Kaibigan
Kabaitan sa Oras ng Tanghalian
Mayo 2024


“Kabaitan sa Oras ng Tanghalian,” Kaibigan, Mayo 2024, 36–37.

Kabaitan sa Oras ng Tanghalian

Pagtatawanan din ba siya ng iba pang mga bata?

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Pilipinas.

Narinig ni Dave na kumakatok ang kanyang ina sa pinto ng kuwarto niya. Oras na para gumising. Nagbangon siya mula sa kama at naghilamos. Pagkatapos ay sumama siya kina Inay, Itay, at sa kanyang mga kapatid sa sala.

“Magandang umaga,” sabi ni Inay. Inaantok na ngumiti si Dave. Lumuhod ang pamilya, at nagdasal si Itay para simulan ang araw nila.

“Gusto kong magbahagi ng isang magandang talata sa banal na kasulatan ngayong umaga,” sabi ni Inay. Binuklat niya ang kanyang Aklat ni Mormon. “Ito ay ang Moroni 7:45. ‘At ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagtitiis nang matagal, at mabait.’”

Pinag-isipan ni Dave ang talatang iyon habang naghahanda siyang pumasok sa eskuwela. Bago siya lumabas ng pinto, nagdasal siya. “Tulungan po Ninyo akong maging mabait ngayon,” pagdarasal niya.

Sa klase, masaya si Dave habang ginagawa niya ang kanyang gawain sa eskuwela. Nakinig siyang mabuti habang binibigyan sila ni Teacher Frida ng ilang bagong salita na pag-aaralang baybayin.

Hindi nagtagal ay oras na ng tanghalian. Bumili si Dave ng ilang minatamis na kamote at kaunting malamig na juice. Naupo sila ng kanyang mga kaibigan at nagsimulang mag-usap-usap.

Hindi nagtagal ay narinig niya ang ilang bata sa katabing mesa. Tinutukso ng dalawang bata ang isang mas baguhang batang nagngangalang Jose. Maliit si Jose para sa kanyang edad, pero mabait siya sa iba at masipag sa klase. Nananghalian na ang iba pang mga bata, pero hindi pa nananghalian si Jose.

“Bakit napakaliit mo? Wala ka bang makain sa bahay?” tanong ni Antonio.

Tamang-tamang bumaling si Dave sa mga bata at nakita na kinuha ni Joaquin ang bag ni Jose at ibinato iyon kay Antonio. Hinabol ni Jose si Antonio para bawiin ang gamit niya.

“Pakibalik naman sa akin ang bag ko,” sabi ni Jose.

Si Dave na nakalingon habang kinukuha ng ibang mga bata ang backpack ni Jose

Pero hindi nakinig sina Antonio at Joaquin. “Lumang-luma at pangit ang bag mo!” sabi ni Joaquin.

Narinig ni Dave ang lahat ng masasamang salitang ito, pero kabado siyang tulungan si Jose. Ano ang iisipin ng ibang mga bata? Pagtatawanan din ba siya nina Joaquin at Antonio?

Pagkatapos ay naisip niya ang talatang binasa ni Inay nang umagang iyon. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay mabait. Nais ni Jesucristo na maging mabait siya. Iyon ang tamang gawin.

Tumayo si Dave at hinarap niya ang iba pang mga bata. “Huwag ninyong tuksuhin si Jose. Pakibalik sa kanya ang bag niya.”

“Ano’ng problema mo?” tanong ni Joaquin.

“Bakit ang salbahe ninyo kay Jose? Wala naman siyang ginawang masama,” sabi ni Dave. Pagkatapos ay huminga siya nang malalim. “Mahal tayong lahat ni Jesus, at gusto Niyang maging mabait tayo. Huwag sana ninyong tuksuhin si Jose. Mali ang mam-bully. Kung patuloy ninyong gagawin iyan, tatawagin ko si Teacher Frida.“

Tumingin si Antonio sa sapatos niya. Ibinalik niya kay Jose ang bag nito. “Sorry,” bulong niya. Bumalik na sila ni Joaquin sa upuan nila.

“Salamat,” sabi ni Jose.

Tinapik ni Dave si Jose sa balikat. “Magkaibigan na tayo ngayon.”

Ngumiti si Jose.

Sa bahay, ikinuwento ni Dave sa pamilya niya ang nangyari.

“Hindi madali iyon, pero tama ang ginawa mo,” sabi ni Itay.

“Ipinagmamalaki kita sa pagiging mabait,” sabi ni Inay.

Kinabukasan habang tumutulong si Inay sa pagbabalot ng kanyang tanghalian, nagtanong si Dave, “Puwede po ba tayong gumawa ng dalawang sandwich?”

“Bakit? Ganoon ka ba kagutom?” tanong ni Inay.

Natawa si Dave. “Hindi po, pero kahapon napansin kong walang pagkain si Jose. Gusto ko po siyang bigyan.”

“Magandang ideya iyan!” Naglabas ng iba pang tinapay si Inay at gumawa ng isa pang sandwich si Dave.

Sa oras ng tanghalian, umupo sina Dave at Jose at magkasamang kumain ng kanilang sandwich. Kinailangan ng lakas-ng-loob na pigilan ang iba pang mga bata sa pambu-bully kay Jose. Pero minahal ni Dave ang bago niyang kaibigan, at alam niya na masaya ang Ama sa Langit na pinili niyang maging mabait.

Sina Dave at Jose na magkasamang kumakain
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Mark Robison