Bakit Kailangan ang Simbahan
Mahalagang pag-isipan kung bakit pinili ni Jesucristo na gumamit ng simbahan, ang Kanyang Simbahan, upang isakatuparan ang gawain Nila ng Kanyang Ama.
Sa buong buhay ko, ang mga pangkalahatang kumperensya ng Simbahan ay isang napakasaya at espirituwal na pangyayari, at ang mismong Simbahan ang nagsilbing lugar kung saan makikilala ang Panginoon. Natanto ko na may mga taong itinuturing ang kanilang sarili na relihiyoso o espirituwal ngunit tumatangging makibahagi sa isang simbahan o ipinapalagay na hindi kailangan ang isang institusyong tulad nito. Ang pagsasabuhay ng relihiyon para sa kanila ay pawang pansarili lamang. Gayon pa man ang Simbahan ay nilikha Niya na sentro ng ating espirituwalidad—si Jesucristo. Mahalagang pag-isipan kung bakit pinili Niya na gumamit ng simbahan, ang Kanyang Simbahan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, upang isakatuparan ang gawain Nila ng Kanyang Ama na, “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”1
Simula kay Adan, ipinangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo, at ang mahahalagang ordenansa ng kaligtasan, tulad ng binyag, ay pinamahalaan sa pamamagitan ng orden ng priesthood na nakabatay sa pamilya.2 Nang dumami na ang mga tao sa lipunan at hindi magkakamag-anak na lamang, tumawag ang Diyos ng iba pang mga propeta, sugo, at guro. Sa panahon ni Moises, nababasa natin ang tungkol sa mas pormal na kaayusan, na kinabibilangan ng matatanda [elder], mga saserdote, at mga hukom. Sa kasaysayan ng Aklat ni Mormon, nagtatag si Alma ng simbahan na may mga saserdote at mga guro.
Pagkatapos, sa kalagitnaan ng panahon, itinatag ni Jesus ang Kanyang gawain sa paraan na maitatatag ang ebanghelyo nang sabay-sabay sa maraming bansa at sa iba’t ibang tao. Ang organisasyong iyan, ang Simbahan ni Jesucristo, ay kinasasaligan ng “mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok.”3 Kabilang dito ang mga karagdagang katungkulan, tulad ng mga pitumpu, elder, bishop, priest, teacher, at deacon. Gayon din itinatag ni Jesus ang Simbahan sa Western Hemisphere pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.
Kasunod ng apostasiya at pagkakawatak-watak ng Simbahan na Kanyang itinatag habang narito sa mundo, muling itinatag ng Panginoon ang Simbahan ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ang layunin ay katulad pa rin noon; ito ay ang ipangaral ang mabubuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo at isagawa ang mga ordenansa ng kaligtasan—sa madaling salita, ilapit ang mga tao kay Cristo.4 At ngayon, sa pamamagitan ng ipinanumbalik na Simbahang ito, ang pangako ng pagtubos ay posible nang makamit maging ng mga espiritu ng mga patay na noong nabubuhay pa sa mundo ay kaunti lang ang alam o walang alam tungkol sa biyaya ng Tagapagligtas.
Paano naisasakatuparan ng Kanyang Simbahan ang mga layunin ng Panginoon? Mahalagang malaman na ang pinakalayunin ng Diyos ay ang ating pag-unlad. Hangarin Niya na magpatuloy tayo “nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin [natin] ang kaganapan”5 ng lahat ng maibibigay Niya. Hindi lamang kailangan niyan ang simpleng kabaitan o espirituwal na pakiramdam. Kailangan nito ang pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag sa tubig at ng Espiritu, at pagtitiis nang may pananampalataya hanggang wakas.6 Hindi ito lubos na makakamtan nang nag-iisa, kaya ang isang pangunahing dahilan kung bakit may simbahan ang Panginoon ay upang lumikha ng isang komunidad ng mga Banal na susuportahan ang isa’t isa sa “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan.”7
“At pinagkalooban [ni Cristo] ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba’y propeta; at ang mga iba’y evangelista; at ang mga iba’y pastor at mga guro;
“… Sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo:
“Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo.”8
Si Jesucristo ang “may akda at tagatapos ng [ating] pananampalataya.”9 Ang ibilang ang ating sarili sa katawan ni Cristo—ang Simbahan—ay mahalagang bahagi ng pagtaglay natin ng Kanyang pangalan.10 Sinabihan tayo na ang sinaunang Simbahan “ay madalas na nagtipun-tipon upang mag-ayuno at manalangin, at makipag-usap sa bawat isa hinggil sa kapakanan ng kanilang mga kaluluwa”11 “at makinig sa salita ng Panginoon.”12 Gayon din sa Simbahan ngayon. Nagkakaisa sa pananampalataya, tinuturuan at pinatatatag natin ang isa’t isa at sinisikap na ipamuhay ang pinakamataas na pamantayan ng pagiging disipulo, “ang sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo.” Sinisikap nating tulungan ang isa’t isa na “[makilala ang] Anak ng Dios,”13 hanggang sa araw na iyon na “hindi na magtuturo bawa’t isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, … na magsasabi, Iyong kilalanin ang Panginoon: sapagka’t makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliitliitan sa kanila hanggang sa kadakidakilaan sa kanila, sabi ng Panginoon.”14
Sa Simbahan hindi lamang tayo nag-aaral ng doktrina; ipinamumuhay rin natin ito. Bilang bahagi ng katawan ni Cristo, ang mga miyembro ng Simbahan ay naglilingkod sa isa’t isa sa totoong mga nagaganap sa buhay sa araw-araw. Lahat tayo ay hindi perpekto; maaari tayong makasakit o masaktan. Madalas na isang pagsubok sa atin ang pagkakaiba-iba ng ating ugali. Sa katawan ni Cristo, hindi sapat na pinag-aaralan lang natin ang mga konsepto at mga banal na salita kundi dapat nating “aktuwal” na ipamuhay ito habang tayo ay natututong “mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig.”15
Ang relihiyong ito ay hindi lamang nakatuon sa sarili; sa halip, tayong lahat ay tinawag na maglingkod. Tayo ang mga mata, kamay, ulo, paa, at iba pang mga bahagi ng katawan ni Cristo, at kahit na ang “mga [miyembro] … na wari’y lalong mahihina [ay lalo pang kailangan].”16 Kailangan natin ang mga tungkuling ito, at kailangan nating maglingkod.
Isang lalaki sa aming ward ang lumaki na hindi lamang walang suporta ng mga magulang kundi tutol din ang mga ito sa mga ginagawa niya sa Simbahan. Ito ang sinabi niya sa sacrament meeting: “Hindi maintindihan ni Itay kung bakit kailangang magsimba sa halip na mag-ski, pero talagang gusto kong magsimba. Sa Simbahan, iisa lang ang nilalakbay natin, at nagiging masaya ang paglalakbay kong iyan dahil sa matatatag na kabataan, mababait na mga bata, at sa mga nakikita at natututuhan ko sa ibang nakatatanda. Napapalakas ako ng pagsasama-samang ito at sa sayang dulot ng pamumuhay sa ebanghelyo.”
Ang mga ward at branch ng Simbahan ay may lingguhang pagtitipon para sa kapahingahan at pagpapanibago, ang oras at lugar para isantabi ang mga alalahanin ng mundo—ang araw ng Sabbath. Ito ay araw para “[malugod kayo] sa Panginoon,”17 madama ang espirituwal na pagpapagaling na dulot ng sakramento, at tanggapin ang pinanibagong pangako na makakasama natin ang Kanyang Espiritu.18
Ang isa sa mga pinakamalaking pagpapala ng pagiging bahagi ng katawan ni Cristo, bagama’t tila hindi pa ito isang pagpapala sa ngayon, ay ang mapagsabihan dahil sa kasalanan at pagkakamali. Ugali na nating magdahilan at mangatwiran sa ating mga kamalian, at kung minsan talagang hindi lang natin alam kung ano ang dapat nating baguhin o paano ito gawin. Kung walang mga tao na pagsasabihan tayo “sa tamang pagkakataon nang may kataliman, kapag pinakikilos ng Espiritu Santo,”19 baka mawalan tayo ng lakas ng loob na magbago at lalo nating hindi masunod ang Panginoon. Ang pagsisisi ay indibiduwal na gagawin, ngunit ang pagsuporta sa kung minsa’y mapait na karanasang iyon ng isang tao ay dapat gawin ng buong Simbahan.20
Sa pagtalakay na ito tungkol sa Simbahan bilang katawan ni Cristo, kailangang isaisip natin ang dalawang bagay. Una, hindi ang pagbabalik-loob sa Simbahan ang pinagsisikapan natin, kundi ang pagbabalik-loob kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo, isang pagbabalik-loob na magagawa sa tulong ng Simbahan.21 Malinaw na naipahayag ito ng Aklat ni Mormon nang sabihin nito na ang mga tao “ay nagbalik-loob sa Panginoon, at sumapi sa simbahan ni Cristo.”22 Pangalawa, dapat nating tandaan na sa simula, ang Simbahan ay ang pamilya, at kahit ngayon bilang hiwalay na institusyon, ang pamilya at ang Simbahan ay naglilingkod at nagpapatatag sa isa’t isa. Ni isa sa mga ito, lalong-lalo na ang Simbahan, kahit pa napakahusay na nito, ay hindi makahahalili sa mga magulang. Ang layunin ng pagtuturo at mga ordenansa ng ebanghelyo na pinangangasiwaan ng Simbahan ay ang gawing karapat-dapat sa buhay na walang hanggan ang mga pamilya.
May pangalawang pangunahing dahilan kung bakit kumikilos ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng simbahan, ang Kanyang Simbahan, at iyan ay ang magtamo ng kinakailangang bagay na hindi magagawa ng mga indibiduwal o maliliit na grupo. Isang malinaw na halimbawa ay ang pagtugon sa kahirapan. Totoo na bilang mga indibiduwal at pamilya ay tumutulong tayo sa mga temporal na pangangailangan ng iba, “nagbabahagi sa isa’t isa kapwa pang-temporal at pang-espirituwal alinsunod sa kanilang mga pangangailangan at kanilang mga kakulangan.”23 Ngunit sa pagtutulungan sa Simbahan, mas napalalakas ang kakayahang pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan upang tugunan ang mas malaking pangangailangan, at ang inaasam ng marami na maitaguyod ang sarili ay naisasakatuparan.24 Maliban diyan, ang Simbahan, ang mga Relief Society at mga priesthood quorum nito ay may kakayahang tumulong sa maraming tao na apektado ng kalamidad, digmaan, at pag-uusig.
Kung hindi matatag na naisaayos ang mga kapabilidad ng Kanyang Simbahan, ang utos ng Tagapagligtas na dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo ay hindi maisasakatuparan.25 Hindi magkakaroon ng mga susi ng mga apostol, ng gusali, ng salaping panustos, at ng katapatan at sakripisyo ng libu-libong missionary na kailangan upang maisakatuparan ang gawain. Tandaan, “ang Ebanghelyong ito ng Kaharian ay [dapat ipangaral] sa buong daigdig, bilang patotoo sa lahat ng bansa, at pagkatapos ay sasapit ang katapusan.”26
Ang Simbahan ay kayang magtayo at magpagamit ng mga templo, na mga bahay ng Panginoon, kung saan ang mahahalagang ordenansa at tipan ay pinangangasiwaan. Ipinahayag ni Joseph Smith na ang layunin ng Diyos sa pagtitipon ng Kanyang mga tao sa anumang panahon ay “magtayo ng bahay para sa Panginoon kung saan maihahayag Niya sa Kanyang mga tao ang mga ordenansa ng Kanyang bahay at ang mga kaluwalhatian ng Kanyang kaharian, at maituturo sa mga tao ang daan tungo sa kaligtasan; sapagkat may ilang partikular na ordenansa at alituntunin na, kapag itinuro at isinagawa, ay kailangang gawin sa isang lugar o bahay na itinayo para sa layuning iyon.”27
Kung naniniwala ang isang tao na lahat ng landas ay patungo sa langit o na walang partikular na kinakailangan para maligtas, iisipin niya na hindi na kailangan pang mangaral ng ebanghelyo o gumawa ng mga ordenansa at tipan sa pagliligtas sa mga buhay o mga patay. Ngunit hindi lamang kawalang-kamatayan ang pinag-uusapan natin kundi buhay na walang hanggan, at para makamit iyan ang landas ng ebanghelyo at mga tipan ng ebanghelyo ay lubhang kinakailangan. At kailangan ng Tagapagligtas ng simbahan upang maibigay ang mga ito sa lahat ng anak ng Diyos—kapwa buhay at patay.
Ang babanggitin ko na huling dahilan kaya itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan ay ang pinakanatatangi—ang Simbahan, mangyari pa, ang kaharian ng Diyos sa lupa.
Nang itatag Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong 1830s, sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith, “Pasiglahin ang inyong mga puso at magalak, sapagkat sa inyo ang kaharian, o sa madaling salita, ang mga susi ng simbahan ay ibinigay.”28 Sa awtoridad ng mga susing ito, iniingatan ng mga priesthood leader ng Simbahan ang kadalisayan ng doktrina ng Tagapagligtas at ang integridad ng Kanyang nakapagliligtas na mga ordenansa.29 Tumutulong sila sa paghahanda sa mga taong nais na makatanggap nito, inaalam kung karapat-dapat ang mga nagnanais nito, at pagkatapos ay isinasagawa ang mga ito.
Sa hawak na mga susi ng kaharian, matutukoy ng mga lingkod ng Panginoon ang katotohanan at kabulaanan at muling masasabi nang may awtoridad, “Ganito ang sabi ng Panginoon.” Nakakalungkot na may ilang naghihinanakit sa Simbahan dahil iba ang pagkaunawa nila sa katotohanan, ngunit ang totoo walang katumbas ang pagpapala na matanggap ang “kaalaman ng mga bagay [kung ano talaga ito] sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa”30 hanggang sa kung saan nais ng Panginoon na ihayag nito. Iniingatan at inilalathala ng Simbahan ang mga paghahayag ng Diyos—ang pinagbatayan ng mga banal na kasulatan.
Nang ipaliwanag ni Daniel ang panaginip ni Haring Nabucodonosor ng Babilonia, at ipinaalam sa hari “kung ano ang mangyayari sa mga huling araw,”31 ipinahayag niya na “maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man, o ang kapangyarihan man niyao’y iiwan sa ibang bayan; kundi pagpuputol-putulin at lilipulin niya ang lahat [ng iba pang] kaharian, at yao’y lalagi magpakailan man.”32 Ang Simbahan ay ang ipinropesiyang kaharian sa mga huling araw, hindi gawa ng tao kundi itinatag ng Diyos ng langit at lalaganap gaya ng batong “natibag sa bundok, hindi ng mga kamay” para punuin ang mundo.33
Itinadhana ito na magtatag ng Sion bilang paghahanda sa muling pagparito at paghahari sa milenyo ni Jesucristo. Bago dumating ang araw na iyan, hindi ito magiging kahariang may bahid ng anumang pulitika—tulad ng sabi ng Tagapagligtas, “Ang kaharian ko ay hindi sa sanlibutang ito.”34 Sa halip, ito ang pinagkukunan ng Kanyang awtoridad sa mundo, ang tagapangalaga ng Kanyang mga templo, at tagapagtanggol at tagapaghayag ng Kanyang katotohanan, ang lugar na pagtitipunan ng nagkalat na mga lipi ng Israel, at “isang tanggulan, at … isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot sa panahong ito ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa.”35
Magtatapos ako sa pagsamo at panalangin ng Propeta:
“Manawagan sa Panginoon, upang ang kanyang kaharian ay lumaganap sa mundo, upang ang mga naninirahan dito ay matanggap ito, at maging handa para sa mga araw na darating, na kung kailan ang Anak ng Tao ay bababa mula sa langit, nadaramitan ng liwanag ng kanyang kaluwalhatian, upang salubungin ang kaharian ng Diyos na itinatag sa mundo.
“Dahil dito, nawa ang kaharian ng Diyos ay lumaganap, upang ang kaharian ng langit ay dumating, upang kayo, O Diyos, ay luwalhatiin sa langit gayundin sa lupa, upang ang inyong mga kaaway ay malupig; sapagkat sa inyo ang karangalan, kapangyarihan at kaluwalhatian, magpakailanman at walang katapusan.”36
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.