Itaas Mo ang Iyong Ulo at Magsaya
Sa pagharap natin sa mahihirap na bagay sa paraan ng Panginoon, nawa’y itaas natin ang ating mga ulo at magsaya.
Noong 1981, ang aking ama, dalawang malapit na kaibigan, at ako ay pumunta sa Alaska para sa isang pambihirang adventure. Lalapag kami sa isang liblib na taal at aakyat sa isang magandang lalawigan. Upang mabawasan ang bigat ng mga gamit na dadalhin namin, inilagay namin ang aming mga kagamitan sa mga kahon, ibinalot ang mga ito ng foam, nagkabit ng makukulay at mahahabang papel, at ihinagis ang mga ito palabas ng aming eroplano patungo sa aming destinasyon.
Nang lumapag kami, naghanap kami nang naghanap, ngunit laking panlulumo namin dahil wala kaming nakita na kahit isa sa mga kahon. Sa huli ay nahanap namin ang isa. Naglalaman ito ng isang maliit na gasera, isang trapal, iilang kendi, at dalawang pakete ng Hamburger Helper—na walang hamburger. Wala kaming paraan na makipag-usap sa kahit kanino at ang naka-iskedyul na pagsundo sa amin ay sa susunod na linggo pa.
Natutuhan ko ang dalawang mahalagang aral mula sa karanasang ito: Una, huwag itapon ang inyong pagkain sa labas ng bintana. Pangalawa, kung minsan kailangan nating harapin ang mahihirap na bagay.
Kadalasan, ang una nating reaksiyon sa mahihirap na bagay ay “Bakit ako?” Ang pagtatanong ng bakit, gayunman, ay hindi kailanman nag-aalis ng mahirap na bagay. Hinihingi ng Panginoon na mapagtagumpayan natin ang mga pagsubok, at sinabi Niya na “ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa [atin] ng karanasan, at para sa [ating] ikabubuti.”1
Kung minsan, hinihingi sa atin ng Panginoon na gumawa ng isang mahirap na bagay, at kung minsan ang ating mga pagsubok ay dahil sa paggamit natin o ng ibang tao ng karapatang pumili. Naranasan ni Nephi ang parehong sitwasyon na ito. Nang inanyayahan ni Lehi ang kanyang mga anak na lalaki na bumalik at kunin ang mga lamina mula kay Laban, sinabi niya, “Masdan, ang iyong mga kapatid ay bumubulung-bulong, sinasabing isang mahirap na bagay ang aking hinihingi sa kanila; subalit masdan, hindi ako ang humihingi sa kanila, kundi ito ay isang kautusan ng Panginoon.”2 Sa isa pang pagkakataon, ginamit ng mga kapatid ni Nephi ang kanilang kalayaang pumili upang limitahan ang kalayaan niya: “Pinagbuhatan nila ako ng kanilang mga kamay, sapagkat masdan, sila ay lubhang nagalit, at kanila akong iginapos ng mga lubid, sapagkat kanilang hinangad na kitlin ang aking buhay.”3
Hinarap ni Joseph Smith ang isang mahirap na bagay sa Liberty Jail. Nang walang makitang saklolo at sa kawalan ng pag-asa, humiyaw si Joseph, “O Diyos, nasaan kayo?”4 Walang duda na ang ilan sa atin ay naramdaman ang naramdaman ni Joseph.
Lahat ay humaharap sa mahihirap na bagay: pagkamatay ng isang mahal sa buhay, diborsiyo, anak na naliligaw ng landas, sakit, pagsubok sa pananampalataya, kawalan ng trabaho, o iba pang kahirapan.
Nabago ako nang lubusan nang marinig ko ang mga salitang ito mula kay Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawa na sinabi niya noong nagkasakit siya ng leukemia. Sabi niya, “Nag-iisip ako nang malalim noon nang pumasok sa isip ko ang 14 na salitang ito na nangangaral at nagbibigay ng katiyakan: ‘Binigyan kita ng leukemia upang maturuan mo ang aking mga tao nang may autentisidad.’” Pagkatapos ay inihayag niya kung paano siya nabiyayaan ng karanasang ito ng “pananaw tungkol sa dakilang mga katotohanan ng kawalang hanggan. … Ang gayong mga sulyap sa kawalang hanggan ay matutulungan tayo na lakbayin ang susunod na 100 yarda, na maaaring maging napakahirap.”5
Upang matulungan tayong maglakbay at mapagtagumpayan ang mahihirap na pagkakataon nang may mga pagsulyap sa kawalang hanggan, magmumungkahi ako ng dalawang bagay. Dapat nating harapin ang mahihirap na bagay, una, sa pamamagitan ng pagpapatawad sa iba at, pangalawa, sa pagbibigay ng ating sarili sa Ama sa Langit.
Ang pagpapatawad sa maaaring naging sanhi ng ating pagsubok at ang pakikipagkasundo “[natin] sa kalooban ng Diyos”6 ay maaaring maging napakahirap. Maaaring maging napakasakit nito kapag ang paghihirap ay dulot sa atin ng kapamilya, malapit na kaibigan, o kahit ng sarili natin.
Bilang isang batang bishop, natutuhan ko ang pagpapatawad nang ibahagi ng aking stake president, na si Bruce M. Cook, ang sumusunod na kuwento. Ipinaliwanag niya:
“Noong mga huling taon ng dekada sitenta, kami ng ilang mga kakilala ko ay nagsimula ng isang negosyo. Bagamat wala kaming ginawang iligal, ang ilang maling desisyon, na sinamahan pa ng kahirapan sa ekonomiya, ay hindi naging maganda ang resulta sa amin.
“May mga investor na nagdemanda upang mabawi ang kanilang pagkalugi. Ang kanilang abogado ay nagkataon na tagapayo sa bishopric ng aming pamilya. Napakahirap na sang-ayunan ang taong tila nagnanais na sirain ako. Nakadama ako ng matinding poot sa kanya at itinuring ko siya na kaaway ko. Matapos ang limang taon ng mga pagdinig sa korte, nawala ang lahat ng pag-aari namin, kabilang ang aming tahanan.
“Noong 2002, nalaman namin ng aking asawa na ang stake presidency kung saan ako naglilingkod bilang tagapayo ay mababago. Habang nagbabakasyon kami sandali bago ang pag-release, tinanong niya ako kung sino ang pipiliin kong mga tagapayo kung matatawag ako bilang bagong stake president. Hindi ko gustong pag-usapan ito, ngunit nagpumilit siya. Sa huli, may isang pangalan na pumasok sa isip ko. Pagkatapos ay binanggit niya ang pangalan ng abogadong itinuring namin na dahilan ng aming mga paghihirap 20 taon na ang nakalilipas. Habang nagsasalita siya, kinumpirma sa akin ng Espiritu na siya ang dapat na maging isa pang tagapayo. Mapapatawad ko ba ang taong ito?
“Nang tinawag ako ni Elder David E. Sorensen upang maglingkod bilang stake president, binigyan niya ako ng isang oras upang mamili ng mga tagapayo. Lumuluha kong sinabi sa kanya na nagbigay na ang Panginoon ng paghahayag. Nang sabihin ko ang pangalan ng taong itinuring kong kaaway, ang galit, poot, at pagkamuhing kinimkim ko ay nawala. Sa pagkakataon na iyon, nalaman ko ang kapayapaan na nagmumula sa pagpapatawad sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”
Sa ibang salita, “tahasang pinatawad” ng stake president ko ang taong iyon, tulad ni Nephi noon.7 Kilala ko si Pangulong Cook at ang kanyang tagapayo bilang dalawang mabubuting lider sa priesthood na mahal ang isa’t isa. Nais ko silang tularan.
Ilang taon na ang nakararaan, sa aming mahirap na naranasan sa Alaska, mabilis kong natutuhan na ang pagbuntunan ng sisi ang iba dahil sa ating sitwasyon—sa piloto na naghagis palabas ng aming mga pagkain sa makulimlim na paligid—ay hindi solusyon. Gayunpaman, nang makaranas na kami ng kapaguran ng katawan, kakulangan sa pagkain, sakit, at pagtulog sa lupa sa kasagsagan ng malakas na bagyo na tanging trapal lamang ang panakip, natutuhan ko na “walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan [walang imposible sa Diyos].”8
Mga kabataan, hinihingi ng Diyos sa inyo ang mahihirap na bagay. Isang 14 na taong gulang na dalagita ang lumahok sa paligsahan sa basketball. Pinangarap niya na makapaglaro sa high school basketball tulad ng kanyang ate. Pagkatapos ay nalaman niya na natawag ang mga magulang niya na pamunuan ang isang mission sa Guatemala.
Pagdating niya doon, nalaman niya na ilan sa mga klase niya ay itinuturo sa wikang Español, isang wika na hindi niya alam. Wala ni isang koponan ng sports ng kababaihan sa paaralan niya. Nakatira siya sa ika-14 na palapag ng isang gusali na may mahigpit na seguridad. At dagdag pa rito, hindi siya makalabas nang mag-isa para sa kanyang kaligtasan.
Narinig siya ng kanyang mga magulang na umiiyak hanggang sa makatulog bawat gabi sa loob ng maraming buwan. Dinurog nito ang kanilang mga puso! Sa huli ay napagpasiyahan nila na pauwiin siya sa kanyang lola para doon mag-high school.
Nang pumasok ang aking asawa sa kuwarto ng anak namin upang sabihin sa kanya ang aming desisyon, nakita niya ang anak namin na nakaluhod na nagdarasal at nakabukas ang Aklat ni Mormon sa ibabaw ng kanyang kama. Ibinulong ng Espiritu sa aking asawa, “Magiging OK siya,” at tahimik na lumabas ng kuwarto ang aking asawa.
Hindi na namin siya muling narinig na umiyak simula noon. Sa kanyang determinasyon at sa tulong ng Panginoon, hinarap niya nang mahusay ang tatlong taon na iyon.
Sa pagtatapos ng aming mission, tinanong ko ang aking anak kung maglilingkod siya bilang isang full-time missionary. Ang sagot niya ay, “Hindi po, Itay, naglingkod na po ako.”
Ayos na po sa akin iyon! Ngunit mga anim na buwan mula noon, ginising ako ng Espiritu isang gabi at ipinaisip sa akin ito: “Tinawag ko ang anak mo na maglingkod bilang isang missionary.”
Ang reaksiyon ko ay “Ama sa Langit, napakarami na ng ibinigay niya.” Agad akong iwinasto ng Espiritu at naintindihan na hinihingi ng Diyos na maglingkod siya bilang missionary.
Kumain kaming mag-ama ng tanghalian sa labas. Mula sa kabilang dulo ng lamesa, sinabi ko, “Ganzie, alam mo ba kung bakit tayo nandito?”
Sinabi niyang, “Opo, Itay.” Alam ninyo na kailangan ko pong magmisyon. Ayoko pong pumunta, pero pupunta ako.”
Dahil ang nais ng Ama sa Langit ang sinunod at hindi ang sariling kagustuhan, naglingkod siya sa Kanya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Tinuruan niya ang kanyang ama kung paano gumawa ng mahihirap na bagay.
Sa pandaigdigang debosyonal ni Pangulong Russell M. Nelson para sa mga kabataan, humiling siya ng ilang mahihirap na bagay sa mga kabataan. Sinabi ni Pangulong Nelson: “Ang panlimang paanyaya ko ay na kayo ay mamukod tangi at maging kaiba sa mundo. … Kailangan kayo ng Panginoon na magmukha, magsalitang tulad, kumilos na tulad, at manamit na tulad ng isang tunay na disipulo ni Jesucristo.”9 Maaaring maging mahirap na bagay ito, ngunit alam ko na magagawa ninyo ito—nang masaya.
Tandaan na “ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.”10 Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ni Lehi, nakahanap pa rin siya ng kagalakan. Natatandaan ba ninyo noong si Alma ay “nabibigatan sa kalungkutan”11 dahil sa mga tao ng Ammonihas? Sinabi sa kanya ng anghel, “Pinagpala ka, Alma; kaya nga, itaas mo ang iyong ulo at magsaya … sapagkat ikaw ay naging matapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.”12 Natutuhan ni Alma ang isang dakilang katotohanan: maaari tayong laging magalak kapag sinusunod natin ang mga kautusan. Tandaan na sa gitna ng mga digmaan at pagsubok noong panahon ni Kapitan Moroni, “hindi pa nagkaroon ng higit na masayang panahon sa mga tao ni Nephi.”13 Kaya natin at dapat nating sikaping magalak kapag humaharap tayo sa mahihirap na bagay.
Ang Tagapagligtas ay humarap sa mahihirap na bagay: “Ang sanlibutan … ay hahatulan siyang isang bagay na walang saysay; anupa’t kanilang hahagupitin siya, at titiisin niya ito; at kanilang sasampalin siya, at titiisin niya ito. Oo, kanilang luluraan siya, at titiisin niya ito, dahil sa kanyang mapagkandiling pagmamahal at mahabang pagtitiis sa mga anak ng tao.”14
Dahil sa mapagmahal na kabaitan na iyon, pinagdusahan ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala. Bilang resulta nito, sinasabi Niya sa bawat isa sa atin, “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: ngunit laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”15 Dahil kay Cristo, mapagtatagumpayan din natin ang sanglibutan.
Sa pagharap natin sa mahihirap na bagay sa paraan ng Panginoon, nawa’y itaas natin ang ating mga ulo at magsaya. Sa sagradong pagkakataon na ito na magpatotoo sa mundo, ipinapahayag ko na buhay ang Tagapagligtas at ginagabayan ang Kanyang Simbahan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.