Ang Kagalakan sa Pamumuhay na Nakasentro kay Cristo
Ang ating buhay ay dapat isentro nang husto kay Cristo upang magkaroon tayo ng tunay na kagalakan at kapayapaan sa buhay na ito.
Ang mundong tinitirhan natin ay nagbibigay ng matinding panggigipit sa mabubuting tao saanman para ibaba o talikuran pa nila ang kanilang mga pamantayan ng matwid na pamumuhay. Gayunman, sa kabila ng mga kasamaan at tuksong nakapaligid sa atin bawat araw, makakahanap tayo ng tunay na kagalakan ngayon sa pamamagitan ng pamumuhay na nakasentro kay Cristo.
Ang pagsesentro ng ating buhay kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay maghahatid ng katatagan at kaligayahan sa ating buhay, gaya ng inilalarawan sa sumusunod na mga halimbawa.
Hiniling ni Elder Taiichi Aoba ng Pitumpu, na naninirahan sa isang maliit na nayon sa bundok sa Shikoku, Japan, na magturo ng klase sa isang youth conference. “Tumayo Kayo sa mga Banal na Lugar” ang napiling tema ng kumperensya. Matapos pag-isipan ang tema at kung ano ang ituturo, nagpasiya si Elder Aoba na gamitin ang kanyang propesyon bilang pamamaraan sa pagtuturo. Ang kanyang trabaho ay paggawa ng palayok.
Ikinuwento ni Elder Aoba na ang kanyang klase ng mga kabataan ay talagang sumigla nang makita nila kung paano niya binago ang hugis ng putik sa kanyang mga kamay at ginawa iyonng mga plato, mangkok, at tasa. Matapos ang kanyang demonstrasyon, nagtanong siya kung may gustong sumubok sa kanila na gawin nito. Lahat ay nagtaas ng kamay.
Pinalapit ni Elder Aoba ang ilan sa mga kabataan upang subukan ang bago nilang interes. Akala nila, matapos siyang mapanood, na simple lang ito. Gayunman, wala sa kanilang nagtagumpay sa kanilang mga pagsisikap na gumawa kahit man lang isang simpleng mangkok. Sabi nila: “Hindi ko po kaya!” “Bakit ang hirap po nito?” “Ang hirap naman pala.” Ganito ang narinig na mga komento nang magtalsikan ang putik sa buong silid.
Tinanong niya ang mga kabataan kung bakit sila hirap na hirap sa paggawa ng palayok. Iba-iba ang sagot nila: “Wala po akong anumang karanasan,” “Hindi po ako nakapagsanay,” o “Wala po akong talento.” Batay sa resulta, ang sinabi nila ay totoong lahat; gayunman, ang pinakamahalagang dahilan ng kabiguan nila ay dahil sa putik na hindi nakasentro sa gulong. Inakala ng mga kabataan na nasa gitna na ang putik, ngunit sa pananaw ng isang propesyonal, hindi iyon ang pinakagitna. Kaya sinabi niya sa kanila, “Subukan nating muli.”
Sa pagkakataong ito, inilagay ni Elder Aoba ang putik sa pinakagitna ng gulong at pagkatapos ay sinimulang paikutin ang gulong, na gumawa ng butas sa gitna ng putik. Muling sumubok ang ilang kabataan. Sa pagkakataong ito nagsimulang pumalakpak ang lahat nang sabihin nilang: “Wow, hindi ito umaalog,” “Kaya kong gawin ito,” o “Nagawa ko!” Siyempre pa, hindi perpekto ang mga hugis, pero talagang kakaiba ang resulta sa unang pagtatangka. Ang dahilan ng kanilang tagumpay ay dahil nakasentro ang putik sa gulong.
Ang mundong ginagalawan natin ay katulad ng umiikot na gulong ng magpapalayok, at pabilis nang pabilis ang gulong niyon. Tulad ng putik sa gulong ng magpapalayok, dapat ay nakasentro din tayo. Ang ating gitna, ang sentro ng ating buhay, ay kailangang si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo. Ang ibig sabihin ng pamumuhay nang nakasentro kay Cristo ay matututuhan natin ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo at pagkatapos ay sundan natin ang Kanyang halimbawa at sundin nang lubusan ang Kanyang mga kautusan.
Sinabi ng sinaunang propetang si Isaias, “Ngunit ngayon, O Panginoon, ikaw ang aming mga ama; kami ang malagkit na putik, at ikaw ang magpapalyok sa amin; “at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay.”1
Kung ang ating buhay ay nakasentro kay Jesucristo, matagumpay Niya tayong mahuhubog sa kung ano ang nararapat sa atin upang makabalik sa piling Niya at ng Ama sa Langit sa kahariang selestiyal. Ang kaligayahang nadarama natin sa buhay na ito ay tuwirang kasukat ng kung gaano nakasentro ang ating buhay sa mga turo, halimbawa, at nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.
Mga kapatid, isinilang ako sa isang maraming henerasyon na pamilyang LDS, kaya’t ang mga pagpapala at kagalakang dulot ng ebanghelyo ni Jesucristo bilang batayan ng kultura ng aming pamilya ay kalakip ng aming buhay araw-araw. Hindi ko napagtanto ang pambihirang positibong epekto ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga taong hindi pa naranasan ang mga pagpapala nito sa kanilang buhay hanggang sa magtungo ako sa full-time mission noong binata ako. Sa talatang ito sa Mateo mababanaag ang proseso sa dinaranas ng mga taong nagbagong-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo: “Tulad ang kaharian ng langit sa nakatagong kayamanan sa bukid, na nasumpungan ng isang tao, at inilihim at sa kanyang kagalaka’y yumaon at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili ang bukid na yaon.”2
Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang isang halimbawa mula sa Aklat ni Mormon na naglalarawan kung ano ang handang gawin ng isang nagbagong-loob upang matanggap ang kagalakang nauugnay sa pagkakita sa kayamanang binanggit ni Jesus sa talinghaga ng kayamanang itinago sa bukid.
Alalahanin sa aklat ni Alma kabanata 20, nang sina Ammon at Lamoni ay naglalakbay papunta sa lungsod ng Midoni upang hanapin at ilabas ng kulungan ang kapatid ni Ammon na si Aaron. Sa kanilang paglalakbay nakilala nila ang ama ni Lamoni, na siyang hari ng mga Lamanita sa buong lupain.
Galit na galit ang hari na naglakbay ang kanyang anak na si Lamoni na kasama ni Ammon, isang Nephitang missionary, na itinuring niyang kaaway. Nadama niya na dapat dumalo ang kanyang anak sa malaking piging na isinagawa niya para sa kanyang mga anak at mga tauhan. Matindi ang galit ng hari ng mga Lamanita kaya inutusan niya ang kanyang anak na si Lamoni na patayin si Ammon gamit ang kanyang espada. Nang tumanggi si Lamoni, hinugot ng hari ang sarili niyang espada para patayin ang kanyang anak dahil sa pagsuway; gayunman, namagitan si Ammon para iligtas ang buhay ni Lamoni. Sa huli ay nagapi niya ang hari at mapapatay sana niya ito.
Ito ang sinabi ng hari kay Ammon nang malagay ang kanyang sarili sa pagitan ng buhay at kamatayan: “Kung hindi mo ako papatayin ay ipagkakaloob ko sa iyo ang ano mang hihingin mo, maging ang kalahati ng kaharian.”3
Kaya handang ibayad ng hari ang kalahati ng kanyang kaharian upang maligtas ang kanyang sariling buhay. Maaaring nagulat nang husto ang hari nang hilingin lamang ni Ammon na palayain ang kanyang kapatid na si Aaron at ang kanyang mga kasamahan sa kulungan at na manatili pa rin sa kanyang anak na si Lamoni ang kanyang kaharian.
Kalaunan, dahil sa karanasang ito, pinawalan ang kapatid ni Ammon na si Aaron mula sa kulungan sa Midoni. Matapos siyang palayain nadama niya ang inspirasyong magpunta sa lugar na pinamumunuan ng hari ng mga Lamanita. Ipinakilala si Aaron sa hari at nagkaroon ng pribilehiyong ituro dito ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, kabilang na ang dakilang plano ng pagtubos. Nagkaroon ng matinding inspirasyon ang hari sa mga turo ni Aaron.
Ang tugon ng hari sa mga turo ni Aaron ay matatagpuan sa talata 15 ng Alma kabanata 22: “At ito ay nangyari na, na matapos ipaliwanag ni Aaron ang mga bagay na ito sa kanya, ay sinabi ng hari: Ano ang nararapat kong gawin upang magkaroon ako nitong buhay na walang hanggan na sinabi mo? Oo, ano ang nararapat kong gawin upang isilang sa Diyos, nang ang masamang espiritung ito ay mabunot mula sa aking dibdib, at matanggap ang kanyang Espiritu, upang ako ay mapuspos ng galak, upang hindi ako maitakwil sa huling araw? Masdan, sinabi niya, tatalikuran ko ang lahat ng aking pag-aari, oo, tatalikuran ko ang aking kaharian, upang matanggap ko ang labis na kagalakang ito.”
Kamangha-mangha na taliwas sa pagbibigay ng kalahati ng kanyang kaharian upang iligtas ang kanyang buhay, handa na ngayong talikdan ng hari ng mga Lamanita ang kanyang buong kaharian upang matanggap niya ang galak na nagmumula sa pag-unawa, pagtanggap, at pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang asawa kong si Nancy ay convert din sa Simbahan. Binanggit niya sa akin nang maraming beses sa paglipas ng maraming taon ang galak na nadama niya sa kanyang buhay mula nang matagpuan, matanggap, at maipamuhay niya ang ebanghelyo ni Jesucristo. Narito ang pagninilay ni Sister Maynes tungkol sa kanyang karanasan:
“Bilang young adult na nasa 20s na ang edad, nasa punto ako ng buhay ko na alam kong may kailangan akong baguhin para maging mas maligaya. Nadama ko na parang nalilito ako at walang tunay na layunin at direksyon, at hindi ko alam kung saan ito matatagpuan. Matagal ko nang alam na mayroong Ama sa Langit at paminsan-minsan ay nagdarasal ako noon, nadarama na nakikinig Siya.
“Nang simulan ko ang paghahanap, dumalo ako sa ilang iba’t ibang simbahan ngunit laging bumabalik ang damdaming iyon at panghihina ng loob. Napakapalad ko dahil sinagot ang dalangin ko para sa patnubay at layunin sa buhay, at ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay dumating sa buhay ko. Sa unang pagkakataon nadama ko na may layunin ako, at ang plano ng kaligayahan ay nagdulot ng tunay na kagalakan sa buhay ko.”
Isa pang karanasan sa Aklat ni Mormon ang malinaw na naglalarawan kung paano tayo pupuspusin ng malaking kaligayahan sa pamumuhay na nakasentro kay Cristo kahit napalilibutan tayo ng matitinding kahirapan.
Nang lisanin ng propetang si Lehi at ng kanyang pamilya ang Jerusalem noong 600 b.c., nagpagala-gala sila sa ilang sa loob ng mga walong taon hanggang makarating sila sa huli sa isang lupain na tinatawag nilang Masagana, na malapit sa dalampasigan. Inilarawan ni Nephi ang kanilang buhay sa ilang na puno ng hirap sa ganitong paraan: “[Kami ay dumanas ng] maraming pagdurusa at labis na kahirapan, … maging napakarami na hindi namin maisulat na lahat.”4
Habang nakatira sa lupaing Masagana, binigyan ng Panginoon si Nephi ng responsibilidad na gumawa ng sasakyang-dagat na magtatawid sa kanila sa dagat patungo sa lupang pangako. Pagdating sa lupang pangako, nagpatuloy ang malaking kaguluhan sa pagitan ng mga taong nakasentro ang buhay kay Cristo at sa mga hindi nananalig, na sumunod sa mga halimbawa nina Laman at Lemuel. Sa huli, napakatindi ng panganib ng karahasan sa pagitan ng dalawang grupo kaya humiwalay si Nephi at ang mga sumunod sa mga turo ng Panginoon at nagsitakas patungo sa ilang para maligtas. Sa puntong ito, mga 30 taon matapos lisanin ni Lehi at ng kanyang pamilya ang Jerusalem, gumawa ng dokumento si Nephi na medyo nakakagulat ang pahayag, lalo na matapos niyang itala sa mga banal na kasulatan ang maraming hirap at dusang naranasan nila. Ito ang sinabi niya: “At ito ay nangyari na, na kami ay namuhay nang maligaya.”5 Sa kabila ng kanilang mga paghihirap, nakapamuhay sila nang maligaya dahil nakasentro sila kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo.
Mga kapatid, tulad ng putik sa gulong ng magpapalayok, ang buhay natin ay dapat isentro nang husto kay Cristo para magkaroon tayo ng tunay na kagalakan at kapayapaan sa buhay na ito. Ang mga halimbawa ng hari ng mga Lamanita; ng asawa kong si Nancy; at ng mga Nephita ay sumusuportang lahat sa tunay na alituntuning ito.
Pinatototohanan ko sa inyo ngayon na masusumpungan din natin ang kapayapaang iyon, ang kaligayahang iyon, ang tunay na kagalakang iyon kung pipiliin nating mamuhay na nakasentro kay Cristo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.