Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw
Iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at pagpapala, nang mabusog kayo sa salita ng Panginoon, at isagawa ang Kanyang mga turo sa inyong personal na buhay.
Nagbigay ng inspirasyon at naging makasaysayan ang kumperensyang ito. Tumitingin tayo sa hinaharap nang may sigasig. Nakatanggap tayo ng inspirasyong gumawa nang mas mahusay at maging mas mahusay. Ang kagila-gilalas na mga mensaheng hatid mula sa pulpitong ito ng ating mga General Authority at mga Pangkalahatang Opisyal at ang musika ay napakaganda! Hinihimok ko kayong pag-aralan ang mga mensaheng ito, simula sa linggong ito.1 Ipinapahayag ng mga ito ang kaisipan at kalooban ng Panginoon para sa Kanyang mga tao, ngayon.
Ang bagong integrated kurikulum na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan ay may potensyal na makalagan ang kapangyarihan ng pamilya, habang ang bawat pamilya ay tapat at maingat na ginagawang santuwaryo ng pananampalataya ang kanilang tahanan. Ipinapangako ko na habang masigasig ninyong ginagawang sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang inyong tahanan, paglipas ng ilang panahon ang inyong mga araw ng Sabbath ay tunay na magiging kaluguran. Ang inyong mga anak ay magiging sabik na matutuhan at ipamuhay ang mga turo ng Tagapagligtas, at ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay at tahanan ay mababawasan. Magkakaroon ng malaki at patuloy na mga pagbabago sa inyong pamilya.
Sa kumperensyang ito ay pinalakas natin ang ating determinasyong sikaping igalang ang Panginoong Jesucristo tuwing tinutukoy natin ang Kanyang Simbahan. Ipinapangako ko sa inyo na ang maingat na atensyon natin sa tamang paggamit sa pangalan ng Simbahan ng Tagapagligtas at sa mga miyembro nito ay magdudulot ng ibayong pananampalataya at dagdag na kakayahan sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan na makatanggap ng mas malakas na espirituwal na kapangyarihan.
Ngayon, bumaling tayo sa paksa tungkol sa mga templo. Alam natin na ang ating oras sa templo ay mahalaga sa ating kaligtasan at kadakilaan, at gayundin sa ating pamilya.
Matapos nating tanggapin ang sarili nating ordenansa sa templo at gawin ang mga sagradong pakikipagtipan sa Diyos, kailangan ng bawat isa sa atin ang patuloy na espirituwal na pagpapatatag at pagtuturo na tanging sa bahay ng Panginoon makukuha. At kailangan tayo ng mga ninuno natin na kumatawan para sa kanila.
Alalahanin ang dakilang awa at katarungan ng Diyos na, bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, ay naglaan na ng paraan para makapagbigay ng mga pagpapala ng templo sa mga namatay nang walang kaalaman tungkol sa ebanghelyo. Ang mga sagradong seremonyang ito sa templo ay ginagawa na noong sinauna pa. Para sa akin ang pagiging sinauna ng mga ito ay nagbibigay-inspirasyon at isa pang katibayan ng kanilang katotohanan.2
Mahal kong mga kapatid, ang mga pagsalakay ng kalaban ay lalong nadaragdagan, sa tindi at sa iba’t ibang uri.3 Ang pangangailangan sa malimit na pagpunta natin sa templo ay mas lalo nang napakahalaga sa ngayon. Nakikiusap ako sa inyo na mapanalanging tingnan kung saan ninyo ginugugol ang inyong oras. Mamuhunan ng oras sa inyong hinaharap at sa inyong pamilya. Kung malapit kayo sa templo, hinihikayat ko kayo na humanap ng paraan na regular na makipagkita roon sa Panginoon—sa Kanyang banal na bahay—gawin ito at gawin ito nang may kagalakan. Ipinapangako ko sa inyo na ibibigay ng Panginoon ang mga himala na alam Niyang kailangan ninyo habang nagsasakripisyo kayo upang makapaglingkod at makasamba sa Kanyang mga templo.
Sa kasalukuyan ay may 159 na inilaang mga templo. Ang wastong pangangalaga at pagmentena ng mga templong ito ay napakahalaga sa atin. Sa paglipas ng panahon, ang mga templo ay kailangang muling ayusin at baguhin. Dahil dito, ginagawa na ngayon ang plano para i-renovate at i-update ang Salt Lake Temple at iba pang naunang mga templo. Ang mga detalye tungkol sa mga proyektong ito ay ibabahagi habang sumusulong ang mga ito.
Ngayon ay masaya naming ipinaaalam ang mga plano na magtayo ng 12 pang mga templo. Ang mga templong iyon ay itatayo sa sumusunod na mga lugar: Mendoza, Argentina; Salvador, Brazil; Yuba City, California; Phnom Penh, Cambodia; Praia, Cape Verde; Yigo, Guam; Puebla, Mexico; Auckland, New Zealand; Lagos, Nigeria; Davao, Philippines; San Juan, Puerto Rico; at Washington County, Utah.
Ang pagtatayo at pagkakaroon ng mga templong ito ay maaaring hindi makapagpapabago ng inyong buhay, ngunit ang oras ninyo sa loob ng templo ay tiyak na magagawa ito. Sa mga taong matagal nang hindi nakapapasok sa templo, hinihikayat ko kayo na maghanda at bumalik muli sa lalong madaling panahon. Pagkatapos ay inaanyayahan ko kayong sumamba sa templo at manalangin na madama nang lubos ang walang hanggang pagmamahal sa inyo ng Tagapagligtas, nang ang bawat isa sa inyo ay magkaroon ng sariling patotoo na patuloy Niyang pinamumunuan ang sagrado at walang kupas na gawaing ito.4
Mga kapatid, salamat sa inyong pananampalataya at pagsuporta. Iniiwan ko sa inyo ang aking pagmamahal at pagpapala, nang mabusog kayo sa salita ng Panginoon, at ipamuhay ang Kanyang mga turo sa inyong personal na buhay. Tinitiyak ko sa inyo na nagpapatuloy ang paghahayag sa Simbahan at magpapatuloy ito hanggang “ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”5
Binabasbasan ko kayo ng dagdag na pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang banal na gawain, nang may pananampalataya at pagtitiis na maharap ang inyong personal na mga hamon sa buhay. Binabasbasan ko kayo na maging kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw. Iyan ang basbas ko sa inyo at pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay! Si Jesus ang Cristo! Ito ang Kanyang Simbahan. Tayo ay Kanyang mga tao, sa pangalan ni Jesucristo, amen.