2018
Ang Kababaihan at ang Pag-aaral ng Ebanghelyo sa Tahanan
Nobyembre 2018


Ang Kababaihan at ang Pag-aaral ng Ebanghelyo sa Tahanan

Ang Tagapagligtas ang inyong perpektong halimbawa kung paano kayo lubos na makakatulong sa Kanyang layunin na mas bigyang-diin ang pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan.

Mahal kong mga kapatid, nagagalak akong makasama kayo. Kapana-panabik ang panahong ito sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagbubuhos ng kaalaman ang Panginoon sa Kanyang Simbahan tulad ng ipinangako Niyang gawin.

Maaalala ninyo ang sinabi Niya: “Hanggang kailan mananatiling marumi ang mga umaagos na tubig? Anong kapangyarihan ang pipigil sa kalangitan? Gayon din maaaring iunat ng tao ang kanyang maliit na bisig upang pigilin ang ilog ng Missouri sa kanyang nakatalagang daan, o ibaling ang daloy nitong paitaas, upang hadlangan ang Pinakamakapangyarihan sa pagbubuhos ng kaalaman mula sa langit sa mga ulo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”1

May bahagi ang kasalukuyang pagbibigay ng kaalaman ng Panginoon na nauugnay sa pagpapaibayo ng pagbubuhos Niya ng walang-hanggang katotohanan sa puso’t isipan ng Kanyang mga tao. Niliwanag Niya na ang mga anak na babae ng Ama sa Langit ay may pangunahing tungkulin sa mahimalang pagpapaibayong iyon. Ang isang katibayan ng himala ay nang gabayan Niya ang Kanyang buhay na propeta na mas bigyang-diin ang pagtuturo ng ebanghelyo sa tahanan at sa pamilya.

Maitatanong ninyo, “Paano niyan ginagawang pangunahing lakas ang matatapat na kababaihan sa pagtulong sa Panginoon na magbuhos ng kaalaman sa Kanyang mga Banal?” Ibinigay ng Panginoon ang sagot sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Maaalala ninyo ang mga salita, ngunit maaaring may makita kayong bagong kahulugan at matukoy ninyo na nakinita ng Panginoon ang kapana-panabik na mga pagbabagong ito, na nangyayari ngayon. Sa paghahayag, inutusan Niya ang kababaihan na maging pangunahing tagapagturo ng ebanghelyo sa pamilya sa mga salitang ito: “Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga sa kanilang mga anak.”2 Kabilang dito ang pag-aaruga ng katotohanan at kaalaman tungkol sa ebanghelyo.

Sabi pa sa paghahayag: “Ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.”3 Pantay sila sa kanilang pananagutan, pantay sa potensyal na espirituwal na lumago at magtamo ng kaalaman, kaya nga nagkakaisa sila sa pamamagitan ng pagtutulungan. Pantay sila sa kanilang banal na tadhana na magkasamang dakilain. Sa katunayan, hindi dadakilain ang kalalakihan at kababaihan nang nag-iisa.

Kung gayon, bakit ang isang anak na babae ng Diyos sa isang nagkakaisa at pantay na ugnayan ang tumatanggap ng pangunahing responsibilidad na mag-aruga na may pinakamahalagang sangkap na kailangang matanggap ng lahat, ang kaalaman tungkol sa katotohanan na nagmumula sa langit? Sa pagkaunawa ko, iyan na ang paraan ng Panginoon noon pa mang likhain ang mga pamilya sa mundong ito.

Halimbawa, si Eva ang nakaalam na kailangan ni Adan na kumain ng bunga ng punungkahoy ng kaalaman para masunod nila ang lahat ng utos ng Diyos at makabuo sila ng pamilya. Hindi ko alam kung bakit si Eva ang unang nakaalam niyon, ngunit ganap na nagkakaisa sina Adan at Eva nang ibuhos ang kaalamang ito kay Adan.

Ang isa pang halimbawa ng paggamit ng Panginoon ng mga kaloob ng kababaihan na mag-aruga ay ang paraan ng pagpapalakas Niya sa mga anak na lalaki ni Helaman. Naiiyak ako kapag binabasa ko ang kuwento at naaalala ko ang nakapapanatag na mga salita ni Inay nang umalis ako para magserbisyo sa militar.

Itinala ni Helaman:

“Sila ay tinuruan ng kanilang mga ina, na kung hindi sila mag-aalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos.

“At inilahad nila sa akin ang mga salita ng kanilang mga ina, sinasabing: Hindi kami nag-aalinlangan, nalalaman ito ng aming mga ina.”4

Kahit hindi ko alam ang lahat ng dahilan ng Panginoon sa pagbibigay sa matatapat na kababaihan ng Simbahan ng pangunahing responsibilidad na mag-aruga sa pamilya, naniniwala ako na may kinalaman ito sa kakayahan ninyong magmahal. Kailangan ang malaking pagmamahal para madama ang mga pangangailangan ng ibang tao nang higit kaysa sa sarili ninyo. Iyan ang dalisay na pag-ibig ni Cristo para sa taong inyong inaaruga. Ang pagmamahal na iyon sa kapwa ay nagmumula sa taong napiling maging tagapag-aruga matapos maging marapat sa mga bunga ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang motto ng Relief Society, na ipinamuhay ng aking ina, para sa akin ay tila inspirado: “Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man.”

Bilang mga anak na babae ng Diyos, likas at malaki ang inyong kakayahan na madama ang mga pangangailangan ng iba at magmahal. Dahil diyan, mas sensitibo kayo sa mga bulong ng Espiritu. Sa gayon ay magagabayan ng Espiritu ang inyong iniisip, sinasabi, at ginagawa para maaruga ang mga tao upang maibuhos sa kanila ng Panginoon ang kaalaman, katotohanan, at katapangan.

Kayong kababaihan na nakaririnig ng aking tinig ay nasa kanya-kanyang natatanging lugar sa inyong paglalakbay sa buhay. Ang ilan sa inyo ay mga dalagita na ngayon lang nakadalo sa pangkalahatang sesyon ng kababaihan. Ang ilan ay mga dalaga na naghahandang maging tagapag-aruga na nais ng Diyos na kahinatnan nila. Ang ilan ay mga bagong kasal na wala pang anak; ang iba ay mga bata pang ina na may isa o mahigit pang anak. Ang ilan ay mga ina ng mga tinedyer at ang iba naman ay may mga anak sa misyon. Ang ilan ay may mga anak na humina ang pananampalataya at malayo sa tahanan. Ang ilan ay mag-isang namumuhay at walang tapat na kasama. Ang ilan ay mga lola.

Subalit, anuman ang inyong personal na kalagayan, kayo ay bahagi—mahalagang bahagi—ng pamilya ng Diyos at ng sarili ninyong pamilya, sa hinaharap man, sa mundong ito, o sa daigdig ng mga espiritu. Ang responsibilidad ninyo sa Diyos ay arugain ang marami sa Kanya at sa inyong mga kapamilya hangga’t kaya ninyo nang may pagmamahal at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.

Ang karaniwang hamon sa inyo ay alamin kung sino ang aarugain, paano, at kailan. Kailangan ninyo ang tulong ng Panginoon. Alam Niya ang nasa puso ng iba, at alam Niya kung kailan sila handang tumanggap ng inyong pag-aaruga. Ang inyong panalangin nang may pananampalataya ang magiging susi sa inyong tagumpay. Makakaasa kayong tumanggap ng Kanyang patnubay.

Ibinigay Niya ang panghihikayat na ito: “Humingi sa Ama sa aking pangalan, nang may pananampalataya na naniniwalang kayo ay makatatanggap, at mapapasainyo ang Espiritu Santo, na nagpapahayag ng lahat ng bagay na kinakailangan ng mga anak ng tao.”5

Bukod sa panalangin, ang seryosong pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay magiging bahagi ng pag-ibayo ng inyong kakayahang mag-aruga. Narito ang pangako: “Ni huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin; kundi papagyamanin sa inyong mga isipan tuwina ang mga salita ng buhay, at ibibigay ito sa inyo sa oras na iyon yaong bahagi na nararapat ipagkaloob sa bawat tao.”6

Kaya mas tatagalan ninyo ang pagdarasal, pagninilay, at pagbubulay tungkol sa mga espirituwal na bagay. Magkakaroon kayo ng kaalaman tungkol sa katotohanang ibinuhos sa inyo at mag-iibayo ang inyong kakayahang arugain ang iba sa inyong pamilya.

Magkakaroon ng mga pagkakataon na pakiramdam ninyo ay mabagal kayong matuto kung paano mas mainam na mag-aruga. Kailangan ng pananampalataya para makatagal. Ipinadala sa inyo ng Tagapagligtasang paghihikayat na ito:

“Dahil dito, huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila.

“Masdan, hinihingi ng Panginoon ang puso at may pagkukusang isipan; at ang may pagkukusa at ang masunurin ay kakainin ang taba ng lupain ng Sion sa mga huling araw na ito.”7

Ang pagdalo ninyo ngayong gabi ay katibayan na handa kayong tanggapin ang paanyaya ng Panginoon na arugain ang iba. Totoo iyan maging sa pinakabatang narito. Malalaman ninyo kung sino ang aarugain sa inyong pamilya. Kung magdarasal kayo nang may tunay na layunin, may maiisip kayong isang pangalan o mukha. Kung ipagdarasal ninyong malaman kung ano ang gagawin o sasabihin, mararamdaman ninyo ang sagot. Tuwing sumusunod kayo, mag-iibayo ang kakayahan ninyong mag-aruga. Paghahandaan ninyo ang araw na aarugain ninyo ang sarili ninyong mga anak.

Maaaring ipagdasal ng mga ina ng mga tinedyer kung paano mag-aruga ng isang anak na lalaki o babae na tila hindi tumutugon sa pag-aaruga. Maaari ninyong ipagdasal na malaman kung sino ang maaaring may espirituwal na impluwensya sa mga pangangailangan ng inyong anak at tatanggapin ito. Pinakikinggan at sinasagot ng Diyos ang gayong taos-pusong mga dalangin ng nag-aalalang mga ina, at nagpapadala Siya ng tulong.

Gayundin, maaaring may isang lola rito ngayon na namimighati dahil sa mga hirap at alalahanin ng kanyang mga anak at apo. Maaari kayong kumuha ng tapang at patnubay mula sa mga karanasan ng mga pamilya sa mga banal na kasulatan.

Mula noong panahon nina Adan at Eva, hanggang kay Amang Israel, at hanggang sa bawat pamilya sa Aklat ni Mormon, may isang tiyak na aral kung ano ang gagawin tungkol sa mga kalungkutan sa mga anak na hindi tumutugon: huwag huminto sa pagmamahal.

Nariyan ang nakahihikayat na halimbawa ng Tagapagligtas nang alagaan Niya ang mapanghimagsik na mga espiritung anak ng Kanyang Ama sa Langit. Kahit nagdudulot sila at tayo ng pasakit, nakaunat pa rin ang kamay ng Tagapagligtas.8 Binanggit niya sa 3 Nephi ang Kanyang mga kapatid sa espiritu na pinagsikapan Niyang arugain ngunit hindi Siya nagtagumpay: “O kayong mga tao … na kabilang sa sambahayan ni Israel, kaydalas ko kayong tinipon tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at inalagaan kayo.”9

Sa kababaihan sa bawat yugto ng paglalakbay sa buhay, sa bawat sitwasyon ng pamilya, at lahat ng kultura, ang Tagapagligtas ang inyong perpektong halimbawa kung paano kayo lubos na makakatulong sa Kanyang layunin na mas bigyang-diin ang pag-aaral ng ebanghelyo sa tahanan.

Ipadarama ninyo ang likas na pagmamahal ninyo sa kapwa sa mga pagbabago sa mga aktibidad at gawi ng inyong pamilya. Lalong magpapalago iyan ng espirituwalidad. Kapag nagdarasal kayo ng inyong pamilya o ipinagdarasal ninyo sila, madarama ninyo ang pagmamahal ninyo at ng Tagapagligtas para sa kanila. Lalo itong magiging espirituwal na kaloob ninyo kapag hinangad ninyo ito. Madarama ito ng inyong mga kapamilya kapag nagdasal kayo nang may higit na pananampalataya.

Kapag nagtipon ang pamilya para magbasa nang malakas ng mga banal na kasulatan, nabasa at naipagdasal na ninyo ang mga ito para ihanda ang inyong sarili. Nakasumpong na kayo ng mga sandali para ipagdasal na liwanagin ng Espiritu ang inyong isipan. Sa gayon, kapag kayo na ang magbabasa, madarama ng inyong mga kapamilya na mahal ninyo ang Diyos at ang Kanyang salita. Sila ay aarugain Niya at ng Kanyang Espiritu.

Madarama rin iyon sa alinmang pagtitipon ng pamilya kung ipagdarasal at paplanuhin ninyo ito. Maaaring kailanganin ang pagsisikap at panahon, ngunit maghahatid ito ng mga himala. Naaalala ko ang itinuro sa akin ng aking ina noong maliit pa ako. Malinaw pa sa isipan ko ang kinulayan niyang mapa ng mga lugar na nilakbay ni Apostol Pablo. Inisip ko kung paano siya nagkaroon ng oras at lakas para gawin iyon. At hanggang ngayon ay pinagpapapala ako ng kanyang pagmamahal para sa matapat na Apostol na iyon.

Makakahanap ang bawat isa sa inyo ng mga paraan para makatulong sa pagbabahagi ng katotohanan sa inyong mga pamilya sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Bawat isa sa inyo ay ipagdarasal, pag-aaralan, at pagninilayan na malaman kung ano ang natatanging maiaambag ninyo. Ngunit ito ang alam ko: bawat isa sa inyo, na pantay na kaagapay ng mga anak na lalaki ng Diyos, ay magiging pinakamahalagang bahagi ng himala ng pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo na magpapabilis sa pagtitipon ng Israel at maghahanda sa pamilya ng Diyos para sa maluwalhating pagbalik ng Panginoong Jesucristo. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.