2018
Mga Tampok sa Ika-188 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya
Nobyembre 2018


Mga Tampok sa Ika-188 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya

Muling nag-anunsyo ng malalaking pagbabago sa pangkalahatang kumperensya. Bagama’t ang mga inanunsyo ay naiiba sa pagkakataong ito, ang mga layunin ng mga ito ay gayon pa rin: Nadama ng propeta ng Diyos ang pangangailangang ihanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon at inaanyayahan tayo na palakasin ang ating pananampalataya sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Narito ang ilan sa mahahalagang paanyaya at pangako na binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson sa kumperensya.

Gawing Higit na Banal ang Tahanan

Sa kanyang pambungad na mensahe, ipinabatid ni Pangulong Nelson na kinakailangang gumawa tayo ng mga pagbabago sa ating buhay para maging sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang ating mga tahanan. “Panahon na para sa isang Simbahan na nakasentro sa tahanan, na sinusuportahan ng mga nangyayari sa loob ng mga gusali ng ating mga branch, ward, at stake.”

  • Basahin ang tungkol sa mga iminungkahing pagbabago sa tahanan at mga pagbabago sa simbahan na sumusuporta sa mga ito (tingnan sa pahina 8).

  • Alamin ang karagdagang impormasyon sa “Ang mga Pagbabago ay Tumutulong na Ibalanse ang Pagtuturo ng Ebanghelyo sa Tahanan at sa Simbahan” (pahina 117).

“Talikdan ang Mundo”

Inanyayahan ni Pangulong Nelson ang mga sister sa pangkalahatang sesyon ng kababaihan na makibahagi sa “pinakadakilang gawain sa mundo ngayon!” Ipinangako niya, “Magagawa natin nang sama-sama ang lahat ng kailangang ipagawa sa atin ng ating Ama sa Langit upang maihanda ang mundo sa Ikalawang Pagparito [ni Jesucristo].”

  • Basahin ang apat na paanyaya ni Pangulong Nelson sa kababaihan (tingnan sa pahina 68).

“Ipanumbalik ang Tamang Pangalan ng Simbahan ng Panginoon”

Nanawagan si Pangulong Nelson sa mga miyembro na tawagin ang Simbahan ng Tagapagligtas sa pangalang ibinigay dito ng Tagapagligtas. “Ipinapangako ko na kung gagawin natin ang lahat para ipanumbalik ang tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon, ibubuhos Niya na nagmamay-ari ng Simbahang ito ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw, sa mga paraang hindi pa natin nakita kailanman.”

  • Basahin ang tagubilin ni Pangulong Nelson tungkol sa pangalan ng Simbahan (tingnan sa pahina 87).

“[Pumunta] sa Kanyang Banal na Bahay”

Tinapos ni Pangulong Nelson ang kumperensya sa pag-aanunsyo ng 12 bagong templo at sa paanyayang “regular na [pumunta] sa Kanyang banal na bahay.” Sinabi niya, “Ipinapangako ko sa inyo na ibibigay ng Panginoon ang mga himala na alam Niyang kailangan ninyo habang nagsasakripisyo kayo upang makapaglingkod at makasamba sa Kanyang mga templo.”

  • Alamin kung saan itatayo ang inanunsyong mga templo (tingnan sa mga pahina 113, 116).