2014
Mga Panlilinlang
Oktubre 2014


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Mga Panlilinlang

Mula sa “O Yaong Tusong Plano Niyang Masama, Liahona, Nob. 2010, 108–110.

illustration of a man fishing in a river

Mga paglalarawan ni J. Ken Spencer

Ang taglagas ay isang kapana-panabik na panahon para sa mga mangingisdang gumagamit ng insekto bilang patibong dahil sa panahong ito dumadagsa ang mga isdang tabang upang busugin at palakasin ang kanilang katawan laban sa kakapusan ng pagkain sa taglamig.

Minimithi ng ganitong mangingisda na makahuli ng isdang tabang sa pamamagitan ng mahusay na panlilinlang. Pinag-aaralan ng bihasang mangingisda ang pag-uugali ng isdang tabang, panahon, agos ng tubig, at mga uri ng insektong kinakain ng isdang tabang at kung kailan napipisa ang mga itlog ng mga insektong iyon. Madalas niyang kamayin ang paggawa ng mga patibong na ginagamit niya. Alam niya na ang mga artipisyal na insektong ito na nakakabit sa maliliit na kawit ay kailangang maging perpektong panlinlang dahil mahahalata ng isdang tabang kahit ang pinakamaliit na depekto at hindi kakagatin ang insekto.

Nakatutuwang masdan ang pagtalon ng isdang tabang sa tubig, pagkagat sa insekto, at paglaban hanggang sa mapagod ito at tuluyang mabingwit. Ang laban ay ang tagisan ng kaalaman at kasanayan ng mangingisda at ng magilas na isdang tabang.

Ang paggamit ng mga artipisyal na patibong para manlinlang at manghuli ng isda ay halimbawa ng kadalasang paraan ng panunukso, panlilinlang, at pagtatangka ni Lucifer na hulihin tayo.

Tulad ng mangingisdang nakakaalam na ang mga isdang tabang ay itinutulak ng gutom, alam ni Lucifer ang ating “pagkagutom,” o mga kahinaan, at tinutukso tayo sa mapanlinlang na mga patibong na kung kakagatin natin ay gagambalain ang matiwasay nating buhay tungo sa walang-awa niyang impluwensya. At hindi tulad ng mangingisdang [gumagamit ng artipisyal na insekto na] hinuhuli at pinawawalan din ang isda pabalik sa tubig nang hindi ito sinasaktan, hindi tayo kusang pawawalan ni Lucifer. Minimithi niyang gawing kaaba-aba ang kanyang mga biktima tulad niya.

Isa sa mga pangunahing pamamaraang ginagamit niya laban sa atin ay ang kakayahan niyang magsinungaling at manlinlang upang kumbinsihin tayo na ang masama ay mabuti at ang mabuti ay masama. Sa simula pa lamang sa malaking Kapulungan sa Langit, si Satanas ay “naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, na ako, ang Panginoong Diyos, ang nagbigay sa kanya” (Moises 4:3).

Ang labanan para sa kalayaang bigay ng Diyos sa tao ay patuloy pa rin ngayon. Si Satanas at ang kanyang mga kampon ay may mga patibong sa buong paligid natin, umaasang manghihina tayo at kakagat sa kanyang mga patibong upang mahuli niya tayo sa kanyang tusong pamamaraan.

Mga kapatid, nawa’y maging maingat tayo sa mga artipisyal na patibong na ipinapain sa atin ng mapanlinlang na mamamalakaya ng tao, si Lucifer. Nawa’y magkaroon tayo ng talino at espirituwal na kabatiran upang mahiwatigan at matanggihan ang kanyang maraming mapanganib na alok.

At sa inyo na nabiktima na ng anumang uri ng adiksyon, may pag-asa dahil mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak at dahil ang Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo ay gagawing posible ang lahat ng bagay.