Institute
27 Ipinahahayag Nating Malaya na Tayo


“Ipinahahayag Nating Malaya na Tayo,” kabanata 27 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 27: “Ipinahahayag Nating Malaya na Tayo”

Kabanata 27

Ipinahahayag Nating Malaya na Tayo

Mga Bagon Patungo sa Missouri

Noong kalagitnaan ng Hunyo 1838, tumindig si Wilford Woodruff sa pintuan ng tahanan ng kanyang mga magulang, determinado muli na ibahagi sa kanila ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Matapos magtatag ng branch sa Fox Islands, bumalik siya sa mainland upang bisitahin si Phebe, na malapit nang ipanganak ang kanilang panganay. Pagkatapos ay gumugol siya ng panahon upang mangaral sa Boston, New York, at iba pang mga lunsod sa baybayin. Ang bahay ng kanyang mga magulang ay ang kanyang huling pupuntahan bago bumalik sa hilaga.1

Wala nang iba pang nais si Wilford kundi ang makita niyang yakapin ng kanyang pamilya ang katotohanan. Ang kanyang ama, si Aphek, ay ginugol ang buong buhay nito sa paghahanap ng katotohanan ngunit hindi niya ito nahanap. Ang kanyang kapatid na si Eunice ay nagnanais ding makatanggap ng higit na liwanag sa kanyang buhay.2 Ngunit habang kinakausap sila ni Wilford tungkol sa simbahan sa loob ng maraming araw, nadama niya na may humahadlang sa kanila na tanggapin ang kanyang mga turo.

“Ito ay panahon ng malaking pag-aalala,” nabanggit ni Wilford.3 Ang oras niya sa kanilang tahanan ay nauubos na. Kung magtatagal pa siya sa tahanan ng kanyang mga magulang, hindi niya maaabutan ang pagsilang ng kanyang sanggol.

Lalo pang nagdasal si Wilford para sa kanyang pamilya, ngunit sila ay mas lalong hindi nasabik na tanggapin ang binyag. “Ang diyablo ay pumanaog sa buong pamilya na may labis na poot at tukso,” sinabi niya sa kanyang journal.4

Noong Hulyo 1, minsan pa siyang nangaral sa kanyang pamilya, ipinapahayag ang mga salita ni Cristo nang taimtim hangga’t kaya niya. Sa wakas ay naabot ng kanyang mga salita ang kanilang mga puso, at naglaho na ang kanilang mga pag-aalala. Nadama nila ang Espiritu ng Diyos at batid nila na nagsasabi ng katotohanan si Wilford. Handa na silang kumilos.

Agad na dinala ni Wilford ang kanyang pamilya sa isang kanal malapit sa kanilang bahay. Sa gilid ng tubig, kumanta sila ng mga himno at nagdasal si Wilford. Pagkatapos ay lumusong siya sa tubig at bininyagan ang kanyang ama, kanyang madrasta, at kapatid na babae, kasama ang isang tiyahin, pinsan, at kaibigan ng pamilya.

Nang iniahon niya ang huling tao mula sa tubig, umahon si Wilford mula sa kanal na masayang masaya. “Huwag mong kalimutan ito,” sabi niya sa kanyang sarili. “Ituring ito bilang awa ng iyong Diyos.”

Bumalik sila sa bahay ng pamilya habang ang kanilang buhok at damit ay basang basa pa. Ipinatong ni Wilford ang kanyang kamay sa kanilang ulo, nang isa-isa, at kinumpirma silang miyembro ng simbahan.5

Dalawang araw makaraan, nagpaalam siya sa kanyang mga magulang at nagmamadaling bumalik sa Maine, umaasang maabutan niya ang pagsilang ng kanyang panganay na anak.6


Noong tagsibol at tag-init na iyon, nagtipon ang maraming grupo ng mga Banal sa Missouri. Si John Page, isang missionary na nakaranas ng malaking tagumpay sa Canada, ay tumulak patungo sa Sion na pinangungunahan ang isang malaking grupo ng mga miyembro na mula sa Toronto.7 Sa Kirtland, ang Korum ng Pitumpu ay nagtrabaho upang ihanda ang mga mahihirap na pamilya upang magkakasamang maglakbay sa Missouri. Sa pagbabahagi at pagtulong sa isa’t-isa habang naglalakbay, umasa silang ligtas na makararating sa lupang pangako.8

Ang mga Banal sa Far West ay nagdaos ng isang parada noong Hulyo 4 upang ipagdiwang ang araw ng kalayaan ng bansa at ilatag ang batong panulok ng bagong templo. Pinangunahan ni Joseph Smith Sr. at ng isang maliit na yunit ng militar ang parada. Sa likod nila ay ang Unang Panguluhan at iba pang mga lider ng simbahan, kabilang na ang arkitekto ng templo. Isang yunit ng kabalyerya ang buong karangalang naglalakad sa likuran.9

Habang nagmamartsa siya kasama ng mga Banal, nababanaag ni Sidney Rigdon ang kanilang pagkakaisa. Bagama’t noong mga nakaraang linggo, mas maraming nambabatikos ang dinisiplina ng simbahan. Ilang panahon matapos ang paglilitis kay Oliver Cowdery, itiniwalag ng high council sina David Whitmer at Lyman Johnson.10 Kasunod noon, ang konseho ng bishop ay pinagsabihan si William McLellin sa kawalan nito ng tiwala sa Unang Panguluhan at pagpapasasa sa mahahalay na pagnanasa.11

Nilisan na ni William ang simbahan at nilisan ang Far West, subalit sina Oliver, David, at iba pang nambabatikos ay nanatili sa lugar. Noong Hunyo, hayagang kinundena ni Sidney ang mga lalaking ito. Inuulit ang wika mula sa Pangangaral sa Bundok, inihambing niya ang mga ito sa asin na nawalan ng lasa, walang kabuluhan kundi upang itapon sa labas at tinatapakan na lamang. Pagkatapos nito, ipinahayag ni Joseph ang kanyang suporta para sa pagsaway, bagama’t hinikayat niya ang mga Banal na sundin ang batas habang kanilang inaasikaso ang mga pambabatikos.12

Pinalakas ng pangangaral ni Sidney ang loob ng ilang mga Banal na nagtipon isang linggo na ang nakakaraan upang ipagtanggol ang simbahan laban sa mga nambabatikos.13 Gumamit ang mga kalalakihang ito ng iba’t-ibang bansag, subalit pinakakilala sila bilang Danites, alinsunod sa lipi ni Dan sa Lumang Tipan. Hindi inorganisa ni Joseph ang grupo, subalit malamang ay pinagtibay niya ang ilan sa kanilang mga ginawa.14

Sa kanilang pananabik na ipagtanggol ang simbahan, sumumpa ang Danites na protektahan ang karapatan ng mga Banal laban sa kanilang iniisip bilang mga banta mula sa loob at sa labas ng simbahan. Marami sa kanila ang nakasaksi kung paano ginulo ng mga pambabatikos ang komunidad sa Kirtland, kung paano inilagay sa panganib ng pag-atake ng mga mandurumog sina Joseph at iba pa, at inilagay sa panganib ang mga pamantayan ng Sion. Magkakasama nilang ipinangakong poprotektahan ang komunidad sa Far West laban sa anumang kahalintulad na banta.

Noong panahong hayagang tinutuligsa ni Sidney ang mga nambabatikos, binalaan ng Danites sina Oliver, David, at iba pa na lisanin ang Caldwell County o harapin ang kakila-kilabot na mga bunga nito. Sa loob ng ilang araw, tuluyan nang nilisan ng mga kalalakihan ang lugar.15

Nang dumating sa plasa ng bayan ang parada ng Ika-apat ng Hulyo, itinaas ng mga Banal ang bandila ng Amerika sa tuktok ng isang mataas na poste at pinaligiran ang pinaghukayan ng lugar ng templo. Mula sa gilid ng mga pundasyon, pinanood nila ang mga manggagawa na maingat na inilagay ang mga batong panulok sa paglalagyan ng mga ito. Pagkatapos ay umakyat sa isang kalapit na entablado si Sidney upang magbigay ng mensahe sa kongregasyon.16

Alinsunod sa tradisyon sa Amerika na pagbibigay ng mga nag-aalab at emosyonal na talumpati sa Araw ng Kalayaan, malakas na nagsalita si Sidney sa mga Banal tungkol sa kalayaan, sa mga pag-uusig na kanilang naranasan, at ang mahalagang papel ng mga templo sa kanilang espirituwal na pagkatuto. Sa pagtatapos ng mensahe, binalaan niya ang mga kaaway ng simbahan na iwanang mag-isa ang mga Banal.

“Ang ating karapatan ay hindi na muling tatapakan nang walang kaparusahan,” iginiit niya. “Ang tao o grupo ng mga tao na magtatangka nito ay gagawin ito kapalit ng kanilang buhay.”

Hindi ang mga Banal ang magiging mananalakay, tiniyak niya sa kanyang mga tagapakinig, ngunit kanilang ipagtatanggol ang kanilang mga karapatan. “Ang mga mandurumog na lalapit upang guluhin tayo,” paghahayag niya, “ito ay magiging digmaan ng paglilipol sa pagitan natin at sa kanila, sapagkat susundan natin sila hanggang sa ang huling patak ng kanilang dugo ay dadanak, o kaya’y kailangan nilang lipulin tayo.”

Hindi na muling lilisanin ng mga Banal ang kanilang mga tahanan o pananim. Hindi na nila mapagtiis na daranasin ang pang-aapi. “Ngayon sa araw na ito ay ipinahahayag natin ang ating kalayaan,” ipinahayag ni Sidney, “nang may layunin at may determinasyon na hindi maaaring masira! Hindi, hinding-hindi!!17

“Hosana!” pagbubunyi ng mga Banal. “Hosana!”18


Habang ang mga Banal ay nagbubunyi sa Far West, isang misyonero na nagngangalang Elijah Able ang nangangaral sa silangang Canada, ilang daang milya ang layo mula roon. Isang gabi ay nagkaroon siya ng nakakabagabag na panaginip. Nakita niya si Eunice Franklin, isang babae na kanyang biniyagan sa New York, na pinahirapan ng pag-aalinlangan tungkol sa Aklat ni Mormon at kay Joseph Smith. Hindi siya makatulog bunsod ng kanyang kawalang-katiyakan. Hindi siya makakain. Nadama niya na nalinlang siya.19

Agad na umalis si Elijah papunta sa New York. Nakilala niya sina Eunice at ang kanyang asawang si Charles, noong tagsibol na iyon habang nangangaral siya sa kanilang bayan.20 Ang sermon na ipinangaral ni Elijah sa kanila ay magaspang at hindi pulido. Bilang isang itim na lalaking ipinanganak sa kahirapan, kakaunti lamang ang pagkakataong nakamit niya upang makapag-aral.

Ngunit tulad ng iba pang mga missionary, inordenan siya sa Melchizedek Priesthood, lumahok sa mga ordenansa sa templo sa Kirtland, at tinanggap ang kaloob na kapangyarihan.21 Ang kakulangan niya sa edukasyon ay kanyang pinunan sa pananampalataya at sa kapangyarihan ng Espiritu.

Lubos na natuwa sa kanyang pangangaral si Eunice, ngunit tumayo pagkatapos si Charles at sinubukang makipagtalo sa kanya. Nilapitan ni Elijah si Charles, inilagay ang kanyang kamay sa balikat nito at sinabing, “Bukas ako ay paparito at pupuntahan ka at makikipag-usap saglit.”

Kinabukasan ay binisita ni Elijah ang tahanan ng mga Franklin at itinuro sa kanila ang tungkol kay Joseph Smith, ngunit nanatiling hindi kumbinsido si Charles.

“Isa bang palatandaan ang iyong hinihiling upang mapaniwala ka?” Tinanong ni Elijah.

“Oo,” sabi ni Charles.

“Mapapasaiyo ang hinihiling mo,” sabi ni Elijah sa kanya, “ngunit magagawa nitong magdalamhati ang iyong puso.”

Nang bumalik si Elijah matapos ang sandaling panahon, nalaman niya na dumanas si Charles ng maraming kalungkutan bago sa wakas ay nanalangin siya upang humingi ng kapatawaran. Nang sandaling iyon, kapwa siya at si Eunice ay handa nang sumapi sa simbahan, at bininyagan sila ni Elijah.22

Tiyak na si Eunice sa kanyang pananampalataya noong panahong iyon. Ano ang nangyari sa kanya mula noon?


Makaraan ang sandaling panahon isang Linggo ng umaga, nagulat si Eunice nang makita niya si Elijah na nakatayo sa kanyang pintuan. Iniipon niya ang mga bagay na sasabihin kapag muli niya itong makita. Nais ni Eunice na sabihin sa kanya na ang Aklat ni Mormon ay kathang-isip lamang at si Joseph Smith ay isang huwad na propeta. Ngunit nang makita niya si Elijah sa pintuan niya, sa halip ay inanyayahan niya ito sa loob.

“Kapatid,” sabi ni Elijah matapos ang ilang pag-uusap, “hindi ka pa natutukso nang katulad nang sa Tagapagligtas matapos Siyang mabinyagan. Siya ay tinukso sa isang paraan at ikaw naman ay sa iba.” Sinabi niya kay Eunice at Charles na mangangaral siya nang hapong iyon sa isang kalapit na paaralan. Hiniling niya sa kanila na sabihin ito sa kanilang mga kapitbahay, pagkatapos ay nagpaalam siya.

Ayaw pumunta ni Eunice sa pulong, ngunit nang hapong iyon ay bumaling siya sa kanyang asawa at sinabing, “Hahayo ako at titingnan ang kalalabasan nito.”

Nang maupo siya sa paaralan, muling naantig si Eunice sa mga salita ni Elijah. Nangaral siya ng isang talata mula sa Bagong Tipan. “Mga minamahal,” sabi roon, “huwag kayong mangagtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok sa inyo.”23 Binuksan ng tinig ni Elijah at ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang puso ni Eunice sa Espiritu. Ang katiyakan na minsan niyang nadama ay bumalik sa kanya. Alam niyang tunay na propeta ng Diyos si Joseph Smith at totoo ang Aklat ni Mormon.

Nangako si Elijah kay Eunice na babalik siya sa loob ng dalawang linggo. Subalit matapos niyang umalis, nakakita si Eunice ng mga polyeto sa bayan na pasinungaling na sinasabing pumaslang si Elijah ng isang babae at limang bata. Nag-alok ang mga ito ng gantimpala para sa kanyang pagkakadakip.

“Ano ngayon ang palagay mo sa iyong elder na Mormon?” tanong ng ilan sa kanyang mga kapitbahay. Tinitiyak nilang madadakip si Elijah bago pa siya magkaroon ng isa pang pagkakataon na mangaral sa kanilang bayan.

Hindi naniniwala si Eunice na may sinumang pinaslang si Elijah. “Darating siya at gagampanan ang kanyang tungkulin,” sabi niya, “at poprotektahan siya ng Diyos.”24

Naghihinala siya na mga kalaban ng simbahan ang gumawa ng kuwento. Hindi bihira para sa mga puting tao na magpalaganap ng mga kasinungalingan tungkol sa mga itim na tao, maging sa mga lugar na kung saan ang pang-aalipin ay ilegal. Ang mga mahihigpit na batas at kaugalian ay naglimita sa mga ugnayan sa pagitan ng itim at puti, at kung minsan ang mga tao ay nakakaisip ng mga malulupit na paraan upang ipatupad ang mga ito.25

Tulad ng ipinangako, nagbalik si Elijah pagkaraan ng dalawang linggo upang mangaral muli. Punung-puno ng tao ang paaralan. Ang lahat, tila, ay gustong makita siyang madakip—o mas malala pa.

Umupo si Elijah. Matapos ang ilang sandali, tumayo siya at sinabing, “Mga kaibigan ko, ako ay sinasabing pumaslang sa isang babae at limang mga bata, at isang malaking gantimpala ang iniaalok para sa aking sarili. Ngayon ay narito ako.”

Tumingin sa kabuuan ng silid si Eunice. Walang gumalaw.

“Kung sinuman ang may kinalaman sa akin, ngayon ang iyong oras,” patuloy ni Elijah. “Ngunit matapos kong simulan ang aking pangangaral, huwag ninyo akong subukang hawakan.”

Huminto si Elijah, naghihintay ng tugon. Gulat at tahimik siyang pinagmasdan ng kongregasyon. Isa pang sandali ang lumipas, at pagkatapos ay umawit siya ng himno, nag-alay ng panalangin, at nagbigay ng nakaaantig na pangangaral.

Bago nilisan ang bayan, nakipag-usap si Elijah kina Eunice at Charles. “Ibenta ang inyong mga ari-arian at magtungo sa kanluran,” ipinayo niya sa kanila. Ang diskriminasyon laban sa mga Banal ay tumitindi sa lugar, at may isang branch ng simbahan mga apatnapung milya ang layo mula roon. Ayaw ng Panginoon ang Kanyang mga tao na ipamuhay ang kanilang relihiyon nang mag-isa.

Sinunod nina Eunice at Charles ang kanyang payo at agad na nagtungo sa branch.26


Sa Missouri, maganda ang pananaw ni Joseph tungkol sa hinaharap ng simbahan. Kanyang ipinalathala ang mensahe ni Sidney noong ika-apat ng Hulyo bilang isang polyeto. Nais niyang malaman ng lahat ng tao sa Missouri na ang mga Banal ay hindi na matatakot sa mga manggugulo at mga bumabatikos.27

Subalit ang mga dating problema ay patuloy na bumagabag sa kanya. Halos lahat ng utang ng Simbahan ay hindi pa rin nababayaran, at maraming Banal ang naiwang salat dahil sa patuloy na pang-uusig, pambansang mga problema sa ekonomiya, pinansiyal na pagbagsak sa Kirtland, at ang magastos na paglipat sa Missouri. Bukod pa rito, pinagbawalan ng Panginoon ang Unang Panguluhan na humiram ng karagdagang pera.28 Kailangan ng simbahan ng pondo ngunit wala pa ring maaasahang sistema ng pagkolekta nito.29

Kamakailan lamang, ang mga bishop ng simbahan, sina Edward Partridge at Newel Whitney, ay iminungkahi ang ikapu bilang paraan ng pagsunod sa batas ng paglalaan. Batid ni Joseph na ang mga Banal ay dapat ilaan ang kanilang mga ari-arian, ngunit hindi niya tiyak kung gaano karami ang ang hinihiling ng Panginoon bilang ikapu.30

Nag-alala rin si Joseph tungkol sa Korum ng Labindalawa. Dalawang araw bago iyon, isang liham mula kina Heber Kimball at Orson Hyde ang dumating sa Far West, na nag-uulat na ang dalawang apostol ay ligtas na nakarating sa Kirtland matapos ang kanilang misyon sa England. Muling nakasama ni Heber si Vilate at kanilang mga anak, at ngayon ay naghahanda na upang lumipat sa Missouri.31 Anim na iba pang mga apostol—sina Thomas Marsh, David Patten, Brigham Young, Parley at Orson Pratt, at William Smith—ay nasa Missouri o sa misyon, at nanatiling matibay ang kanilang pananampalataya. Ngunit ang mga natitirang apat na apostol ay nilisan na ang simbahan, na nag-iiwan ng mga bakanteng katungkulan sa korum.32

Noong Hulyo 8, nanalangin sina Joseph at iba pang lider ng simbahan tungkol sa mga problemang ito at tumanggap ng maraming paghahayag. Hinirang ng Panginoon ang isang Banal na si Oliver Granger upang kumatawan sa Unang Panguluhan sa pagbabayad ng mga utang ng simbahan. Ang mga ari-arian na iniwan ng mga Banal sa Kirtland ay ibebenta at gagamiting pambayad sa utang.33

Paglaon ay tinugunan ng Panginoon ang tanong ni Joseph ukol sa ikapu. “Kinakailangan ko ang lahat ng kanilang labis na ari-arian upang ilagay sa mga kamay ng obispo ng aking simbahan sa Sion,” sinabi Niya, “para sa pagtatayo ng aking bahay, at para sa pagtatatag ng saligan ng Sion.” Matapos ialay ang anumang kanilang maihahandog, nagpatuloy ang Panginoon, ang mga Banal ay magbabayad ng ikasampung bahagi ng kanilang tubo taun-taon.

“Kung ang aking mga tao ay hindi susunod sa batas na ito,” ipinahayag ng Panginoon, “ito ay hindi magiging lupain ng Sion sa inyo.”34

Hinggil sa Labindalawa, inatasan ng Panginoon si Thomas Marsh na manatili sa Far West upang tumulong sa paglilimbag ng simbahan at tawagin ang iba pang mga apostol na mangaral. “Kung gagawin nila ito nang buong kababaan ng puso, sa kaamuan at kapakumbabaan, at mahabang pagtitiis,” ipinangako ng Panginoon, “ako ang tutustos para sa kanilang mga mag-anak; at isang mapakikinabangang pintuan ang mabubuksan para sa kanila, mula ngayon.”

Nais ng Panginoon ang Labindalawa na pumunta sa ibang bansa sa darating na taon. Iniutos Niya sa korum na magtipon sa kinatatayuan ng templo sa Far West sa Abril 26, 1839, wala pang isang taon mula sa araw na iyon, at mula roon ay pumunta sa isa pang misyon sa England.35

Sa huli, pinangalanan ng Panginoon ang apat na lalaki upang punan ang mga bakanteng katungkulan sa korum. Dalawa sa mga bagong apostol, sina John Taylor at John Page, ay nasa Canada. Isa sa kanila, si Willard Richards, ay naglilingkod sa mission presidency sa England. Ang ikaapat, si Wilford Woodruff, ay nasa Maine, ilang araw na lamang mula sa pagiging isang ama.36


Ipininanganak ni Phebe Woodruff ang isang anak na babae, si Sarah Emma, noong Hulyo 14. Lubos na natuwa si Wilford na ang sanggol ay malusog at nalampasan ng kanyang kabiyak ang panganganak.37 Habang nagpapagaling siya, pinalipas ni Wilford ang oras sa pagtatrabaho para kay Sarah, ang kapatid na balo ni Phebe. “Ginugol ko ang araw sa pagtatabas ng damo,” pag-uulat niya sa kanyang journal. “Dahil bagong gawain ito, pagod na pagod ako pagsapit ng gabi.”38

Pagkaraan ng ilang araw, isang mensahe mula kay Joseph Ball, isang misyonero na naglilingkod sa Fox Isands, ang nag-ulat na ang mga nambabatikos sa Kirtland ay nagpadala ng mga liham sa mga bininyagan ni Wilford sa isla, sinisikap na pahinain ang kanilang pananampalataya. Karamihan sa mga Banal sa Fox Islands ay hindi pinansin ang mga liham, ngunit ang ilan ay tumiwalag sa simbahan—kabilang na ang ilang nais isama ni Wilford sa Missouri kalaunan sa taong iyon.39

Dalawang linggo matapos isilang si Sarah Emma, nagmadaling tumungo si Wilford sa Fox Islands upang patatagin ang mga Banal at tulungan silang maghanda para sa paglalakbay patungong Sion. “O aking Diyos, paunlarin ang aking daraanan,” ang panalangin ni Wilford nang nilisan niya ang tabi ni Phebe. “Pagpalain Ninyo ang asawa ko at ang isang sanggol na ibinigay Ninyo sa amin habang wala ako.”40

Nang dumating siya sa mga kapuluan makalipas ang mahigit isang linggo, isang liham ang naghihintay sa kanya mula kay Thomas Marsh sa Missouri. “Iniutos ng Panginoon na kaagad tipunin ang Labindalawa sa lugar na ito,” nakasaad doon. “Ipinaaalam sa inyo, Brother Woodruff, sa pamamagitan nito na kayo ay hinirang na manungkulan bilang isa sa Labindalawang Apostol.” Inaasahan ng Panginoon si Wilford na kaagad magtungo sa Far West upang maghanda para sa misyon sa England.

Hindi ikinagulat ni Wilford ang balita. Ilang linggo bago iyon, nakatanggap siya ng impresyon na hihirangin siya bilang apostol, ngunit hindi niya ito sinabi kaninuman. Gayunpaman, nang gabing iyon ay nanatili siyang gising, dahil sa dami ng kanyang iniisip.41