2010–2019
Pag-ibig—ang Pinakadiwa ng Ebanghelyo
Abril 2014


15:52

Pag-ibig—ang Pinakadiwa ng Ebanghelyo

Pangulong Thomas S. Monson

Hindi natin makakayang mahalin nang tunay ang Diyos kung hindi natin mahal ang ating kapwa mga manlalakbay sa mortal na buhay na ito.

Mahal kong mga kapatid, nang maglingkod ang Tagapagligtas sa kalipunan ng mga tao, tinanong Siya ng abugado, “Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?”

Nakatala sa Mateo na itinugon ni Jesus:

“Ibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.

“Ito ang dakila at pangunang utos.

“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”1

Tinapos ni Marcos ang salaysay sa pahayag ng Tagapagligtas: “Walang ibang utos na hihigit sa mga ito.”2

Hindi natin makakayang mahalin nang tunay ang Diyos kung hindi natin mahal ang ating kapwa mga manlalakbay sa mortal na buhay na ito. Gayundin, hindi natin makakayang lubos na mahalin ang ating kapwa-tao kung hindi natin mahal ang Diyos, na Ama nating lahat. Sinabi sa atin ni Apostol Juan, “Ang utos na itong mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Dios ay dapat umibig sa kaniyang kapatid.”3 Tayong lahat ay mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit at, dahil dito, tayo’y magkakapatid. Kapag isinaisip natin ang katotohanang ito, magiging mas madaling mahalin ang lahat ng anak ng Diyos.

Ang totoo, pag-ibig ang pinakadiwa ng ebanghelyo, at si Jesucristo ang ating Huwaran. Ang Kanyang buhay ay pamana ng pag-ibig. Pinagaling Niya ang maysakit, iniangat Niya ang nabibigatan, iniligtas Niya ang makasalanan. Sa huli ay pinatay Siya ng galit na mga mandurumog. Gayunpaman umaalingawngaw mula sa burol ng Golgota ang mga salitang: “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa”4—isang sukdulang halimbawa ng habag at pag-ibig sa mortalidad.

Maraming katangiang nagpapamalas ng pag-ibig, tulad ng kabaitan, tiyaga, pagiging di-makasarili, pag-unawa, at pagpapatawad. Sa lahat ng ating pakikisalamuha, maipapakita ng mga ito at ng iba pang gayong mga katangian ang pagmamahal na nasa ating puso.

Karaniwang maipapakita ang ating pagmamahal sa araw-araw na pakikihalubilo natin sa isa’t isa. Ang pinakamahalaga ay ang kakayahan nating kilalanin ang pangangailangan ng isang tao at tugunan ito pagkatapos. Gustung-gusto ko ang damdaming ipinahiwatig sa maikling tula:

Magdamag na tinangisan,

Ang pagbubulag-bulagan,

Sa mga taong nangangailangan;

Ngunit kailanman

‘Di ko pinagsisihan

Ang labis na kabaitan.5

Kamakailan ay may nagkuwento sa akin ng isang nakaaantig na halimbawa ng mapagkandiling pagmamahal—na hindi batid ang mga ibubunga. Taong 1933 noon, na dahil sa Great Depression, kakaunti lamang ang mapasukang trabaho. Ang lugar ay sa silangang bahagi ng Estados Unidos. Katatapos lang ni Arlene Biesecker sa high school. Matapos ang matagal na paghahanap ng trabaho, sa wakas ay napasok siya sa isang pagawaan ng damit bilang mananahi. Binabayaran lamang noon ang mga manggagawa sa bawat tapos na pirasong tinahi nila nang tama sa araw-araw. Kapag mas marami silang nagawa, mas malaki ang bayad sa kanila.

Isang araw na halos kabubukas pa lang ng pagawaan, naharap si Arlene sa isang pamamaraang ikinalito at ikinadismaya niya. Nakaupo siya sa kanyang makina na sinisikap tastasin ang sinulid sa tinatapos niyang tahiin. Tila walang makakatulong sa kanya, dahil nagmamadaling makatapos ng marami ang lahat ng iba pang mananahi. Walang magawa si Arlene at nawalan siya ng pag-asa. Tahimik siyang napaiyak.

Sa tapat ni Arlene nakaupo si Bernice Rock. Mas matanda ito at mas maraming karanasan bilang mananahi. Nang makita ni Bernice ang problema ni Arlene, iniwan niya ang kanyang ginagawa at nilapitan ito, at magiliw itong tinuruan at tinulungan. Lumagi siya hanggang sa magkaroon ng kumpiyansa si Arlene at matagumpay nitong natapos ang piraso. Pagkatapos ay bumalik na si Bernice sa kanyang makina, na nawalan na ng pagkakataong makatapos sana ng maraming piraso, kung hindi siya tumulong.

Sa mapagkandiling pagmamahal na ito, naging matalik na magkaibigan sina Bernice at Arlene. Kapwa sila nag-asawa kalaunan at nagkaroon ng mga anak. Noong mga 1950s, binigyan ni Bernice, na miyembro ng Simbahan, ng kopya ng Aklat ni Mormon si Arlene at ang kanyang pamilya. Noong 1960, nabinyagan at naging mga miyembro ng Simbahan si Arlene at ang kanyang asawa’t mga anak. Kalaunan ay nabuklod sila sa banal na templo ng Diyos.

Dahil sa habag na ipinakita ni Bernice nang tulungan niya ang isang taong hindi niya kilala na naguguluhan at nangangailangan ng tulong, maraming tao, kapwa buhay at patay, ang nagawan na ngayon ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo.

Araw-araw sa buhay natin binibigyan tayo ng mga pagkakataong magpakita ng pagmamahal at kabaitan sa mga taong nasa paligid natin. Sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Dapat nating tandaan na ang mga taong nakikilala natin sa mga paradahan, opisina, elevator, at saanman ay bahagi ng sangkatauhan na ibinigay sa atin ng Diyos para mahalin at paglingkuran. Walang kabutihang idudulot sa atin ang pagsasalita tungkol sa buong kapatiran ng sangkatauhan kung hindi natin maituturing na kapatid ang mga tao sa ating paligid.”6

Kadalasan ang mga pagkakataong ipakita ang ating pagmamahal ay dumarating nang hindi inaasahann. Nalathala ang isang halimbawa ng gayong pagkakataon sa isang artikulo sa pahayagan noong Oktubre 1981. Hangang-hanga ako sa pagmamahal at habag na inilahad doon kaya itinago ko sa files ko ang artikulo nang mahigit 30 taon.

Nakasaad sa artikulo na isang Alaska Airlines nonstop flight mula Anchorage, Alaska, papuntang Seattle, Washington—na may sakay na 150 pasahero—ang nagpunta sa isang liblib-bayan ng Alaska para ihatid ang isang batang lubhang nasugatan. Ang dalawang-taong-gulang na batang lalaki ay napatiran ng ugat sa braso nang bumagsak siya sa isang piraso ng salamin habang naglalaro malapit sa kanyang tahanan. Ang bayan ay 450 milya (725 km) timog ng Anchorage at hindi talaga dinaraanan ng eroplano. Gayunman, ang mga mediko na nasa pinangyarihan ay tarantang humingi ng saklolo, kaya’t lumihis ang eroplano para sunduin ang bata at dalhin ito sa Seattle para maipagamot sa hospital.

Nang lumapag ang eroplano sa liblib-bayan, sinabi ng mga mediko sa piloto na matindi ang pagdurugo ng bata kaya’t hindi niya matatagalan ang paglipad patungong Seattle. Gumawa ng desisyon na lumipad pa ng 200 milya (320 km) papuntang Juneau, Alaska, ang pinakamalapit na lungsod na may ospital.

Matapos ihatid ang bata sa Juneau, tumuloy na ng lipad ang eroplano papuntang Seattle, na huli na nang ilang oras sa iskedyul. Wala ni isang pasaherong nagreklamo, kahit karamihan sa kanila ay hindi na aabot sa mga appointment at connecting flight nila. Sa katunayan, sa paglipas ng bawat minuto at oras, nangolekta sila, para makaipon ng malaki-laking halaga para sa bata at sa kanyang pamilya.

Nang malapit nang lumapag ang eroplano sa Seattle, naghiyawan ang mga pasahero nang ibalita ng piloto na tinawagan sila sa radyo at sinabing maayos na ang lagay ng bata.7

Pumasok sa isip ko ang mga salita sa banal na kasulatan: “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, … at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya.”8

Mga kapatid, ang ilan sa pinakamagagandang pagkakataong maipakita ang ating pagmamahal ay sa loob mismo ng sarili nating tahanan. Pag-ibig ang dapat maging sentro ng buhay-pamilya, subalit kung minsan ay hindi ito nangyayari. Maaaring napakaraming kawalan ng pasensya, pagtatalo, pag-aaway, pagluha. Labis na ikinalungkot ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Bakit kaya ang [mga tao na] mahal natin [nang higit sa lahat] ang madalas tumanggap ng masasakit nating salita? Bakit kaya ang [ating] pananalita kung minsan ay parang mga patalim na nakakasugat ng damdamin?”9 Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay maaaring iba para sa bawat isa sa atin, subalit ang totoo ay hindi na mahalaga ang mga dahilan. Kung susundin natin ang utos na mahalin ang isa’t isa, kailangan nating pakitunguhan ang isa’t isa nang may kabaitan at paggalang.

May mga pagkakataon naman na kailangan natin ng disiplina. Gayunman, alalahanin natin ang payo sa Doktrina at mga Tipan—na, kapag kailangan nating pagsabihan ang isang tao, dapat tayong magpakita ng ibayong pagmamahal pagkatapos.10

Sana lagi nating sikaping isaalang-alang ang damdamin ng iba at maging sensitibo tayo sa mga iniisip at nadarama at sitwasyon ng mga tao sa ating paligid. Huwag natin silang maliitin o hamakin. Sa halip, kahabagan at hikayatin natin sila. Kailangan nating ingatang huwag masira ang tiwala ng isang tao sa kanyang sarili sa walang-ingat nating pananalita o mga kilos.

Ang pagpapatawad ay dapat sabayan ng pagmamahal. Sa ating mga pamilya, gayundin sa ating mga kaibigan, maaaring may masaktan ang damdamin at magkaroon ng di-pagkakasundo. Muli, talagang hindi mahalaga kung gaano kaliit ang problema. Kailangan at dapat itong ibaon sa limot at huwag nang hayaang lumala, at nang hindi na ito tuluyang makapinsala. Ang paninisi sa iba ay hindi nakakahilom ng mga sugat. Tanging pagpapatawad ang nakakahilom.

Isang kalugud-lugod na babae na matagal nang pumanaw ang bumisita sa akin isang araw at di-inaasahang nagkuwento ng ilang bagay na pinagsisisihan niya. Binanggit niya ang isang matagal nang pangyayari na kinasangkutan ng isang kapitbahay na magsasaka, na minsan ay naging mabuting kaibigan nila ngunit maraming beses na hindi nila nakasundong mag-asawa. Isang araw nagtanong ang magsasaka kung puwede siyang makiraan sa kanilang lupain para makarating siya nang mas madali sa kanyang lupain. Huminto siya sandali sa pagkukuwento at nangangatal ang tinig na sinabing, “Brother Monson, hindi ko siya pinayagang tumawid sa lupain namin nang araw na iyon o kahit kailan pa, pinabayaan ko siyang lakarin ang malayong daanan para makarating sa kanyang lupain. Nagkamali ako, at pinagsisisihan ko ito. Namatay na siya, at ah, sana’y nasabi ko sa kanya na, ‘Patawarin mo ako.’ Sana nagkaroon ako ng pangalawang pagkakataon na maging mabuti sa kanya.”

Habang pinakikinggan ko siya, naalala ko ang malungkot na pahayag ni John Greenleaf Whittier: “Sa malungkot na katagang sinambit o isinulat, ito ang pinakamalungkot sa lahat: ‘Sana’y ito ang naganap!’”11 Mga kapatid, sa pakikitungo natin sa iba nang may pagmamahal at pagsasaalang-alang, maiiwasan natin ang gayong mga pagsisisi.

Ang pagmamahal ay naipapakita sa maraming paraan: isang ngiti, isang kaway, isang magandang puna, isang papuri Ang ibang pagpapakita nito ay maaaring di-gaanong halata, gaya ng pagpapakita ng interes sa mga ginagawa ng ibang tao, pagtuturo ng isang alituntunin nang may kabaitan at tiyaga, pagbisita sa isang taong maysakit o hindi na kayang lumabas ng bahay. Ang mga salita at kilos na ito at marami pang iba ay maaaring magpadama ng pagmamahal.

Si Dale Carnegie, isang bantog na American author at lecturer, ay naniniwala na bawat tao ay mayroon sa kanyang sarili ng “kakayahang dagdagan ang kabuuang kaligayahan ng mundo … sa pagbibigay ng ilang salita ng taos na pagpapahalaga sa isang taong nalulungkot o pinanghihinaan ng loob.” Sabi niya, “Marahil malilimutan na ninyo bukas ang magigiliw na salitang sinasabi ninyo ngayon, ngunit maaari itong itangi ng taong tumanggap nito habambuhay.”12

Nawa’y simulan natin ngayon, sa araw na ito mismo, na magpakita ng pagmamahal sa lahat ng anak ng Diyos, sila man ay ating mga kapamilya, kaibigan, kakilala lamang, o hindi natin kilala. Paggising natin tuwing umaga, magpasiya tayong tumugon nang may pagmamahal at kabaitan anuman ang mangyari.

Hindi kayang unawain, mga kapatid, ang pagmamahal ng Diyos para sa atin. Dahil sa pagmamahal na ito, isinugo Niya ang Kanyang Anak, na nagmahal sa atin nang sapat para ibigay ang Kanyang buhay para sa atin, upang tayo’y magkaroon ng buhay na walang hanggan. Kapag naunawaan natin ang walang-kapantay na kaloob na ito, ang ating puso ay mapupuno ng pagmamahal sa ating Amang Walang Hanggan, sa ating Tagapagligtas, at sa buong sangkatauhan. Nawa’y mangyari iyon ang taimtim kong dalangin sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mateo 22:36–39.

  2. Marcos 12:31.

  3. I Juan 4:21.

  4. Lucas 23:34.

  5. Di-kilala ang awtor, sa Richard L. Evans, “The Quality of Kindness,” Improvement Era, Mayo 1960, 340.

  6. The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball (1982), 483.

  7. Tingnan sa “Injured Boy Flown to Safety,” Daily Sitka Sentinel (Alaska), Okt. 22, 1981.

  8. Moroni 7:47.

  9. Gordon B. Hinckley, “Let Love Be the Lodestar of Your Life,” Ensign, Mayo 1989, 67.

  10. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:43.

  11. “Maud Muller,” sa The Complete Poetical Works of John Greenleaf Whittier (1878), 206; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  12. Dale Carnegie, halimbawa ay sa Larry Chang, Wisdom for the Soul. (2006), 54.