Kaibigan
Oras ng Kuwento sa Banal na Kasulatan
Mayo 2024


“Oras ng Kuwento sa Banal na Kasulatan,” Kaibigan, Mayo 2024, 30–31.

Oras ng Kuwento sa Banal na Kasulatan

“Mayroon bang aklat ang sinuman na gusto niyang basahin ko ngayon?” tanong ni Mr. Otoo.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Ghana.

“Oras na para magbasa,” sabi ni Mr. Otoo.

Naupo nang tuwid si Nyameye. Masaya ang oras ng pagbabasa!

Araw-araw sa paaralan, binabasa nang malakas ng guro nila ang isang aklat sa klase. Kung minsa’y nagbabasa siya tungkol sa mga hayop. Kung minsa’y nagbabasa siya tungkol sa mga tao sa ibang bansa. At kung minsa’y tinatanong niya ang klase kung mayroon silang aklat na gusto nilang basahin niya.

“Mayroon bang aklat ang sinuman na gusto niyang basahin ko ngayon?” tanong ni Mr. Otoo.

Nagtaas ng kamay si Nyameye. “Ako po!” Dumukot siya sa kanyang bag at inilabas niya ang kanyang paboritong aklat. Aklat iyon ng mga kuwento sa Aklat ni Mormon! Dinala niya iyon para basahin pagkatapos ng klase habang naghihintay na sunduin siya ng kanyang ina. Nakatulong sa kanya ang pagtingin sa mga larawan para maunawaan ang mga kuwento sa banal na kasulatan.

Napangiti si Mr. Otoo nang makita niya ang malaking aklat. “Wala tayong oras para basahin itong lahat. Mayroon bang parte rito na gusto mong basahin ko?”

“Opo,” sagot ni Nyameye. Binuklat niya ang mga pahina hanggang sa mahanap niya ang paborito niyang kuwento. “Puwede po ba ninyong basahin ang isang ito? Ang tawag po dito ay ‘Panaginip ni Lehi.’”

“Tungkol saan ang kuwentong ito?” tanong ni Mr. Otoo.

“Tungkol po ito sa isang propeta na nagkaroon ng pangitain. Nakita niya ang isang magandang puno na may masarap na bunga.” Itinuro ni Nyameye ang isang larawan ng puno. “Gusto niyang kainin niya at ng kanyang pamilya ang bunga. Puwede po ba ninyong basahin ito?” Iniabot ni Nyameye ang aklat sa kanyang guro.

“Oo naman,” sabi ni Mr. Otoo. Pagkatapos ay nagsimula siyang magbasa nang malakas. Binasa niya ang tungkol sa makitid na landas na papunta sa punungkahoy. Binasa niya ang tungkol sa gabay na bakal. At binasa niya ang tungkol sa pagsunod sa mga kautusan.

Guro na nagbabasa ng aklat sa mga bata

Nagtaas ng kamay ang kaibigan ni Nyameye na si Selorm. “Anong klase ng puno iyon?” tanong nito kay Nyameye.

“Hindi ko alam,” sabi ni Nyameye. “Pero napakasarap ng bunga. Mas masarap pa nga siguro iyon kaysa sa puno ng mangga!” Pagkatapos ay tumigil si Nyameye para mag-isip. “Sa simbahan, natutuhan ko na ang bunga ay kumakatawan sa pagmamahal ng Diyos. Kaya tama lang na napakasarap at espesyal nito!”

Pagkatapos ng klase, naupo si Nyameye sa labas para hintayin ang kanyang ina. Inilabas niya ang kanyang aklat ng mga kuwento sa Aklat ni Mormon para magbasa pa.

“Ang ganda ng kuwento,” sabi ni Selorm. Umupo ito sa tabi ni Nyameye. “Maaari bang sabay tayong magbasa ng isa pa?”

“Sige!” Bumaling si Nyameye sa isa pang kuwento. Nagbasa sila tungkol kina Abinadi at Haring Noe.

Nagpuntahan ang iba pa nilang mga kaklase para makinig. Nang magtanong sila, sinagot sila ni Nyameye. Tinanong pa niya sila para malaman kung may natutuhan sila tungkol sa mga kuwentong binasa nila!

Hindi nagtagal ay nakita ni Nyameye na naglalakad ang kanyang ina papunta sa kanila. “Salamat sa pagsabay sa pagbabasa ko,” sabi niya sa iba pang mga bata. Isinara niya ang aklat at ngumiti. Masaya siya na nagustuhan din ng mga kaibigan niya ang mga paborito niyang kuwento.

PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Zhen Liu