Ang mga Pagbabago ay Tumutulong na Ibalanse ang Pagtuturo ng Ebanghelyo sa Tahanan at sa Simbahan
Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na tulungan ang mga Banal sa mga Huling Araw na “matuto ng doktrina, palakasin ang pananampalataya, at pag-ibayuhin ang personal na pagsamba,” ibinalita ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga pagbabago na tutulong na ibalanse at iugnay ang mga natatangi at mahalagang paraan ng pagsamba at pag-aaral at pamumuhay ng mga miyembro sa ebanghelyo ng Tagapagligtas sa simbahan at tahanan.
Ipinabatid ng mga lider ng Simbahan ang mga pagbabago sa mga iskedyul ng miting sa araw ng Linggo, simula Enero 2019, kaugnay sa paglabas ng bagong kurikulum na nakasentro sa tahanan, at sinusuportahan ng Simbahan. Ang mga pagbabagong ito at ang iba pa ay sumusuporta sa ilang naunang inisyatibo ng Simbahan na pinasimulan noong mga nakaraang taon, na may layuning tulungan ang mga miyembro na ituon ang kanilang buhay nang mas lubusan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at palalimin ang pananampalataya sa Kanila. Kabilang sa mga inisyatibong ito ang pagtutuon sa mas makabuluhang pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan, paggalang sa Panginoon sa pamamagitan ng pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, at pangangalaga sa isa’t isa tulad ng gagawin ng Tagapagligtas at ayon sa patnubay ng Espiritu.
Dahil layunin nito na ihanda ang mga tao ng Panginoon sa Kanyang pagbabalik, ang mga pagbabagong ito ay naglalayong palalimin ang conversion o pagbabalik-loob ng indibiduwal, paliwanag ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, nang ilahad niya ang mga pagbabago sa sesyon sa Sabado ng umaga noong pangkalahatang kumperensya.
“Alam natin ang espirituwal na epekto at ang malalim at tumatagal na pagbabalik-loob na maaaring makamit sa loob ng tahanan … ,” sabi niya. “Ang layunin natin ay balansehin ang karanasan sa Simbahan at sa tahanan na higit na magpapalakas ng pananampalataya at espirituwalidad at magpapalalim ng pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo.”
Mga Pagbabago sa Tahanan
Ang mga lider ng Simbahan ay nag-aanyaya na mas pagtuunan ang pagpapaibayo sa pakikibahagi sa personal at pampamilyang espirituwal na gawain sa tahanan, kabilang ang pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan sa araw ng Linggo at sa buong linggo at mga pagbabago sa home evening.
Bilang silid-aralan at laboratoryo, ang tahanan ay mahalagang sentro ng pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo. Ang indibiduwal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya ng ebanghelyo sa tahanan sa araw ng Linggo at sa buong linggo ay naglalaan ng mga pagkakataon na makahanap ng lakas sa araw-araw at lalo pang magkaroon ng oras para sa personal na pag-aaral at paghahayag. Ang pagdepende lamang sa limitadong oras sa simbahan para sa pag-aaral ng ebanghelyo ay hindi balanse at malamang na hindi matamo ang kinakailangang malalim at tumatagal na pagbabalik-loob.
“Bawat isa sa atin ay responsable sa ating indibiduwal na espirituwal na paglago,” sabi ni Pangulong Nelson. “At malinaw na itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang mga magulang ang may pangunahing responsibilidad na ituro ang doktrina sa kanilang mga anak.”
Ang mga pagbabago ay kinapapalooban ng pagpapabatid sa bagong resource o materyal sa pag-aaral ng ebanghelyo para sa mga indibiduwal at pamilya sa tahanan. Maaaring gamitin ng mga indibiduwal at pamilya ang bagong Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, kung gusto nila, para magabayan sila sa pag-aaral ng ebanghelyo sa labas ng simbahan. Ang mga bagong materyal o resources ay mayroong companion resources para sa mga titser ng Sunday School at Primary para iparehas ang mga lesson sa Linggo sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa tahanan at mga mungkahi para sa home evening.
Bukod pa sa paghihikayat na pag-aralan ang ebanghelyo, muling inulit ng mga lider ng Simbahan ang kanilang paanyaya sa lahat na makibahagi sa araw ng Sabbath—at sa buong linggo—sa mga family council, home evening, gawain sa family history at sa templo, ministering, personal na pagsamba, at masayang pagsasama-sama ng pamilya.
Ang mga materyal na ipinadala sa mga miyembro at mga lider ay nagpapaliwanag na hinihikayat ng mga lider ng Simbahan ang miyembro na mag-home evening at mag-aral ng ebanghelyo sa araw ng Sabbath—o sa ibang mga oras na pinili ng mga indibiduwal at mga pamilya. Ang family activity night ay maaaring gawin tuwing Lunes o sa iba pang araw. Sa paggawa nito, dapat ipagpatuloy ng mga lider ang hindi pagdaraos ng mga miting at aktibidad sa Simbahan tuwing Lunes ng gabi. Gayunman, ang oras na ginugugol sa pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan, at mga aktibidad ng mga pamilya at indibiduwal ay gagawin ayon sa indibiduwal na mga sitwasyon.
Ang pagsamba sa Diyos sa simbahan, pakikibahagi sa mga sagradong ordenansa roon, at pagpupulong para turuan ang isa’t isa at palakasin at paglingkuran ang isa’t isa ay mahahalagang bahagi ng pagpapalalim ng pananampalataya at personal na pagbabalik-loob. Magiging produktibo ang pagbawas ng oras na ginugugol sa simbahan kung talagang gagawin ng mga indibiduwal at mga pamilya ang pagpapalakas ng kanilang mga tahanan.
Itinuro ni Pangulong Nelson: “Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, nasanay na tayo sa pag-iisip na ang ‘simbahan’ ay ang mga nangyayari sa ating mga kapilya, na sinusuportahan ng nangyayari sa ating tahanan. Kailangan natin ng pagbabago sa huwarang ito. Panahon na para sa isang Simbahan na nakasentro sa tahanan, na sinusuportahan ng mga nangyayari sa loob ng mga gusali ng ating branch, ward, at stake.”
Mga Pagbabago sa Simbahan
Ang mga pagbabago sa Simbahan ay nilayong suportahan ang ibayong pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo sa tahanan. Ang mga pagbabagong ito ay kinapapalooban ng pagbabago sa iskedyul ng araw ng Linggo:
-
60-minutong sacrament meeting,
-
10-minutong pagpunta sa klase,
-
At 50-minutong klase, tulad ng nakasaad sa sampol na iskedyul sa ibaba:
Iskedyul tuwing Linggo simula Enero 2019 | |||
60 minuto |
Sacrament meeting | ||
10 minuto |
Pagpunta sa mga klase | ||
50 minuto |
Mga klase para sa mga adult; mga klase para sa mga kabataan; Primary |
Kasama sa 50-minutong klase ang lingguhang Primary para sa mga bata at klase na magsasalit-salit bawat Linggo para sa mga kabataan at mga adult tulad ng sumusunod:
-
Una at ikatlong Linggo: Sunday School.
-
Ikalawa at ikaapat na Linggo: mga priesthood quorum, Relief Society, at Young Women.
-
Ikalimang Linggo: mga miting ng mga kabataan at adult sa ilalim ng pamumuno ng bishop.
Kung maraming bata sa Primary, paghiwalayin ang junior at senior Primary, dapat baliktarin ng mga lider ang sumusunod na iskedyul para sa kalahati ng mga bata at i-adjust ang oras kung kinakailangan.
Iskedyul ng Primary simula Enero 2019 | |
25 minuto |
Panalangin, banal na kasulatan o saligan ng pananampalataya, pagbibigay ng mensahe (5 minuto). Oras ng kantahan: Awiting sumusuporta sa mga banal na kasulatan na pinag-aralan sa klase (20 minuto) |
5 minuto |
Pagpunta sa mga klase |
20 minuto |
Mga Klase: lesson mula sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary |
Mga Pagbabago sa Kurikulum
Ang pagbabagong ito sa mga iskedyul ng miting ay kasabay ng pinakabagong nadagdag sa kurikulum ng Simbahan na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Simula sa Enero, pag-iisahin ng kurikulum na ito na nakatuon sa tahanan, at sinusuportahan ng Simbahan ang pag-aaralan ng mga adult, kabataan, at mga bata sa Sunday School at mga klase ng Primary, na mas magpapadali para sa mga pamilya na mag-aral nang magkakasama sa tahanan sa buong linggo.
Ang mga instruksyon, outline ng lesson, at mga resources o sanggunian ay matatagpuan sa:
-
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Elders Quorum at Relief Society, (matatagpuan sa Nobyembre 2018 Ensign at Liahona)
-
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Aaronic Priesthood Quorum
-
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Young Women
-
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Sunday School
-
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary
Bisitahin ang comefollowme.lds.org para sa karagdagang impormasyon.
Kabilang sa iba pang mahahalagang pagbabago ang mga sumusunod:
-
Ang mga council meeting para sa titser ay gaganapin tuwing ikatlong buwan sa halip na buwanan.
-
Hindi na kasama sa mga iskedyul ng Elders quorum at Relief Society lesson ang council meeting sa unang Linggo o espesyal na paksa para sa ikaapat na Linggo. Ang mga lesson ay magtutuon sa mga mensahe sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya.
-
Ang oras ng pagkanta ay ipapalit sa oras ng pagbabahagi. Ang Outline para sa Oras ng Pagbabahagi ay hindi na ipagpapatuloy.
-
Ang kursong Mga Alituntunin ng Ebanghelyo ay hindi na ipagpapatuloy. Lahat ng mga miyembro at mga kaibigan na interesado ay aanyayahan na dumalo sa adult o youth Sunday School class kung saan sila kabilang.
-
Opsiyonal na mga kurso—ang mga kursong para sa pagpapalakas ng pagsasama ng mag-asawa at pamilya, paghahanda para sa pagpasok sa templo, paghahanda ng missionary, at family history—ay hindi gaganapin sa oras ng klase sa araw ng Linggo. Ang mga kursong ito ay maaaring ituro sa ibang araw para sa mga indibiduwal, pamilya, o grupo batay sa pangangailangan sa lugar at sa pagpapasiya ng bishop.
Mga Layunin ng mga Pagbabagong Ito
Ang mga lider ng Simbahan ay naghahangad na makalikha ng bagong balanse at matibay na maiugnay ang kakaibang mga kalakasan ng tahanan at mga karanasan sa Simbahan nang may mga partikular na layunin sa isipan.
“Higit pa sa pagpapaikli ng iskedyul tuwing Linggo ang pagbabagong ito … ,” sabi ni Elder Cook. “Ang mga layunin at biyaya na kaakibat ng pagbabago na ito at iba pang mga pagbabago kamakailan ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
-
“Lumalalim na pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo at pagpapatatag ng pananampalataya sa Kanila.
-
“Pagpapatatag sa mga indibiduwal at pamilya sa pamamagitan ng kurikulum na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan na nag-aambag sa maligayang pamumuhay sa ebanghelyo.
-
“Paggalang sa araw ng Sabbath, nang nakatuon sa ordenansa ng sakramento.
-
“Pagtulong sa lahat ng anak ng Ama sa Langit sa magkabilang panig ng tabing sa pamamagitan ng gawaing misyonero at pagtanggap ng mga ordenansa at tipan at biyaya ng templo.”
Para sa pag-anunsiyo tungkol sa mga pagbabagong ito, tingnan sa Russell M. Nelson, “Pambungad na Mensahe,” sa pahina 6 ng magasin na ito; Quentin L. Cook, “Malalim at Tumatagal na Pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo,” sa pahina 8. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga pagbabagong ito, bisitahin ang sabbath.lds.org para makita ang isang liham mula sa Unang Panguluhan, mga sagot sa mga madalas itanong, at karagdagang resources na makatutulong sa mga indibiduwal at pamilya na igalang ang araw ng Sabbath.