2018
Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel
Nobyembre 2018


Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel

Bilang propeta, nakikiusap ako sa inyo, na kababaihan ng Simbahan, na hubugin ang hinaharap sa pagtulong na tipunin ang nakalat na Israel.

Napakasaya ko na makasama kayo, mahal at itinatangi kong mga kapatid. Marahil ang naranasan ko kamakailan ay magbibigay sa inyo ng ideya sa nadarama ko para sa inyo at sa mga kakayahang ipinagkaloob sa inyo ng langit.

Isang araw habang nagsasalita ako sa isang kongregasyon sa South America, masyado akong nasabik na ibahagi ang aking paksa, at sa isang iglap, nasabi kong, “Bilang ina ng 10 anak, masasabi ko na …” At itinuloy ko na ang mensahe ko.

Hindi ko napansin na nasabi ko ang salitang ina. Ang aking tagapagsalin, sa pag-aakalang nagkamali lang ako ng sinabi, ay ginawang ama ang ina, kaya hindi nalaman ng kongregasyon na tinukoy ko ang sarili ko na ina. Pero narinig iyon ng asawa kong si Wendy, at natuwa siya sa dulas ng dila ko.

Sa sandaling iyon, ang matinding pag-asam ng puso ko na makagawa ng kaibhan sa mundo—sa paraang ina lamang ang gumagawa—ay nag-umapaw sa puso ko. Sa paglipas ng mga taon, tuwing tatanungin ako kung bakit pinili kong maging doktor, iisa ang sagot ko: “Dahil hindi ko puwedeng piliin na maging ina.”

Pansinin na tuwing ginagamit ko ang salitang ina, hindi lang kababaihang nagsilang o nag-ampon ng mga anak sa buhay na ito ang tinutukoy ko. Ang tinutukoy ko ay lahat ng nasa hustong gulang na anak na babae ng ating mga Magulang sa Langit. Bawat babae ay isang ina dahil sa kanyang walang-hanggan at banal na tadhana.

Kaya ngayong gabi, bilang ama ng 10 anak—siyam na babae at isang lalaki—at bilang Pangulo ng Simbahan, dalangin ko na madama ninyo kung gaano katindi ang nadarama ko tungkol sa inyo—tungkol sa kung sino kayo at lahat ng kabutihang magagawa ninyo. Hindi magagawa ninuman ang magagawa ng isang matwid na babae. Hindi matutularan ninuman ang impluwensya ng isang ina.

Kaya at madalas gawin ng kalalakihan na ipadama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas sa iba. Ngunit may espesyal na kaloob ang kababaihan pagdating dito—isang banal na kaloob. May kakayahan kayong madama ang pangangailangan ng isang tao—at kung kailan niya ito kailangan. Matutulungan, mapapanatag, matuturuan, at mapapalakas ninyo ang isang tao sa mismong oras ng kanyang pangangailangan.

Iba ang pananaw ng kababaihan kaysa kalalakihan, at ah, kailangang-kailangan namin ang inyong pananaw! Likas sa inyo ang unahin ang iba, ang isipin ang magiging epekto ng anumang gagawin ninyo sa iba.

Tulad ng itinuro ni Pangulong Eyring, ang ating dakilang Inang Eva—na may malawak na pananaw sa plano ng ating Ama sa Langit—ang nagpasimula sa tinatawag nating “Pagkahulog.” Ang kanyang matalino at matapang na pagpili at ang pagsuporta ni Adan sa desisyong iyon ang nagsulong sa plano ng kaligayahan ng Diyos. Ginawa nilang posible para sa bawat isa sa atin na pumarito sa lupa, tumanggap ng katawan, at patunayan na pipiliin nating suportahan si Jesucristo ngayon, tulad ng ginawa natin bago tayo isinilang.

Mahal kong mga kapatid, mayroon kayong espesyal na mga espirituwal na kaloob at likas na katangian. Ngayong gabi hinihimok ko kayo, nang may buong pag-asa sa puso ko, na ipagdasal na maunawaan ninyo ang inyong mga espirituwal na kaloob—na linangin, gamitin, at palawakin ang mga ito, nang higit pa kaysa rati. Mababago ninyo ang mundo kapag ginawa ninyo ito.

Bilang kababaihan, binibigyang-inspirasyon ninyo ang iba at nagpapakita kayo ng isang pamantayang nararapat pamarisan. Bibigyan ko kayo ng kaunting impormasyon tungkol sa dalawa sa mga pangunahing pahayag sa ating huling pangkalahatang kumperensya. Kayo, mahal kong mga kapatid, ay mahalaga para sa bawat isa.

Una, ministering. Ang pinakamataas na pamantayan para sa ministering ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Karaniwan, ang kababaihan ngayon, at noon pa man, ay mas malapit-lapit na sa pamantayang iyan kaysa kalalakihan. Kapag talagang nagmi-minister kayo, sumusunod kayo sa inyong pakiramdam na tulungan ang iba na higit pang maranasan ang pagmamahal ng Tagapagligtas. Ang hilig na mag-minister ay likas sa matwid na kababaihan. May kilala akong kababaihan na ang ipinagdarasal araw-araw ay, “Sino ang gusto Ninyong tulungan ko ngayon?”

Bago ipinahayag noong Abril 2018 ang tungkol sa mas mainam at mas banal na paraan ng pangangalaga sa iba, nakagawian ng ilang kalalakihan na markahan ng “tapos na” ang kanilang home teaching assignment at tumuloy na sa susunod na gawain.

Ngunit nang madama ninyo na kailangan ng tulong ng isang kapatid na binibisita ninyo, tumugon kayo kaagad at hanggang sa matapos ang buong buwan. Kaya nga, ang inyong paraan ng pagbisita ang inspirasyon namin na gawin ang ministering na ito.

Pangalawa, sa huling pangkalahatang kumperensya, binago rin namin ang organisasyon ng mga korum ng Melchizedek Priesthood. Nang ipagdasal namin nang taimtim kung paano tutulungan ang kalalakihan ng Simbahan na maging mas epektibo sa kanilang mga responsibilidad, pinag-aralan naming mabuti ang halimbawa ng Relief Society.

Sa Relief Society, nagtitipun-tipon ang kababaihan na iba’t iba ang edad at yugto ng buhay. Bawat yugto ng buhay ay may hatid na kakaibang mga hamon, at magkagayunman, naroon pa rin kayo, Linggu-Linggo, sama-samang nagpupulong, lumalago at nagtuturo ng ebanghelyo, at gumagawa ng tunay na kaibhan sa mundo.

Ngayon, sa pagsunod sa inyong halimbawa, ang mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay mga miyembro ng elders quorum. Ang kalalakihang ito ay nasa edad 18 hanggang 98 (o baka higit pa), na iba’t iba rin ang mga karanasan sa priesthood at Simbahan. Ang mga kapatid na ito ay makabubuo na ngayon ng mas matatag na kapatiran, sama-samang matututo, at mapagpapala ang iba nang mas epektibo.

Maaalala ninyo na noong Hunyo, nagsalita kami ni Sister Nelson sa mga kabataan ng Simbahan. Inanyayahan namin silang sumali sa grupo ng mga kabataan ng Panginoon para tumulong na matipon ang Israel sa magkabilang panig ng tabing. Ang pagtitipong ito ang “pinakamalaking hamon, pinakamagiting na layunin, at pinakadakilang gawain sa mundo ngayon!”1

Ito ay isang layunin na lubos na nangangailangan ng kababaihan, dahil ang kababaihan ang humuhubog sa hinaharap. Kaya ngayong gabi bilang propeta, nakikiusap ako sa inyo, na kababaihan ng Simbahan, na hubugin ang hinaharap sa pagtulong na tipunin ang nakalat na Israel.

Saan kayo maaaring magsimula?

Magbibigay ako ng apat na paanyaya:

Una, inaanyayahan ko kayo na makibahagi sa 10-araw na hindi paggamit ng social media at sa anumang iba pang media na naghahatid ng negatibo at maruruming ideya sa inyong isipan. Ipagdasal na malaman kung aling mga impluwensya ang aalisin habang hindi kayo gumagamit nito. Mabibigla kayo sa epekto ng 10-araw na hindi ninyo paggamit ng social media. Ano ang napansin ninyo matapos tumigil sa pagtingin sa mga pananaw ng mundo na matagal nang sumusugat sa inyong kaluluwa? May nabago ba sa kung saan ninyo gustong gugulin ngayon ang inyong panahon at lakas? Nagbago ba ang anuman sa inyong mga priyoridad—kahit bahagya lang? Hinihimok ko kayong itala at isagawa ang bawat impresyong natanggap ninyo.

Pangalawa, inaanyayahan ko kayong basahin ang Aklat ni Mormon mula ngayon hanggang sa katapusan ng taon. Imposible man iyon sa lahat ng sinisikap ninyong gawin sa buhay, kung tatanggapin ninyo ang paanyayang ito nang may buong layunin ng puso, tutulungan kayo ng Panginoon na makahanap ng paraan para magawa ito. At, kapag nag-aral kayo nang may panalangin, ipinapangako ko na pagpapalain kayo ng langit. Bibiyayaan kayo ng Panginoon ng dagdag na inspirasyon at paghahayag.

Sa inyong pagbabasa, hinihikayat ko kayong markahan ang bawat talatang bumabanggit o tumutukoy sa Tagapagligtas. Pagkatapos, sadya kayong magsalita tungkol kay Cristo, magalak kay Cristo, at mangaral tungkol kay Cristo sa inyong mga pamilya at kaibigan.2 Mas mapapalapit kayo at sila sa Tagapagligtas sa prosesong ito. At ang mga pagbabago, pati na mga himala, ay magsisimulang mangyari.

Ipinahayag ngayong umaga ang bagong iskedyul sa araw ng Linggo at ang kurikulum na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan. Kayo, mahal kong mga kapatid, ay lubhang kailangan sa pagtatagumpay ng bago, balanse, at magkakatugmang pagsisikap na ito sa pagtuturo ng ebanghelyo. Pakituro sa inyong mga minamahal ang natututuhan ninyo mula sa mga banal na kasulatan. Ituro sa kanila kung paano bumaling sa Tagapagligtas para sa Kanyang kapangyarihang magpagaling at maglinis kapag sila ay nagkakasala. At ituro sa kanila kung paano gamitin ang Kanyang nagpapalakas na kapangyarihan sa bawat araw ng kanilang buhay.

Pangatlo, ugaliing regular na magpunta sa templo. Maaaring mangailangan ito ng kaunti pang sakripisyo sa buhay ninyo. Ang mas regular na pagpunta sa templo ay magtutulot sa Panginoon na ituro sa inyo kung paano gamitin ang kapangyarihan ng Kanyang priesthood na ipinagkaloob sa inyo sa Kanyang templo. Sa inyo na malayo ang tirahan sa templo, inaanyayahan ko kayong pag-aralan nang may panalangin ang tungkol sa mga templo sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta. Hangaring malaman pa, maunawaan pa, madama pa ang kahalagahan ng mga templo kaysa rati.

Sa ating pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan noong Hunyo, ikinuwento ko ang isang binatilyo na nagbago ang buhay nang palitan ng kanyang mga magulang ng flip phone ang kanyang smartphone. Ang ina ng binatilyong ito ay isang walang takot na babae na may pananampalataya. Nakita niya na unti-unting gumagawa ng mga pagpili ang kanyang anak na maaaring makahadlang sa kanyang pagmimisyon. Nagsumamo siya sa loob ng templo para malaman kung ano ang pinakamainam na gawin para matulungan ang kanyang anak. Pagkatapos ay isinagawa niya ang bawat impresyong natanggap niya.

Sabi niya: “Nadama ko na ginagabayan ako ng Espiritu na tingnan ang telepono ng anak ko sa partikular na mga oras para makita ko ang mga bagay na dapat kong makita. Hindi ko alam kung paano gamitin ang mga smartphone na ito, pero ginabayan ako ng Espiritu sa lahat ng social media na ni hindi ko ginagamit! Alam ko na tinutulungan ng Espiritu ang mga magulang na naghahangad ng patnubay para protektahan ang kanilang mga anak. [Sa umpisa], nagalit sa akin ang anak ko. … Pero pagkaraan lang ng tatlong araw, pinasalamatan niya ako! Naramdaman niya ang kaibhan.”

Ang laki ng ipinagbago ng ugali at kilos ng kanyang anak. Naging mas matulungin siya sa bahay, mas palangiti, at mas nakikinig na sa Simbahan. Masaya siyang naglingkod sa temple baptistry at naghanda sa pagpunta niya sa misyon.

Ang pang-apat kong paanyaya, sa inyo na nasa hustong gulang, ay makibahagi nang lubusan sa Relief Society. Hinihimok ko kayong pag-aralan ang kasalukuyang pahayag ng layunin ng Relief Society. Nagbibigay ito ng inspirasyon. Maaari kayong gabayan nito sa pagkakaroon ng sarili ninyong pahayag ng layunin sa buhay. Isinasamo ko rin na lasapin ninyo ang mga katotohanan sa pahayag ng Relief Society na inilathala halos 20 taon na ang nakararaan.3 May nakakuwadrong kopya ng pahayag na ito na nakasabit sa dingding sa tanggapan ng Unang Panguluhan. Natutuwa ako tuwing binabasa ko ito. Inilalarawan nito kung sino kayo at kung ano ang nais ng Panginoon na kahinatnan ninyo sa panahong ito mismo habang ginagawa ninyo ang inyong bahagi na tumulong sa pagtitipon sa nakalat na Israel.

Mahal kong mga kapatid, kailangan namin kayo! Kailangan namin ang “inyong lakas, inyong katatagan, inyong pananalig, inyong kakayahang mamuno, inyong karunungan, at inyong mga tinig.”4 Hindi talaga namin matitipon ang Israel nang wala kayo.

Mahal ko kayo at pinasasalamatan at ngayo’y binabasbasan ko kayo ng kakayahang talikdan ang mundo habang tumutulong kayo sa napakahalaga at apurahang gawaing ito. Magagawa natin nang sama-sama ang lahat ng kailangang ipagawa sa atin ng ating Ama sa Langit upang maihanda ang mundo sa Ikalawang Pagparito ng Kanyang Pinakamamahal na Anak.

Si Jesus ang Cristo. Ito ang Kanyang Simbahan. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 03, 2018), HopeofIsrael.lds.org.

  2. Tingnan sa 2 Nephi 25:26.

  3. Ang mga dokumentong ito ay makukuha online. Para sa pahayag ng layunin ng Relief Society, tingnan sa lds.org/callings/relief-society. Para sa pagpapahayag ng Relief Society, tingnan sa Mary Ellen Smoot, “Rejoice, Daughters of Zion,” Liahona, Ene. 2000, 111–14.

  4. Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Liahona, Nob. 2015, 96; idinagdag ang pagbibigay-diin.