Kaibigan
Magkaibigan sa Chess
Mayo 2024


“Magkaibigan sa Chess,” Kaibigan, Mayo 2024, 14–15.

Magkaibigan sa Chess

Paano sila maglalaro kung hindi nila maunawaan ang isa’t isa?

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Germany.

“May liwanag sa ‘king kalul’wa!” pagkanta ni Matvii. Sumabay ang kanyang ina at ang kapatid niyang si Tymofii sa kanyang pagkanta. Madilim sa labas ng bintana ng kotse. Pero nakatulong ang awitin para medyo lumiwanag ang lahat.

Nakakatakot na panahon iyon para kay Matvii at sa kanyang pamilya. Lilipat sila sa Germany dahil hindi na ligtas ang kanilang tahanan. Dalawang araw na silang naglalakbay, at ngayo’y malapit na sila roon. Ipinagmamaneho sila ng isang bishop dito sa Germany papunta sa isang lugar na matitirhan.

Natuwa si Matvii na tinulungan sila ng Ama sa Langit na makarating sa Germany nang ligtas. Pero nangulila siya kay Itay. Kinailangang maiwan si Itay sa kanilang bansa dahil sa isang digmaan. Nag-alala nang husto si Matvii sa kanya.

Ipinarada ng bishop ang kotse sa labas ng isang bahay. “Maligayang pagdating sa aking tahanan.”

Kinuha ni Matvii ang bag niya at sinundan ang kanyang pamilya sa loob. Tahimik doon. Tulog na siguro ang pamilya ng bishop.

“Maaari kayong matulog sa mga kuwarto nina Mats at Lore habang narito kayo,” sabi ng bishop.

“Teka lang,” sabi ni Inay. “Hindi nila kailangang ibigay sa amin ang kuwarto nila.”

Ngumiti ang bishop. “Masaya silang gawin iyan. Gusto naming maging komportable kayo.”

Tumango si Inay. “Salamat.”

Kinaumagahan, nagpunta sina Matvii at Tymofii sa kusina para mag-almusal. Nakaupo ang bishop sa mesa kasama ang isang batang lalaki at babae. Mukhang kaedad lang sila ni Matvii.

“Ito ang mga anak kong sina Mats at Lore,” sabi ng bishop.

“Ikinagagalak kong makilala ka,” sabi ni Tymofii.

Mukhang nalito nang kaunti sina Mats at Lore.

“Hindi sila nagsasalita ng wika ninyo,” sabi ng bishop. “Pero sigurado akong magiging mabuti kayong magkakaibigan.”

Sumimangot si Matvii. Paano sila magiging magkakaibigan kung hindi nila makausap ang isa’t isa? Pakiramdam niya ay parang naglaho ang sikat ng araw na kinakanta niya noong nakaraang gabi.

Pagkatapos nilang kumain, ipinakita sa kanila nina Mats at Lore ang isang playroom. May dalawa pang mas bata na naglalaro ng ilang laruan. Hinulaan ni Matvii na mga nakababatang kapatid sila nina Mats at Lore.

May sinabi si Mats. Parang tanong iyon, pero hindi alam ni Matvii ang sinabi ni Mats. Naupo si Mats at binuksan ang isang kahon ng mga kard. Pinagtumpuk-tumpok niya ang mga iyon. Pagkatapos ay dinampot nila ni Lore ang mga kard nila. Gustong maglaro ni Matvii. Pero hindi niya alam kung paano!

Nagbaba ng isang kard si Mats at tumingin kay Matvii. May sinabi siya ulit.

Gustong umiyak ni Matvii. Ayaw niyang tumira sa Germany kung hindi niya maunawaan ang kahit sino.

May sinabi si Lore kay Mats, pagkatapos ay tumakbo ito papunta sa aparador. Bumalik ito at naglatag ng bagong laro sa sahig.

Alam ni Matvii ang larong ito. Ang mga piraso ng kahoy ay kamukha ng nasa bahay nila. Chess iyon! Naglaro sila ni Itay ng chess noon nang ilang oras. Masayang tumango si Matvii. Alam niya kung paano laruin ang isang ito.

Ang laki ng ngiti ni Lore at sinimulan niyang ayusin ang mga piyesa ng chess.

Isinulong ni Matvii ang kanyang pawn nang dalawang square at pinanood si Lore na isinulong ang kabayo nito. Pagkatapos ay inilapit ni Matvii ang kanyang bishop sa kabayo ni Lore. Natuwa sila ni Tymofii. Umungol si Lore, pero nakangiti siya.

Larawan
Mga batang naglalaro ng chess

Matagal silang naglaro. Hindi nagtagal ay nagtatawanan na sila. Hindi nila naunawaan ang mga salita ng isa’t isa, pero masaya pa rin sila.

Nang sumunod na ilang linggo, nakakita sila ng iba pang mga laro na alam nilang lahat. Naglaro sila ng football sa labas kasama ang iba pang mga batang German. Natuto rin si Matvii ng ilang salita sa German. Kung minsa’y nagkakamali siya, pero patuloy siyang nagsikap.

Nangulila pa rin si Matvii sa kanyang ama at sa kanyang tahanan. Pero nagpasalamat siya na natulungan siya ng Ama sa Langit na magkaroon ng mga bagong kaibigan.

Larawan
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Hannah Li

  • Mga Himno, blg. 141.

Print