Lahat ng Tao ay Kailangang Taglayin sa Kanilang Sarili ang Pangalang Ibinigay ng Ama
Ang pangalan ng Tagapagligtas ay may kakaiba at napakahalagang kapangyarihan. Ito lamang ang pangalan kung saan posible ang kaligtasan.
Ilang linggo na ang nakalipas, nakibahagi ako sa binyag ng ilang mga bata na walong taong gulang. Nagsimulang matutuhan nila ang ebanghelyo ni Jesucristo mula sa kanilang mga magulang at mga guro. Ang binhi ng kanilang pananampalataya sa Kanya ay nagsimulang lumaki. At ngayon ay nais nilang sumunod sa Kanya sa mga tubig ng binyag upang maging mga miyembro ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Habang minamasdan ko ang pananabik nila, naisip ko kung gaano nila nauunawaan ang tungkol sa isa sa mahahalagang aspeto ng tipan nila sa binyag: ang pangako nilang taglayin ang pangalan ni Jesucristo sa kanilang sarili.
Mula sa simula, ipinahayag na ng Diyos ang kahalagahan ng pangalan ni Jesucristo sa Kanyang plano para sa atin. Itinuro ng isang anghel sa ating unang ama, si Adan, “Gawin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa pangalan ng Anak, at ikaw ay magsisi at manawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak magpakailanman.”1
Ang propeta sa Aklat ni Mormon na si Haring Benjamin ay nagturo sa kanyang mga tao, “Walang ibang pangalang ibinigay, o anumang daan, o paraan kung saan [darating] ang kaligtasan.”2
Inulit ng Panginoon ang katotohanan na ito kay Propetang Joseph Smith: “Masdan, Jesucristo ang pangalang ibinigay ng Ama, at wala nang iba pang pangalan na ibinigay kung saan ang tao ay maliligtas.”3
Sa panahon natin, itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks na “ang mga sumasampalataya sa sagradong pangalan ni Jesucristo … at pumapasok sa kanyang tipan … ay may karapatan sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.”4
Nais ng ating Ama sa Langit na malinaw nating maunawaan na ang pangalan ng Kanyang Anak, na Jesucristo, ay hindi basta pangalan lamang tulad ng iba. Ang pangalan ng Tagapagligtas ay may kakaiba at napakahalagang kapangyarihan. Ito lamang ang pangalan kung saan posible ang kaligtasan. Sa pagbibigay-diin sa katotohanang ito sa bawat dispensasyon, tinitiyak ng ating mapagmahal na Ama sa lahat ng Kanyang mga anak na may paraan pabalik sa Kanya. Ngunit ang pagkakaroon ng tiyak na paraan ay hindi nangangahulugan na tiyak na ang pagbabalik natin. Sinasabi sa atin ng Diyos na kailangan nating kumilos: “Dahil dito, lahat ng tao ay kailangang taglayin sa kanilang sarili ang pangalang ibinigay ng Ama.”5
Upang magamit ang nagliligtas na kapangyarihan na dumarating lamang sa pangalan ni Cristo, kailangan “[tayong magpakumbaba] sa harapan ng Diyos … at humarap nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu … at pumapayag na taglayin sa [ating] sarili ang pangalan ni Jesucristo” at sa gayon ay maging karapat-dapat, gaya ng mga kaibigan kong walong taong gulang, na “tatanggapin sa pamamagitan ng pagbibinyag sa kanyang simbahan.”6
Lahat ng taos-pusong naghahangad na taglayin ang pangalan ng Tagapagligtas sa kanilang sarili ay kailangang maging marapat at tanggapin ang ordenansa ng binyag bilang patunay sa Diyos ng kanilang desisyon.7 Ngunit ang binyag ay simula pa lamang.
Ang salitang taglayin ay hindi nangangahulugang wala kayong gagawin. Ito ay pandiwa na maraming kahulugan.8 Gayon din naman, ang pangako nating taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo ay nangangailangan ng pagkilos at marami itong bahagi.
Halimbawa, ang isang kahulugan ng salitang taglayin ay makibahagi ng o tanggapin sa katawan, gaya nang kapag umiinom tayo. Sa pagtataglay natin ng pangalan ni Cristo sa ating sarili, nangangako tayong tatanggapin ang Kanyang mga aral, Kanyang mga katangian, at sa huli ang Kanyang pagmamahal sa kaibuturan ng ating pagkatao upang maging bahagi ito ng pagkatao natin. Ganyan ang kahalagahan ng paanyaya ni Pangulong Nelson sa mga young adult na “mapanalangin at buong sigasig na [hangaring] maunawaan kung ano ang personal na kahulugan para sa [kanila] ng bawat isa sa mga titulo at mga pangalan ng [Tagapagligtas]”9 at magpakabusog sa mga salita ni Cristo na nasa mga banal na kasulatan, lalo na sa Aklat ni Mormon.10
Ang isa pang kahulugan ng salitang taglayin ay tanggapin ang isang tao sa papel na ginagampanan niya o tanggapin ang katotohanan ng isang ideya o alituntunin. Kapag tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo, tinatanggap natin Siya bilang ating Tagapagligtas at patuloy na tinatanggap ang Kanyang mga turo bilang gabay sa ating buhay. Sa bawat makabuluhang desisyong ginagawa natin, maaari nating tanggapin na totoo ang Kanyang ebanghelyo at masunuring sundin ito ng ating buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas.
Ang salitang taglayin ay maaaring mangahulugan din ng iayon natin ang ating sarili sa isang pangalan o adhikain. Naranasan na ng karamihan sa atin ang pagtupad ng responsibilidad sa trabaho o pagsuporta sa isang adhikain o kilusan. Kapag tinataglay natin ang pangalan ni Cristo sa ating sarili, tinutupad natin ang mga responsibilidad ng isang tunay na disipulo, itinataguyod natin ang Kanyang adhikain, at tayo’y “[tumatayo] bilang mga saksi [Niya] sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] ay maaaring naroroon.”11 Si Pangulong Nelson ay nanawagan sa “bawat kabataang babae at bawat kabataang lalaki … na sumali sa hukbo ng kabataan ng Panginoon para tumulong sa pagtipon ng Israel.”12 At tayong lahat ay nagpapasalamat na tanggapin ang panawagan ng propeta na gamitin ang pangalan ng Kanyang ipinanumbalik na Simbahan na inihayag mismo ng Tagapagligtas: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.13
Sa proseso ng pagtataglay natin ng pangalan ng Tagapagligtas, kailangan nating maunawaan na ang adhikain ni Cristo at ng Kanyang Simbahan ay iisa at magkapareho. Hindi mapaghihiwalay ang mga ito. Gayundin, ang ating pagiging disipulo sa Tagapagligtas at pagiging aktibong miyembro sa Kanyang Simbahan ay hindi rin mapaghihiwalay. Kung nag-aalangan tayo na gawin ang isa, ang ating pangako sa isa pa ay mawawalan ng halaga, at ito ay tiyak na mangyayari.
Nag-aalangan ang ilan na taglayin ang pangalan ni Jesucristo at ang Kanyang adhikain dahil para sa kanila ito ay napakahigpit, naglilimita, at para silang nakakulong. Sa katunayan, ang pagtataglay natin ng pangalan ni Cristo ay nagpapalaya at nagpapaunlad. Pinupukaw nito ang hangaring nadama natin nang tanggapin natin ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa Tagapagligtas. Taglay ang tapat na hangaring ito sa ating puso, matutuklasan natin ang tunay na layunin ng mga kaloob at talentong ibinigay sa atin ng langit, mararanasan ang Kanyang pagmamahal na nagbibigay kakayahan, at mag-iibayo ang ating pagmamalasakit sa kapakanan ng iba. Sa pagtataglay natin ng pangalan ng Tagapagligtas, tunay na nananangan tayo sa bawat mabuting bagay at magiging tulad Niya.14
Mahalagang alalahanin na ang pagtataglay ng pangalan ng Tagapagligtas ay gaya ng isang pangako sa tipan—nagsisimula sa tipang ginawa natin sa binyag. Itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang [ating] pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipang iyon ang magbubukas ng pinto sa bawat espirituwal na mga pagpapala at pribilehiyo na makukuha.”15 Isa sa mga banal na pribilehiyo ng pagtataglay natin ng pangalan ng Tagapagligtas sa ating sarili sa pamamagitan ng binyag ay ang pagbibigay-daan nito sa kasunod na ordenansa sa landas ng tipan, ang ating kumpirmasyon. Nang tanungin ko ang isa sa mga kaibigan kong walong taong gulang kung ano ang ibig sabihin sa kanya ng pagtataglay ng pangalan ni Cristo, ang sagot lang niya ay, “Ibig sabihin po ay mapapasaakin ang Espiritu Santo.” Tama siya.
Ang kaloob na Espiritu Santo ay natatanggap sa kumpirmasyon pagkatapos nating matanggap ang ordenansa ng binyag. Ang kaloob na ito ay ang karapatan at pagkakataong makasama natin sa tuwina ang Espiritu Santo. Kung pakikinggan at susundin natin ang Kanyang marahang, bulong na tinig, pananatilihin Niya tayo sa landas ng tipan na pinasok natin sa pamamagitan ng binyag, babalaan tayo kapag natutukso tayong lumayo rito, at hihikayatin tayong magsisi at magbago kung kailangan. Ang pagtutuunan natin pagkatapos ng binyag ay ang mapanatiling kasama natin ang Espiritu Santo upang patuloy tayong sumulong sa landas ng tipan. Ang Espiritu Santo ay mapapasaatin lamang kung pananatilihin nating malinis ang ating buhay at malaya sa kasalanan.
Dahil dito, naglaan ang Panginoon ng paraan para patuloy nating panibaguhin ang nakadadalisay na epekto ng ating binyag sa pamamagitan ng isa pang ordenansa—ang sakramento. Bawat linggo maaari nating “patunayan … na [tayo] ay pumapayag na taglayin [muli] sa [ating sarili] ang pangalan [ng] Anak”16 sa pamamagitan ng pagkuha at pagkain sa mga sagisag ng laman at dugo ng Panginoon—ang tinapay at tubig—at pagtanggap sa mga ito sa ating mismong kaluluwa. Kapalit nito, ginagawa muli ng Tagapagligtas ang Kanyang mahimalang paglilinis at ginagawa tayong marapat na patuloy na magabayan ng Espiritu Santo. Hindi ba ito patunay ng walang hanggang awa na matatagpuan lamang sa pangalan ni Jesucristo? Tulad ng pagtataglay natin ng Kanyang pangalan sa ating sarili, pinapasan Niya ang ating mga kasalanan at kalungkutan, at ang Kanyang bisig ay “nakaunat pa rin”17 para yakapin tayo ng Kanyang pagmamahal.18
Ang sakramento ay lingguhang paalala na ang pagtataglay natin sa ating sarili ng pangalan ni Jesucristo ay matibay at tuluy-tuloy na pangako, hindi isang kaganapan lamang na nangyari sa araw ng ating binyag.19 Patuloy at paulit-ulit nating matatamasa ang “dakilang pag-aalay, bilang bayad-sala, dito ang sakramento ay nagsisilbing tanda.”20 Kaya hindi nakapagtataka na kapag nauunawaan ng mga anak ng Diyos ang makapangyarihan, espirituwal na mga pagpapala na maaaring magmula sa pagtataglay nila ng pangalan ni Cristo, palagi silang nagagalak at hangad nila palagi na makipagtipan sa kanilang Diyos.21
Sa pagtahak natin sa banal na landas ng tipan, ang ating pangako at pagsisikap na taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo ay magbibigay sa atin ng lakas na “panatilihing laging nakasulat ang [Kanyang] pangalan sa [ating] mga puso.”22 Mamahalin natin ang Diyos at ang ating kapwa at makadarama ng hangaring mag-minister sa kanila. Susundin natin ang Kanyang mga kautusan at hahangaring mas mapalapit sa Kanya sa pamamagitan ng karagdagang pakikipagtipan sa Kanya. Kapag nadama nating nanghihina tayo at hindi makakilos ayon sa ating matwid na mga hangarin, sasamo tayo na bigyan tayo ng lakas na dumarating lamang sa pamamagitan ng Kanyang pangalan, at tutulungan Niya tayo. Kapag buong katapatan tayong nakapagtiis, darating ang araw na makikita natin Siya at makakasama Siya, at makikita natin na tayo ay naging katulad Niya, na nagpamarapat sa atin na makabalik sa kinaroroonan ng Ama.
Dahil tiyak ang pangako ng Tagapagligtas: ang mga “[nani]niwala sa pangalan ni Jesucristo, at [sinasamba] ang Ama sa kanyang pangalan, at mag[ti]tiis nang may pananampalataya sa kanyang pangalan hanggang wakas”23 ay maliligtas sa kaharian ng Diyos. Kasama ninyo, nagagalak ako na ang walang katulad na mga pagpapalang ito ay naging posible sa pamamagitan ng pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Jesucristo, na sa Kanyang pangalan at sa pangalang ito ako ay nagpapatotoo, amen.