Kabaitan sa Programa ng Primary
Naglalakad si Paul at ang kanyang mga magulang papunta sa simbahan. Nasasabik si Paul. Ngayon ang araw ng programa ng Primary! Lahat ng bata ay kakantahin ang mga awitin at magbabahagi ng mga banal na kasulatan sa simbahan. Iyon ang unang pagkakataon na makasama si Paul sa programa.
Pagdating nila sa simbahan, nakita ni Paul ang mga missionary. Itinuturo nila sa pamilya ni Paul ang tungkol sa ebanghelyo.
“Handa ka na?” sabi ni Sister Walker.
Tumango si Paul. May natutuhan siyang banal na kasulatan. Tungkol ito sa kung paano hiniling sa atin ni Jesus na mahalin ang lahat. Handa na si Paul na ibahagi ito!
Pumasok silang lahat at naupo. Hindi nagtagal ay hiniling ng bishop sa mga bata na pumunta sa harapan ng chapel. Tumayo si Paul kasama ang kanyang mga bagong kaibigan. Todo ang kanyang ngiti. Nakita niya ang kanyang inay at itay na nakangiti rin. Pagkatapos ay nagsimula ang musika.
“Kung ang katabi’y si Cristo, gagawin ba’y ganito?” Sinikap ni Paul na awitin nang malinaw ang bawat salita. Inisip niyang nakikinig si Jesus.
Sa gitna ng awitin, nakita ni Paul na may nagbukas ng pinto sa likod ng chapel. Isang batang lalaking nagngangalang Mark ang pumasok. Kasama nito ang kanyang pamilya. Tumingin si Mark sa ibang mga bata na umaawit. Tila malungkot siya.
Siguro ay malungkot siya na nahuli siyang dumating dito, naisip ni Paul. Nagsimulang maglakad nang dahan-dahan si Mark palapit sa pulpito.
Naalala ni Paul nang pumunta siya sa Primary sa unang pagkakataon. Natuwa siya na may ibang taong nakaupo sa tabi niya at mabait sa kanya.
Nais ni Paul na tulungan si Mark. Kumaway siya para lumapit sa kanya si Mark. “Punta ka rito!” Binigkas ni Paul ang mga salita.
Mabilis na lumakad si Mark papunta sa pulpito. Nagbigay ng puwang si Paul para kay Mark.
Niyakap niya si Mark. “Salamat at dumating ka,” bulong ni Paul.
Binigyan ni Mark ng malaking ngiti si Paul.
Hindi nagtagal ay natapos ang awitin. Sabay na naupo sina Paul at Mark. Masaya si Paul na natulungan niya ang isang kaibigan na madamang minamahal at tinatanggap siya nang malugod.