Ang Aral ng Kabute
Ang awtor ay naninirahan sa Bavaria, Germany.
Si Annie at ang iba pa ay nangakong makikinig nang mabuti.
“Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).
Sabik na sabik si Annie. Mamimitas si Inay ng mga ligaw na kabute kasama ang kanyang kaibigang si Binibining Maria. At sinabi niya na puwede ring sumama si Annie! Gayon din ang tatlo sa kanyang mga kapatid na sapat na ang edad.
“OK,” sabi ni Inay bago sila umalis. “Hinahayaan ko kayong sumama dahil alam kong maaari kayong makinig nang mabuti. Napakahalaga niyan habang naghahanap tayo ng mga kabute. Masarap ang ilang ligaw na kabute. Ngunit ang ilang kabute ay nakalalason. Nagsasanhi ang mga ito ng sakit. Kaya maipapangako ba ninyong gawin kung ano mismo ang sinabi ni Binibining Maria?”
“Opo!” sigaw ni Annie at ng kanyang mga kapatid. Kinuha nina Annie, Autumn, Gideon, at Adelaide ang kanilang mga basket at naglakad patungo sa kagubatan para salubungin si Binibining Maria.
Isang eksperto sa kabute si Binibining Maria. Tinuruan siya kung paano humanap ng mga ligtas na kabute na maaaring kainin sa Kagubatan ng Bavaria sa Germany.
“Mga bata!” sabi ni Binibining Maria. “Sino ang handang humanap ng ilang kabute?”
Tuwang-tuwa sina Annie at kanyang mga kapatid. “Ako po! Ako po!”
“Ayos!” sabi ni Binibining Maria. “Tandaan, maaari lamang ninyong hawakan o piliin ang mga kabute na sasabihin kong ligtas.”
Muling nangako si Annie at ang iba pa na makikinig silang mabuti. Pagkatapos ay sinundan nila si Binibining Maria papunta sa gubat.
Mataas ang sikat ng araw habang naglalakad sila patawid sa lupa na puno ng mga lumot. May mga kabute sa lahat ng dako! May mga kahel, puti, pula, at kulay brown na kabute. Ang iba ay malalaki. Ang iba ay maliliit.
Ang mga paborito ni Annie ay ang mga pulang kabute na may mga puting tuldok-tuldok. Ipinaalala nila sa kanya ang tungkol sa mga fairy tale. Ngunit nakinig siya nang sabihin sa kanya ni Binibining Maria na huwag hawakan ang mga ito. Magaganda ang mga kabuteng iyon ngunit lubhang nakalalason!
Maingat silang ginabayan ni Binibining Maria. Si Annie at ang kanyang mga kapatid ay mabubuting tagapakinig, tulad ng ipinangako nila.
Tumulong din sila sa iba pang mga paraan. Kumuha ng mga larawan ng mga kabute si Autumn. Nang makakita si Binibining Maria ng mga kabute na ligtas kainin, maingat na pinutol ni Gideon ang mga tangkay. Pagkatapos ay inilagay nina Annie at Adelaide ang mga ito sa mga basket.
Pagkatapos ay oras na upang umuwi. Ipinaalala sa kanila ni Binibining Maria na agad nilang hugasan ang kanilang mga kamay gamit ang sabon at tubig pagkabalik nila.
“Salamat sa pagpapakita po ninyo sa amin ng gubat at pagtulong sa amin sa mga kabute,” sabi ni Annie.
Ngumiti si Binibining Maria. “Salamat sa inyo sa pagiging mabubuting tagapakinig!”
Para sa hapunan noong gabing iyon, nagluto si Itay ng mga patatas, sausage, at itlog na may dagdag na espesyal na sangkap. Mga kabute!
“Sarap,” sabi ni Annie habang kumakagat ng isa pa. “Napakasarap ng lasa ng mga ito!”
“Magandang bagay na alam ni Binibining Maria kung aling mga kabute ang ligtas kainin,” sabi ni Inay.
“At magandang bagay na nakinig kami sa sinabi ni Binibining Maria!” sabi ni Autumn.
Nag-isip sandali si Annie. “Ganoon din ba ang kailangan para makinig sa Espiritu Santo?” Naghahanda nang magpabinyag at makumpirma si Annie. Natututuhan niya kung ano ang kahulugan ng magkaroon ng kaloob na Espiritu Santo.
Tumango si Inay. “Oo! Matutulungan tayo ng Espiritu Santo na malaman kung ano ang tama at mabuti. Parang kung paano tayo tinulungan ni Binibining Maria na malaman kung aling mga kabute ang mabuting kainin.”
“Kaya mahalagang makinig nang mabuti sa Espiritu Santo,” sabi ni Itay.
“Eksakto,” sabi ni Inay.
“Natutuwa ako na matutulungan tayo ng Espiritu Santo na mapanatili tayong ligtas,” sabi ni Annie. At dahil doon, ngumiti siya at muling kumagat ng masarap na kabute.