Kaibigan
Pagbabahagi ng Pag-ibig ng Diyos
Mayo 2024


“Pagbabahagi ng Pag-ibig ng Diyos,” Kaibigan, Mayo 2023, 32–33.

Pagbabahagi ng Pag-ibig ng Diyos

Hindi alam ni Thais kung ano ang sasabihin o gagawin, pero gusto niyang makatulong.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Bolivia.

Mainit sa umagang iyon. Nag-uusap at nagtatawanan si Thais at ang kaibigan niyang si Claudia habang naglalakad sila patawid ng soccer field. Katatapos lang nila sa gym class, at ngayo’y papunta na sila sa math.

Break time naman ng mga mas nakababata. Pinanood sila ni Thais na maglaro.

Pagkatapos ay nakita niya ang isang batang babae na mag-isang nakaupo sa mga baitang ng hagdan. Nang mapalapit na sila, nakita ni Thais na umiiyak ito.

Batang babaeng umiiyak sa mga baitang ng hagdan

Kinawayan ni Thais si Claudia para lumapit sa batang babae.

Sumimangot si Claudia at umiling. “Mahuhuli tayo.”

Bago nakapagsalita si Thais, umalis na si Claudia.

Tiningnan ni Thais ang batang babae. Mga limang taong gulang ito. Nakatago ang mukha nito sa pagitan ng kanyang mga tuhod, at nakatakip ang kanyang mga kamay sa ulo niya.

Tinabihan ito ni Thais. Lumayo nang kaunti ang bata.

Nakatatandang batang babae na inaakbayan sa balikat ang nakababatang babae

“OK ka lang ba?” mahinang tanong ni Thais.

Hindi sumagot ang bata. Hindi sigurado si Thais kung ano ang sasabihin o gagawin niya.

“May maitutulong ba ako sa iyo?” tanong niya.

Nagkibit-balikat ang bata.

“Ako si Thais. Ano’ng pangalan mo?”

Sa wakas ay tumingala ang bata kay Thais. “Nicol.”

“Bakit ka umiiyak, Nicol?”

“Tinutukso ako ng lahat na mataba raw ako,” sabi niya sa pagitan ng mga hikbi.

Pinahiran ni Thais ang mukha ni Nicol. “Nalulungkot ako na sinabi nila iyon. Hindi mahalaga kung ano ang iniisip ng mga tao.”

“Sabi nila hindi raw ako maganda.”

“Palagay ko, mali sila!” nakangiting sabi ni Thais. “Napakaganda mo at napakaespesyal mo rin. Alam mo ba ’yon?”

Naisip ni Thais ang isa sa mga paborito niyang awitin sa Primary. Alam na niya ngayon kung ano ang sasabihin.

“Ikaw ay anak ng Diyos,” sabi ni Thais, habang hawak ang mga kamay ng bata.

Nakatatandang batang babae na hawak ang mga kamay ng nakababatang babae

Kinausap sandali ni Thais si Nicol. Ipinaliwanag niya kung gaano kahalaga si Nicol sa Ama sa Langit, sa kanyang pamilya, at sa marami pang iba na lubos na nagmamahal sa kanya. Unti-unti, nagsimulang ngumiti si Nicol.

Pagkaraan ng ilang minuto, tumayo si Nicol at niyakap nang mahigpit si Thais. “Salamat!” sabi nito.

Pinanood ni Thais ang kanyang bagong kaibigan na tumakbo palayo na may malaking ngiti. Maganda sa pakiramdam ang mapagaan ang pakiramdam ni Nicol at malaman niya kung gaano siya kamahal ng Diyos.

Pagkatapos ay tumayo na rin si Thais. Mas mabuti pang tumakbo na rin ako tulad ni Nicol at kung hindi ay mahuhuli ako sa math! naisip niya, na nakangiti habang nagmamadaling pumunta sa klase.

Mas batang babae na masayang tumatakbo palayo
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Flavio Remontti