2010–2019
Salamat sa Diyos
Abril 2012


Salamat sa Diyos

Napakaganda kung mas pagtutuunan ng lahat ang kabutihan at pagmamahal ng Diyos at ipapahayag ang pasasalamat na iyan sa Kanya.

Mahal kong mga kapatid, salamat sa inyong pagsuporta at katapatan. Pinasasalamatan at minamahal namin ang bawat isa sa inyo.

Kamakailan, natutuwang pinagmasdan namin ni Sister Nelson ang naggagandahang mga isda sa aquarium. Pabalik-balik ang langoy ng mga isdang matitingkad ang kulay at iba’t iba ang hugis at laki. Tinanong ko ang attendant na naroon, “Sino ang nagpapakain sa magagandang isdang ito?”

Sagot niya, “Ako po.”

Pagkatapos ay itinanong ko, “Nagpasalamat na ba ang mga ito sa iyo?”

Sagot niya, “Hindi pa po!”

Naisip ko ang ilang taong kilala ko na nakalilimot din sa kanilang Lumikha at tunay na “tinapay ng kabuhayan.”1 Nabubuhay sila sa araw-araw nang hindi napapansin ang Diyos at ang kabutihan Niya sa kanila.

Napakaganda kung mas pagtutuunan ng lahat ang kabutihan at pagmamahal ng Diyos at ipapahayag ang pasasalamat na iyan sa Kanya. Itinuro ni Ammon, “Magbigay-pasasalamat tayo sa [Diyos], sapagkat siya ay nagsasagawa ng kabutihan magpakailanman.”2 Nasusukat sa laki ng ating pasasalamat ang pagmamahal natin sa Kanya.

Ang Diyos ang Ama ng ating espiritu.3 Siya ay may niluwalhati, perpektong katawang may laman at buto.4 Nabuhay tayo sa piling Niya sa langit bago pa tayo isinilang.5 At nang likhain Niya ang ating katawan, nilikha tayo sa larawan ng Diyos, na bawat isa ay may sariling katawan.6

Isipin ninyo ang nagbibigay-buhay sa atin. Ito ay tunay na biyaya ng langit. Ang hangin, pagkain, at tubig ay kaloob sa atin ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. Nilikha ang mundo upang maging tahanan natin sa maikling buhay natin sa mortalidad.7 Isinilang tayo na may kakayahang umunlad, magmahal, mag-asawa, at bumuo ng pamilya.

Ang kasal at pamilya ay inorden ng Diyos. Ang pamilya ang pinakamahalagang unit ng lipunan sa panahong ito at sa kawalang-hanggan. Sa dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos, ang mga pamilya ay maaaring mabuklod sa mga templo at maging handa sa pagbalik sa Kanyang banal na presensya magpakailanman. Iyan ang buhay na walang hanggan! Tinutugunan nito ang pinakamasisidhing pag-asam ng kaluluwa ng tao—ang likas na pag-asam na makasama nang walang hanggan ang mga pinakamamahal na miyembro ng kanyang pamilya.

Tayo ay bahagi ng Kanyang banal na layunin: “Ang aking gawain at aking kaluwalhatian,” sabi Niya, ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”8 Upang makamit ang mga adhikaing iyon, “Gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”9 Iyan ay dakilang pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos. “Sapagka’t hindi [Niya] sinugo [ang Kanyang] Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.”10

Pinakamahalaga sa walang hanggang plano ng Diyos ang misyon ng Kanyang Anak na si Jesucristo.11 Naparito Siya upang tubusin ang mga anak ng Diyos.12 Dahil sa Pagbabayad-sala ng Panginoon, nagkatotoo ang pagkabuhay na mag-uli (o kawalang-kamatayan).13 Dahil sa Pagbabayad-sala, makakamit na ang buhay na walang hanggan ng lahat ng karapat-dapat dito. Ipinaliwanag ni Jesus:

“Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya:

“At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man.”14

Para sa Pagbabayad-sala ng Panginoon at sa Kanyang kaloob na pagkabuhay na mag-uli—para sa nakaaantig na mensaheng ito ng Paskua—salamat sa Diyos!

Mga Pisikal na Kaloob

Mahal ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga anak.15 Biniyayaan Niya ang bawat isa ng pisikal at espirituwal na mga kaloob. Tatalakayin ko ang bawat uri. Kapag inawit ninyo ang “Ako ay Anak ng Diyos,” isipin ang katawang ipinagkaloob Niya sa inyo. Ang maraming magagandang katangian ng inyong katawan ay nagpapatunay sa inyong “kabanalang mula sa Dios.”16

Bawat bahagi ng inyong katawan ay kamangha-manghang kaloob ng Diyos. Bawat mata ay kayang magtuon sa tinitingnan nito. Kinokontrol ng mga nerve at kalamnan ang dalawang mata para makalikha ng isang three-dimensional image. Nakakonekta ang mga mata sa utak, na nagtatanda sa mga bagay na nakita.

Ang inyong puso ay isang pambihirang pambomba.17 May apat na maseselang balbula ito na kumokontrol sa daloy ng dugo. Bukas-sara ang mga balbulang ito nang mahigit 100,000 beses kada araw—36 na milyong beses sa isang taon. Gayunman, maliban kung dapuan ng sakit, nakakayanan nito ang gayong paggalaw nang halos walang katapusan.

Isipin ninyo ang mga panlaban ng katawan. Para maprotektahan ito, nakadarama ito ng sakit. Para malabanan ang impeksyon, lumilikha ito ng mga pangontra [antibody]. Ang balat ay nagbibigay ng proteksyon. Nagbababala ito laban sa pinsalang maaaring idulot ng matinding init o lamig.

Pinaninibago ng katawan ang mga hindi na magagamit sa selula nito at kinokontrol ang lebel ng mahahalagang bahagi nito. Kusang ginagamot ng katawan ang mga hiwa, sugat, at baling buto nito. Ang kakayahan nitong lumikha ng bata ay isa pang sagradong kaloob ng Diyos.

Alalahanin natin na hindi kailangang maging perpekto ang katawan para makamtan ang banal na tadhana ng isang tao. Katunayan, ang ilan sa pinakamagigiliw na espiritu ay nananahan sa mga katawang mahina o may kapansanan. Ang malakas na espirituwalidad ay madalas taglayin ng mga taong may kapansanan, dahil mismo sa malalaking pagsubok na dulot nito.

Sinumang nag-aaral ng komposisyon ng katawan ng tao ay tiyak na “nakikita ang Diyos na gumagalaw sa kanyang kamahalan at kapangyarihan.”18 Dahil pinamamahalaan ang katawan ng batas ng langit, anumang paggaling ay nagmumula sa pagsunod sa batas na iyon kung saan nakasalalay ang pagpapalang iyon.19

Subalit iniisip pa rin ng ilan na ang mga kamangha-manghang katangiang ito ng katawan ay nagkataon lamang o bunga ng isang malaking pagsabog na naganap sa kung saan. Itanong ninyo sa inyong sarili: “Kapag sumabog ang isang palimbagan, may mabubuo bang diksyunaryo?” Malamang na wala. Pero kung may mabuo mang diksyunaryo, hindi kusang magdidikit ang napunit na mga pahina nito kahit kailan ni makakagawa ng sarili nitong bagong edisyon!

Kung walang limitasyon ang kakayahan ng katawan sa normal na paggalaw, paglaban, paggaling, pagkontrol, at pagbubuong-muli, ang buhay sa lupa ay magpapatuloy nang walang katapusan. Oo, habang panahon na tayong naririto sa lupa! Mabuti na lang, niloob ng ating Lumikha na tumanda tayo at magdaan sa iba pang proseso na hahantong sa pagkamatay ng ating katawan. Ang kamatayan, tulad ng pagsilang, ay bahagi ng buhay. Itinuro sa mga banal na kasulatan na “hindi kapaki-pakinabang na ang tao ay mabawi mula sa temporal na kamatayang ito, sapagkat iyon ay makawawasak sa dakilang plano ng kaligayahan.”20 Ang bumalik sa Diyos sa pamamagitan ng daan na tinatawag nating kamatayan ay isang kagalakan sa mga nagmamahal sa Kanya at handang humarap sa Kanya.21 Darating ang panahon na bawat “ espiritu at … katawan ay magsasamang muli sa … ganap na anyo; kapwa ang biyas at kasu-kasuan ay ibabalik sa wastong pangangatawan,”22 at hindi na kailanman maghihiwalay. Para sa mga pisikal na kaloob na ito, salamat sa Diyos!

Mga Espirituwal na Kaloob

Kasinghalaga ng katawan, ang walang kamatayang espiritu ay nananahan dito. Ang ating espiritu ay nabuhay bago pa tayo isinilang23 at patuloy na mabubuhay kapag namatay ang katawan.24 Ang espiritu ang nagpapagalaw at nagbibigay ng katauhan sa katawan.25 Sa buhay na ito at sa kabilang buhay, ang katawan at ang espiritu, kapag pinagsama, ay magiging isang buhay na kaluluwa na may sagradong kahalagahan.

Dahil napakahalaga ng espiritu ng tao, ang pag-unlad nito ay walang hanggan ang ibubunga. Lumalakas ito kapag mapakumbaba tayong nanalangin sa ating mapagmahal na Ama sa Langit.26

Ang mga katangiang pagbabatayan ng paghatol sa atin ay espirituwal.27 Kabilang dito ang pagmamahal, kabanalan, integridad, habag, at paglilingkod sa kapwa.28 Ang inyong espiritu, na kasama at nananahan sa inyong katawan, ay kayang taglayin at ipamalas ang mga katangiang ito sa mga paraang mahalaga sa inyong walang-hanggang pag-unlad.29 Ang espirituwal na pag-unlad ay natatamo sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisisi, binyag, kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas, pati na ang endowment at mga ordenansa ng pagbubuklod sa banal na templo.30

Tulad din ng kailangang pakainin ang katawan para mabuhay, kailangan ding pakainin ang espiritu. Ang espiritu ay pinakakain ng walang-hanggang katotohanan. Noong nakaraang taon ipinagdiwang natin ang ika-400 anibersaryo ng King James translation ng Banal na Biblia. At nasa atin na ang Aklat ni Mormon nang halos 200 taon. Naisalin na ito ngayon nang buung-buo o ang mga piling bahagi sa 107 wika. Dahil dito at sa iba pang katangi-tanging mga banal na kasulatan, alam natin na ang Diyos ang ating Amang Walang Hanggan at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Para sa mga espirituwal na kaloob na ito, salamat sa Diyos!

Mga Kaloob ng Ebanghelyo

Alam natin na ang mga propeta ng maraming dispensasyon, tulad nina Adan, Noe, Moises, at Abraham, ay pawang nagturo tungkol sa kabanalan ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo. Ang ating kasalukuyang dispensasyon ay ipinaalam ng Ama sa Langit at ni Jesucristo nang magpakita Sila kay Propetang Joseph Smith noong 1820. Itinatag ang Simbahan noong 1830. Ngayon, 182 taon kalaunan, nakikipagtipan pa rin tayong dalhin ang ebanghelyo sa “bawat bansa, lahi, wika, at tao.”31 Kapag ginawa natin ito, ang mga nagbibigay at tumatanggap ay kapwa pagpapalain.

Responsibilidad nating turuan ang Kanyang mga anak at ipaalam sa kanila na may Diyos. Sinabi ni Haring Benjamin noong araw:

“Maniwala sa Diyos; maniwala na siya nga, at na siya ang lumikha ng lahat ng bagay, kapwa sa langit at sa lupa; maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa; …

“… Maniwala na kayo ay kinakailangang magsisi ng inyong mga kasalanan at talikdan ang mga ito, at magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Diyos; at humingi nang taos sa puso nang kayo ay kanyang patawarin; at ngayon, kung kayo ay naniniwala sa lahat ng bagay na ito, tiyaking ito ay inyong gagawin.”32

Ang Diyos ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman, ngunit tayo ay hindi. Bawat araw, isang hamon sa atin ang kamtin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala upang tunay tayong makapagbago, maging higit na katulad ni Cristo, at maging karapat-dapat sa kaloob na kadakilaan at mabuhay nang walang hanggan sa piling ng Diyos, ni Jesucristo, at ng ating pamilya.33 Sa mga kapangyarihan, pribilehiyo, at mga kaloob na ito ng ebanghelyo, salamat sa Diyos!

Pinatototohanan ko na Siya ay buhay, si Jesus ang Cristo, at ito ang Kanyang Simbahan, na ipinanumbalik sa mga huling araw na ito upang isakatuparan ang banal na tadhana nito. Pinamumunuan tayo ngayon ni Pangulong Thomas S. Monson, na ating minamahal at sinasang-ayunan nang buong puso, at sinasang-ayunan din natin ang kanyang mga tagapayo at ang Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.