Pinangunahan ni Pangulong Nelson ang Landas na Tatahakin
Pinayuhan ni Pangulong Russell M. Nelson ang bawat isa sa atin na maging mas mabait, mas katulad ni Cristo, at mas espirituwal kapag nagmiminister tayo sa iba, at nagpakita siya ng halimbawa kung ano ang ibig sabihin nito sa paraan ng paglilingkod niya simula noong huling pangkalahatang kumperensya.
Hindi nagtagal pagkatapos ng pangkalahatang kumperensya noong Abril 2018, umalis si Pangulong Nelson kasama ang kanyang asawang si Wendy, at si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol at kanyang asawang si Patricia, patungo sa England, Israel, Kenya, Zimbabwe, India, Thailand, China, at Hawaii, USA.
Sa sumunod na paglalakbay, nakaharap ni Pangulong Nelson ang mga miyembro, missionary, lider, at mga kaibigan ng Simbahan sa kanluran, gitna, at silangang Canada; Seattle, Washington, USA; at Dominican Republic—kung saan siya nagsalita sa wikang Spanish, ang unang pagkakataon na nagbigay ang isang Pangulo ng Simbahan ng mahabang mensahe sa wikang hindi Ingles.
Sa mga pulong at fireside, si Pangulong Nelson ay nagturo ng tungkol sa tamang pangalan ng Simbahan; nagbahagi ng ebanghelyo sa iba; pinahalagahan ang Aklat ni Mormon; kung paano mas gumaganda ang buhay sa pamumuhay ng ebanghelyo; kung paanong ang paraan ni Cristo ay paraan ng kagalakan at kaligayahan, ngayon at sa kawalang-hanggan; panalangin; gawing santuwaryo ang tahanan para sa mga anak; paggamit ng kalayaan para mapaglabanan ang tukso at masunod ang Tagapagligtas; pagmamalasakit sa kapwa; at paghahanda sa pagtanggap at makatanggap ng mga pagpapala na nagmumula sa templo.
Nagsalita rin sina Pangulo at Sister Nelson sa isang pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan noong Hunyo 3, 2018, kung saan sinabi ni Pangulong Nelson na ang mga kabataang nakibahagi sa “hukbo ng Panginoon” at tumulong na tipunin ang Israel ay may pagkakataong maging “bahagi ng isang bagay na malaki, maringal, at dakila!” Hinikayat niya ang mga kabataan na iwasan ang palagiang paggamit ng social media, magsakripisyo ng kaunting oras sa Panginoon, gumawa ng masusing pagsusuri ng sariling buhay sa Panginoon, manalangin araw-araw na matanggap ng lahat ng anak ng Diyos ang ebanghelyo, at maging liwanag sa sanlibutan.