“Isang Magandang Lugar,” kabanata 35 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 35: “Isang Magandang Lugar”
Kabanata 35
Isang Magandang Lugar
Habang nagpapatuloy ang pagkalat ng malarya sa Commerce sa taong 1840, binisita ni Emily Partridge at ng kanyang kapatid na si Harriet ang mga tolda, bagon, at hindi natapos na mga tahanan ng mga maysakit. Labing-anim na taong gulang ngayon, sanay si Emily sa mahirap na uri ng pamumuhay. Sa loob ng halos isang dekada, ang kanyang pamilya ay itinaboy mula sa isang abang tahanan hanggang sa isa pa, hindi natatamasa ang matatag na buhay sa tahanan na nakagisnan nila sa Ohio.
Dinalaw ng magkapatid ang mga maysakit hanggang sa sila mismo ay nagkaroon ng lagnat at panginginig. Nang matanto na ang buhay ng kanilang mga anak ay nasa panganib, inilipat nina Edward at Lydia Partridge ang mga ito mula sa isang maliit na tolda sa isang maliit na paupahang kuwarto sa isang inabandonang kamalig sa tabi ng ilog. Pagkatapos ay nagsimula si Edward na magtayo ng bahay para sa kanyang pamilya sa isang lote na isang milya ang layo.
Subalit ang mga pagsubok sa Missouri ay nagpabagsak sa kalusugan ng bishop, at wala siya sa kundisyon upang magtrabaho. Hindi nagtagal ay nagkaroon na rin siya ng lagnat, na kanyang pinagaling ng gamot hanggang sa magkaroon siya ng sapat na lakas upang gawin ang isa o dalawang linggong gawain sa bahay. Nang bumalik ang karamdaman, uminom siya ng mas maraming gamot at bumalik sa trabaho.
Samantala, ang masikip, nakakasakal na silid sa kamalig ay hindi gaanong nakatulong kina Emily, Harriet, o sa kanilang mga kapatid, na kapwa rin nagkasakit. Nanatiling walang pagbabago ang lagnat ni Emily sa kabuuan ng tagsibol ng 1840, ngunit ang lagnat ni Harriet ay lumala nang lumala. Pumanaw siya sa kalagitnaan ng Mayo sa edad na labing-walo.1
Halos nadurog sa pighati ang mga Partridge dahil sa kamatayan ni Harriet. Pagkaraan ng libing, sinubukan ni Edward na ilipat ang pamilya sa isang hindi pa natatapos na kuwadra ng baka sa kanilang lote, umaasang makapagbibigay ito ng mas maayos na kanlungan. Ngunit lubha siyang pinagod ng pagsisikap na ito at hinimatay siya. Upang matulungan ang pamilya, pinatira ng mga kapwa Banal na sina William at Jane Law sina Emily at ang kanyang mga kapatid sa kanilang tahanan at inalagaan sila hanggang sa kanilang muling paglusog.
Nalugmok si Edward sa kama nang ilang araw bago siya pumanaw, isang linggo at kalahati pagkamatay ni Harriet. Iniwan ng mga pagpanaw si Emily na puno ng hapis. Naging malapit siya kay Harriet, at alam niya na isinakripsiyo ng kanyang ama ang lahat upang tustusan ang kanyang pamilya at ang simbahan—kahit na ang mga nagrereklamong mga Banal, bumabatikos na mga walang pananampalataya, at malulupit na kapitbahay ay ginawang pagal ang kanyang kaluluwa.2
Sa paglipas ng panahon, nakabangon si Emily mula sa nakabalot sa kanyang sakit at kalungkutan, subalit iba na ngayon ang kanyang buhay. Upang matustusan ang kanyang naghihikahos na pamilya, siya at ang kanyang labingsiyam na taong gulang na kapatid na si Eliza, ay kailangang makahanap ng trabaho. May kasanayan si Eliza para makapagtrabaho bilang mananahi, ngunit si Emily ay walang kakayahan. Kaya niyang maghugas ng pinggan, magwalis at magkuskos ng sahig, at gawin ang iba pang mga gawaing-bahay, ngunit gayon rin ang halos lahat ng nasa komunidad.3
Sa kabutihang palad, hindi nakalimutan ng mga Banal kung gaano kalaki ang isinakripisyo ng kanyang ama para sa simbahan. “Walang sinuman ang pinagkakatiwalaan ng simbahan nang higit kaysa sa kanya,” ang nakasaad sa obitwaryo para kay Bishop Partridge sa Times and Seasons, ang bagong pahayagan ng mga Banal. “Ang kanyang relihiyon ay ang lahat sa kanya; para dito ay ginugol niya ang kanyang buhay, at para dito ay inialay niya ang lahat.”4
Upang magbigay-pugay sa kanyang alaala at pangalagaan ang kanyang pamilya, tinapos ng mga Banal ang bahay na sinimulang itayo ng bishop, na siyang nagbigay sa kanyang pamilya ng lugar na matatawag nilang kanila.5
Sa tagsibol ng 1840, ang bagong lunsod sa may Mississippi River ay mayroong magandang simula. Naghukay ang mga Banal ng mga kanal upang matuyo ang mga latian sa tabi ng ilog at gawing mas angkop tirhan ang lupain. Gumawa sila ng mga daan, naglatag ng mga pundasyon, nagkuwadro ng mga bahay, nagtanim ng mga halamanan, at nag-araro sa mga bukirin. Pagsapit ng Hunyo, halos dalawang daan at limampung mga bagong bahay ang nakatayo bilang katibayan ng kanilang kasipagan.6
Dahil hindi nasiyahan sa pangalan na Commerce, muling pinangalanan ni Joseph ang lugar bilang Nauvoo pagkarating na pagkarating niya. “Ang pangalan ng ating lunsod,” paliwanag niya sa isang pahayag ng Unang Panguluhan, “ay nagmumula sa wikang Hebreo at nagpapahiwatig ng isang magandang sitwasyon o lugar, dinadala rin nito ang ideya ng pagpapahinga.”7 Umaasa si Joseph na ang Nauvoo ay mamumuhay ayon sa kanyang pangalan at bibigyan ang mga Banal ng kapahingahan mula sa mga labanan ng mga nakaraang taon.
Ngunit alam niya na ang kapayapaan at kapahingahan ay hindi madaling darating. Upang maiwasan ang pambabatikos at pang-uusig na naranasan nila sa Ohio at Missouri, kailangan ng mga Banal na pagtibayin ang kanilang samahan at lumikha ng matibay na pakikipagkaibigan sa kanilang mga kapitbahay.8
Sa panahong ito, tumanggap si Joseph ng liham mula kay William Phelps, na lumipat sa Ohio matapos talikuran ang simbahan at nagbigay-saksi laban kay Joseph sa isang hukuman sa Missouri. “Alam ko ang sitwasyon ko, alam mo ito, at alam ito ng Diyos,” pagsulat ni William, “at gusto kong maligtas kung tutulungan ako ng mga kaibigan ko.”9
Batid na si William ay isang tapat na tao sa kabila ng kanyang mga kamalian, sumagot si Joseph kalaunan. “Totoong nagdusa kami nang labis dahil sa ginawa mo,” sinabi niya. “Gayunman, nainom na ang saro, nagawa na ang kalooban ng ating Ama, at kami ay buhay pa.” Masayang talikuran na ang mga madidilim na araw sa Missouri, pinatawad ni Joseph si William at pinababalik siya upang magtrabaho sa simbahan.
“Halika, mahal kong mga kapatid, dahil lumipas na ang digmaan,” isinulat ni Joseph, “sapagka’t ang magkaibigan noong una ay magkaibigang muli sa wakas.”10
Nakadama rin si Joseph na bigyan ng agarang espirituwal na patnubay ang mga Banal. Sa kulungan ng Liberty, sinabi ng Panginoon na ang kanyang mga araw ay nababatid, at ipinagtapat ni Joseph sa mga kaibigan na sa palagay niya ay hindi siya aabot sa edad na apatnapu. Kailangan niyang ituro sa mga Banal ang iba pang mga inihayag sa kanya ng Diyos bago pa mahuli ang lahat.11
Ang pagtatayo ng lunsod at pamamahala sa mga temporal na pangangailangan ng simbahan, gayunman, ay lubos na kumuha sa panahon ni Joseph. Lagi siyang aktibong nakikibahagi sa gawain ng simbahan, at matagal nang umasa sa mga taong tulad ni Bishop Partridge upang tumulong na dalhin ang mga pasanin. Ngayong wala na si Edward, nagsimulang umasa si Joseph kina Bishop Newel Whitney at sa mga karagdagang bishop na tinawag sa Nauvoo. Subalit alam niya na kailangan niya ng karagdagang tulong sa paggabay sa temporal na aspeto ng pangangasiwa sa simbahan nang sa gayon ay makatuon siya sa espiritwal na ministeryo.12
Hindi nagtagal, tumanggap si Joseph ng isa pang liham, ngayon naman ay mula sa isang dayuhan na nagngangalang John Cook Bennett. Sinabi ni John na balak niyang lumipat sa Nauvoo, sumapi sa simbahan, at ialok ang kanyang paglilingkod sa mga Banal. Isa siyang doktor at isang mataas na pinunong opisyal sa militia ng estado ng Illinois na naging isa ring pastor at propesor. “Naniniwala ako na ako ay magiging mas masaya sa piling ninyo,” sabi niya. “Ako ay inyong sulatan agad.”13
Sa mga sumunod na araw, tumanggap si Joseph ng dalawa pang liham mula kay John. “Maaasahan ninyo ako,” pangako ni John. “Umaasa ako na darating agad ang panahon kung saan ang inyong mga tao ay magiging aking mga tao at ang iyong Diyos ay aking Diyos.” Sinabi niya kay Joseph na ang kanyang kasanayan sa pagsasalita sa publiko at walang-kapagurang sigla ay magiging napakahalaga sa mga Banal.14
“Ang kasabikan ko na makasama kayo ay lumalakas sa bawat araw,” iginiit niya, “at agad kong tatapusin ang mga gawin ko bilang propesyonal at tutuloy sa iyong napakaligayang tirahan, kung sa palagay mong pinakamainam ito!”15
Nirepaso ni Joseph ang mga liham, napasigla na ang isang taong may kredensiyal na tulad ni John ay nais na makiisa sa mga Banal. Ang taong may mga kakayahan niya ay talagang makatutulong sa simbahan na patatagin ang sarili nito sa Illinois.
“Kung maaari kang pumunta rito ngayong panahon upang magdusa ng mga paghihirap na kasama ang mga tao ng Diyos,” isinulat ni Joseph kay John, “walang higit na masisiyahan o bibigyan ka ng mas taos-pusong pagbati kaysa sa akin.”16
Habang nabubuo ang Nauvoo, nabaling ang pansin ni Joseph sa pagtitipon. Sa England, ang mga apostol ay nagpadala kamakailan ng isang pangkat ng apatnapu’t isang Banal upang tumawid sa karagatan, papunta sa Nauvoo. Inaasahan ni Joseph na salubungin ang mas marami pang mga pangkat sa darating na mga buwan at taon.
“Ito ang pangunahing lugar ng pagtitipon,” ipinahayag niya sa isang pangangaral noong Hulyong iyon. “Kung sinuman ang magnanais, hayaan siyang lumapit at malayang makibahagi sa kahirapan ng Nauvoo!”
Alam niya na ang pagpapaalis mula sa Missouri at ang bigong petisyon sa pamahalaan ay nag-iwan sa maraming tao ng kawalang-katiyakan tungkol sa kinabukasan ng Sion at sa pagtitipon. Nais ni Joseph na maunawaan nila na ang Sion ay higit pa sa isang lote ng lupa sa Jackson County. “Kung saan nagtitipon ang mga Banal ay ang Sion,” kanyang ipinahayag.
Ngayon ay inatasan sila ng Panginoon na magtatag ng mga stake sa Nauvoo at sa mga karatig na lugar. Sa pagdaan ng panahon, habang mas maraming Banal ang nagtipon sa Sion, bubuo ang simbahan ng mga karagdagang stake at pagpapalain ng Panginoon ang lupain.
Bago tapusin ang kanyang pangangaral, inihayag ni Joseph, “Inuubliga ko ang aking sarili na bumuo ng malaking templo na tulad ng ginawa Solomon, kung ako ay tutulungan ng simbahan.” Iniunat niya ang kanyang kamay at itinuro ang lugar sa mataas na burol kung saan itatayo ng mga Banal ang sagradong gusali. “Kung kalooban ng Diyos na ako ay mabuhay upang mamasdan na kumpleto ang templong iyon,” sinabi niya nang may pananabik, “sasabihin ko, ‘O, Panginoon, ito ay sapat na. Panginoon, hayaan na ang inyong lingkod ay mapayapang yumao.’”17
Pagkaraan ng ilang linggo, habang ang mataas na temperatura ay nagpatuloy sa Nauvoo at kinitil pa rin ng pagkakasakit ang marami pang buhay, pumanaw ang kaibigan ni Joseph na si Seymour Brunson.18 Sa libing, naghandog si Joseph ng mga salita ng pag-alo sa balo ni Seymour na si Harriet, at sa libu-libong Banal sa kongregasyon. Habang nagsasalita siya, tumingin siya kay Jane Neyman, na ang anak na tinedyer na si Cyrus ay namatay bago mabinyagan.
Batid na si Jane ay nag-aalala sa kapakanan ng kaluluwa ng kanyang anak, nagpasiya ni Joseph na ibahagi ang itinuro ng Panginoon sa kanya tungkol sa kaligtasan ng mga namatay nang walang binyag, tulad ng kanyang sariling kapatid na si Alvin.19
Pagbukas ng Biblia, binasa ni Joseph ang mga salita ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto: “Sa ibang paraan, anong gagawin ng mga binabautismuhan dahil sa mga patay, kung ang mga patay ay tunay na hindi muling binubuhay? Bakit nga sila’y binabautismuhan dahil sa kanila?”20 Napansin niya na ang mga salita ni Pablo ay katibayan na ang nabubuhay na tao ay maaaring binyagan alang-alang sa isang namatay na tao, pinapalawak ang mga benepisyo ng binyag para sa mga patay sa katawan ngunit patuloy na nabubuhay ang espiritu.
Sinabi ni Joseph na ang plano ng kaligtasan ng Diyos ay dinisenyo upang sagipin ang lahat ng mga taong handang sumunod sa batas ng Diyos, kabilang na ang maraming tao na namatay na hindi nalalaman ang tungkol kay Jesucristo o ang Kanyang mga turo.21
Pagkatapos ng pangangaral, nagpunta si Jane sa ilog kasama ang isang elder ng simbahan at nabinyagan para kay Cyrus. Nang narinig ni Joseph ang tungkol sa binyag kalaunan ng gabing iyon, itinanong niya kung anong mga salita ang ginamit ng elder sa ordenansa. Nang inulit ang mga ito sa kanya, kinumpirma ni Joseph na ginampanan ng elder nang tama ang pagbibinyag.22
Dumating si John Bennett sa Nauvoo noong Setyembre 1840, at sabik na hiningi ni Joseph ang kanyang payo sa pamamahala sa mga legal at pulitikal na mga alalahanin sa Nauvoo at sa simbahan. Halo Hal Si John ay halos kasing edad ng propeta ngunit higit na may pinag-aralan. Siya ay isang maliit na lalaki na may nagkukulay-abo na maitim na buhok, maitim na mga mata at manipis at magandang mukha. Agad niyang tinanggap ang binyag.23
Masyadong nag-aalala si Lucy Smith sa kanyang maysakit na asawa para bigyang-pansin ang popular na bagong dating. Tulad ni Bishop Partridge, nilisan ni Joseph Sr. ang Missouri na mahina ang katawan, at ang masamang tag-init na klima ng Nauvoo ay lalo lamang nagpahina sa kanya. Umaasa si Lucy na kalaunan ay gagaling ito, subalit nang matapos itong sumuka ng dugo isang araw, natakot siya na malapit na ang araw ng kamatayan nito.
Nang nalaman nina Joseph at Hyrum ang tungkol sa lumalalang kalagayan ng kanilang ama, nagmamadali silang nagpunta sa kanyang tabi.24
Nagpadala ng abiso si Lucy sa ibang mga kapamilya habang sinasamahan ni Joseph ang kanyang ama. Sinabi niya sa kanyang ama ang tungkol sa binyag para sa mga patay at ang mga pagpapalang ibinigay nito sa lahat ng anak ng Diyos. Tuwang-tuwa, nakiusap si Joseph Sr. sa kanya na magsagawa ang ordenansa para kay Alvin.
Hindi nagtagal ay naupo si Lucy kasama ang karamihan sa kanyang mga anak sa paligid ng kama ng kanilang ama. Nais ni Joseph Sr. na bigyan ang bawat isa sa kanila ng basbas ng pamamaalam habang may lakas pa siya na magsalita. Nang pagkakataon na ni Joseph, ipinatong ni Joseph Sr. ang kanyang mga kamay sa ulo ng kanyang anak.
“Manatiling matapat at ikaw ay pagpapalain, at pagpapalain ang iyong pamilya at ang iyong mga anak matapos mo,” sabi niya. “Mabubuhay kang matatapos ang iyong gawain.”
“O, Ama,” bulalas ni Joseph, “ako ba?”
“Oo, magagawa mo,” sinabi ng patriyarka, “at ilalahad mo ang plano para sa lahat ng mga gawain na ipinagagawa ng Diyos sa iyong kamay.”
Nang matapos basbasan ni Joseph Sr. ang kanyang mga anak, bumaling siya kay Lucy. “Ina,” sabi niya, “ikaw ay isa sa mga pinakamahalagang babae sa mundo.”
Tumutol si Lucy, ngunit nagpatuloy ang kanyang asawa. “Madalas nating hinihiling na pumanaw tayo nang sabay,” sabi niya, “ngunit hindi mo dapat naising mamatay sa pagpanaw ko, sapagkat kailangan mong manatili para aluin ang mga bata kapag wala na ako.”
Matapos tumigil sandali, bumulalas si Joseph Sr., “Nakikita ko na si Alvin.” Pagkatapos ay itiniklop niya nang magkasama ang kanyang mga kamay at nagsimulang huminga nang mabagal, hanggang sa ang kanyang hininga ay naging paikli nang paikli, at tahimik siyang pumanaw.25
Ilang linggo matapos ang kamatayan ni Joseph Sr., nagtipon ang mga Banal sa Nauvoo para sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1840. Itinuro pa sa kanila ni Joseph ang iba pang tungkol sa binyag para sa mga patay, ipinapaliwanag na ang mga espiritu ng mga patay ay naghihintay sa kanilang mga kaanak na buhay na tanggapin ang nakapagliligtas na ordenansa para sa kanilang kapakanan.26
Sa pagitan ng mga sesyon ng kumperensya, nagmamadaling tumungo sa Mississippi River ang mga Banal, kung saan maraming mga elder ang nakatayo sa tubig na hanggang baywang, inaanyayahan silang magpabinyag para sa kanilang mga yumaong lolo’t lola, mga ama, ina, kapatid at mga anak. Maya-maya pa, bininyagan si Hyrum para sa kanyang kapatid na si Alvin.27
Habang pinagmamasdan ni Vilate Kimball ang mga elder sa ilog, inasam niya na mabinyagan para sa kanyang ina, na pumanaw mahigit isang dekada na ang nakararaan. Ninais niya na sana ay nakabalik na mula sa England si Heber upang gawin ang ordenansa, ngunit dahil hinikayat ni Joseph ang mga Banal na tubusin ang mga patay sa lalong madaling panahon, nagpasiya siyang kaagad magpabinyag para sa kanyang ina.28
Ang isip ni Emma Smith ay naroon din sa kanyang pamilya. Ang kanyang amang si Isaac Hale ay pumanaw noong Enero 1839. Hindi ito nakipag-ayos sa kanya at kay Joseph. Ilang taon bago siya namatay, pinahintulutan pa niya ang mga kritiko ng simbahan na maglathala ng isang liham na kanyang isinulat na kinukundena si Joseph at tinawag ang Aklat ni Mormon bilang “hangal na katha ng mga kamalian at kasamaan.”29
Gayunpaman, minahal ni Emma ang kanyang ama at nabinyagan para sa kanya sa ilog.30 Hindi niya tinanggap ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa buhay na ito, ngunit inaasahan niya na ito ay hindi magiging gayon magpakailanman.
Noong taglagas na iyon, nagbalangkas sina Joseph at John Bennett ng isang charter ng mga batas para sa Nauvoo. Layon ng dokumento na magbigay ng mas maraming kalayaan hangga’t maaari para pamahalaan ang kanilang sarili at prumotekta mula sa mga uri ng kawalang-katarungan na nagpahirap sa kanila sa Missouri. Kung aaprubahan ng lehislatura ng estado ang charter, ang mga mamamayan ng Nauvoo ay maaaring magpasa ng sarili nilang batas para sa lunsod, mamahala ng mga lokal na hukuman, magtatag ng isang unibersidad at mag-organisa ng militia.31
Patuloy na lumago rin ang mga plano ni Joseph para sa simbahan. Inaasahang mas maraming Banal na magtitipon, itinatag ng propeta ang maraming stake sa mga bagong pamayanang malapit sa Nauvoo. Hinirang rin niya sina Orson Hyde at John Page na humayo sa isang misyon sa Palestine, kung saan kanilang ilalaan ang Jerusalem para sa pagtitipon ng mga anak ni Abraham. Para makarating doon, kailangang tawirin ng mga apostol ang Europa, na nagbibigay sa kanila ng mga pagkakataon na ipangaral ang ebanghelyo sa marami sa mga lunsod nito.32
“Maaaring malapit na nating asahan ang pagtitipun-tipon sa lugar na ito ng mga tao sa bawat lupain at sa bawat bansa,” pahayag ni Joseph at ng Unang Panguluhan, “ang mga tao ng lahat ng wika at ng bawat lengguwahe at ng bawat kulay, na sasama sa ating sumamba sa Panginoon ng mga Hukbo sa Kanyang banal na templo.”33
Noong unang bahagi ng Disyembre, matagumpay na nailakad ni John Bennett sa lehislatura ng estado ng Illinois na pahintulutan ang charter ng Nauvoo, na siyang nagkakaloob sa mga Banal ng kapangyarihan na maisakatuparan ang kanilang mga plano para sa lunsod. Nang matagumpay na bumalik si John sa Nauvoo, pinuri siya ni Joseph sa lahat ng pagkakataon.34
Makaraan ang halos isang buwan, noong Enero 19, 1841, pinagpala ng Panginoon ang mga Banal ng isang bagong paghahayag. Tiniyak Niya sa kanila na Kanyang tinanggap sina Edward Partridge at Joseph Smith Sr. sa kanyang pangangalaga, kasama si David Patten, na napatay sa labanan sa Crooked River. Tinawag si Hyrum Smith upang punan ang lugar ng kanyang ama bilang patriyarka ng simbahan at hinirang din upang maglingkod bilang isang propeta, tagakita, at tagapaghayag kasama ni Joseph, pinupunan ang papel na dating taglay ni Oliver Cowdery sa simbahan.35
Bukod pa rito, inutusan ng Panginoon si John Bennett na panigan si Joseph at patuloy na makipag-usap sa mga nasa labas ng simbahan upang maging kinatawan ng mga Banal, ipinapangako sa kanya ang mga pagpapala kung siya ay gagawa ng mabubuting gawain. “Ang kanyang gantimpala ay hindi mawawala kung siya ay tatanggap ng payo,” sabi ng Panginoon. “Aking nakita ang gawa na kanyang ginawa, na aking tinatanggap kung kanyang ipagpapatuloy.”36
Tinanggap din ng Panginoon ang mga nakaraang pagsisikap ng mga Banal upang itatag ang Sion sa Jackson County, ngunit iniutos Niya sa kanila ngayon na itatag ang Nauvoo, magtatag ng iba pang mga stake at magtayo ng isang hotel na tatawaging Nauvoo House, na siyang magbibigay sa mga bisita ng lugar upang magpahinga at pagnilayan ang mga salita ng Diyos at ang kaluwalhatian ng Sion.37
Higit sa lahat, inutusan ng Panginoon ang mga Banal na magtayo ng bagong templo. “Ang bahay na ito ay itayo sa aking pangalan,” Kanyang ipinahayag, “upang aking maihayag ang aking mga ordenansa roon sa aking mga tao.”38
Ang binyag para sa mga patay ay isa sa mga ordenansang ito. Sa ngayon ay pinahintulutan ng Panginoon ang mga Banal na isagawa ang mga pagbibinyag sa Mississippi River, ngunit ngayon ay inutusan Niya silang itigil ang ordenansa hanggang makapaglaan sila ng espesyal na lugar na pinagbibinyagan sa templo. “Ang ordenansang ito,” pahayag niya, “ay nabibilang sa aking bahay.”39
Ang iba pang mga ordenansa sa templo at nakasisiglang mga bagong katotohanang ay darating kalaunan. “Sapagkat minarapat ko na ihayag sa aking simbahan ang mga bagay na pinanatiling nakatago bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, mga bagay na nauukol sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon,” ipinangako ng Panginoon. “At ipakikita ko sa aking tagapaglingkod na si Joseph ang lahat ng bagay na nauukol sa bahay na ito, at ang pagkasaserdote nito.”40
Ipinapangako na gagantimpalaan ang kanilang pagsisikap at pagiging masunurin, hinikayat ng Panginoon ang mga Banal na magtrabaho sa templo gamit ang lahat ng kanilang lakas. “Magtayo ng bahay sa aking pangalan, maging sa lugar na ito, upang inyong mapatunayan ang inyong sarili sa akin na kayo ay matapat sa lahat ng bagay,” Kanyang iniutos, “na ako nawa’y pagpalain kayo, at putungan kayo ng karangalan, imortalidad, at buhay na walang hanggan.”41
Sa pagdating ng bagong taon, mukhang maliwanag ang hinaharap para sa mga Banal. Noong Pebrero 1, 1841, inihalal nila si John Bennett bilang mayor ng Nauvoo, na naglagay rin sa kanya bilang punong mahistrado ng hukuman ng lunsod. Siya rin ang naging chancellor ng bagong unibersidad, pangunahing heneral ng militia, at isang assistant na tagapayo sa Unang Panguluhan.42 May tiwala si Joseph at ang iba pang mga lider ng simbahan sa kanyang kakayahan na pamunuan ang bayan at gawin itong dakila.
Habang lumalawak ang awtoridad at mga responsibilidad ni John, hindi maipagkakaila ni Emma na ang naitulong niya sa mga Banal ay napakalaki. Subalit hindi siya nakibahagi sa pagmamahal ng mga Banal para sa kanya. Naisip niya na ipinarada ni John ang sarili nito sa bayan tulad ng isang hambog na heneral, at kung hindi siya nagpapakitang-gilas kay Joseph, tila sarili lamang ang iniisip nito at walang kunsiderasyon sa ibang tao.
Sa lahat ng kanyang mga talento at maitutulong, mayroong tungkol kay John Bennett na nakababahala para sa kanya.43