Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Masayang Oras sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan para sa Maliliit na Bata
Ang mga ideyang ito ay naaayon sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya bawat linggo.
Para sa Doktrina at mga Tipan 94–97: Sabihin sa lahat na magkakahawak na itaas ang kanilang mga kamay tulad ng isang taluktok ng templo. Pagkatapos ay ibaba ang inyong mga bisig para yakapin ang isa’t isa. Pag-usapan ang tungkol sa mga pagpapalang maaaring matanggap ng mga pamilya sa templo. Tulungan ang maliliit na bata na sabihing, “Makakasama ko ang pamilya ko magpakailanman.”
Para sa Doktrina at mga Tipan 98–101: Tulungan ang inyong mga musmos na sabihing, “Matutulungan ako ni Jesucristo na makadama ng kapayapaan.” Pag-usapan ang iba’t ibang paraan na makadarama ng kapayapaan ang mga tao. Ang ilang ideya ay maaaring pagdarasal, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pakikinig sa magandang musika, o tahimik na pagpapahinga.
Para sa Doktrina at mga Tipan 102–105: Ang mga pamilya, lungsod, at bansa ay may mga patakaran upang mapanatiling ligtas ang mga tao. Binibigyan din tayo ng Ama sa Langit ng mga patakaran, o kautusan. Pag-usapan ang ilan sa mga patakaran at kautusang ito at kung bakit mahalagang sundin ang mga ito, kahit na mahirap kung minsan. Tulungan ang inyong mga musmos na sabihin ito: “Kaya kong sundin ang mga kautusan.”
Para sa Doktrina at mga Tipan 106–108: Tulungan ang inyong mga musmos na sabihing, “Kaya kong sundin ang mga lider ng Simbahan.” Itaas ang larawan ng propeta. Pag-usapan kung paano masusunod ng inyong pamilya ang patnubay ng propeta.
Para sa Doktrina at mga Tipan 109–110: Magtulungan bilang pamilya sa pagdodrowing ng larawan ng isang templo. Pagkatapos ay awitin ang “Templo’y Ibig Makita,” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99). Pag-usapan kung bakit mahalaga sa inyo ang templo. Tulungan ang inyong mga musmos na sabihin ito: “Ang templo ay isang espesyal na lugar.”