2018
Sikapin, Sikapin, Sikapin
Nobyembre 2018


Sikapin, Sikapin, Sikapin

Inilalagay ng Tagapagligtas ang Kanyang pangalan sa inyong mga puso. At nadarama ninyo ang dalisay na pag-ibig ni Cristo para sa iba at sa inyong sarili.

Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat ako sa pagkakataong magsalita sa inyo. Ang kumperensyang ito ay nagpasigla at nagpalakas sa akin. Ang musikang inawit at mga salitang sinambit ay dinala ng Espiritu Santo sa ating puso. Dalangin ko na maiparating sa inyo ng Espiritu ring iyon ang sasabihin ko.

Maraming taon na ang nakalipas, naging unang tagapayo ako sa district president sa silangang Estados Unidos. Hindi lang minsan, habang papunta kami sa aming maliit na mga branch, na sinabi niya sa akin, “Hal, kapag may tao kang kausap, isipin mo na parang may matindi siyang problema, at kadalasan ay magiging tama ka.” Hindi lang siya tama, ngunit nalaman ko sa nakaraang mga taon na masyadong mababa ang kanyang kalkulasyon. Ngayon, nais kong palakasin ang loob ninyo sa mga problemang kinakaharap ninyo.

Nilayon ng ating mapagmahal na Diyos na ang ating mortal na buhay ay maging pagsubok at pagmulan ng pag-unlad ng bawat isa sa atin. Alalahanin ang mga salita ng Diyos hinggil sa Kanyang mga anak sa Paglikha ng daigdig: “At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos”1

Noon pa man, ang mga pagsubok ay hindi naging madali. Dumaranas tayo ng mga pagsubok sa pagkakaroon ng mortal na katawan. Tayong lahat ay nabubuhay sa mundo kung saan lalo pang tumitindi ang pakikidigma ni Satanas laban sa katotohanan at laban sa ating personal na kaligayahan. Ang mundo at ang buhay ninyo ay tila lalo pang gumugulo para sa inyo.

Ito ang tinitiyak ko: ang mapagmahal na Diyos na nagtutulot na maranasan ninyo ang mga pagsubok na ito ay naglaan din ng tiyak na paraan para makayanan ninyo ang mga ito. Lubos na minamahal ng Ama sa Langit ang sanlibutan kaya isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak upang matulungan tayo.2 Ibinigay ng Kanyang Anak na si Jesucristo ang Kanyang buhay para sa atin. Pinagdusahan ni Jesucristo sa Getsemani at sa krus ang bigat ng lahat ng ating mga kasalanan. Naranasan Niya ang lahat ng kalungkutan, pasakit, at mga epekto ng ating mga kasalanan upang mapanatag at mapalakas Niya tayo sa lahat ng pagsubok sa buhay.3

Alalahanin na sinabi ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod:

“Ang Ama at ako ay isa. Ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin; at yayamang inyong tinanggap ako, kayo ay nasa akin at ako ay nasa inyo.

“Samakatwid, ako ay nasa inyong gitna, at ako ang mabuting pastol, at ang bato ng Israel. Siya na nakatayo sa ibabaw ng batong ito ay hindi kailanman babagsak.”4

Ang ating propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, ay nagbigay din ng gayong katiyakan. Bukod pa rito, inilarawan niya ang isang paraan na makatatayo tayo sa ibabaw ng batong iyon at mailagay sa ating puso ang pangalan ng Panginoon na gagabay sa pagharap natin sa mga pagsubok.

Sinabi niya: “Maaaring pansamantalang panghinaan kayo ng loob, alalahanin, ang buhay ay hindi madali. Kinakailangang maranasan ang mga pagsubok at matiis ang mga pighati. Alalahanin na ‘walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan’ (Lucas 1:37), alam ninyong Siya ang inyong Ama. Kayo ay mga anak na lalaki o babae na nilikha ayon sa Kanyang larawan, at dahil sa inyong pagiging karapat-dapat ay tatanggap kayo ng paghahayag na tutulong sa inyong matwid na pagsisikap. Maaari ninyong taglayin ang banal na pangalan ng Panginoon. Maaaring maging karapat-dapat kayo na magsalita sa sagradong pangalan ng Diyos (tingnan sa D at T 1:20).”5

Ang mga salita ni Pangulong Nelson ay nagpapaalala sa atin ng pangakong matatagpuan sa panalangin sa sakramento, isang pangako na tinutupad ng ating Ama sa Langit kapag tinutupad rin natin ang ipinangako natin.

Pakinggan ang mga salita: “O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, kami ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang tinapay na ito sa mga kaluluwa ng lahat nila na kakain nito, nang sila ay makakain bilang pag-alaala sa katawan ng inyong Anak, at patunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila; nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila. Amen.”6

Tuwing sinasambit natin ang salitang amen kapag iniaalay ang panalanging iyan para sa atin, nangangako tayo na sa pagtanggap ng tinapay ay pumapayag tayo na taglayin sa ating sarili ang banal na pangalan ni Jesucristo, lagi Siyang alalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan. At ipinangako naman sa atin na mapapasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin. Dahil sa mga pangakong ito, ang Tagapagligtas ang bato na matatayuan natin nang ligtas at walang takot sa lahat ng unos na makakaharap natin.

Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng tipan at ang kalakip na mga pagpapala na ipinangako, inisip ko kung ano ang kahulugan ng pumapayag na taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo.

Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Napakahalaga na kapag tumatanggap tayo ng sakramento hindi natin pinatutunayan na tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Ipinapakita natin na pumapayag tayo na gawin ito. (Tingnan sa D at T 20:77.) Ang katotohanan na pinatutunayan lang natin na pumapayag tayo ay nagpapahiwatig na may iba pang bagay na dapat gawin bago natin talaga taglayin sa ating sarili ang sagradong pangalang iyon ayon sa pinakamahalagang kahulugan nito.”7

Ang pahayag na tayo ay “pumapayag na taglayin sa [ating] sarili” ang Kanyang pangalan ay nagsasabi sa atin na bagama’t tinaglay natin ang pangalan ng Tagapagligtas nang binyagan tayo, ang pagtataglay ng Kanyang pangalan ay hindi natatapos sa binyag. Kinakailangang patuloy tayong magsikap na taglayin ang Kanyang pangalan sa buong buhay natin, pati sa pagpapanibago ng ating mga tipan sa oras ng sakramento at gumawa ng mga tipan sa mga banal na templo ng Panginoon.

Kaya ang dalawang mahalagang tanong sa bawat isa sa atin ay “Ano ang dapat kong gawin para taglayin ko sa aking sarili ang Kanyang pangalan?” at “Paano ko malalaman kung umuunlad ako?”

Ang pahayag ni Pangulong Nelson ay nagmumungkahi ng isang sagot na makatutulong. Sinabi niya na maaari nating taglayin sa ating sarili ang pangalan ng Tagapagligtas at magsalita para sa Kanya. Kapag nagsasalita tayo para sa Kanya, naglilingkod tayo sa Kanya. “Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?”8

Ang pagsasalita para sa Kanya ay nangangailangan ng dasal ng pananampalataya. Kinakailangan ang taimtim na panalangin sa Ama sa Langit upang malaman kung anong mga salita ang sasambitin natin para matulungan ang Tagapagligtas sa Kanyang gawain. Dapat maging karapat-dapat tayo sa pangako: “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”9

Gayunpaman, higit pa sa pagsasalita para sa Kanya ang kinakailangang gawin para taglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan. Mayroong mga damdamin sa ating puso na dapat maging karapat-dapat bilang Kanyang mga tagapaglingkod.

Inilarawan ng propetang si Mormon ang mga damdaming magpapamarapat sa atin na taglayin sa ating sarili ang Kanyang pangalan. Kabilang sa mga damdaming ito ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao, na siyang dalisay na pag-ibig ni Cristo.

Ipinaliwanag ni Mormon:

“Sapagkat hinahatulan ko kayo na kayo ay may pananampalataya kay Cristo dahil sa inyong kababaang-loob; sapagkat kung wala kayong pananampalataya sa kanya, kung gayon, hindi kayo karapat-dapat na mabilang sa mga tao ng kanyang simbahan.

“At muli, mga minamahal kong kapatid, ako ay mangungusap sa inyo hinggil sa pag-asa. Paanong kayo ay makaaabot sa pananampalataya, maliban kung kayo ay magkakaroon ng pag-asa?

“At ano ito na inyong aasahan? Masdan, sinasabi ko sa inyo na kayo ay magkakaroon ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa inyong pananampalataya sa kanya alinsunod sa pangako.

“Kaya nga, kung ang isang tao ay may pananampalataya siya ay kinakailangang magkaroon ng pag-asa; sapagkat kung walang pananampalataya ay hindi magkakaroon ng kahit na anong pag-asa.

“At muli, masdan, sinasabi ko sa inyo, na hindi siya maaaring magkaroon ng pananampalataya at pag-asa, maliban kung siya ay maging maamo at may mapagpakumbabang puso.

“Kung sakali man, ang kanyang pananampalataya at pag-asa ay walang saysay, sapagkat walang isa mang katanggap-tanggap sa Diyos, maliban sa mababang-loob at may mapagpakumbabang puso; at kung ang isang tao ay maamo at may mapagpakumbabang puso, at kinikilala sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo, kailangang magkaroon siya ng pag-ibig sa kapwa-tao; sapagkat kung wala siyang pag-ibig sa kapwa-tao ay wala siyang kabuluhan; anupa’t kailangan niyang magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao.”

Pagkatapos ilarawan ang pag-ibig sa kapwa-tao, nagpatuloy si Mormon sa pagsasabing:

“Datapwat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya.

“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay. Amen.”10

Pinatototohanan ko na inilalagay ng Tagapagligtas ang Kanyang pangalan sa inyong puso. Para sa marami sa inyo, lumalakas ang inyong pananampalataya sa Kanya. Nakadarama kayo ng higit na pag-asa at positibo ang inyong pananaw. At nadarama ninyo ang dalisay na pag-ibig ni Cristo para sa iba at sa inyong sarili.

Nakikita ko ito sa mga missionary na naglilingkod sa iba’t ibang dako ng mundo. Nakikita ko ito sa mga miyembro na nagkukuwento sa kanilang mga kaibigan at kapamilya ng tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Naglilingkod ang kalalakihan, kababaihan, kabataan, at pati na rin ang mga bata dahil sa pagmamahal nila sa Tagapagligtas at sa kanilang kapwa.

Sa unang balita tungkol sa mga pinsala sa iba’t ibang dako ng mundo, nagpaplano ang mga miyembro na tumulong, kung minsan sa kabilang ibayo ng mga karagatan, nang hindi hinihingan na gawin ito. Kung minsan ay naiinip sila sa paghihintay na mapuntahan ang mga napinsalang lugar.

Natatanto ko na nadarama ng ilan sa nakikinig sa inyo ngayon na ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nadaraig ng inyong mga problema. At nais ninyong makadama ng pagmamahal.

Mga kapatid, ang Panginoon ay may inilaang mga oportunidad na malapit sa inyo upang madama at maibahagi ninyo ang Kanyang pagmamahal. Makapagdarasal kayo nang may pagtitiwala na aakayin kayo ng Panginoon na mahalin ang isang tao para sa Kanya. Sinasagot Niya ang mga panalangin ng mga mapagkumbabang boluntaryong tulad ninyo. Madarama ninyo ang pagmamahal ng Diyos para inyo at para sa taong pinaglilingkuran ninyo para sa Kanya. Kapag tinulungan ninyo ang mga anak ng Diyos sa kanilang mga problema, magiging magaan ang inyong sariling problema. Ang inyong pananampalataya at pag-asa ay mapapalakas.

Saksi ako sa katotohanang iyan. Sa buong buhay ng aking asawa, siya ay nagsalita para sa Panginoon at naglingkod sa mga tao para sa Kanya. Nabanggit ko na noon, na isa sa mga bishop namin ang nagsabing: “Talagang namangha ako. Sa tuwing mababalitan ko na may isang taong nangangailangan, nagmamadali ako sa pagpunta roon para tumulong. Subalit pagdating ko roon, tila laging nauuna na roon ang iyong asawa.” Totoo iyan sa lahat ng lugar na tinirhan namin sa loob ng 56 na taon.

Ngayon iilang salita na lamang ang nabibigkas niya kada araw. Dinadalaw siya ng mga taong minahal niya para sa Panginoon. Tuwing umaga at gabi kinakantahan ko siya ng mga himno at nagdarasal kami. Ako ang nagdarasal at kumakanta. Kung minsan nakikita kong sinasambit niya nang walang tunog ang mga titik ng mga himno. Mas gusto niya ang mga awiting pambata. Ang hangaring tila pinakagusto niya ay ibinuod sa awiting “Sinisikap Kong Tularan si Jesus.”11

Noong isang araw, pagkatapos kantahin ang koro na: “Magmahal ka nang tulad ni Jesus. Ang kabutiha’y ‘pakitang lubos,” mahina ngunit malinaw niyang sinabi, “Sikapin, sikapin, sikapin.” Sa palagay ko malalaman niya, kapag nakita niya Siya, na inilagay ng ating Tagapagligtas ang Kanyang pangalan sa kanyang puso at siya ay naging katulad Niya. Tinutulungan siya ng Tagapagligtas sa kanyang mga paghihirap ngayon, tulad rin ninyo na tutulungan Niya.

Pinatototohanan ko na kilala at mahal kayo ng Tagapagligtas. Alam Niya ang inyong pangalan tulad ng alam ninyo ang Kanyang pangalan. Alam Niya ang inyong mga problema. Naranasan na Niya ang mga ito. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, nadaig Niya ang sanlibutan. Sa pagpayag ninyong taglayin sa inyong sarili ang Kanyang pangalan, mapapagaan ninyo ang mga pasanin ng marami pang tao. At balang-araw ay malalaman ninyo na mas kilala ninyo ang Tagapagligtas at mas mahal ninyo Siya. Ang Kanyang pangalan ay mapapasapuso ninyo at mananatili sa inyong isipan. Ito ang pangalan kung saan kayo tatawagin. Pinatototohanan ko ito, nang may pasasalamat sa Kanyang kabutihan sa akin, sa mga mahal ko sa buhay, at sa inyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.