Ang Diyos ang Namamahala
Ang mga kautusan at tipan ay mga napakahahalagang katotohanan at doktrinang matatagpuan sa Maaasahang Barko ng Sion, kung saan ang Diyos ang namamahala.
Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre, inanyayahan ko ang mga tagapakinig na sundin ang payo ni Brigham Young na manatili sa Lumang Barko ng Sion, na siyang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at kumapit nang dalawang kamay.1 Mula noon, natutuwa akong malaman na ang ilan sa aking pamilya at ang iba pa ay nakikinig at nagtanong sa akin, “Ano po ang maaasahan namin sa lumang barko: “Ano po ang nasa Maaasahang Barko ng Sion na dapat tayong kumapit nang mahigpit?” Ipinaaalala ko sa kanila ang sinabi ni Pangulong Young: “Tayo ay nasa maaasahang barko ng Sion. … Ang [Diyos] ang namamahala at mananatili Siya roon. … Siya ang nag-uutos, gumagabay at namamahala. Kung ang mga tao ay lubos na magtitiwala sa kanilang Diyos, hindi tatalikuran ang kanilang mga tipan ni ang kanilang Diyos, gagabayan Niya tayo sa tama.”2
Malinaw, na ang ating Ama sa Langit at Panginoong Jesucristo ay ginayakan ang Maaasahang Barko ng Sion ng walang-hanggang mga katotohanan na tutulong sa atin na manatili sa tamang landas sa kabila ng nagngangalit na karagatan ng mortal na buhay. Narito ang ilan.
Ang Simbahan ni Jesucristo ay laging pinamumunuan ng mga buhay na propeta at apostol. Bagama‘t mortal at may kahinaan bilang tao, ang mga lingkod ng Panginoon ay may inspirasyong tumutulong sa atin upang maiwasan ang mga balakid na nakamamatay sa espiritu at tutulong sa atin na ligtas na makapaglakbay sa buhay na ito tungo sa ating huli, at makalangit na destinasyon.
Sa aking halos 40 taon ng malapit na pakikipag-ugnayan, ako ay personal na saksi na kapwa ang tahimik na inspirasyon at matinding paghahayag ang nagpapakilos sa mga propeta at apostol, sa iba pang mga General Authority, at mga lider ng auxiliary. Bagama‘t hindi perpekto o walang pagkakamali, ang mabubuting kalalakihan at kababaihang ito ay lubos na nakalaan sa pamumuno sa gawain ng Panginoon ayon sa Kanyang utos.
At huwag kang magkakamali tungkol dito: pinapatnubayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga buhay na propeta at apostol. Noon pa man ay ganito na Niya ginagawa ang Kanyang gawain. Tunay na itinuro ng Tagapagligtas na, “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang tumatanggap ng sinomang sinusugo ko ay ako ang tinatanggap.”3 Hindi natin maihihiwalay si Cristo sa Kanyang mga lingkod. Kung wala ang Kanyang unang mga Apostol, wala tayong mga ulat na saksi sa Kanyang mga turo, Kanyang ministeryo, Kanyang pagdurusa sa Halamanan ng Getsemani, at sa Kanyang kamatayan sa krus. Kung wala ang kanilang patotoo, hindi tayo magkakaroon ng pagsaksi ng apostol tungkol sa libingang walang laman at sa Pagkabuhay na Muli.
Inutusan Niya noon ang mga unang Apostol:
“Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:
“Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”4
Ang dakilang utos na ito ay sinariwa sa ating panahon nang tawagin ni Cristo si Joseph Smith na ipanumbalik ang Simbahan, na may inorden na mga Apostol upang ipahayag ang Kanyang Ebanghelyo sa huling pagkakataon bago Siya muling pumarito.
Noon pa man ay hamon na sa mundo ang matukoy at tanggapin ang mga buhay na propeta at apostol, ngunit mahalaga ito upang lubos na maunawaan ang Pagbabayad-sala at mga turo ni Jesucristo at matanggap ang kaganapan ng mga pagpapala ng priesthood na ibinibigay sa mga tinawag Niya.
Iniisip ng napakaraming tao na dapat maging perpekto o halos perpekto ang mga lider at miyembro ng Simbahan. Nalilimutan nila na ang biyaya ng Panginoon ay sapat para maisakatuparan ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga mortal. Ang mga lider natin ang may pinakamabubuting intensyon, ngunit kung minsan nagkakamali tayo. Ito ay hindi kakaiba sa pakikipag-ugnayan sa Simbahan, tulad ng nangyayari sa ating pakikipag-ugnayan sa mga kaibigan, kapitbahay, at mga kasamahan sa trabaho at sa pagitan ng mag-asawa at pamilya.
Ang paghahanap sa mga kahinaan ng ibang tao ay madali. Gayunman, nagkakamali tayo kapag ang pinapansin lamang natin ay ang mga likas sa tao at pagkabigong makita ang pagkilos ng kamay ng Diyos sa pamamagitan ng mga taong tinawag Niya.
Ang pagtutuon ng pansin sa kung paano binibigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang piniling mga lider at paano Siya kumikilos sa mga Banal para gawin ang kalugud-lugod at kahanga-hangang mga bagay sa kabila ng kanilang pagiging tao ay isang paraan ng pagkapit natin sa ebanghelyo ni Jesucristo at pananatiling ligtas sa Maaasahang Barko ng Sion.
Ang pangalawang katotohanan ay ang doktrina ng plano ng kaligtasan. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ibinigay ng Diyos ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at marami pang karagdagang mga turo sa Simbahan. Kabilang dito ang kaalaman tungkol sa plano ng kaligtasan, na isang mapa kung saan tayo nanggaling, ang layunin natin dito sa lupa, at saan tayo pupunta kapag namatay tayo. Ang plano ay naglalaan din sa atin ng natatangi, at walang-hanggang pananaw na tayo ay mga espiritung anak ng Diyos. Sa pagkaunawa kung sino ang ating Ama sa Langit at sa kaugnayan natin sa Kanya at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, tatanggapin natin ang Kanilang mga utos at gagawa ng mga tipan sa Kanila na aakay sa atin pabalik sa Kanilang piling.
Tuwing hawak ko ang isang bagong silang na sanggol, napapaisip ako: “Sino ka, batang paslit? Ano ang kahihinatnan mo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo?”
Ganito rin ang tanong natin kapag namatay ang isang taong mahal natin: “Nasaan sila? Ano ang nakikita at nararanasan nila? Nagpapatuloy ba ang buhay? Ano ang mangyayari sa ating pinakamahalagang mga pakikipag-ugnayan sa malawak na daigdig ng mga espiritu ng mga patay?”
Sa daigdig na iyon, ang aming pamilya ay may mga apo, sina Sara at Emily, at si Nathan. Sa pagpanaw ng bawat apo, kami bilang pamilya ay kumapit nang mahigpit sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Nasagot ang mga tanong namin, ng kapanatagan at katiyakan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Bagama‘t nangungulila kami sa aming mga apo, alam naming buhay sila, at alam naming makikita namin silang muli. Lubos kaming nagpapasalamat sa mga espirituwal na pang-unawang ito sa panahon ng mga pagsubok sa akin at sa aming pamilya.
Ang isa pang mahalagang katotohanan sa Simbahan ay nilikha ng Ama sa Langit sina Eva at Adan para sa isang mataas na layunin. Inutusan sila—at, kalaunan, inutusan ang kanilang mga inapo—na lumikha ng mga mortal na katawan para sa mga espiritung anak ng Diyos para maranasan nila ang mortalidad. Sa prosesong ito, ipinapadala ng Ama sa Langit ang Kanyang mga espiritung anak sa lupa upang matuto at umunlad sa pamamagitan ng mga karanasan sa buhay sa mundo. Dahil mahal Niya ang Kanyang mga anak, ang Diyos ay nagpadala ng mga sugo ng langit at mga Apostol upang ituro sa kanila ang mahalagang papel ni Jesucristo bilang ating Tagapagligtas.
Sa paglipas ng mga siglo, natupad ng mga propeta ang kanilang tungkulin kapag binalaan nila ang mga tao tungkol sa mga panganib na darating. Ang mga Apostol ng Panginoon ay may tungkuling bantayan, balaan, at tulungan ang mga naghahanap ng sagot sa mga tanong ng buhay.
Dalawampung taon na ang nakalipas, ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay inisyu ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Sa inspiradong pahayag na iyon, nagtapos kami sa sumusunod: “Kami ay nagbababala na ang mga taong lumalabag sa mga tipan ng kalinisang-puri, nang-aabuso ng asawa o anak, o bigo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa mag-anak ay mananagot balang-araw sa harap ng Diyos. At gayon din, kami ay nagbababala na ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta.”5
Bilang mga Apostol, pinagtitibay naming muli ang sagradong babala. Alalahanin sana na ang mga kautusan at mga tipan ay walang katumbas na mga katotohanan at doktrinang matatagpuan sa Maaasahang Barko ng Sion, na kung saan ang Diyos ang namamahala.
Ang isa pang mahalagang doktrina na dapat nating panghawakan ay ang pagsunod sa araw ng Sabbath. Ito ay tumutulong sa atin na manatiling walang bahid-dungis mula sa mundo, nagbibigay sa atin ng kapahingahan ng katawan, at nagbibigay ng espirituwal na pagpapanibago ng pagsamba sa Ama at sa Anak tuwing Linggo.6 Kapag nalulugod tayo sa Kanyang Sabbath, ito ay tanda ng ating pagmamahal at katapatan sa Kanila.7
Bilang bahagi ng pagsisikap nating gawing kaluguran ang araw ng Sabbath, hiniling namin sa lokal na mga lider at miyembro ng Simbahan na alalahanin na ang sacrament meeting ay sa Panginoon at dapat tayong manatiling matatag at nakasalig sa Kanyang mga turo at Pagbabayad-sala. Ang paglalahad ng mga ordenansa ng sakramento ay kapag sinasariwa natin ang ating mga tipan at pinagtitibay ang ating pagmamahal sa Tagapagligtas at inaalaala ang Kanyang sakripisyo at Pagbabayad-sala.
Ang diwa ring ito ng pagsamba ay dapat tumimo sa ating buwanang miting ng pag-aayuno at patotoo. Ang sacrament miting na ito ay inilalaan para ang mga miyembro ay magpahayag ng pasasalamat, pagmamahal, at pagpapahalaga sa ating Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa ipinanumbalik na ebanghelyo at personal na magpatotoo sa mga bagay na ito. Ang fast at testimony meeting ay panahon upang magbahagi ng maiikling inspirational thought at magpatotoo nang taimtim. Hindi ito ang panahon para magbigay ng pananalita.
Dapat magpraktis ang maliliit na bata na ibahagi ang kanilang patotoo sa Primary at sa kanilang mga magulang sa mga family home evening hanggang sa maunawaan nila ang mahalagang kahulugan ng patotoo.
Ang bagong pagbibigay-diin na gawing kaluguran ang araw ng Sabbath ay tuwirang bunga ng inspirasyon mula sa Panginoon sa pamamagitan ng mga lider ng Simbahan. Ang mga miyembro ng ward council ay dapat tumulong sa bishopric ng ilang linggo sa pagrepaso ng musika at mga paksa na inirekomenda para sa bawat sacrament meeting.
Lahat tayo ay pinagpapala kapag ang araw ng Sabbath ay puno ng pagmamahal para sa Panginoon sa tahanan at sa simbahan. Kapag tinuturuan ang ating mga anak sa paraan ng Panginoon, natututo silang makadama at tumugon sa Kanyang Espiritu. Tayong lahat ay maghahangad na magsimba tuwing Linggo para makibahagi ng sakramento kapag nadarama nila ang Espiritu ng Panginoon. At lahat, bata at matanda, na may mabibigat na pasanin ay madarama ang espirituwal na lakas at kapanatagan na nagmumula sa araw ng Sabbath sa tapat na pagninilay tungkol sa ating Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo.
Salamat at palaging nariyan si Cristo, naghihintay at handang tumulong kapag handa tayong magsisi at lumapit sa Kanya.
Ngayon, habang pinag-iisipan natin ang ilang katotohanang ito na umiiral sa Maaasahang Barko ng Sion, manatili tayong lulan ng barko at tandaan, ang isang barko ay sasakyan, at ang layunin ng isang sasakyan ay ihatid tayo sa isang destinasyon.
Ang destinasyon ng ating barko ay ang ganap na mga pagpapala ng ebanghelyo, ang kaharian ng langit, ang kaluwalhatiang selestiyal, at ang presensya ng Diyos!
Buo na ang plano ng Diyos. Siya ang namamahala, at ang Kanyang malaki at makapangyarihang barko ay patungo sa kaligtasan at kadakilaan. Tandaan na hindi tayo makakarating doon sa pagtalon mula sa bangka at sa paglangoy nang mag-isa.
Kadakilaan ang mithiin ng mortal na paglalakbay na ito, at walang sinumang makakarating doon kung wala ang ebanghelyo ni Jesucristo: Kanyang Pagbabayad-sala, ang mga ordenansa, at ang gumagabay doktrina at mga alituntunin na matatagpuan sa Simbahan.
Sa Simbahan natin natututuhan ang mga gawa ng Diyos at natatanggap ang biyaya ng Panginoong Jesucristo na nagliligtas sa atin. Sa Simbahan tayo bumubuo ng mga pangako at tipan ng mga walang-hanggang pamilya na nagiging pasaporte natin sa kadakilaan. Ang Simbahan ang may kapangyarihan ng priesthood na nagtataguyod sa atin para malampasan ang mapanganib na mga tubig ng mortalidad.
Magpasalamat tayo sa ating magandang Maaasahang Barko ng Sion, dahil kung wala ito hindi tayo uunlad, maiiwang mag-isa at walang magagawa sa nagngangalit na agos ng tubig, tatangayin nang walang timon o sagwan, magpapaikut-ikot sa malalakas na hangin at alon ng kaaway.
Kumapit nang mahigpit, mga kapatid, at patuloy na maglayag, sa loob ng maluwalhating barkong ito, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at mararating natin ang ating walang-hanggang patutunguhan. Ito ang aking patotoo at dalangin para sa ating lahat sa pangalan Niya kung kanino ipinangalan ang Maaasahang Barko ng Sion, ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.