbago. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay naghahatid ng kagalakan (tingnan sa Mosias 4:2–3).