Maniwala, Magmahal, Gumawa
Nakakamit natin ang saganang buhay sa pagiging tunay na mga disipulo ni Jesucristo—sa pagsunod sa Kanyang mga landas at paggawa ng Kanyang gawain.
Mahal kong mga kapatid, masayang okasyong ito na makasama kayo sa napakagandang sesyong ito ng pangkalahatang kumperensya: makinig sa mga inspiradong mensahe; mapakinggan ang mahusay na koro ng mga missionary na kumakatawan sa napakaraming missionary sa buong mundo—mga anak nating babae at lalaki—at lalo na ang magkaisa sa ating pananampalataya ngayon, sinasang-ayunan muli ang ating mahal na Pangulo at propeta na si Pangulong Russell M. Nelson, ang Unang Panguluhan, at ang mga General Officer ng Simbahan. Napakasaya na kasama ko kayo sa araw na ito.
Si Haring Salomon noon ay isa sa pinakamatagumpay na tao sa kasaysayan.1 Parang nasa kanya na ang lahat—salapi, kapangyarihan, paghanga, paggalang. Ngunit makalipas ang mga dekada ng pagpapasasa sa sarili at luho, paano inilarawan ni Haring Salomon ang kanyang buhay?
“Lahat ay walang kabuluhan,”2 sabi niya.
Ang taong ito, na nagkaroon ng lahat, ay nawalan ng pag-asa, naging negatibo, at malungkot sa huli, sa kabila ng lahat ng kalamangan niya.3
May isang salita sa German na, Weltschmerz. Sa simpleng salita, ang ibig sabihin nito ay kalungkutan na nagmumula sa malungkot na pag-iisip kung bakit nagkagayon ang mundo.
Siguro may kaunting Weltschmerz sa ating lahat.
Kapag nalulungkot tayo nang hindi natin namamalayan. Kapag nakadama tayo ng lungkot sa buong maghapon at magdamag. Kapag may nangyaring trahedya at kawalan ng hustisya sa ating buhay, at sa mga mahal natin sa buhay. Kapag nadarama natin na maraming nangyayaring hindi maganda sa buhay natin, at ang pasakit ay nagpapalungkot sa atin at pumapawi ng ating kapayapaan—maaaring matukso tayong sumang-ayon kay Salomon na ang buhay ay walang kabuluhan at walang halaga.
Ang Malaking Pag-asa
Ang mabuting balita ay, mayroong pag-asa. May solusyon sa kahungkagan, kawalan ng kabuluhan, at Weltschmerz ng buhay. May solusyon maging sa pinakamatinding kawalan ng pag-asa at kalungkutan na inyong nadarama.
Ang pag-asang ito ay nasa nagpapabagong kapangyarihan ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa kapangyarihang tumubos ng Tagapagligtas upang pagalingin ang maysakit nating kaluluwa.
“Ako’y naparito,” sabi ni Jesus, “upang sila’y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito.”4
Nakakamtan natin ang masaganang buhay na iyon hindi dahil sa pagtutuon sa sarili nating mga pangangailangan o sa sarili nating mga nagawa kundi sa pagiging tunay na mga disipulo ni Jesucristo—sa pagsunod sa Kanyang landas at paggawa sa Kanyang gawain. Natatagpuan natin ang masaganang buhay sa paglimot sa ating sarili at pakikibahagi sa dakilang layunin ni Cristo.
At ano ang layunin ni Cristo? Ito ay ang maniwala sa Kanya, magmahal gaya ng pagmamahal Niya, at gawin ang ginawa Niya.
Si Jesus ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti.”5 Lumakad Siyang kasama ng mga maralita, mga palaboy, mga maysakit, at nangapahiya. Nagministeryo Siya sa mga walang kakayahan, mahihina, at walang kaibigan. Nag-ukol Siya ng panahon sa kanila; kinausap Niya sila. “At kaniyang pinagaling silang lahat.”6
Saan man Siya magpunta, itinuro ng Tagapagligtas ang “mabuting balita”7 ng ebanghelyo. Ibinahagi Niya ang mga walang hanggang katotohanan na espirituwal na nagpapalaya sa tao gayundin sa temporal.
Matutuklasan ng mga tao na naglaan ng kanilang sarili sa layunin ni Cristo ang katotohanan ng pangako ng Tagapagligtas: “Sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon.”8
Mali si Salomon, mahal kong mga kapatid—ang buhay ay hindi “walang kabuluhan.” Sa kabilang banda, ito ay maaaring mapuno ng layunin, kahulugan, at kapayapaan.
Ang nakapagpapagaling na mga kamay ni Jesucristo ay nakaunat sa lahat ng naghahanap sa Kanya. Nalaman ko nang walang alinlangan na ang paniniwala at pagmamahal sa Diyos at pagsisikap na sundin si Cristo ay makapagpapabago sa ating puso,9 makapagpapagaan sa ating pasakit, at pupunuin ang ating kaluluwa ng “labis na kagalakan.”10
Maniwala, Magmahal, Gumawa
Mangyari pa kailangang may gawin pa tayo bukod sa pagkakaroon ng kahusayan sa pag-unawa ng ebanghelyo upang mapagaling nito ang ating buhay. Kailangan natin itong ilakip sa ating buhay—gawin itong bahagi ng pagkatao natin at ng ginagawa natin.
Iminumungkahi ko na ang pagkadisipulo ay nagsisimula sa tatlong simpleng salita:
Maniwala, magmahal, at gumawa.
Ang paniniwala sa Diyos ay humahantong sa pananampalataya sa Kanya at pagtitiwala sa Kanyang salita. Dahil sa pananampalataya nadaragdagan ang pagmamahal sa ating puso para sa Diyos at sa ating kapwa. Kapag lumaki ang pagmamahal na iyan, mahihikayat tayo na tularan ang Tagapagligtas habang patuloy nating tinatahak ang landas ng pagkadisipulo.
“Ngunit,” sasabihin ninyo, “parang napakasimple niyan. Ang mga problema sa buhay, lalo na ang mga problema ko, ay napakakumplikado para sa ganyan kasimpleng payo. Hindi ninyo malulunasan ang Weltschmerz sa tatlong simpleng salitang ito: Maniwala, magmahal, gumawa.”
Hindi ang kasabihan ang nagpapagaling. Ang pag-ibig ng Diyos ang sumasagip, nagpapanumbalik, at bumubuhay muli.
Kilala kayo ng Diyos. Kayo ay Kanyang anak. Mahal Niya kayo.
Kahit pa iniisip ninyong hindi kayo kaibig-ibig, tinutulungan Niya kayo.
Sa araw na ito mismo—sa bawat araw—tinutulungan Niya kayo, ninanais na pagalingin kayo, iangat kayo, at palitan ang kahungkagan sa puso ninyo ng walang hanggang kagalakan. Nais Niyang pawiin ang anumang kadiliman na lumalambong sa buhay ninyo at punuin ito ng sagrado at maningning na liwanag ng Kanyang walang katapusang kaluwalhatian.
Naranasan ko ito mismo.
At pinatototohanan ko bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo na lahat ng lumalapit sa Diyos—lahat ng tunay na naniniwala, nagmamahal, at gumagawa—ay mararanasan ang gayon din.
Tayo ay Naniniwala
Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na “kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa [Dios]; sapagka’t ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios.”11
Para sa ilan, mahirap ang maniwala. Kung minsan pinipigilan tayo ng kapalaluan. Siguro iniisip natin na dahil tayo ay matalino, nakapag-aral, o maraming karanasan, hindi natin magagawang maniwala sa Diyos. At sinisimulan nating ituring ang relihiyon na isang hangal na tradisyon.12
Sa karanasan ko, ang paniniwala ay hindi lamang isang ipinintang larawan na tinitingnan natin at hinahangaan at pinag-uusapan at pinag-iisipan ngunit hindi naman totoo para sa atin. Ito ay mas nahahalintulad sa isang araro na dadalhin natin sa bukid at, sa pagpapawis natin, lumilikha ng mga tudling sa lupa na tumatanggap ng mga binhi at nagbubunga.13
Magsilapit kayo sa Dios, at Siya’y lalapit sa inyo.14 Ito ang pangako sa lahat ng naghahangad na maniwala.
Tayo ay Nagmamahal
Inihahayag ng mga banal na kasulatan na kapag mas minamahal natin ang Diyos at ang Kanyang mga anak, nagiging mas maligaya tayo.15 Ang pagmamahal na binanggit ni Jesus, gayunman, ay hindi isang bagay na gagamitin lang kapag kailangan, itatapon pagkatapos, at magtutuon na sa ibang bagay. Hindi ito pag-ibig na binibigkas at pagkatapos ay kinalilimutan. Hindi ito ang “pakunwaring pagmamahal na wala namang ginagawa para ipakita ang tunay na malasakit.”
Ang pagmamahal na sinasabi ng Diyos ay ang uri ng pagmamahal na pumapasok sa ating puso paggising natin sa umaga, taglay natin sa maghapon, at lumalaki sa ating puso kapag nagdarasal tayo para magpasalamat sa gabi.
Ito ay hindi maaarok na pagmamahal ng Ama sa Langit para sa atin.
Ito ay walang katapusang awa na nagtutulot na makita natin nang mas malinaw ang ibang tao sa kung sino sila. Sa pamamagitan ng lente ng dalisay na pagmamahal, nakikita natin ang mga imortal na nilalang na walang hanggan ang potensyal at kahalagahan at minamahal na mga anak ng Makapangyarihang Diyos.
Kapag tumingin tayo sa pamamagitan ng lenteng iyon, hindi natin mamaliitin, babalewalain, o huhusgahan ang iba.
Tayo ay Gumagawa
Sa gawain ng Tagapagligtas, kadalasan ay sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang paraan “naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.”16
Alam nating kailangan ang paulit-ulit na paggawa upang maging mahusay sa anumang bagay. Ito man ay pagtugtog ng clarinet, pagsipa ng bola papunta sa net, pagkumpuni ng kotse, o pagpapalipad ng eroplano, sa pamamagitan ng pagpapraktis tayo mas humuhusay.17
Ang organisasyon na itinatag ng ating Tagapagligtas sa lupa—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—ay tumutulong sa atin para magawa ito. Nagbibigay ito ng lugar para mapraktis na maipamuhay ang paraang itinuro Niya at matulungan ang iba ayon sa paraang ginawa Niya.
Bilang mga miyembro ng Simbahan, binibigyan tayo ng mga tungkulin, responsibilidad, at pagkakataon na tumulong nang may awa at mag-minister sa iba.
Kailan lang, muling binigyang-diin ng Simbahan ang ministering, o paglilingkod o pagmamahal sa iba. Pinag-isipang mabuti kung ano ang itatawag sa espesyal na paraang ito.
Isa sa mga pangalang isinaalang-alang ay ang shepherding, na angkop na tumutukoy sa paanyaya ni Cristo na: “Pakainin ang aking mga tupa.”18 Gayunman, may isang problema dito: sa paggamit sa katagang ito ako’y magiging German shepherd. Kaya, kuntento na ako sa ministering.
Ang Gawaing Ito ay para sa Lahat
Mangyari pa, ang paraang ito ay hindi na bago. Nagbibigay lamang ito ng panibago at pinadalisay na pagkakataon para masunod natin ang kautusan ng Tagapagligtas na “kayo’y mangagibigan sa isa’t isa,”19 isang mas dinalisay na paraan para maipatupad at magawa ang layunin ng Simbahan.
Isipin lamang ang gawaing misyonero; ang matapang, mapagkumbaba, at may tiwalang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nakapagandang halimbawa ng ministering sa espirituwal na mga pangangailangan ng iba, sinuman sila.
O paggawa ng gawain sa templo—na hinahanap ang pangalan ng ating mga ninuno at ibinibigay sa kanila ang mga pagpapala ng kawalang-hanggan. Ito ay napakabanal na paraan ng pagmiministering.
Isipin ang paghahanap sa mga maralita at nangangailangan, pag-aangat ng mga kamay na nakababa, o pagbasbas sa maysakit at nahihirapan. Hindi ba’t ito ang mismong mga gawa ng dalisay na ministering ng Panginoon na ginawa Niya noong narito Siya sa lupa?
Kung hindi kayo miyembro ng Simbahan, inaanyayahan ko kayo na “magsiparito kayo, at inyong makikita.”20 Halina’t makiisa sa amin. Kung kayo ay miyembro ng Simbahan pero hindi kayo aktibo sa ngayon, inaanyayahan ko kayo: pakiusap, bumalik kayo. Kailangan namin kayo!
Halina’t idagdag ang inyong lakas sa aming lakas.
Dahil sa kakaiba ninyong mga talento, kakayahan, at personalidad, matutulungan ninyo kaming maging mas mabuti at mas maligaya. Kung gagawin ninyo ito, tutulungan rin namin kayo na maging mas mabuti at mas maligaya.
Halina’t tulungan kaming patatagin at palakasin ang kultura na puno ng pagpapagaling, kabaitan, at awa sa lahat ng anak ng Diyos. Dahil tayong lahat ay nagsisikap na maging mga bagong nilalang kung saan “ang mga dating bagay ay nagsilipas na” at “sila’y pawang naging mga bago.”21 Ipinapakita sa atin ng Diyos ang direksyong tatahakin natin—pasulong at pataas. Sinabi Niya, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”22 Magtulungan tayo para maging mga tao na nais ng Diyos na kahinatnan natin.
Ito ang uri ng kultura ng ebanghelyo na nais naming linangin sa buong Simbahan ni Jesucristo. Hangad naming palakasin ang Simbahan bilang isang lugar kung saan pinapatawad natin ang bawat isa. Kung saan pinaglalabanan natin ang tuksong humanap ng mali, magtsismisan, at maliitin ang iba. Kung saan, sa halip na pagtuunan ang mga pagkakamali, iniaangat natin at tinutulungan ang bawat isa na maging pinakamabuti sa abot ng ating makakaya.
Inaanyayahan ko kayong muli. Magsiparito kayo, at inyong makikita. Makiisa sa amin. Kailangan namin kayo.
Mga Taong Hind Perpekto
Makikita ninyo na ang Simbahang ito ay puno ng ilan sa mga pinakamahuhusay na tao sa mundong ito. Sila ay magiliw, mapagmahal, mabait, at tapat. Sila ay masisipag, handang magsakripisyo, at minsan ay mga bayani rin.
At sila ay hindi rin mga perpekto.
Nagkakamali sila.
Paminsan-minsan nakapagsasalita sila ng mga bagay na hindi dapat. Nakagagawa ng mga bagay na iniisip nila na sana ay hindi nila ginawa.
Ngunit ito ang karaniwan sa kanila—gusto nilang mas bumuti at mas mapalapit sa Panginoon, na ating Tagapagligtas, na si Jesucristo.
Sinisikap nilang gawin ito nang tama.
Sila ay naniniwala. Sila ay nagmamahal. Sila ay gumagawa.
Nais nilang maging di-makasarili, mas mahabagin, mas dalisay, mas katulad ni Jesus.
Ang Blueprint para sa Kaligayahan
Oo, kung minsan ay mahirap ang buhay. Talagang lahat tayo ay mayroong mga panahon ng kalungkutan at panghihina ng loob.
Ngunit ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay ng pag-asa. At, sa Simbahan ni Jesucristo, kaisa tayo ng mga naghahanap ng lugar na kung saan ay mapapanatag tayo—isang lugar ng pag-unlad kung saan, magkakasama tayong maniniwala, magmamahal, at gagawa.
Anuman ang ating mga pagkakaiba, nais nating tanggapin ang isa’t isa bilang mga anak ng ating minamahal na Ama sa Langit.
Labis akong nagpapasalamat na naging miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at nalaman ko na lubos ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak kaya binigyan Niya sila ng blueprint para sa kaligayahan at magkaroon ng kabuluhan ang buhay na ito at ng isang paraan para maranasan ang walang hanggang kagalakan sa mga bulwagan ng kaluwalhatian sa buhay na darating.
Nagpapasalamat ako na ibinigay ng Diyos sa atin ang paraan para mapagaling ang maysakit na kaluluwa at ang Weltschmerz ng buhay.
Nagpapatotoo ako at iniiwan ko sa inyo ang aking basbas na kapag naniniwala tayo sa Diyos, kapag minamahal natin Siya at minamahal ang Kanyang mga anak nang buong puso natin, at sinisikap gawin ang iniutos ng Diyos sa atin, matatagpuan natin ang paggaling at kapayapaan, kaligayahan at kahulugan ng buhay. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.