Ang Lalaking May Priesthood
Maaari kayong maging isang maganda, karaniwan, o masamang huwaran. Maaari ninyong isipin na walang halaga iyon sa inyo, pero sa Panginoon ay mayroon.
Tayong lahat ay may mga idolo, lalo na kapag bata pa tayo. Ipinanganak ako at lumaki sa Princeton, New Jersey, sa Estados Unidos. Ang himpilan ng mga pinakabantog na sports team malapit sa tirahan namin ay nasa New York City. Naroon noon ang tatlong propesyonal na baseball team: ang Brooklyn Dodgers, New York Giants, at New York Yankees. Mas malapit pa ang Philadelphia sa bahay namin at tahanan ng Athletics at Phillies baseball teams. Maraming potensyal na idolo sa baseball para sa akin sa mga team na iyon.
Si Joe DiMaggio, na naglaro para sa New York Yankees, ang naging idolo ko sa baseball. Nang maglaro ng baseball ang mga kapatid at kaibigan ko sa eskuwelahan sa tabi ng bahay namin, sinubukan kong ihataw ang bat sa inakala kong paraan ni Joe DiMaggio. Iyon ay bago pa naimbento ang telebisyon (sinaunang panahon pa ito), kaya puro retrato lang mula sa pahayagan ang ginamit ko para magaya ang paghataw niya.
Noong malaki na ako, dinala ako ni itay sa Yankee Stadium. Noon ko lang nakitang maglaro si Joe DiMaggio. Tandang-tanda ko pa na nakita ko siyang hatawin ang bat at lumipad ang puting baseball papunta sa mga taong nakaupo sa center field.
Ngayon, ang galing ko sa baseball ay wala pa sa kalingkingan ng idolo ko noong bata ako. Ngunit sa ilang mahusay kong paghataw sa baseball, ginaya ko ang lakas ng hataw niya hangga’t kaya ko.
Kapag pumipili tayo ng mga idolo, ginagaya natin, nang sadya o di-sadya, ang hinahangaan natin nang husto sa kanila.
Ang masaya, pinaligiran ako ng matatalino kong magulang ng mga taong nararapat na maging idolo ko noong bata pa ako. Minsan lang ako dinala ng tatay ko sa Yankee Stadium para panooring maglaro ang idolo ko sa baseball, pero tuwing Linggo hinahayaan niya akong panoorin ang lalaking may priesthood na naging idolo ko. Hinubog ng idolo kong iyon ang buhay ko. Ang tatay ko ang branch president ng maliit na branch na nagpupulong sa bahay namin. Siyanga pala, kapag bumaba ka sa unang palapag sa Linggo ng umaga, nasa simbahan ka na. Hindi pa lumagpas sa 30 tao ang dumadalo sa branch namin.
May binatang naghahatid sa nanay niya sa bahay namin para sa mga pulong, pero hindi siya pumasok sa bahay kahit kailan. Hindi siya miyembro. Tatay ko ang nakapagyaya sa kanya na pumasok sa bahay namin nang puntahan niya ito sa labas kung saan nakaparada ang kotse nito. Nabinyagan siya at naging una at tangi kong lider ng Aaronic Priesthood. Siya ang naging idolo ko sa priesthood. Natatandaan ko pa ang estatwang kahoy na ibinigay niya sa akin bilang gantimpala matapos kaming magsibak ng kahoy na panggatong para sa isang biyuda. Sinikap ko na siyang gayahin tuwing pupurihin ko ang isang lingkod ng Diyos.
Pumili ako ng isa pang idolo sa maliit na branch ng Simbahan na iyon. Isa siyang United States Marine na dumalo sa mga pulong namin suot ang kanyang berdeng uniporme. May digmaan noon, at dahil diyan ay naging idolo ko siya. Ipinadala siya sa Princeton University ng marines para makapag-aral pa. Ngunit higit pa sa paghanga ko sa kanyang uniporme sa militar, pinanood ko siyang maglaro sa Palmer Stadium bilang captain ng Princeton University football team. Nakita ko siyang maglaro sa university basketball team at napanood ko rin siyang maglaro bilang star catcher sa baseball team nila.
Ngunit higit pa riyan, nagpunta siya sa amin para ituro sa akin kung paano mag-shoot ng bola gamit ang kaliwa at kanang kamay ko. Sinabihan niya ako na kakailanganin ko ang galing na iyon dahil balang-araw ay maglalaro ako ng basketball sa magagaling na team. Hindi ko naisip ito noon, ngunit para sa akin, matagal siyang naging tunay na huwarang lalaking may priesthood.
Bawat isa sa inyo ay magiging huwarang lalaking may priesthood gustuhin man ninyo o hindi. Naging isang kandila kayong may sindi nang tanggapin ninyo ang priesthood. Inilagay kayo ng Panginoon sa isang kandelero upang tanglawan ang daan para sa lahat ng nakapaligid sa inyo. Lalong totoo iyan para sa mga nasa priesthood quorum ninyo. Maaari kayong maging isang maganda, karaniwan, o masamang huwaran. Maaari ninyong isipin na walang halaga iyon sa inyo, pero sa Panginoon ay mayroon. Ganito ang pagkasabi Niya:
“Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago.
“Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay.
“Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.”1
Napagpala ako sa mga halimbawa ng magagaling na mayhawak ng priesthood sa mga korum kung saan mapalad akong nakapaglingkod. Magagawa ninyo ang kanilang nagawa para sa akin sa pagiging halimbawang susundan ng iba.
Naobserbahan ko ang tatlong karaniwang katangian ng mga mayhawak ng priesthood na mga idolo ko. Ang isa ay ang huwaran ng panalangin, ang ikalawa ay ang gawing maglingkod, at ang ikatlo ay ang matibay na desisyong maging tapat.
Lahat tayo ay nagdarasal, ngunit ang mayhawak ng priesthood na nais ninyong kahinatnan ay nagdarasal nang madalas at may tunay na layunin. Sa gabi luluhod kayo at magpapasalamat sa Diyos para sa mga pagpapala sa maghapon. Pasasalamatan ninyo Siya para sa mga magulang, guro, at magagandang halimbawang susundan. Ilalarawan ninyo sa inyong mga dalangin kung paano at sino ang nagpala sa inyong buhay, sa maghapong iyon. Gugugol kayo ng higit pa sa ilang minuto at kaunting pag-iisip para diyan. Magugulat kayo rito at babaguhin kayo nito.
Kapag ipinagdasal ninyo na mapatawad kayo, makikita ninyo na pinatatawad ninyo ang iba. Kapag pinasalamatan ninyo ang kabaitan ng Diyos, maiisip ninyo ang iba, sa pangalan, na nangangailangan ng inyong kabaitan. Muli, magugulat kayo sa karanasang iyan araw-araw, at sa paglipas ng panahon ay babaguhin kayo nito.
Pangako ko sa inyo na ang isang paraan na babaguhin kayo ng gayong taimtim na panalangin ay madarama ninyo na kayo ay tunay na anak ng Diyos. Kapag nalaman ninyo na kayo ay anak ng Diyos, malalaman din ninyo na malaki ang inaasahan Niya sa inyo. Dahil kayo ay Kanyang anak, aasahan Niya kayong sundin ang Kanyang mga turo at ang mga turo ng Kanyang mahal na anak na si Jesucristo. Aasahan Niya kayong maging mapagbigay at mabait sa iba. Malulungkot Siya kung kayo ay mayabang at makasarili. Pagpapalain Niya kayong magkaroon ng hangaring unahin ang kapakanan ng iba kaysa inyo.
Ang ilan sa inyo ay mga huwaran na ng di-makasariling paglilingkod ng priesthood. Sa mga templo sa lahat ng dako ng mundo, dumarating ang mga mayhawak ng priesthood bago umaraw. At ang ilan ay naglilingkod kahit gabi na. Walang pagkilala o katanyagan sa mundong ito para sa sakripisyong iyon ng oras at pagpapagal. Nasamahan ko na ang mga kabataan na naglilingkod para sa mga nasa daigdig ng mga espiritu, na hindi kayang makamtan ang mga pagpapala sa kanilang sarili.
Kapag nakikita ko ang kaligayahan sa halip na kapaguran sa mukha ng mga naglilingkod doon nang maaga pa at gabi na, alam ko na may mga dakilang gantimpala sa buhay na ito para sa gayong uri ng di-makasariling paglilingkod ng priesthood, ngunit kaunting kagalakan lamang ito kumpara sa kagalakang madarama nila kasama ng kanilang mga pinaglingkuran sa daigdig ng mga espiritu.
Nakita ko na ang kaligayahang iyon sa mukha ng mga nakikipag-usap sa iba tungkol sa mga pagpapalang nagmumula sa pagiging kabilang sa kaharian ng Diyos. May kilala akong branch president na halos araw-araw ay nagdadala ng mga taong tuturuan ng mga missionary. Ilang buwan pa lang ang nakararaan hindi pa siya miyembro ng Simbahan. Ngayo’y may mga missionary nang nagtuturo at isang branch na lumalago at tumatatag dahil sa kanya. Ngunit higit pa riyan, isa siyang liwanag sa iba na bubuksan ang kanilang mga bibig kaya mapapabilis ang pagtitipon ng Panginoon sa mga anak ng Ama sa Langit.
Kapag nagdasal kayo at naglingkod sa iba, lalago ang inyong kaalaman na kayo ay anak ng Diyos at lalalim ang pag-ibig ninyo sa Kanya. Higit ninyong malalaman na Siya ay malulungkot kung hindi kayo tapat sa anumang paraan. Magiging mas determinado kayong tuparin ang pangako ninyo sa Diyos at sa iba. Higit ninyong malalaman na maling kumuha ng anuman na hindi inyo. Magiging mas tapat kayo sa inyong mga pinagtatrabahuhan. Magiging mas determinado kayong dumating sa oras at tapusin ang lahat ng gawaing ibinigay sa inyo ng Panginoon na tinanggap ninyong gawin.
Sa halip na mag-isip kung darating ang kanilang mga home teacher, aasamin ng mga bata sa mga pamilyang tuturuan ninyo ang inyong pagbisita. Natanggap ng mga anak ko ang pagpapalang iyon. Sa kanilang paglaki, natulungan sila ng mga idolo nilang priesthood na magplano ng sarili nilang paraan sa paglilingkod sa Panginoon. Ang napakagandang halimbawang iyon ay ipinapasa na ngayon sa ikatlong henerasyon.
Ang mensahe ko ay tungkol din sa pasasalamat.
Salamat sa inyong mga dalangin. Salamat sa pagluhod ninyo dahil sa katotohanan na hindi ninyo alam ang lahat ng sagot. Nagdarasal kayo sa Diyos ng langit upang magpasalamat at humiling ng Kanyang mga pagpapala sa buhay ninyo at ng inyong pamilya. Salamat sa paglilingkod ninyo sa iba at sa mga panahon na nadama ninyong hindi kayo kailangang pasalamatan ng ibang tao sa inyong paglilingkod.
Nabalaan na tayo ng Panginoon na kung maghahangad tayo ng papuri sa mundong ito para sa ating paglilingkod, maaaring mawala sa atin ang mas dakilang mga pagpapala. Maaalala ninyo ang mga salitang ito:
“Mangagingat kayo na huwag magsigawa ng katuwiran sa harap ng mga tao, upang kanilang makita: sa ibang paraan ay wala kayong ganti ng inyong Ama na nasa langit.
“Kaya nga pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag kang tutugtog ng pakakak sa harap mo, na gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga daan, upang sila’y mangagkapuri sa mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang sa kanila’y ganti.
“Datapuwa’t pagka ikaw ay naglilimos, ay huwag maalaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay:
“Upang ang iyong paglilimos ay malihim: at ang iyong Ama na nakakikita sa lihim ay gagantihin ka.”2
Yaong mga naging huwaran ko na kahanga-hangang mayhawak ng priesthood ay hindi nakikita kaagad na may mga katangian sila ng isang idolo. Katunayan, tila nahihirapan silang makita ang mga bagay na iyon na labis kong hinahangaan sa kanila. Binanggit ko na ang aking ama ay naging isang tapat na pangulo ng isang maliit na branch ng Simbahan sa New Jersey. Kalaunan ay naging miyembro siya ng Sunday School general board para sa Simbahan. Subalit nag-iingat ako ngayong magsalita tungkol sa kanyang paglilingkod sa priesthood, dahil iyon ang ginawa niya.
Totoo rin ito sa marinong idolo ko noong bata pa ako. Hindi niya ako kinausap kahit kailan tungkol sa paglilingkod niya sa priesthood o sa kanyang mga tagumpay. Naglingkod lang siya. Nalaman ko sa iba ang katapatan niya. Kung nakita man niya ang mga katangian niyang hinangaan ko, hindi ko masabi.
Kaya ang payo ko sa inyo na nais mapagpala ang iba sa inyong priesthood ay may kinalaman sa inyong buhay na lihim sa lahat maliban sa Diyos.
Manalangin sa Kanya. Pasalamatan Siya sa lahat ng mabuti sa buhay ninyo. Hilingin sa Kanya na ipaalam sa inyo kung sinu-sino ang nais Niyang paglingkuran ninyo. Magsumamo na tulungan Niya kayong maibigay ang paglilingkod na iyon. Manalangin para makapagpatawad kayo at mapatawad kayo. Pagkatapos ay paglingkuran, mahalin, at patawarin sila.
Higit sa lahat, tandaan na sa lahat ng paglilingkod na ibinibigay ninyo, walang mas dakila kaysa tulungan ang mga tao na piliing maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Ibinigay na ng Diyos ang lahat ng patnubay kung paano gamitin ang ating priesthood. Siya ang sakdal na halimbawa nito. Ito ang halimbawang bahagya nating nakikita sa pinakamahuhusay Niyang lingkod dito sa lupa:
“At nangusap ang Panginoong Diyos kay Moises, nagsasabing: Ang mga kalangitan, ang mga ito ay marami, at ang mga ito ay hindi maaaring mabilang ng tao; subalit ang mga ito ay bilang sa akin, sapagkat ang mga ito ay akin.
“At habang ang isang mundo ay lumilipas, at ang mga kalangitan niyon maging gayon man isa ang darating; at walang katapusan ang aking mga gawain, ni ang aking mga salita.
“Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”3
Tumulong tayo sa gawaing iyon. Bawat isa sa atin ay may magagawang kaibhan. Naihanda tayo para sa ating panahon at lugar sa mga huling araw ng sagradong gawaing iyon. Bawat isa sa atin ay napagpala sa mga halimbawa ng mga tao na ginawang pinakamahalagang layunin ng buhay nila sa lupa ang gawaing iyon.
Dalangin ko na nawa’y tulungan natin ang isa’t isa na samantalahin ang pagkakataong iyon.
Ang Diyos Ama ay buhay at sasagutin ang inyong mga dalangin para sa tulong na kailangan ninyo para mapaglingkuran Siya nang husto. Si Jesucristo ang nagbangong Panginoon. Ito ang Kanyang Simbahan. Ang priesthood na hawak ninyo ay ang kapangyarihang kumilos sa Kanyang pangalan sa gawain Niyang paglingkuran ang mga anak ng Diyos. Kapag buong puso kayong tumulong sa gawaing ito, tutulungan Niya kayo. Ipinapangako ko ito sa pangalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas, amen.