Kaibigan
Isang Pangako sa Binyag
Mayo 2024


“Isang Pangako sa Binyag,” Kaibigan, Mayo 2024, 8–9.

Isang Pangako sa Binyag

“Bakit gusto mong mabinyagan?” tanong ni Itay.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

“Itay, puwede po ba akong mabinyagan kapag walong taong gulang na ako?” tanong ni Keaton.

Tumingala si Itay mula sa nilalaro nilang game. “Mabigat na desisyon iyan. Mas mabuti kayang maghintay hanggang mag-18 anyos ka?”

Pinag-isipan iyon ni Keaton. “Pero halos walong taong gulang na po ako ngayon. At napakalayo po ng 18 taon!”

Tumahimik sandali si Itay. Iginalaw niya ang kanyang piyesa. “Bakit gusto mong mabinyagan?”

“Mahal ko po si Jesus,” sabi ni Keaton. “At gusto ko po Siyang sundin.”

“Magandang dahilan iyan para magpabinyag,” sabi ni Itay. Napangiti siya. “Susuportahan kita kung iyan ang desisyon mo. Walong taong gulang ka man o 18.”

Niyakap ni Keaton si Itay. “Salamat po!”

Hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw si Itay. Pero sumasama pa rin siya kina Keaton at Inay na magsimba kung minsan. At kapag nagbigay ng mensahe o kumanta si Keaton na kasama ng iba pang mga batang Primary sa sacrament meeting, palaging dumarating si Itay.

Pagkatapos nilang maglaro, nakita ni Keaton si Inay sa kusina.

“Sabi po ni Itay maaari akong magpabinyag kapag walong taong gulang na ako,” sabi niya.

Ngumiti si Inay. “Nakakatuwa naman! Naisip mo na ba kung sino ang gusto mong magbinyag sa iyo?”

Inihanda ni Keaton ang mga pinggan sa mesa. “Palagay n’yo po ba kaya ni Lolo?” Nasa misyon noon sina Lolo at Lola sa ibang lungsod.

“Puwede natin silang tanungin,” sabi ni Inay.

Pagkatapos ng hapunan, nag-video call si Keaton kina Lolo’t Lola sa cell phone ni Inay. Pagkaraan ng ilang ring, napuno ng nakangiting mga mukha nila ang screen.

“Hi, Lola! Hi, Lolo!” sabi ni Keaton. “Alam n’yo po? Bibinyagan na po ako sa kaarawan ko ngayong taon.”

“Magaling!” sabi ni Lola.

“Maaari po bang kayo ang magbinyag sa akin, Lolo?” tanong ni Keaton.

Lalong lumaki ang ngiti ni Lolo. “Oo naman.”

Nang dumating ang araw ng kanyang binyag, handa na si Keaton. Inihatid siya nina Inay at Itay sa isang maliit na chapel malapit sa lugar kung saan nagmimisyon sina Lolo at Lola.

Nakasuot ng puting damit sina Keaton at Lolo. Magkatabi sila sa upuan habang kumakanta ang lahat. Pagkatapos ay nagdasal si Inay.

Pagkatapos, nagbigay ng mensahe si Itay. “Kapag nabinyagan ka, nangangako kang susundin si Jesucristo at susundin ang Kanyang mga utos. Itinuro Niya na magmahalan tayo. Ang pinakamainam na paraan para mabuhay ay magmahal,” sabi niya.

Tumingin si Keaton sa larawan ni Jesus na hawak ni Itay.

“Kapag mahal natin ang iba, nadarama nila na may nagmamalasakit sa kanila. Tinutulungan din tayo nito na maging masaya at payapa.” Tumingin nang diretso si Itay kay Keaton. “Ipinagmamalaki kita ngayon sa pangako mong susundin si Jesucristo. Sana laging maipaalala sa iyo ng binyag mo na mahalin ang Diyos at mahalin ang iba.”

Niyakap ni Keaton nang mahigpit si Itay. Pagkatapos ay sinundan niya si Lolo sa maliit na bautismuhan. Inihawak ni Keaton ang isang kamay niya sa bisig ni Lolo at ang isa pa sa kamay ni Lolo. Binigkas ni Lolo ang mga titik sa panalangin sa binyag. Pagkatapos ay tinulungan niya si Keaton na lumubog sa tubig.

Nang umahon si Keaton mula sa tubig, nakangiti siya. Nagawa niya! Nasunod niya si Jesucristo. Hindi magtatagal, ikukumpirma din siya at tatanggapin niya ang kaloob na Espiritu Santo. Sa gayo’y magiging miyembro na siya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Nasasabik si Keaton na tuparin ang kanyang pangakong aalalahanin si Jesus at susundin ang Kanyang mga utos.

Larawan
Matandang lalaking binibinyagan ang batang lalaki
Larawan
PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Alyssa Tallent

Print