Ang Galak sa Di-Makasariling Paglilingkod
Nangako tayo sa ating Ama sa Langit na paglilingkuran natin Siya at ang iba nang may pagmamahal at gagawin ang Kanyang kalooban sa lahat ng bagay.
Pagkaraan ng huling pangkalahatang kumperensya, maraming lumapit sa akin na iisa ang tanong: “Komportable bang umupo sa mga silyang iyon?” Iisa lang ang sagot ko sa tuwina: “Napakakomportableng umupo sa mga silyang iyon kung hindi mo kailangang magsalita.” Totoo naman, ’di ba? Hindi pa rin komportableng umupo sa silya ko sa kumperensyang ito, ngunit talagang nagpapasalamat ako sa pagpapala at karangalang magsalita sa inyo ngayong gabi.
Kung minsan habang naglilingkod tayo, iba-iba ang ating inuupuan. Ang ilan ay medyo komportable at ang iba naman ay hindi, ngunit nangako tayo sa ating Ama sa Langit na paglilingkuran natin Siya at ang iba nang may pagmamahal at gagawin ang Kanyang kalooban sa lahat ng bagay.
Ilang taon na ang nakararaan, nalaman ng mga kabataan sa Simbahan na “kapag kayo ay ‘humaharap sa paglilingkod sa Diyos’ [Doktrina at mga Tipan 4:2], nakikiisa kayo sa pinakadakilang paglalakbay sa lahat. Tinutulungan ninyo ang Diyos na mapabilis ang Kanyang gawain, at ito’y isang dakila, masaya, at kagila-gilalas na karanasan.”1 Ito ay isang paglalakbay na para sa lahat—anuman ang edad—at isa ring paglalakbay na nag-aakay sa atin sa sinabi ng ating pinakamamahal na propeta na “landas ng tipan.”2
Gayunman, ang malungkot, nabubuhay tayo sa isang makasariling mundo kung saan laging nagtatanong ang mga tao ng, “Ano ang mapapala ko riyan?” sa halip na magtanong ng, “Sino ang matutulungan ko ngayon?” o “Paano ko mas mapaglilingkuran ang Panginoon sa tungkulin ko?” o “Ibinibigay ko ba ang lahat sa Panginoon?”
Isang magandang halimbawa sa buhay ko ng di-makasariling paglilingkod si Sister Victoria Antonietti. Si Victoria ay isa sa mga guro sa Primary sa branch namin noong nasa Argentina ako. Tuwing Martes ng hapon, kapag nagtitipon kami sa Primary, dinadalhan niya kami ng chocolate cake. Gusto ng lahat ang cake—lahat maliban sa akin. Ayoko ng chocolate cake! At kahit sinusubukan niya akong hatian ng cake, lagi ko siyang tinatanggihan.
Isang araw pagkatapos niyang hatian ng chocolate cake ang ibang mga bata, tinanong ko siya, “Bakit hindi po kayo magdala ng ibang flavor—gaya ng orange o vanilla?”
Natawa siya sandali, pagkatapos ay tinanong niya ako, “Bakit hindi ka tumikim ng kapiraso? Espesyal ang sangkap ng cake na ito, at sigurado ako na kapag natikman mo ito, magugustuhan mo ito!”
Tumingin ako sa paligid, at nagulat ako dahil parang gustung-gusto ng lahat ang cake. Pumayag akong tikman ito. Alam ba ninyo kung ano ang nangyari? Nagustuhan ko ito! Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nagustuhan kong kumain ng chocolate cake.
Maraming taon muna ang lumipas bago ko natuklasan ang sekretong sangkap ng chocolate cake ni Sister Antonietti. Binisita namin ng mga anak ko ang nanay ko bawat linggo. Sa isa sa mga pagbisitang iyon, kumain kami ni Inay ng isang hiwa ng chocolate cake, at ikinuwento ko sa kanya kung paano ko nagustuhang kumain ng cake na iyon sa kauna-unahang pagkakataon. Pagkatapos ay ikinuwento niya sa akin ang iba pang mga detalye ng karanasan ko na hindi ko alam.
“Alam mo, Cris,” sabi ni Inay, “mahirap lang ang pamilya ni Victoria, at bawat linggo kinailangan niyang pumili kung mamamasahe sila ng apat na anak niya sa bus papunta sa Primary o bibili siya ng mga sangkap ng chocolate cake para sa klase niya sa Primary. Lagi niyang pinipili ang chocolate cake kaysa mamasahe sa bus, at naglalakad sila ng mga anak niya nang mahigit dalawang milya [3 km], papunta at pabalik, anuman ang lagay ng panahon.”
Noong araw na iyon mas napahalagahan ko ang kanyang chocolate cake. Ang mas mahalaga, nalaman ko na ang sekretong sangkap ng cake ni Victoria ay ang pagmamahal niya sa mga pinaglilingkuran niya at ang di-makasariling sakripisyo niya para sa amin.
Kapag naaalala ko ang cake ni Victoria, naaalala ko ang di-makasariling sakripisyo sa mga walang-hanggang aral na itinuro ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo habang naglalakad Siya papunta sa kabang-yaman ng templo. Pamilyar na sa inyo ang kuwento. Itinuro ni Elder James E. Talmage na may 13 kaban, “at dito inihulog ng mga tao ang kanilang mga ambag para sa [iba’t ibang] layuning nakasaad sa [mga] nakasulat sa mga kahon.” Tiningnan ni Jesus ang mga nakapilang mag-aambag, na binubuo ng lahat ng uri ng tao. Ang ilan ay nagbigay ng kanilang mga handog nang may “tapat na layunin” samantalang ang iba ay naghulog ng “malalaking halaga ng pilak at ginto,” na umaasang makita, mapansin, at mapuri sila dahil sa kanilang mga donasyon.
“Kasama ng marami ang isang dukhang babaeng balo, na … naghulog sa isa sa mga kabang-yaman ng dalawang maliit na baryang tanso na tinatawag na lepta; ang halaga ng kanyang ambag ay wala pa sa kalahating sentimo sa pera ng Amerikano. Pinalapit ng Panginoon sa Kanya ang Kanyang mga disipulo, itinuon ang kanilang pansin sa dukhang balo at sa ginawa nito, at sinabi: ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang baong babaing ito, ay naghulog ng higit kay sa lahat ng nangaghuhulog sa kabang-yaman: Sapagka’t silang lahat ay nagsipaghulog ng sa kanila’y labis; datapuwa’t siya sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong nasa kaniya, samakatuwid baga’y ang buong kaniyang ikabubuhay’ [Marcos 12:43–44].”3
Mukhang wala namang mahalagang katayuan sa lipunan ang balo noong panahon niya. Ang totoo’y mas mahalaga ang kanyang taglay: dalisay ang kanyang mga layunin, at ibinigay niya ang lahat ng mayroon siya. Marahil ay mas maliit ang ibinigay niya kaysa iba, mas aba kaysa iba, naiiba kaysa iba. Sa tingin ng ilan, walang halaga ang ibinigay niya, ngunit sa tingin ng Tagapagligtas, ang “taga-unawa ng mga saloobin at layunin ng puso,”4 ibinigay niya ang lahat.
Mga kapatid, ibinibigay ba natin ang lahat sa Panginoon nang walang pag-aalinlangan? Isinasakripisyo ba natin ang ating oras at mga talento para matuto ang bagong henerasyon na mahalin ang Panginoon at sundin ang Kanyang mga utos? Nagmiministeryo ba tayo sa mga nakapalibot sa atin at sa lahat ng nakatalaga sa atin nang may malasakit at kasigasigan—nagsasakripisyo ng oras at lakas na magagamit sana sa ibang paraan? Ipinamumuhay ba natin ang dalawang dakilang utos—na mahalin ang Diyos at ang Kanyang mga anak?5 Kadalasan makikita ang pagmamahal na iyan sa paglilingkod.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Ibinigay ng ating Tagapagligtas ang kanyang sarili sa di-makasariling paglilingkod. Itinuro Niya sa bawat isa na dapat natin Siyang sundin sa pamamagitan ng pagwawaksi sa ating sarili ng makasariling interes upang makapaglingkod sa iba.”
Sabi pa niya:
“Ang isang pamilyar na halimbawa ng pagbibigay ng ating mga sarili sa paglilingkod sa iba … ay ang sakripisyong ginagawa ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Nararanasan ng mga ina ang hirap at kawalan ng mga personal na priyoridad at ginhawa para isilang at arugain ang bawat anak. Iniaakma ng mga ama ang kanilang mga buhay at priyoridad para masuportahan ang pamilya. …
“… Natutuwa din kami sa kanila na nagmamalasakit sa mga may kapansanan at matatandang magulang. Ang ganitong paglilingkod ay hindi nagtatanong ng, anong mapapala ko rito? Lahat ng ito ay nangangailangan ng pagsasaisantabi ng mga personal na kaginhawahan para sa di-makasariling paglilingkod. …
“[At] lahat ng ito ay naglalarawan ng walang hanggang alituntunin na mas maligaya tayo at mas nasisiyahan kapag tayo ay gumagawa at naglilingkod dahil sa ating maibibigay, hindi dahil sa matatanggap natin.
“Itinuturo sa atin ng ating Tagapagligtas na sundin Siya sa pamamagitan ng paggawa ng sakripisyong kailangan para maibigay ang ating sarili sa di-makasariling paglilingkod sa iba.”6
Itinuro din ni Pangulong Thomas S. Monson na “marahil kapag nakaharap natin ang ating Lumikha, hindi tayo tatanungin ng, ‘Ilang tungkulin ang nahawakan mo,’ kundi sa halip ay, ‘Ilang tao ang natulungan mo?’ Ang totoo, hindi mo maaaring mahalin ang Panginoon kailanman hangga’t hindi mo Siya pinaglilingkuran sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanyang mga tao.”7
Sa madaling salita, mga kapatid, hindi mahalaga kung nakaupo tayo sa mga komportableng silya o nahirapan tayong makinig sa pulong habang nakaupo sa makalawang na silyang de-tiklop sa bandang likuran. Ni hindi mahalaga kung kinailangan tayong lumabas sa pasilyo para patahanin ang isang umiiyak na sanggol. Ang mahalaga ay dumalo tayo na may hangaring maglingkod, na pinansin natin ang mga taong pinaglilingkuran natin at masaya silang binati, at nakipagkilala tayo sa mga katabi natin sa mga silyang de-tiklop—nakikipagkaibigan kahit sa mga taong hindi itinalagang paglingkuran natin. At talagang mahalagang gawin natin ang lahat ng ginagawa natin na may espesyal na sangkap na paglilingkod na may kasamang pagmamahal at sakripisyo.
Nalaman ko na hindi kailangang gumawa tayo ng chocolate cake para maging matagumpay o dedikadong guro sa Primary, dahil hindi ito tungkol sa cake. Bunsod iyon ng pagmamahal.
Pinatototohanan ko na ang pagmamahal na iyon ay nagiging sagrado sa pamamagitan ng sakripisyo—sakripisyo ng isang guro at lalo na sa pamamagitan ng tunay at walang-hanggang sakripisyo ng Anak ng Diyos. Pinatototohanan ko na Siya ay buhay! Mahal ko Siya at hangad kong iwaksi ang mga makasariling hangarin para magmahal at magministeryo ako na katulad Niya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.