2021
Kim Ho Jik
Setyembre 2021


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Kim Ho Jik

Unang Miyembro ng Simbahan mula sa Korea

Dinala siya roon ng Diyos para sa isang espesyal na dahilan.

South Korean man standing in front of government building

Huminga nang malalim si Kim Ho Jik. Iyon ang unang araw niya ng pag-aaral at pagtuturo sa isang unibersidad sa Estados Unidos.

Mahalaga kay Ho Jik ang matuto. Hangga’t kaya niya ay gusto niyang matuto tungkol sa nutrisyon. Pagkatapos ay mas mapapabuti niya ang buhay ng mga tao sa South Korea, kung saan siya nagmula.

Dinala ni Ho Jik ang isang kahon ng mga aklat paakyat sa kanyang bagong opisina.

“Hello,” sabi ng isang lalaki mula sa katabing opisina. “Ako si Oliver. Nag-aaral din ako rito.”

“Masaya akong makilala ka,” sabi ni Ho Jik.

Lumipas ang mga linggo. Naging magkaibigan sina Ho Jik at Oliver. Pinag-usapan nila kung ano ang natututuhan nila. Napansin ni Ho Jik na hindi kailanman umiinom o naninigarilyo si Oliver. Hindi rin ito nagtatrabaho tuwing Linggo. Bakit kaya, naisip ni Ho Jik.

Isang araw ay binigyan ni Oliver si Ho Jik ng isang aklat. Ito ay tungkol sa Mga Saligan ng Pananampalataya. “Ang aklat na ito ay nagsasaad tungkol sa pinaniniwalaan ko,” sabi ni Oliver. “Sabihin mo sa akin kung may gusto ka pang malaman.”

Natapos basahin ni Ho Jik ang aklat nang wala pang isang linggo. Binigyan siya ni Oliver ng isa pang aklat na tinatawag na Aklat ni Mormon. Mabilis rin itong binasa ni Ho Jik. Nagsimula siyang magsimba kasama ni Oliver. Pero hindi siya sigurado kung gusto niyang magpabinyag.

Hindi nagtagal ay huling araw na ni Oliver sa unibersidad. Nakita siya ni Ho Jik sa pasilyo. “Naniniwala ako na dinala ka ng Diyos dito para sa isang espesyal na dahilan,” sabi ni Oliver. “Pero hindi lang iyon para maturuan mo ang iyong mga kababayan tungkol sa nutrisyon. Kailangan mong ituro sa kanila ang tungkol sa ebanghelyo.”

Pinagnilayan ni Ho Jik ang mga salita ni Oliver sa loob ng mahabang panahon. Sa wakas ay nagpasiya siyang magpabinyag. Nabinyagan siya sa parehong ilog kung saan nabinyagan si Joseph Smith 122 taon na ang nakararaan!

Nang makatapos sa pag-aaral si Ho Jik, umuwi siya sa South Korea. Nasasabik siyang ibahagi ang ebanghelyo sa kanyang pamilya. Itinuro rin niya sa marami ang tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Naging lider si Ho Jik. Mayroon siyang mahalagang trabaho sa edukasyon at pamahalaan. Tinulungan niya ang mga tao sa kanyang bansa na magkaroon ng mas masustansyang pagkain. Nakagawa siya ng kaibhan sa kanilang buhay.

Pero nais ni Ho Jik na makagawa ng mas malaking kaibhan. Hindi pinahintulutan ang mga missionary na magturo sa Korea. Nais baguhin ito ni Ho Jik. Alam niya na kung hihilingin niya sa pamahalaan na hayaang magturo roon ang mga missionary, maaari siyang malagay sa alanganin. Ngunit alam niyang sulit iyon. Isusuko niya ang lahat upang maihatid ang ebanghelyo sa Korea.

Hiniling ni Ho Jik sa pamahalaan na hayaang magturo ang mga missionary sa South Korea. At pumayag ang pamahalaan! Hindi nagtagal ay dumating ang mga missionary, at tinulungan sila ni Ho Jik na magturo sa mas marami pang tao.

Alam ni Ho Jik na tama si Oliver. Ipinadala siya sa unibersidad na iyon para matutuhan niya ang tungkol sa ebanghelyo. Nagpapasalamat siya na biniyayaan siya ng Diyos ng ebanghelyo at ng pagkakataong ibahagi ito.

Ang South Korea ay isang bansa sa Silangang Asya.

Ngayon ay mayroong mahigit 88,000 miyembro ng Simbahan sa South Korea.

May templo rin sa Seoul, ang kabisera.

Si Kim Ho Jik ay naging eksperto sa nutrisyonal na halaga ng soybeans.

Ang mga anak ni Ho Jik ay ilan sa mga unang taong nabinyagan sa Simbahan sa Korea.

Isinalin ni Ho Jik ang Mga Saligan ng Pananampalataya sa wikang Koreano.

Friend Magazine, Global 2021/09 Sep

Mga paglalarawan ni Alyssa Tallent