“Malinis nang Muli,” Kaibigan, Mayo 2024, 18–19.
Malinis nang Muli
Ni hindi ko kayang piliin ang tama sa loob ng isang araw! naisip ni Emily.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.
Tumayo si Emily sa tubig kasama si Itay at ngumiti. Ilang linggo niyang hinintay ang araw na ito! Kumakabog ang puso niya dahil hindi pa siya nalubog sa tubig noon. Pero sabik na sabik siyang mabinyagan na tulad ni Jesucristo.
Pumikit siya at pinakinggan si Itay sa pagbigkas ng panalangin sa binyag. Pagkatapos ay tinakpan niya ang kanyang ilong, at pumikit, at lumuhod nang inilubog siya ni Itay sa tubig.
Agad siyang iniahon ni Itay, at dumaloy ang tubig pababa sa kanya. Kinailangang punasan ni Emily ang tubig sa kanyang mga mata, pero nakangiti siya. Iba na ang pakiramdam niya ngayon. Napuspos siya ng bago at masayang damdamin. Gusto niyang patuloy na madama iyon palagi!
Niyakap siya nang mahigpit ni Itay. Alam ko na kung paano mapapanatili ang magandang pakiramdam na ito, naisip ni Emily. Ang kailangan ko lang gawin ay piliin ang tama at maging katulad ni Jesucristo! Natiyak niya na magagawa niya iyon.
Pagdating nila sa bahay, tumakbo si Emily mula sa kotse papunta sa pintuan sa harapan. Gayundin ang apat-na-taong-gulang na kapatid niyang si Jonah. Nang marating ni Emily ang pinto at simulan itong buksan, hinablot ni Jonah ang kanyang palda at hinatak ito—nang husto.
“Huwag!” sigaw ni Emily. Hinila niya ang kanyang palda na hawak ni Jonah. Pagkatapos ay hinarangan niya ito sa daan para hindi ito maunang makapasok sa loob. Galit na galit siya!
Bigla siyang natigilan. Napuspos siya ng matinding damdamin. Hindi na siya humarang sa daan at hinayaang tumakbo si Jonah sa loob.
“Sorry!” sigaw niya rito. Kagagawa lang niya ng maling pasiya. Hindi sisigawan ng Tagapagligtas si Jonah. Paano niya nagawang magkamali kaagad? Naglaho ang bago niyang masayang pakiramdam.
Nagkamali ako, naisip niya. Ni hindi ko kayang piliin ang tama sa loob ng isang araw!
Kinabukasan ay Linggo. Habang naghahandang magsimba si Emily, naisip niya kung paano niya sinigawan si Jonah. Pangit pa rin ang pakiramdam niya.
Sa sacrament meeting, pinapunta ng bishop si Emily sa harapan. Gagawin ang kanyang kumpirmasyon. Ibig sabihin ay tatanggapin niya ang kaloob na Espiritu Santo. Naupo siya sa isang silya. Marahang ipinatong ni Itay ang mga kamay nito sa kanyang ulo.
Pumikit si Emily nang magsimula si Itay. Narinig niyang sinabi nito ang mga salitang, “Tanggapin mo ang Espiritu Santo.”
Patuloy na nakinig si Emily.
“Emily, lagi mong tandaan na dahil kay Jesucristo, maaari kang magsisi kapag nagkamali ka sa pagpili,” sabi ni Itay. “Tuwing tatanggap ka ng sakramento, maaari mong isipin ang tipan na ginawa mo noong bininyagan ka. Maaari kang mangakong muli na sundin Siya.”
Nang matapos ni Itay ang basbas, sumaya at napayapa si Emily. Alam niya na sinasabi noon sa kanya ng Espiritu Santo na magiging maayos ang lahat. OK lang na hindi siya perpekto. Dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaari siyang magsisi at mapatawad! Nalungkot siya na sinigawan niya si Jonah, at alam ng Ama sa Langit na patuloy siyang magsisikap.
Nakangiti si Emily habang naglalakad sila ni Itay pabalik sa kanilang upuan. Sumunod ang sakramento, at inasam iyon ni Emily.