“Mga Aktibidad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin,” Kaibigan, Mayo 2024, 28–29.
Mga Aktibidad sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Para sa home evening o pag-aaral ng mga banal na kasulatan—o para lang sa paglilibang!
Sundan ang Kanyang mga Yapak
Para sa Mosias 4–6
Sinunod ni Haring Mosias ang mga kautusan at “lumakad sa mga landas ng Panginoon” (Mosias 6:6). Sa isang papel, bakatin ang iyong paa at gupitin ang hugis. Isulat sa iyong binakat na paa ang isang paraan na masusunod mo si Jesus. Ilagay ang iyong binakat na paa kung saan maaalala mong sundan ang halimbawa ni Jesucristo.
Sundin ang Propeta
Para sa Mosias 7–10
Itinuro ni Ammon na nakikita ng mga propeta ang mga bagay na darating (tingnan sa Mosias 8:16–17). Buklatin sa pahina 2 para mabasa ang mensahe ni Pangulong Nelson mula sa pangkalahatang kumperensya. Ano ang itinuro niya sa atin? Magdrowing tungkol dito at ipadala ito sa amin sa Kaibigan.
Isang Liwanag sa Dilim
Para sa Mosias 11–17
Itinuro ni Abinadi na si Jesucristo ay “isang ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim” (Mosias 16:9). Magtago ng isang bagay sa bahay. Patayin ang mga ilaw at sabihin sa lahat na subukang hanapin ito sa dilim. Pagkatapos ay itago ang bagay at subukang hanapin ito gamit ang mga ilaw o ang mga flashlight. Aling daan ang mas madali? Paano tayo tinutulungan ni Jesus na tulad ng pagtulong sa iyo ng liwanag?
Mga Pusong Nagkakaisa
Para sa Mosias 18–24
Itinuro sa atin ni Alma na “ang [ating] mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21). Ang ibig sabihin niyan ay dapat tayong magtulungan at magpakita ng pagmamahal sa iba. Gumawa ng isang tali ng mga puso para maalala mo iyan! Gupitin ang ilang pusong papel at isulat ang pangalan ng isang kapamilya sa bawat isa. Butasan ang bawat puso at pasukan ng pisi ang butas para magkakakonekta ang mga puso. Isabit ang iyong tali ng mga puso kung saan mo makikita ito nang madalas!