Ang Papel na Ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa Pagbabalik-loob
Tinitipon natin ang Israel sa huling pagkakataon at ginagawa ito sa tulong ng Aklat ni Mormon, isa sa mga pinakamabisang kasangkapan sa pagbabalik-loob.
Maraming tao ang nag-iisip ngayon tungkol sa katotohanan ng Diyos at sa ating kaugnayan sa Kanya. Marami ang kakaunti o ni walang alam tungkol sa Kanyang dakilang plano ng kaligayahan. Mahigit 30 taon na ang nakararaan, napansin ni Pangulong Ezra Taft Benson na “karamihan sa … mundo ngayon ay hindi tinatanggap ang pagiging Diyos o ang kabanalan ng Tagapagligtas. Pinag-aalinlanganan nila ang Kanyang mahimalang pagsilang, ang Kanyang perpektong buhay, at ang katotohanan ng Kanyang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli.”1
Sa ating panahon, ang mga tanong ay nakatuon hindi lamang sa ating Tagapagligtas kundi maging sa Kanyang Simbahan—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—na Kanyang ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Kadalasa’y nakatuon ang mga tanong na ito sa kasaysayan, mga turo, o mga gawi ng Simbahan ng Tagapagligtas.
Tinutulungan Tayo ng Aklat ni Mormon na Palaguin ang Ating Patotoo
Mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, mababasa natin: “Tandaan na ang pang-unawa natin [tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano ng kaligayahan] ay nagmumula sa mga makabagong propeta—kay Joseph Smith at mga sumunod sa kanya—na tumatanggap ng direktang paghahayag mula sa Diyos. Dahil dito, ang unang tanong na sasagutin ng isang investigator ay kung propeta ba si Joseph Smith, at masasagot niya ang tanong na ito sa pagbabasa at pagdarasal tungkol sa Aklat ni Mormon.”2
Napalakas ang aking patotoo tungkol sa banal na tungkulin ni Propetang Joseph Smith nang pag-aralan ko nang may panalangin ang Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo. Tinanggap ko ang paanyaya ni Moroni na “itanong … sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo,” para malaman ang katotohanan ng Aklat ni Mormon.3 Pinatototohanan ko na alam ko na ito ay totoo. Sumaakin na ang kaalamang iyon, at sasainyo rin iyon, “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”4
Nakasaad sa pambungad sa Aklat ni Mormon: “Yaong mga magtatamo ng banal na patotoong ito mula sa Banal na Espiritu ay malalaman din sa pamamagitan ng yaon ding kapangyarihan na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan, na si Joseph Smith ang kanyang tagapaghayag at propeta nitong mga huling araw, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Panginoon na muling itinatag sa mundo bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ng Mesiyas.”5
Noong ako ay binatang missionary na papuntang Chile, may natutuhan akong isang malaking aral tungkol sa kapangyarihang magpabalik-loob ng Aklat ni Mormon. Si G. Gonzalez ay naglingkod sa isang respetadong posisyon sa kanyang simbahan nang maraming taon. Malawak ang pinag-aralan niya sa relihiyon, at may degree din siya sa teolohiya. Ipinagmamalaki niya ang kahusayan niya sa Biblia. Halata namin na maalam siya sa relihiyon.
Alam na alam niyang may mga missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw habang ginagawa nila ang kanilang gawain sa kanyang bayang sinilangan sa Lima, Peru. Noon pa niya gustong makaharap ang mga ito para maturuan sila tungkol sa Biblia.
Isang araw, halos parang hulog ng langit, sa isip niya, pinigil siya ng dalawang missionary sa kalsada at tinanong kung puwedeng magpunta sila sa bahay niya at pag-usapan nila ang mga banal na kasulatan. Natupad ang kanyang pangarap! Nasagot ang kanyang mga dalangin. Sa wakas, maitatama na niya ang maling turo ng mga binatang ito. Sinabi niya sa kanila na masaya siyang magpunta sila sa bahay niya para talakayin ang mga banal na kasulatan.
Sabik na sabik na siya sa appointment niya. Handa na siyang gamitin ang Biblia para pabulaanan ang mga paniniwala nila. Tiwala siya na malinaw at maliwanag na maipapakita ng Biblia na mali ang kanilang ginagawa. Sumapit ang itinakdang gabi, at kumatok ang mga missionary sa kanyang pinto. Natuwa siya. Sa wakas ay dumating na ang kanyang pinakahihintay.
Binuksan niya ang pinto at pinapasok ang mga missionary sa bahay niya. Inabutan siya ng isa sa mga missionary ng isang aklat na kulay asul at taos-pusong nagpatotoo na alam niyang nasa aklat na iyon ang salita ng Diyos. Idinagdag ang pangalawang missionary ang kanyang malakas na patotoo tungkol sa aklat, na ito ay isinalin ng isang makabagong propeta ng Diyos na si Joseph Smith, at itinuturo nito ang tungkol kay Cristo. Nagpaalam na ang mga missionary at umalis.
Dismayado si G. Gonzalez. Pero binuklat niya ang mga pahina ng aklat, at nagsimulang magbasa. Binasa niya ang unang pahina. Binasa niya ang bawat pahina at hindi tumigil hanggang kinabukasan ng hapon. Binasa niya ang buong aklat at nalaman na ito ay totoo. Alam na niya kung ano ang dapat niyang gawin. Tinawagan niya ang mga missionary, nagpaturo, at tinalikuran ang dati niyang buhay para maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang butihing lalaking iyon ay ang MTC teacher ko sa Provo, Utah. Ang kuwento ng pagbabalik-loob ni Brother Gonzalez at ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon ay natatak nang husto sa akin.
Pagdating ko sa Chile, inanyayahan kami ng mission president ko na si President Royden J. Glade na basahin ang patotoo ni Propetang Joseph Smith na nasa Joseph Smith—Kasaysayan linggu-linggo. Itinuro niya sa amin na may tuwirang koneksyon ang patotoo tungkol sa Unang Pangitain sa aming patotoo tungkol sa ebanghelyo at sa Aklat ni Mormon.
Sineryoso ko ang kanyang paanyaya. Nabasa ko na ang mga salaysay tungkol sa Unang Pangitain; nabasa ko na ang Aklat ni Mormon. Nagdasal na ako tulad ng bilin ni Moroni at nagtanong sa “Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo”6 kung ang Aklat ni Mormon ay totoo. Pinatototohanan ko ngayon na alam ko na ang Aklat ni Mormon, tulad ng sabi ni Propetang Joseph Smith, “ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”7 Ipinahayag din ni Propetang Joseph: “Alisin ninyo ang Aklat ni Mormon at ang mga paghahayag, at nasaan ang ating relihiyon? Wala.”8
Personal na Pagbabalik-loob
Habang mas nauunawaan natin kung sino tayo at ang mga layunin ng Aklat ni Mormon, tumatatag at nagiging mas tiyak ang ating pagbabalik-loob. Tumatatag tayo sa pangako nating sundin ang mga tipang ginawa natin sa Diyos.
Ang isang pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon ay tipunin ang nakakalat na Israel. Ang pagtitipong ito ay nagbibigay ng pagkakataon sa lahat ng anak ng Diyos na pumasok sa landas ng tipan at makabalik, sa pagtupad sa mga tipang iyon, sa piling ng Ama. Habang nagtuturo tayo ng pagsisisi at nagbibinyag ng mga convert, natitipon natin ang nakakalat na Israel.
Ang Aklat ni Mormon ay may 108 reperensya sa sambahayan ni Israel. Sa simula ng Aklat ni Mormon, itinuro ni Nephi, “Sapagkat ang kaganapan ng aking hangarin ay mahikayat ko ang mga tao na lumapit sa Diyos ni Abraham, at sa Diyos ni Isaac, at sa Diyos ni Jacob, at maligtas.”9 Ang Diyos ni Abraham, Isaac, at Jacob ay si Jesucristo, ang Diyos ng Lumang Tipan. Naliligtas tayo kapag lumapit tayo kay Jesucristo sa pamamagitan ng pamumuhay ng Kanyang ebanghelyo.
Kalaunan, isinulat ni Nephi:
“Oo, maging ang aking ama ay maraming sinabi hinggil sa mga Gentil, at hinggil din sa sambahayan ni Israel, na sila ay ihahalintulad sa isang punong olibo, na babaliin ang mga sanga at ikakalat sa lahat ng dako ng mundo. …
“At matapos na ikalat ang sambahayan ni Israel, sila ay muling sama-samang titipunin; o, sa lalong maliwanag, matapos matanggap ng mga Gentil ang kabuuan ng Ebanghelyo, ang mga likas na sanga ng punong olibo, o ang mga labi ng sambahayan ni Israel, ay ihuhugpong, o darating sa kaalaman ng tunay na Mesiyas, na kanilang Panginoon at kanilang Manunubos.”10
Gayundin, sa bandang dulo ng Aklat ni Mormon, ipinapaalala sa atin ng propetang si Moroni ang ating mga tipan, at nagsabing, “Upang ikaw ay hindi na malito pa, upang ang mga tipan ng Amang Walang Hanggan na kanyang ginawa sa iyo, O sambahayan ni Israel, ay matupad.”11
Ang mga Tipan ng Amang Walang Hanggan
Ano ang “mga tipan ng Amang Walang Hanggan” na binanggit ni Moroni? Mababasa natin sa aklat ni Abraham:
“Ang pangalan ko ay Jehova, at nalalaman ko ang wakas mula sa simula; samakatwid, ang aking kamay ang gagabay sa iyo.
“At gagawin ko mula sa iyo ang isang dakilang bansa, at ikaw ay pagpapalain ko nang hindi masusukat, at padadakilain ang iyong pangalan sa lahat ng bansa, at ikaw ay magiging isang pagpapala sa iyong mga binhi na susunod sa iyo, na sa kanilang mga kamay ay dadalhin nila ang pangangaral na ito at Pagkasaserdote sa lahat ng bansa.”12
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson sa isang pandaigdigang brodkast kamakailan na “ito na talaga ang mga huling araw, at ang Panginoon ay binibilisan ang Kanyang gawain na tipunin ang Israel. Ang pagtitipon na ito ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki, walang maikukumpara sa halaga, at sa kadakilaan nito. At kung pipiliin ninyo, kung gusto ninyo, maaari kayong maging malaking bahagi nito. Maaari kayong maging bahagi ng isang bagay na malaki, maringal, at dakila!
“Kapag pinag-uusapan natin ang pagtitipon, ang sinasabi natin ay ang katotohanang ito: bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit, sa parehong panig ng tabing, ay dapat marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sila ang nagdedesisyon sa sarili nila kung nais nilang matuto pa.”13
Iyan ang ginagawa natin bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw: hangad nating dalhin ang mundo sa pagkaunawa—at pagbabalik-loob—sa ebanghelyo ni Jesucristo. Tayo ang “mga tagapagtipon sa mga huling araw.”14 Malinaw ang ating misyon. Mga kapatid, magpakilala tayo bilang mga tao na nagseryoso sa pangako ni Moroni, nagdasal at tumanggap ng sagot upang malaman na ang Aklat ni Mormon ay totoo, at nagbahagi ng kaalamang iyon sa iba sa salita at, higit sa lahat, sa gawa.
Ang Papel na Ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa Pagbabalik-loob
Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo.15 Inaakay tayo nito sa mga tipan ng Ama, na kung tutuparin ay titiyakin sa atin ang Kanyang pinakadakilang kaloob—ang buhay na walang hanggan.16 Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato sa pagbabalik-loob ng lahat ng anak na lalaki at babae ng Ama sa Langit.
Sabi pa ni Pangulong Nelson: “Sa araw-araw na pagbabasa ninyo ng Aklat ni Mormon, matututunan ninyo ang doktrina ng pagtitipon, mga katotohanan tungkol kay Jesucristo, Kanyang Pagbabayad-sala, at ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo na hindi makikita sa Biblia. Ang Aklat ni Mormon ay sentro o mahalaga sa pagtitipon ng Israel. Sa katunayan, kung wala ang Aklat ni Mormon, ang pangakong pagtitipon ng Israel ay hindi magaganap.”17
Magtatapos ako sa mga salita ng Tagapagligtas nang ituro Niya sa mga Nephita ang mga ipinangakong pagpapala: “Kayo ang mga anak ng mga propeta; at kayo ay sa sambahayan ni Israel; kayo ay sakop ng tipang ginawa ng Ama sa inyong mga ama, na sinasabi kay Abraham: At sa iyong binhi lahat ng magkakamag-anak sa lupa ay pagpapalain.”18
Pinatototohanan ko na tayo ay mga anak ng Diyos, ang mga binhi ni Abraham, ang sambahayan ni Israel. Tinitipon natin ang Israel sa huling pagkakataon at ginagawa ito sa tulong ng Aklat ni Mormon—isang aklat na, kapag sinamahan ng Espiritu ng Panginoon, ay siyang pinakamabisang kasangkapan sa pagbabalik-loob. Pinamumunuan tayo ng propeta ng Diyos, si Pangulong Russell M. Nelson, na namamahala sa pagtitipon ng Israel sa ating panahon. Ang Aklat ni Mormon ay totoo. Nabago nito ang buhay ko. Ipinapangako ko, tulad ni Moroni at ng maraming propeta sa paglipas ng mga panahon, na mababago nito ang buhay ninyo.19 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.