2021
Mga Bagong Amigos [Kaibigan]
Setyembre 2021


Mga Bagong Amigos [Kaibigan]

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Hindi alam ni Brigit ang wikang Espanyol. Paano niya magagawang makipagkilala kaninuman?

“Ako’y taga-ibang bayan, at ako’y inyong pinatuloy” (Mateo 25:35).

family driving car through street in Caracas

Dumungaw si Brigit sa bintana ng kotse habang nagbibiyahe ang kanyang pamilya sa mga makikitid na kalye ng Caracas, Venezuela. May mga makukulay na tahanan at malalaking berdeng bundok. Napakagandang lugar niyon. Sinabi nina Inay at Itay na magiging bagong pakikipagsapalaran ang manirahan dito.

Pero nag-alala pa rin si Brigit. Ngayon ang unang pagkakataon nilang magsimba sa kanilang bagong bansa.

Bumaling si Inay kay Brigit. “OK ka lang ba, iha?” tanong niya. “Mukhang hindi maganda ang pakiramdam mo.”

Pinulupot ni Brigit ang kanyang mga kamay. “Natatakot po ako. Hindi ako marunong ng wikang Espanyol. Paano ako makikipagkaibigan?”

Hinawakan ni Inay ang kamay ni Brigit. “Alam kong nag-aalala ka. Pero magiging OK lang iyan. Huminga ka lang nang malalim.”

Napatingin si Brigit sa kanyang mga kamay. Nanlalamig ang mga ito, kahit napakainit sa labas. Bumilis ang tibok ng kanyang puso, at hindi maganda ang pakiramdam ng kanyang tiyan nang pumasok ang kotse sa paradahan ng simbahan. Ano kaya ang mangyayari sa simbahan? May mauunawaan kaya siya na kahit ano?

Pagpasok sa chapel, pakiramdam ni Brigit ay isa siyang estranghero. Tumingin siya sa paligid sa iba pang mga pamilya, lahat ay nagsasalita ng wikang Espanyol. Pagkatapos ay nakita niya ang dalawang batang babae na parang mga kaedad niya.

Nang makita ng mga batang babae si Brigit, nagmamadali silang lumapit sa kanya. Mabilis silang nagsalita sa masayang tinig, nang may malalaking ngiti.

Pero wala siyang maunawaan sa anumang sinabi nila. Aalis ba sila kapag nalaman nila na hindi ako marunong magsalita ng wikang Espanyol? naisip niya.

Huminga nang malalim si Brigit. “No hablo español,” sabi niya habang umiiling. “Hindi ako nagsasalita ng wikang Espanyol.” Nagsimulang mapuno ng luha ang kanyang mga mata.

Nagkibit-balikat lang ang mga bata at mas ngumiti. Isang batang babae ang itinuro ang kanyang sarili at nagsabing, “Dayana.” Pagkatapos ay itinuturo niya ang isa pang batang babae at sinabing, “Andrea.”

Nagsimulang mawala ang mga alalahanin ni Brigit. Ngumiti siya sa mga batang babae at itinuturo ang kanyang sarili. “Brigit.”

Umupo sina Dayana at Andrea sa tabi ni Brigit. Itinuro nila sa kanya kung paano magsabi ng “mga banal na kasulatan” at iba pang mga salita sa wikang Espanyol. Nang magsimula ang sacrament meeting, nakadama ng sigla at kapayapaan ang puso ni Brigit.

Pagkatapos ng Primary, naupo si Brigit at ang kanyang mga bagong kaibigan sa damuhan sa labas ng simbahan habang nag-uusap ang kanilang mga magulang. Tinuruan nina Dayana at Andrea si Brigit ng ilan pang salita sa wikang Espanyol. Pagkatapos ay itinuro ni Dayana ang isang puno at nagtanong, “¿Inglés?”

three girls sitting under palm tree

Ngumiti si Brigit at itinuro din. “Tree [Puno],” sabi niya. Ngumiti siya at itinuturo ang iba pang mga bagay, na sinasabi ang mga salita sa Ingles. Inulit nina Dayana at Andrea ang mga salitang Ingles. Pagkatapos ay tinuruan nila si Brigit kung paano sabihin ang mga ito sa wikang Espanyol. Natutuhan ni Brigit ang lahat ng uri ng makakatulong na salita, tulad ng libro (aklat), casa (bahay), at coche (kotse). Ang pinakamainam sa lahat, itinuro nila sa kanya kung paano magsabi ng amigos (mga kaibigan).

Pagkatapos ay oras na para umuwi. Kumaway si Brigit kina Dayana at Andrea bilang paalam.

“Kumusta ang unang araw mo sa simbahan sa Venezuela?” tanong ni Itay.

Ngumiti si Brigit. “Napakaganda! Nagkaroon ako ng ilang kaibigan. At tinuturuan nila ako ng wikang Espanyol!”

“Magaling! Masaya akong maganda ang araw mo.”

Naisip ni Brigit kung paano siya sinalubong nina Dayana at Andrea. Hindi na niya nadarama na isa siyang dayuhan. Alam niya na tinutulungan siya ng Ama sa Langit na magkaroon ng mga kaibigan. At hindi na siya makapaghintay na makita kung ano pa ang mangyayari sa kanya sa Caracas!

Friend Magazine, Global 2021/09 Sep

Mga paglalarawan ni Julia Castaño