2011
Kapag Nakita Kong Muli ang Aking Kapatid
Hulyo 2011


Kapag Nakita Kong Muli ang Aking Kapatid

María Isabel Parra de Uribe, Mexico

Noong bata pa ako, gustung-gusto kong makatakbo at makapaglaro ang kapatid kong si Juan Fernando na gaya ng ibang mga bata. Nang tanungin ko si Inay kung bakit hindi niya magawa iyon, sinabi niya na nagkaroon ito ng malaking pinsala sa utak nang isilang dahil sa kawalan ng oxygen at hindi na magagawa ang mga bagay na iyon kahit kailan.

Habambuhay na nakahiga sa kama ang kapatid ko. Dahil lumaki ako sa Simbahan, naunawaan at natanggap ko ang kanyang kalagayan at alam ko ang kadakilaan ng kanyang espiritu. Magkagayunman, sabik pa rin ang bata kong puso na makatulad siya ng iba, kahit hindi ko mawari kung ano ang pakiramdam ng makita siyang lumakad o tumakbo o magsalita.

Nag-alala ako kung sino ang mag-aalaga sa kanya kung mauna kaming mamatay na lahat sa pamilya kaysa kanya. Sa taimtim kong mga dalangin nagsumamo ako sa Ama sa Langit na unahin Niyang kunin si Juan Fernando bago kami. Alam ko na sasagutin Niya ako.

Namatay ang kapatid ko sa edad na 16 isang hapon ng taglamig, at nag-iwan ito ng malaking kahungkagan sa aming pamilya. Nakadama kami ng lungkot ngunit ng pag-asa rin. Ilang araw pagkamatay niya, nakatulog ako habang iniisip siya at maganda ang panaginip ko.

Naglalakad ako, pero wala akong makita dahil sa ulap. May nakikita ako sa di-kalayuan, kaya marahan akong naglakad palapit dito. Habang papalapit ako, nakita ko na ito ay isang bagon na puno ng magagandang bulaklak. Habang nakatitig dito, napansin ko ang isang guwapong binatilyo, nakasuot ng puting damit, nakatayo sa tabi ng bagon. Huminto ako sandali, at sinikap kong kilalanin siya, at nalaman ko na siya ang kapatid ko. Napakasaya kong makita siya. Kinausap niya ako, at ginusto ko siyang yakapin at hagkan. Pagkatapos ay nagising ako.

Labis akong nagpasalamat na narinig ko ang boses niya at nakita kong magaling na siya. Nawawari ko lang ang sandali na magkikita kaming muli. Tiyak kong yayakapin at hahagkan namin ang isa’t isa at magiliw kaming mag-uusap—salamat sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Dahil sa Tagapagligtas lahat tayo ay babangon mula sa libingan at magkakasamang muli bilang pamilya, at hindi na muling maghihiwalay pa.

Naalala ko ang mga salita ni Amulek: “Ang espiritu at ang katawan ay magsasamang muli sa kanyang ganap na anyo; kapwa ang biyas at kasu-kasuan ay ibabalik sa wastong pangangatawan” (Alma 11:43).

Nagpapasalamat ako sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, na naghahatid ng kapayapaan sa aking kaluluwa. Alam ko na makikita kong muli ang kapatid ko balang araw.