2018
Elder Brook P. Hales
Nobyembre 2018


Elder Brook P. Hales

General Authority Seventy

Noong walo o siyam na taong gulang si Elder Brook P. Hales, naroon siya sa isang pulong ng ayuno at patotoo kung saan nangungulo ang kanyang ama bilang bishop. Inanyayahan ng kanyang ama ang kongregasyon na magpatotoo, at halos lahat ng naroon ay nagpatotoo. “Iyon marahil ang unang pagkakataon na nadama ko ang Espiritu na nagpapatotoo sa akin tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo,” paggunita ni Elder Hales.

Nadama niya ang pagpapatotoong iyon nang maraming beses mula noon, lalo na habang naglilingkod bilang secretary sa Unang Panguluhan simula noong 2008. Nang sang-ayunan si Pangulong Thomas S. Monson bilang propeta at Pangulo ng Simbahan, at muli noong sang-ayunan si Pangulong Russell M. Nelson, nasaksihan niya “ang balabal ng propeta na naipasa sa bawat isa sa mga lalaking ito, at alam ko nang walang pag-aalinlangan na sila ay pinili at tinawag na Pangulo ng Simbahan para sa kanilang partikular na panahon.”

Si Elder Hales ay tinawag bilang General Authority Seventy noong Mayo 17, 2018, at sinang-ayunan noong Oktubre 6, 2018. Siya pa rin ang secretary sa Unang Panguluhan.

Isinilang sa Ogden, Utah, USA, noong Abril 7, 1956, kina Klea at Glenn Phillip Hales, si Elder Hales ay nagtapos ng banking and finance degree sa Weber State College (ngayon ay Weber State University) noong 1980. Pagkatapos ng kolehiyo, nagtrabaho siya sa mga commercial bank operation at sa Finance and Records Division ng Simbahan. Pinakasalan niya si Denise Imlay Hales noong 1981, at sila ay mayroong apat na anak. Si Elder Hales ay naglingkod bilang full-time missionary sa France Paris Mission, counselor sa bishopric, high priests group leader, bishop, stake president, priesthood organist, Sunday School teacher, at temple sealer.

Noong araw na iyon noong bata pa siya, hindi nagpatotoo si Elder Hales. Ngunit lumakas nang lumakas ang kanyang patotoo mula noon. “Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ang Aklat ni Mormon ay totoo, lubos tayong mahal ng Diyos at ninanais na pagpalain tayo, si Jesus ang ating Tagapagligtas at mapalad tayo na lagi nating nakakasama ang Espiritu Santo kapag karapat-dapat tayo rito,” sabi niya.